Ang Bahagi ng Relihiyon sa mga Digmaan ng Tao
Ang Bahagi ng Relihiyon sa mga Digmaan ng Tao
“KAILANMAN ay hindi pa nagkaroon ng bayan na walang anyo ng relihiyon,” sabi ng The World Book Encyclopedia (edisyon ng 1970). Gayunman, ang mga mananalaysay na sina Will at Ariel Durant ay sumulat: “Ang digmaan ay isa sa hindi nagbabago sa kasaysayan.” May kaugnayan ba ang dalawang hindi nagbabagong bagay na ito, ang digmaan at relihiyon?
Oo, sa buong kasaysayan, ang digmaan at ang relihiyon ay laging magkasama. Tungkol sa Ehipto, isa sa unang kapangyarihang pandaigdig sa kasaysayan, ipinaliwanag ni Lionel Casson sa kaniyang aklat na Ancient Egypt: “Ang mga diyos ay binibigyan ng papuri sa bawat tagumpay ng militar; at hangad pa ang higit na kayamanan, ang mga pari ay lalong nanabik na gaya ng mga faraon para sa higit pang panlulupig sa ibayong dagat.”
Kahawig nito, ang klerigong si W. B. Wright ay nagsabi tungkol sa Asirya, isa pang sinaunang kapangyarihang pandaigdig: “Ang pakikipagbaka ang gawain ng bansa, at ang mga pari ang walang tigil na mga tagasulsol ng digmaan. Sila ay pangunahin nang tinutustusan mula sa mga samsam ng pananakop.”
Tungkol sa kung ano ang tinawag niyang “barbarong Europa,” si Gerald Simons ay sumulat: “Ang kanilang lipunan ay payak, lubhang organisado para sa isang gawain, ang pakikidigma.” At kasangkot ang relihiyon. “Maraming alamat ang nagsasaysay tungkol sa mga tabak na pinaninirahan ng mga demonyo, o mga tabak na kumikilos bilang mga ahente ng mga diyos,” sabi ni Simons.
At, ang kalagayan sa Imperyong Romano, na itinuturing na lubhang sibilisado, ay nahahawig. “Ang mga Romano ay pinalaki upang makipagdigma,” paliwanag ni Moses Hadas sa aklat na Imperial Rome. Ang mga sundalong Romano ay nagdala ng mga estandarte na nagtataglay ng mga emblema ng kani-kanilang diyos. Sabi ng isang ensayklopedia: “Karaniwan na para sa isang heneral na mag-utos na maghagis ng isang estandarte sa hanay ng kaaway, upang makaragdag ng sigasig sa pagsalakay ng kaniyang mga sundalo sa pagpukaw sa kanilang damdamin na bawiin ang estandarte sapagkat pinahahalagahan nila ito marahil bilang ang pinakasagradong bagay na tinataglay ng lupa.”
Digmaan at ang Nag-aangking mga Kristiyano
Ang paglitaw ng Sangkakristiyanuhan sa tanghalan ng daigdig ay hindi bumago sa mga bagay. Sa katunayan, isinulat ni Anne Fremantle sa aklat na Age of Faith: “Sa lahat ng mga digmaan na ipinakipagdigma ng tao, wala nang hihigit pa sa sigasig niyaong mga digmaang ipinakipagbaka alang-alang sa pananampalataya. At tungkol sa ‘mga sagradong digmaan’ na ito, wala nang mas madugo at mas malawak kaysa mga Krusadang Kristiyano noong mga Edad Medya.”
Kamangha-mangha, kahit na sa ngayon kaunti lamang ang nagbago. “Ang pakikipagbaka at pagkamatay sa ilalim ng mga bandera ng relihiyon ay nagpapatuloy na may marahas na pamamalagi,” ulat ng magasing Time. “Ang mga Protestante at mga Romano Katoliko sa Ulster ay nagpapatuloy sa walang-saysay na pagpapatayan sa isa’t isa. Ang mga Arabe at mga Israeli ay maigting na sinusubaybayan ang mga kalalabasan ng mga isyu tungkol sa pinagtatalunang teritoryo, kultura at relihiyon.” Bukod pa riyan, ang etniko at relihiyosong mga pagkakaiba ang siyang may pananagutan sa kakila-kilabot na walang-awang mga pagpatay sa dating mga republika ng Yugoslavia, gayundin sa mga bansa sa Asia.
Hindi kapani-paniwala, ang nag-aangking mga Kristiyano ay kadalasang nakikipagdigma laban sa mga miyembro ng kanila mismong relihiyon. Kaya, pinapatay ng mga Katoliko ang mga Katoliko sa mga larangan ng digmaan. Inamin ng Katolikong mananalaysay na si E. I. Watkin: “Masakit mang aminin, hindi natin maikakaila o maipagwawalang-bahala sa kapakanan ng maling aral o di mapagkakatiwalaang katapatan ang makasaysayang katotohanan na patuloy na itinaguyod ng mga Obispo ang lahat ng digmaan na ipinakipagbaka ng pamahalaan ng kanilang bansa. Wala akong nalalamang isa mang pagkakataon kung saan kinondena ng pambansang herarkiya na hindi makatarungan ang anumang digmaan . . . Anuman ang opisyal na teoriya, sa gawain ang ‘aking bansa ay laging tama’ ang naging salawikaing sinusunod sa panahon ng digmaan ng mga Obispong Katoliko.”
Gayunman, iyan ay hindi lamang salawikain ng mga Katoliko. Ganito ang sabi ng isang editoryal sa Sun ng Vancouver, Canada: “Hindi maiiwasan ng Protestantismo ang mga puwersang ito ng pagkanababahagi ng bansa. Isa itong kahinaan ng marahil lahat ng organisadong relihiyon na ang simbahan ay sumusunod sa watawat . . . Anong digmaan ang kailanma’y ipinakipagbaka kung saan ang Diyos ay sinasabing wala sa magkabilang panig?”
Maliwanag na wala ni isa mang digmaan! Ang klerigong Protestante na si Harry Emerson Fosdick ay nagsabi: “Maging sa ating mga simbahan ay iniwagayway natin ang mga bandila ng digmaan . . . Pinuri natin ang Prinsipe ng Kapayapaan at kasabay nito’y niluwalhati natin ang digmaan.” At ang kolumnistang si Mike Royko ay nagsabi na ang mga Kristiyano ay hindi kailanman “naalibadbaran tungkol sa pakikipagdigma sa ibang mga Kristiyano.” Paliwanag niya: “Kung sila’y naalibadbaran, karamihan ng pinakamaaksiyong mga digmaan sa Europa ay hindi sana nangyari.” Kapansin-pansin sa mga digmaang ito ang Tatlumpung Taóng Digmaan sa Alemanya sa pagitan ng mga Protestante at mga Katoliko.
Tiyak, ang mga katotohanang ito ay pawang napakaliwanag. Ang relihiyon ay naging isang tagapagtaguyod at, kung minsan, promotor pa nga ng mga digmaan. Kaya, marami ang nagtatanong: Talaga bang pinapanigan ng Diyos ang isang bansa kaysa iba sa panahon ng digmaan? Itinataguyod ba niya ang anumang bansa kapag nagdirigma ang mga bansa? Darating pa kaya ang panahon na mawawala na ang digmaan?
[Blurb sa pahina 3]
Sa mga hanay na kaaway, inihahagis ng mga sundalong Romano ang mga estandarte na nagtataglay ng mga emblema ng kani-kanilang diyos