Mga Alaala Ko Bilang Isang Mananalaysay ng Militar
Mga Alaala Ko Bilang Isang Mananalaysay ng Militar
Ang petsa ay Agosto 25, 1944. Ang lugar: Paris, Pransiya. Habang ang aming jeep ay patungo sa malawak na Champs Élysées, ilang ulit na kailangan naming lumabas ng jeep at manganlong sa mga pintuan habang ang mga bala buhat sa mga namamaril na Nazi ay naglipana sa kabilang kalye.
ANG araw na iyon ang nagsimula sa paglaya ng Paris mula sa mga hukbo ni Hitler noong Digmaang Pandaigdig II, at kabilang ako sa unang mga Amerikano na nakapasok sa lungsod. Nagdagsaan ang maraming masasayang lalaki at babaing Pranses sa mga lansangan upang salubungin kami bilang mga tagapagpalaya. Nagpalipas kami ng gabi sa isang maluhong otel na noong umagang iyon ay nilisan ng matataas-ranggong mga opisyal na Aleman.
Ako’y nasa Europa bilang isang miyembro ng pangkat pangkasaysayan na nagtatala sa mga operasyon ng Ikatlong Hukbo ng E.U., na nasa ilalim ng pag-uutos ni Heneral George S. Patton, Jr.
Mga Tanong na Ibinangon ng Digmaan
Mga ilang araw bago pumasok sa Paris, kami’y nagpatakbo ng sasakyan sa makikipot na daan na kamakailan lamang ay inalisan ng nakahambalang na sunog na mga tangkeng Aleman. Kami’y huminto sa isang nakukutaang dako sa gubat na sinakop kamakailan ng mga hukbo ng E.U. Nagkalat ang mga bangkay ng mga sundalong Aleman, pilipit at gutay-gutay. Ang mga hibilya ng kanilang sinturon ay may nakasulat, “Ang Diyos ay sumasaamin.” Gayunman, sa isang kalapit na batong pader, isang sundalong Aleman ang sumulat ng pagsamo, “Lider [Hitler], tulungan mo kami!”
Ang dalawang pangungusap na iyon ay tumimo sa aking isipan. Sa isang panig, iginiit ng rehimeng
Nazi na ang Diyos ay sumasakanila, ngunit sa kabilang panig naman, ang sundalo ay sumasamo ng kaligtasan sa führer, si Hitler. Natalos ko na ang kabalintunaang ito ay hindi natatangi sa mga Aleman. Karaniwan ito sa magkabilang panig sa kakila-kilabot na labanang ito. Kaya ako ay nagtanong, ‘Ang Diyos ba ay may pinapanigan sa mga digmaan? Nakaninong panig ang Diyos?’Mga Digmaan at mga Salagimsim ng Digmaan
Ako’y isinilang sa Butte, Montana, noong 1917, ang taon na pumasok ang Amerika sa unang digmaang pandaigdig. Pagkaraang magtapos sa isang pribadong akademya noong 1936, ako’y pumasok sa Stanford University sa California. Gayunman, nasumpungan kong nakababagot ang kahilingang mga kurso sa unang taon kung ihahambing sa nakapupukaw-damdaming mga pangyayari na nagaganap sa buong daigdig. Nilusob ng Hapón ang Tsina, sinakop ni Mussolini ang Ethiopia, at ang Gera Sibil sa Espanya ay nagngangalit. Sa digmaang iyon sinusubok ng mga Nazi, Pasista, at mga Komunista ang kanilang mga sandata at mga estratehiya bilang pagsasanay para sa Digmaang Pandaigdig II, samantalang walang ginagawa ang Liga ng mga Bansa.
Pagkatapos ng dalawang semestre, huminto ako ng pag-aaral sa kolehiyo, pinipili sa halip, na may pahintulot ng aking ama, na gamitin ang nalalabing perang itinabi para sa aking edukasyon na maglakbay sa Europa at Aprika. Tinawid ko ang Atlantiko noong taglagas ng 1938 sakay ng isang barkong Aleman, ang Deutschland, at nakipagdebate ako sa may kabataang mga opisyal na Aleman na nasa barko tungkol sa kaukulang lakas ng Alemanya ni Hitler laban sa mga imperyong Britano at Pranses. Sa Paris ay pinag-uusapan ng mga tao ang tungkol sa pinakahuling mga banta, pagmamayabang, at mga pangako ni Hitler, gayunman ang araw-araw na takbo ng buhay ay nagpapatuloy. Samantalang dinadalaw ang Tangier, sa Aprika, naririnig ko paminsan-minsan ang mga tunog ng digmaan sa giniyagis-ng-gera-sibil na Espanya, sa ibayo lamang ng Strait of Gibraltar.
Nang ako’y bumalik sa Estados Unidos noong 1939, nagkaroon ako ng mga salagimsim tungkol sa ating panahon. Pagkatapos salakayin ng mga Hapones ang Pearl Harbor noong Disyembre 1941, dinadala ang Estados Unidos sa Digmaang Pandaigdig II, ako’y sumama sa Army Transport Service bilang isang sibilyan. Noong 1942, samantalang ako’y nasa Alaska, ako’y tumanggap ng patawag mula sa lupon na nangangalap ng hukbo.
Tungo sa British Isles
Pagkatapos kong dumalaw sa bahay, ako’y itinalaga sa hukbo at naistasyon sa States sa loob ng isang taon. Pagkatapos ako ay ipinadala sa Inglatera, ang aming komboy ay umalis sa East Coast ng Estados Unidos noong tagsibol ng 1944. Ang aking unang tikim ng digmaan ay nangyari sa Hilagang Atlantiko nang palubugin ng isang submarinong Aleman ang bapor na kasunod namin. Ang aming komboy ay naghiwa-hiwalay, at ang bawat bapor ay nagpatuloy nang walang tulong mula sa ibang bapor mula roon hanggang sa Liverpool.
Samantalang naghihintay ng atas sa isang depo sa Inglatera, ang mga sundalo ay tinipon para sa isang inihandang talumpati ng isang kapelyan ng hukbo. Nakabahala sa akin na hinimok ng mga kapelyan ang mga lalaki na makipagdigma laban sa mga miyembro ng kanilang sariling relihiyosong mga organisasyon sa panig ng kalaban, gayunma’y laging sinasabi na itinataguyod ng Diyos ang kanilang panig ng pakikipaglaban. Maliwanag, hindi maaaring itaguyod ng Diyos ang magkabilang panig.
Noong tagsibol ng 1944, ang British Isles ay punô ng Amerikano at Britanong mga sundalo at mga kagamitan. Si Heneral Patton (ibaba), kilala dahil sa kaniyang walang takot na mga taktika sa mga labanan sa Sicily at Hilagang Aprika, ay nagbigay ng pumupukaw-damdaming mga talumpati na nag-iwan sa mga sundalo na walang alinlangan sa kung bakit sila ay naroroon—upang pumatay ng hangga’t maaari’y maraming kaaway sa pamamagitan ng lahat ng magagamit na sandata hanggang makamit ang tagumpay. Si Patton ay larawan ng isang makabagong gladiator: mataas, nasasandatahan at nakahelmet, at nakasuot ng puting uniporme—ang kaniyang dyaket na pandigma ay kumikinang sa mga star at mga dekorasyong militar. Matindi rin siyang magpakilos sa iba, lapastangang magsalita, at relihiyoso—siya’y nagdarasal bago makipaglaban.
Sa kaniyang “Panalangin
ng mga Sundalo” noong Enero 1, 1944, hiniling ni Patton: “Diyos ng aming mga Ama, na umakay sa amin sa tagumpay sa lupa at sa dagat, pakisuyong patuloy na ipagkaloob ninyo ang patnubay sa pinakadakila naming pakikipagbakang ito. . . . Pagkalooban po ninyo kami ng tagumpay, Panginoon.”Pagsalakay sa Europa
Noong Hunyo 6, 1944, tinawid ng sumalakay na mga hukbo ng Alyado ang English Channel sa pinakamalaking armada na kailanma’y nakita ng daigdig, lumulunsad sa mga baybayin ng Normandy na nakalantad sa militar na pagsalakay ng mga Aleman. Ang baybayin ay makipot pa rin nang lumunsad ang aming Ikatlong Hukbo pagkalipas ng 30 araw. Ginugol namin ang mga gabi sa mga hukay habang pinauulanan kami ng bomba ng mga eruplanong Aleman.
Noong Hulyo 25 ang mga hukbo ng Alyado ay umabante mula sa baybayin, at pagkalipas ng isang linggo ang aming Ikatlong Hukbo ay nagtungo sa Brittany Peninsula. Saka kami nagtungo pasilangan sa umaatras na mga hukbong Aleman sa Ilog Seine malapit sa Paris. Noong Setyembre, ang mga tangke at mga sundalo ni Patton ay nasa gawing silangan na ng Pransiya, pagkatapos ng isa sa kahanga-hangang labanang militar sa makabagong kasaysayan. Tuwang-tuwa, inaakala namin na ang wakas ng digmaan ay malapit na.
Gayunman, ang anumang posibilidad na iyon ay naglaho nang ang karamihan ng mga suplay at mga sundalo ay biglang inilayo tungo sa mga hukbo ng Britanong Mariskal de Kampo na si Montgomery sa gawing hilaga ng labanan. Isang malawakang pagsalakay ang ginawa roon sa mga pangkat na Aleman sa Holland. Subalit nangyari ang malaking sakuna nang isang airborne division ay di-sinasadyang lumapag sa gitna ng malakas na nasasandatahang pangkat ng mga Aleman at natalo. Ang natitirang pangkat ng Alyado ay hindi na makasugod pa, at ang pagsalakay ay nabigo.
Battle of the Bulge
Sinunggaban ni Hitler at ng kaniyang mga heneral ang pagkakataon na magpangkat-muli, tinatawag ang bagong mga reserba at palihim na tinitipon ang pagkalaki-laking panzer o pangkat ng mga tangke malapit sa kung saan lubhang kakaunti ang mga hukbo ng E.U. Ang pagsalakay ng Nazi, na tinatawag na Battle of the Bulge, ay nagsimula noong gabi ng Disyembre 16 sa ilalim ng makapal na ulap. Ito’y nilayon upang makalusob ang hukbong sandatahan ng Alemanya hanggang sa Hilagang Dagat, hinahati ang mga hukbong Alyado at binibihag ang kanilang pinakamahalagang daungan ng panustos.
Pinasok ng hukbong sandatahan ng Alemanya ang puwang na iyon at di-nagtagal ay nakubkob ang mga puwersang Amerikano sa Bastogne. Mabilis na binago ng Ikatlong Hukbo sa ilalim ni Heneral Patton ang direksiyon nito, at pagkatapos ng isang mahabang martsa, sa wakas ay dumating kami upang salakayin ang mga hanay ng panzer o tangke. Gayunman, dahil sa makapal na ulap at ulan na tumagal halos ng isang linggo, hindi magamit ang hukbong panghimpapawid.
Ang Panalangin ni Patton
May nangyari noong Disyembre 22 na umabot sa kaibuturan ng aking espirituwal na problema. Mga linggo bago nito, pinaghanda ni Heneral Patton ang kaniyang pangunahing kapelyan ng isang panalangin sa anyong pulyeto upang gamitin sa dakong huli sa Siegfried line na tanggulan ng mga Aleman na nasa kanluran ng Ilog Rhine. At naipamahagi na ngayon ni Patton ang 350,000 kopya ng panalangin sa loob ng ilang oras, isa sa bawat sundalo sa Ikatlong Hukbo. Ito’y nagsusumamo sa Ama na “patigilin ang malalakas na ulan na ito” at “pagkalooban mo po kami ng mabuting panahon para sa pakikipagdigma” upang “malipol [ng Hukbo ng E.U.] ang pang-aapi at kabalakyutan ng aming mga kaaway, at itatag ang Inyong katarungan sa gitna ng mga tao at mga bansa.”
Kapansin-pansin, nang gabing iyon ang langit ay biglang naging maaliwalas at nanatiling maaliwalas sa susunod na limang araw. Ito’y nagpangyari sa mga eruplanong pambomba ng Alyado na salakayin ang buong kahabaan ng mga hanay ng Nazi, lumilikha ng napakalaking pinsala at niwawasak sila. Ito’y nangahulugan ng wakas para sa pangwakas na pagsalakay ni Hitler, at ang kaniyang nalansag na hukbo ay nagsimulang umurong.
Tuwang-tuwa si Patton. “Sa palagay ko ay magpapalimbag pa ako ng 100,000 kopya ng mga panalanging iyon,” aniya. “Ang Panginoon ay nasa ating panig, at kailangang ipaalam natin sa Kaniya kung ano ang kailangan natin.” Subalit ako’y nagtanong, ‘Hindi kaya aaliwalas ang langit noong Disyembre 23 sa naipamahagi o hindi ang panalangin?’ Ipinaliwanag ng kawanihan ng panahon na isang cold front mula sa mga kapatagan ng Russia ang pumasok at pinawi ang kulimlim.
Sumuko ang Alemanya at ang Alemanya Pagkatapos ng Digmaan
Ang mga pagsalakay ng Alyado noong Tagsibol ng 1945 ang tumapos sa imperyo ni Hitler, ang pagsuko ay naganap noong Mayo 7, 1945. Noong araw na iyon ako’y nasa isang nayong Aleman sa Rhineland kung saan nakilala ko ang aking kaibig-ibig na mapapangasawa, si Lilly, isang taong ipinadpad ng digmaan mula sa Belgium. Noong Nobyembre 1945, tinanggap ko ang pagpapalabas sa akin sa hukbo at sumama ako sa pangkat pangkasaysayan, pananakop ng hukbong katihan ng E.U. sa Alemanya. Noong Disyembre, kami ni Lilly ay ikinasal ng alkalde ng Frankfurt.
Ang pangkat pangkasaysayan ay may misyon na iulat ang kasaysayan ng pananakop. Ginamit nito ang daan-daang bihag na mga heneral na Aleman sa pagsulat ng kasaysayan ng digmaan sa panig ng mga Aleman. Nanatili ako sa Alemanya ng limang taon bilang punong tagapag-ingat ng mga rekord at kasaysayan ng bayan. Pagkatapos, kasama ang aming dalawang anak, si Gary at si Lizette, kami ay nagtungo sa Estados Unidos.
Pagkatapos dumalaw sa aking mga magulang, ako’y nagpatala sa University of Montana. Inaakala ko na ang aking kaugnayan sa militar ay tapos na. Gayunman, noong tagsibol ng 1954, nang tatanggapin ko na lamang ang isang digri sa pagdadalubhasa sa antropolohiya, ibinalita sa akin ng dalawa sa aking dating mga kasamahan ang isang bukás na puwesto bilang direktor/curador sa U.S. Army Artillery and Missile Center Museum sa Oklahoma. Ako’y nag-aplay at tinanggap, at kami’y lumipat.
Mga Gawain sa Museo ng Militar
Minsan pa ako ay nakikitungo sa kasaysayan ng militar. Napasabak ako sa pananaliksik, pagtuklas ng mga artifact, eksibit, paglalakbay, lektyur, paghuhukay pang-arkeolohiya, at mga seremonyang militar at makasaysayan. Nag-organisa ako ng mga lalaki at mga kabayo na nakasuot ng seremonyal na kasuutan ng isang yugto ng kasaysayan na lumahok sa parada sa inagurasyon ng pangulo sa Washington, D.C., noong 1973. Itinatag ko rin ang isang bulwagang tanghalan ng mga watawat, inilalarawan
ang kasaysayan at mga tradisyon ng pambansang watawat at ng mga watawat ng pangkat-militar. Sa nakalipas na mga taon ang artillery museum ay lumaki mula sa isang gusali upang maging ang pinakamalaking museong militar sa bansa.Samantala, ang aming mga anak ay nagsisilaki. Ang aming anak na lalaki, si Gary, pagkatapos ng high school, ay walang direksiyon ang buhay. Sumama siya sa Marine Corps at naglingkod sa Digmaan sa Vietnam. Pagkatapos gumugol ng dalawang taon sa ibayong dagat, kami ay nagpapasalamat na makasama siyang muli na nakauwing ligtas. Maliwanag, hindi naingatan ng mga digmaan ang kapayapaan. Sa halip, nasaksihan natin ang patuloy na panoorin ng miyembrong mga bansa ng Nagkakaisang Bansa na nakikipagdigma sa isa’t isa habang pinipinsala ng gutom at sakit ang kanilang mga bansa.
Pagreretiro at Kabiguan
Sa wakas, pagkaraan ng 33 taon ng kaugnayan ko sa militar, ako ay nagpasiyang panahon na upang magretiro. Ang heneral komandante at ang mga tauhan ay nagdaos ng isang pantanging seremonya sa pagreretiro para sa akin, at ipinahayag ng gobernador ng estado ng Oklahoma ang isang araw sa aking pangalan, Hulyo 20, 1979. Mga liham ng papuri para sa aking mga naitulong sa mga larangan ng kasaysayang militar at mga museo ay tinanggap.
Dapat sana’y nag-uumapaw ang aking kaligayahan. Gayunman, kapag ginugunita ko ang aking nakaraan, hindi ako nasisiyahan. Sa halip na ilantad ang kakilabutan ng mga katotohanan ng digmaan, ang aking karera ay nakatalaga sa pagluwalhati rito, binibigyang-diin ang mga tradisyon, ang mga uniporme at mga medalya, ang mga sandata at mga taktika, ang mga ritwal at mga seremonya, at ang dingal at marangyang pagtatanghal. Kahit na si Heneral Dwight D. Eisenhower, nang maglao’y ang ika-34 na pangulo ng E.U., ay nagsabi: “Ang diwa ng digmaan ay apoy, taggutom at salot . . . Natutuhan kong kapootan ang digmaan. Walang nilulutas ang digmaan.”
Nang maglaon ay napag-alaman ko na ang nanay ni Eisenhower ay naging isa sa mga Saksi ni Jehova—isang relihiyon na nakaaapekto na sa akin sa pamamagitan ng pakikipag-aral sa Bibliya ng asawa ko sa mga Saksi. Siya ay naging bautisadong Saksi noong 1979, anim na buwan bago ang aking pagreretiro. Waring nagbago siya. Gayon na lamang ang kaniyang kagalakan at pagnanais na ibahagi ang natutuhan niya anupat ang aming anak na lalaki at ang misis niya, si Karin, ay nagsimulang mag-aral ng Bibliya, at sa loob ng isang taon sila man ay naging bautisadong mga Saksi.
Gayunman, ako’y nag-aalinlangan. Para bang malayong mangyari na ang Diyos ay aktuwal na makikialam sa mga suliranin ng tao at wawakasan ang sanlibutang ito at magdadala ng isang bago, walang-digmaang daigdig. At, ako man ay nagsimulang makipag-aral sa mga Saksi, pangunahin na upang alamin kung ang kanilang relihiyosong mga paniwala ay may anumang matibay na saligan. Dahil sa aking pinagdaanan at sanay na mga kakayahan sa pananaliksik, inakala ko na hindi magtatagal ay makikita ko ang mga kamalian at mga pagkakasalungatan sa kanilang mga paniwala.
Isang Bagong Paraan ng Pamumuhay
Gayunman, habang sumusulong ang aking pag-aaral sa Bibliya, agad kong nasumpungan kung gaano ako kamali. Ang aking pag-aalinlangan ay naglaho habang naaalis ang kawalang-alam ko sa relihiyon sa gayo’y nakikita ko nang maliwanag ang katotohanan. Tunay, nakikita ko na may matibay na saligan na magtiwala sa pangako ng Diyos na isang bagong sanlibutan ng katuwiran. (2 Pedro 3:13; Apocalipsis 21:3, 4) At anong laking ginhawa na malaman na ang mga kasamaan at mga kawalan ng katarungan sa ngayon na palasak sa sangkatauhan ay umiiral sapagkat si Satanas, hindi ang Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat, ang pinuno ng sistemang ito ng mga bagay! (Juan 14:30; 2 Corinto 4:4) Kaya, ang Diyos na Jehova ay wala sa alinmang panig sa mga digmaan ng mga bansa, gayunman siya ay nagmamalasakit sa mga tao.—Juan 3:16.
Noong 1983, ako’y nabautismuhan sa isang kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova sa Billings, Montana, sa gayo’y sinasagisagan ang aking pag-aalay kay Jehova. Ang aking anak, si Gary, at ako ay naglilingkod bilang matatanda sa aming kani-kaniyang kongregasyon. Kami ni Lilly ay lubusang nagpapasalamat na binuksan ni Jehova, sa pamamagitan ng kaniyang Salita at ng kaniyang mga Saksi, ang aming mga puso sa mga katotohanan ng Bibliya anupat naunawaan namin ang kahulugan ng kapaha-pahamak na mga pangyayari na nagtatanda sa salinlahing ito. (Mateo 24:3-14; 1 Juan 2:17)—Gaya ng inilahad ni Gillett Griswold.
[Picture Credit Line sa pahina 9]
Ang mga taga-Paris ay nangalat habang ang mga Aleman ay nagsimulang magbabaril, Agosto 1944 (U.S. National Archives photo)
[Picture Credit Line sa pahina 10]
U.S. National Archives photo
Larawan sa pahina 11]
Sira at sunog na mga tangkeng Aleman, Pransiya, 1944
[Credit Line]
Kagawaran ng Tanggulan ng E.U.