Mula sa Aming mga Mambabasa
Mula sa Aming mga Mambabasa
Negatibong mga Damdamin Ako’y 12-taóng-gulang na batang babae, at ako’y talagang nasiyahan sa mga serye ng artikulong “Maaari Mong Supilin ang Negatibong mga Damdamin.” (Oktubre 8, 1992) Ako’y nagkaproblema sa aking mga kaibigan at mga kaeskuwela. Ang dahilan ng lahat ng ito ay ang negatibong paraan ng pangmalas ko sa mga bagay-bagay noon. Tinuruan ako ng mga artikulo na magkaroon ng higit na positibong pangmalas.
A. C., Italya
Palibhasa’y tumanggap ako ng paggamot sa nakaraang dalawang taon dahil sa sunud-sunod na mga suliranin sa emosyon at hormone, batid ko mula sa karanasan na mabisa ang inyong mga mungkahi. Kamakalawa lamang ako’y nakaranas ng binat at talagang nais ko nang sumuko. Ang aking napakamatiising asawang lalaki ay nagsabi na basahin kong muli ang mga artikulo. Nilalaman nito ang lahat ng pampatibay-loob na minimithi ko at nagbigay sa akin ng lakas ng loob na subukin muli.
J. L., Inglatera
Nakahihiyang mga Magulang Salamat sa artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Ano Kung Dinulutan Kami ng Kahihiyan ng Aking mga Magulang?” (Oktubre 22, 1992) Ito’y labis na nakapagpalakas ng loob sa akin. Pinagbawalan ako kamakailan ng aking ama na dumalo sa Kristiyanong mga pagpupulong. Gayunman, ang pagbabasa ng inyong mga artikulo ay tumulong sa akin na maunawaan na hindi ako nag-iisa sa ganitong kalagayan at na maaasahan ko ang tulong ni Jehova.
K. L. R., Pransiya
Ang aking ama ay isang di-aktibong Kristiyano. Ang aking ina ay itiniwalag mula sa kongregasyon at sumasalansang sa katotohanan. Minsan ay pinagkaitan niya ako ng pagkain ng mahigit na 36 na oras dahil ako’y lumabas sa larangan. Ako’y binugbog din niya. Kung minsan ako’y napapaiyak dahil sa espirituwal na kalagayan ng aking mga magulang. Kaya naman hindi ninyo maguguniguni kung paano napalakas ang aking loob at napatibay ang aking pananampalataya ng inyong artikulo. Ako’y determinadong sumunod sa mga simulain ng Bibliya.
E. J., Nigeria
Ako rin ay may amang tiwalag at marami sa mga kapatid ko ang sinaway o natiwalag. Inilalarawan din ako ng iba na magiging gaya nila, subalit ako’y may asawa na ngayon at nabuo ko ang aking unang taon bilang isang buong-panahong ebanghelisador. Oo, totoong mapatutunayan mo sa iyong sarili na naiiba ka.
D. R., Estados Unidos
Pagmamasid sa Daigdig Salamat sa inyong paglalathala ng maiikling balita sa “Pagmamasid sa Daigdig.” Yamang ako’y may gayong nabubukod, simpleng buhay, kailangan kong patuloy na tiyaking muli sa aking sarili na ito na nga ang mga huling araw. Ang “Pagmamasid sa Daigdig” ay naging isang malaking tulong sa pagkumbinsi sa akin kung gaano totoong kalunus-lunos at kasamâ ang matandang sanlibutang ito. Pakisuyong patuloy na maglathala nito nang palagian.
M. G., Estados Unidos
Liham Para sa mga Magulang Napaiyak ako sa artikulong “Isang Liham kay Inay at kay Itay” (Oktubre 8, 1992). Ipinabatid nito kung gaano kahirap ang kalagayan ng aking mga magulang sa pagpapalaki ng walong mga anak. Kaya sa edad na 42, ako’y sumulat ng aking sariling liham para kina Inay at Itay.
J. D., Estados Unidos
Ang pagbabasa nito ay napakasakit sapagkat hindi ako binigyan ng aking mga magulang ng anuman sa mga bagay na nabanggit ng kabataang lalaki. Subalit sa aking muling pagbabasa, nabatid ko kung gaano ang nagawa sa akin ni Jehova, ang ating makalangit na Ama, at sa marami pang iba. Itinuro niya sa akin ang pagmamahal at dinisiplina ako kung kinakailangan. Sa gayon, ako’y nabigyan niya ng kaginhawahan mula sa kapaitang dinanas ko sa aking pagkabata.
C. A., Estados Unidos