Pagmamasid sa Daigdig
Pagmamasid sa Daigdig
Sino ang May Gusto sa mga Bata?
“Sa Iyo na ang mga Bata Mahal Ko, sa Akin ang Pera.” Ang ulong-balita na ito sa Mainichi Daily News ang bumuod sa mga kasagutan ng mga Haponesa sa kung ano ang kanilang nais tanggapin kung sakaling sila’y magdiborsiyo. Ayon sa isang kamakailang surbey ng Hakuhodo, isang kompanyang nag-aanunsiyo, ang tatlong nangungunang prayoridad ay mga ipon sa bangko, salapi, at mga bahay bakasyunan. Ang ikaapat ay ang mga anak na lalaki, sinundan ng mga anak na babae, pagkatapos ay mga bahay, mga telebisyon, mga gawang sining, at mga bag na pambabae. Ang mga ama rin ay may kaunting panahon para sa kanilang mga anak. Nasumpungan ng isang hiwalay na surbey ng Tokai Bank na 69 na porsiyento ng mga amang Hapones ay nagsasabi na sila’y lubhang abala sa trabaho upang gumugol ng panahon sa pakikipag-usap sa kanilang mga anak. Sa katunayan, 22 porsiyento ay nagsasabi na wala naman silang magkatulad na interes upang ipakipag-usap sa kanilang mga anak.
Mga Okultistang Katoliko
Ang pagkabighani sa sobrenatural ay waring lumalaganap sa dumaraming mga Katoliko. Ang mga klerigong Katoliko ay humihiling sa pag-aalis ng “eklesiyastikong pagbabawal sa gawain ng espiritismo,” sabi ng lingguhang babasahing Katolikong Il Sabato. Dahil sa kanilang interes sa okulto, ang ilang Katolikong lider at ang kanilang mga tagasunod ay kilala bilang mga “Cath-occultist.” Sila’y kumbinsido na maaari nilang makausap ang patay, maisasapelikula ang mga ito sa pamamagitan ng kamerang video, at mairerekord ang kanilang mga tinig sa tape recorder. Ang akademya ng isang unibersidad may kaugnayan sa papa ay nag-alok ng isang popular na kurso sa mga pag-aaral ng sobrenatural. Subalit hindi lahat ay sumasang-ayon. Isang Jesuita na nagtuturo sa isa pang pamantasan ng papa ay nagsabi: “May isang mas ligtas at mas marangal na paraan ng pakikipag-usap sa mga patay: panalangin.” Gayunman, ipinaliliwanag ng Bibliya na ang patay ay walang nalalaman at na imposibleng makipagtalastasan sa kanila, anumang paraan ang gamitin.—Eclesiastes 9:5.
Mas Matatabang Bata—Bakit?
“Ang mga bata sa ngayon ay mas matataba at mas palaupo higit kailanman,” ulat ng The Toronto Star. “Ang labis na katabaan sa mga bata ay dumaming bigla sa nakaraang 20 taon,” banggit ni Dr. Oded Bar-Or, patnugot ng nutrisyon sa mga bata sa Chedoke-McMaster Hospitals sa Hamilton, Canada. Tinukoy ng mga pagsusuri na ang kawalan ng ehersisyo at ng timbang na pagkain ang dahilan. Kung magpapatuloy ang kausuhan, nangangamba ang mga doktor na magkakaroon ng mabilis na pagbaba sa antas ng kalakasan ng katawan ng mga bata. Ayon sa Star, “kinilala [na ng mga doktor] ang kawalan ng ehersisyo bilang isang mapanganib na salik sa . . . sakit sa puso, mataas na presyon ng dugo, diabetes at sakit sa buto.” Si Dr. Bar-Or ay naghihinuha na “ang di-aktibong bata ay malamang na maging matabang-mataba na adulto.” Iminumungkahi niya ang aktibong istilo ng pamumuhay.
Pinahirapan ng Matitinding Sakit ng Ulo
Tinataya ng mga dalubhasa na mga 15 milyon katao sa Pederal na Republika ng Alemanya ang nagdurusa mula sa iba’t ibang uri ng mga sakit ng ulo. Ang isang pinakakaraniwang anyo ay ang migraine, na apat na ulit na nakaaapekto sa kababaihan kaysa kalalakihan. Ang pag-atake ng migraine ay tumatagal ng halos 18 oras, at karaniwan nang pinaniniwalaan na walang lunas para sa karamdamang ito. Isa pa, iniuulat ng Süddeutsche Zeitung na “hindi kukulangin sa 1.5 milyong Aleman ang nakararanas ng patuloy na pagsakit ng ulo sanhi ng mga pamatay-kirot.” Ang suliranin ay lumilitaw pagka ang isa ay palaging umiinom ng mga pamatay-kirot sa loob ng maraming taon upang maibsan ang mga sakit ng ulo. Isinusog pa ng pahayagan na ang tanging mabisang paggamot sa uring ito ng sakit ng ulo ay huminto sa pag-inom ng mga gamot.
Isang Lunas Para sa Ketong
Ang mga ketongin ba ay dapat iwasan o pagkaitan ng trabaho? Hindi ayon sa isang artikulo ng magasin sa Timog Aprika na Farmer’s Weekly. Si Okkie Kruger ng Leprosy Mission ay nagsabi: “Sa loob lamang ng ilang oras ng pagpapasimula ng paggamot, hindi na sila nakahahawa at maaaring mamuhay nang normal kasama ng kani-kanilang pamilya.” Ni ang mga biktima man ay permanenteng mababalda kung sila’y tatanggap ng paggamot nang maaga-aga, yamang “ang malawakang pag-unlad ay nagawa na sa paggamot ng sakit noong nakalipas na dekada” ng isang multidrogang terapi. Iniulat ng Farmer’s Weekly na ayon sa World Health Organization, nasa pagitan ng 10 milyon at 15 milyon katao ang may ketong sa mundo.
Polusyon ng Paninigarilyo
Nakapagpapabuti ba ng kakayahang mag-isip ang paninigarilyo? Maraming naninigarilyo ang nagsasabi na gayon nga. Gayunman, ipinakikita ng kamakailang pananaliksik sa Estados Unidos ang kabaligtaran. Pinahihina ng paninigarilyo ang pagtutuon ng isip at pinipinsala ang pangmatagalang memorya, sabi ng Guardian Weekly sa isang ulat sa isang pagsusuring ginanap sa Washington College sa Maryland. Nasumpungan din na pinipinsala ng paninigarilyo ang biglang pagtugon sa di-inaasahang mga pangyayari. Sa isang pagsubok sa mga kasanayan sa pagmamaneho, nasumpungan na ang mga naninigarilyo ay 3.5 ulit na mas malamang na
magkaroon ng aksidente sa pagmamaneho kaysa mga hindi naninigarilyo. Ang dahilan? Ipinalalagay ng mga doktor na ang malaong paninigarilyo ay maaaring makaapekto sa suplay ng dugo sa mga dako sa utak na nagpoproseso ng impormasyon.Kabiguan sa Pagsubok ng Katapatan
Isang armored truck na naghahatid ng mga bag ng pera sa isang bangko sa New York City ay di-sinasadyang nakahulog ng dalawang bag ng pera sa isa sa pinakaabalang haywey sa lungsod. Biglang napahinto ang trapiko. Ang mga bag “ay sumambulat, pinaulanan ang mga motorista ng mga dolyar na papel sa loob ng ilang minuto,” ulat ng Newsday. Sa mahigit na $300,000 na nasa loob ng bag, mga $3,500 lamang ang nabawi. Karaniwan na, ipinagbabawal sa New York ang mag-ingat ng salaping napulot pagka ito’y lumabis sa $20. Inilalarawan ang pangyayari, isang opisyal ang nagsabi: “Tulad ito ng paghahagis ng isang pirasong karne sa mga pating. Ang mga tao ay nag-aagawan ng salapi sa isa’t isa.” Ang ilan ay nagmungkahi sa isang tagapagsalitang pulis na magtatag ng isang pantanging numero ng telepono para sa mga taong nagnanais na magsauli ng salapi. Iniulat na ang tagapagsalita ay “waring pansamantalang natigilan, pagkatapos ay natawa.”
Ang Pagbabalik ng Pumapatay na mga Mikrobyo
Waring minaliit ng mga siyentipiko ang kakayahan ng ilang mikrobyo na nagdadala ng sakit. Paglipas ng mga taon ng malawakang pinuring mga tagumpay laban sa mapanganib na mga mikrobyo, “nag-uulat ang mga doktor ng lumalagong kahirapan sa paggamot ng iba’t ibang impeksiyon,” ulat ng U.S.News & World Report. Sinabi ng magasin na ang ilang mikrobyo ay nagpapamalas ng “matalinong henetikong mga estratihiya na nagpapahintulot sa kanila na daigin ang pag-unlad ng bagong mga antibayotik.” Ang mga ospital, mga day-care center, at mga bahay kalinga ay pinagmumulan ng mga sakit na gaya ng meningitis at tuberkulosis. Kabilang sa mga dahilan ng pagdami ng mikrobyo ay ang mabilis-kilos na pakikialam ng tao sa dating tahimik na mga lupain. “Samantalang ang mga tao ay lumilipat sa maraming lugar at nalalaluan ang ibang mga hayop, sila’y nagiging mas kahali-halinang mga target,” sabi ng U.S.News & World Report. Sinabi ng isang dalubhasa na “para sa mga parasito at mikrobyo, ang mga tao ngayon ang napiling puntiryahin.”
Ang Halina ng Telebisyon
Kung ikaw ay alukin ng isang milyong dolyar upang huwag nang manood ng telebisyon sa buong buhay mo, gagawin mo ba ito? Kawili-wili, 1 sa bawat 4 na mga Amerikano ay hindi gagawa nito, ulat ng International Herald Tribune. Ayon sa isang surbey na isinagawa ng magasing TV Guide, kalahati sa mga sinurbey ay nagsabi na hindi nila aalisin ang TV kung wala pang isang milyong dolyar. Sa kabaligtaran, 1 sa bawat 4 ay nagsabi na handa siyang tumigil ng panonood ng TV habang buhay kahit sa mababang halaga na $25,000. Karamihan ng mga tao ay nagsabi na hindi sila gaanong nanood ng TV kaysa noong nakalipas na dalawang taon, subalit 1 lamang sa 8 katao ang nakadama ng pagkakasala sa sobrang panonood ng telebisyon.
Salapi at ang Iglesya
Ayon sa La Maga, isang magasin sa Argentina, 3 porsiyento lamang ng mga Katolikong taga-Argentina ang dumadalo ng Misa. Gayunman, ang Argentina ang tanging nananatiling bansa sa mundo na may artikulo sa Konstitusyon nito na nag-uutos sa pamahalaan na suportahan sa pinansiyal ang Iglesya Katolika. Ang mga batas ay isinabatas na nagtatakda ng mataas na sahod para sa mga obispo na taga-Argentina at iba pang mga pinunong Katoliko. Pagkatapos sumahin ang salapi, mga eksemsiyon, mga salaping tulong ng pamahalaan, at iba pang mga pribilehiyong ipinagkaloob, ang kabuuang halaga ng tulong ng gobyerno ay umabot sa taunang minimo ng 246 milyong piso ($245 milyon, U.S.). Saan galing ang salapi? Mula sa gobyerno. Subalit kinukuha ng gobyerno ang salaping ito mula sa “lahat ng mga taga-Argentina—anuman ang kanilang relihiyosong paniniwala,” sabi ng La Maga.
Ang Pakikibaka Laban sa Mga Magnanakaw ng Kotse
Ang nakatagong mga transmiter, maliit anupat husto upang iyong tangnan, ay tumutulong sa mga pulis sa pagtunton ng ninakaw na mga kotse, ulat ng International Herald Tribune. Sinabi ng isang kompanya sa Estados Unidos, na nakapagkabit sa halos 150,000 kotse ng $600 halagang kasangkapan na tumutunton sa kinaroroonan ng kotse, na 95 porsiyento ng 3,500 ng mga kosteng nakabitan ng transmiter na ninakaw mula noong 1986 ay nabawi. Sa pagsisikap na iwasan ang pagkadakip, minamaneho ng ilang magnanakaw ngayon ang isang ninakaw na kotse sa layong ilang milya lamang at pagkatapos ay ipaparada ito. Kung ang kotse ay hindi kinuha muli sa loob ng ilang araw, ipinapalagay ng mga magnanakaw na ito’y hindi nakabitan ng transmiter.
Pumapatay rin ng mga Ina ang Aborsiyon
Tinataya na “sa bawat minuto isang babae ang namamatay bilang resulta ng pagbubuntis at panganganak,” ulat ng magasing Choices. Isinusog pa ng magasin na “mahigit sa kalahating milyong ina ang namamatay bawat taon mula sa mga sanhing may kaugnayan sa pagbubuntis. At sa bawat babaing namamatay, 100 pa ang nagkakasakit o nagiging baldado.” Sa Latin Amerika, halos 1 sa bawat 73 babae ang namamatay mula sa mga komplikasyon sa panganganak. Sa Asia, tinataya na 1 sa bawat 54 na babae ang namamatay; at sa Aprika, 1 sa bawat 21. Ang mga bilang na ito ay napakataas kung ihahambing sa tumbasan ng 1 sa bawat 10,000 sa Kanlurang Europa. Kalakip sa mga dahilan ng mga kamatayang may kaugnayan sa pagbubuntis ay “aborsiyon, na siya lamang dahilan ng mahigit na 200,000 sa 500,000 kamatayan ng mga ina na nagaganap sa buong mundo bawat taon,” sabi ng Choices.