Saan Napunta ang Lahat ng Quaggas?
Saan Napunta ang Lahat ng Quaggas?
MASDAN mong mainam ang quagga (Equus quagga)—upang huwag kang madaya. Kung titingnan sa harap, ito ay mapagkakamalang isang zebra. Kung titingnan sa likod, ang mga quaggas ay mukhang mga kabayo. Sa tagiliran, ito ay mukhang zebra at kabayo—sapagkat ganiyan talaga ang hitsura ng quagga.
Nakalulungkot naman, ang iyong mga pagkakataon na kailanma’y makakita ng isang quagga ay nagwakas sa isang zoo sa Amsterdam noong Agosto 12, 1883, sapagkat noon namatay ang kahuli-hulihan sa eksotikong mga nilalang na ito. Lahat ng natitira sa ngayon ay 23 stuffed na mga quagga, pitong kalansay, at ilang artistikong mga guhit na gaya ng nakikita mo rito.
Kalunus-lunos nga! Dati-rati isang malaking kawan ng mga quagga ang naglululundag sa ibayo ng timog Aprika. Nang unang marinig ng mga Bushman at ng mga tribo ng Hottentot sa gawing timog ng Aprika ang tulad-ubong tahol ng mga quagga, natuwa sila anupat natural lamang na panganlan nila ang mga ito ayon sa tunog na kanilang ginagawa—“quagga, quagga.” Nakalulungkot nga, noong ika-19 na siglo, ang umaalingawngaw na tunog ng baril ng mangangaso ang tumiyak na ang quagga ay makakasama sa tahimik na mga ranggo ng nalipol na mga hayop.
Gayunman, ayon kay Mr. Reinhold Rau, pinuno ng taxidermy section ng Museo ng Timog Aprika sa Cape Town, may pag-asa pa. Papaano? Nang suriin ng mga dalubhasa ang DNA (deoxyribonucleic acid) ng tuyong himaymay ng kalamnan at dugo ng quagga mula sa stuffed na mga quagga, nasumpungang ang quagga ay isa lamang uri ng karaniwang zebra, o zebrang Burchell. Ito’y nangangahulugan na sa gitna ng karaniwang mga zebra, na mayroon pang malaking bilang, posibleng may nakatagong mga gene ng quagga na maaaring lumitaw sa pamamagitan ng selective breeding.
At iyan nga ang sinusuri ni Mr. Rau, at ng Quagga Experimental Breeding Committee. Mula sa lalawigan ng Natal sa Timog Aprika at sa Etosha game reserve sa Namibia, ang mga zebra na may bahagyang tanda sa kanilang mga paa sa hulihan at sa pigi ay pinipili at pinararami. Sa paano man ang unang mga bisiro na isinilang ay nagpapakita ng magandang mga resulta.
Di-tulad ng quagga, maraming uri ang malamang na hindi na makuhang muli. Ang nakatatakot na mga hula ay nagpapahiwatig na sa taóng 2000, kasindami ng 15 hanggang 20 porsiyento ng lahat ng nabubuhay na uri ng bagay sa lupa ay maaaring malipol. Ang kalunus-lunos na kawalang ito ng sari-saring nabubuhay na bagay ay pangunahin nang dahilan sa kapaha-pahamak na kilos ng tao. Sa gayon, ang programa upang muling makuha ang quagga ay isa lamang maliit na persentahe ng muling pagkuha sa lahat ng nanganganib malipol na mga uri ng buhay.
Gayunman ay may nakaaaliw na katiyakan. Sa isang hula na itinala sa huling aklat ng Bibliya, ang Apocalipsis, ang Maylikha ng lahat ng tinatayang sampu-sampung milyong uri ng buhay sa lupa ay nangangakong “ipapahamak ang mga nagpapahamak sa lupa.” (Apocalipsis 11:18) Kung wala nang kapaha-pahamak na mga puwersang iyon, wastong matutupad ng tapat na mga tao ang kanilang papel bilang mga tagapangalaga ng planetang Lupa.—Genesis 1:28; Isaias 11:6-9.
[Picture Credit Line sa pahina 24]
Sa kagandahang-loob ng Africana Museum, Johannesburg