Siyensiya—Ang Patuloy na Paghahanap ng Tao sa Katotohanan
Bahagi 2
Siyensiya—Ang Patuloy na Paghahanap ng Tao sa Katotohanan
Ang Paghahanap ay Nagsisimula
“WALANG nakaaalam kung sino ang unang nakatuklas ng apoy, nag-imbento ng gulong, gumawa ng busog at pana, o nagpaliwanag sa pagsikat at paglubog ng araw,” sabi ng The World Book Encyclopedia. Ngunit ang mga ito ay natuklasan, inimbento, ginawa, at ipinaliwanag, at ang daigdig ay hindi na kailanman naging gaya ng dati mula noon.
Ang mga tagumpay na ito ay maagang mga hakbang sa isang paglalakbay sa paghahanap ng katotohanan na sa ngayo’y tumagal na ng mga anim na libong taon. Ang mga tao ay laging mausisa, nais maunawaan ang nabubuhay at walang buhay na mga bagay sa daigdig sa paligid nila. Naging interesado rin sila sa pagkakapit ng kanilang natutuhan, ginagamit ito sa praktikal na paraan upang makinabang sila. Ang katutubong pagkauhaw na ito para sa kaalaman at ang pagnanais na ikapit ito ang nag-udyok sa patuloy na paghahanap ng tao para sa siyentipikong katotohanan.
Mangyari pa, yaong unang mga pagsisikap na ilagay ang siyentipikong kaalaman sa praktikal na gamit ay hindi tinawag na teknolohiya, gaya ng pagkakilala rito sa ngayon. Sa bagay na iyan ang mga taong gumawa ng mga pagsisikap na iyon ay hindi rin tinawag na mga siyentipiko. Sa katunayan, ang siyensiya sa makabagong diwa nito ay hindi umiral noong kalakhang bahagi ng pag-iral ng tao. Nito lamang ika-14 na siglo, nang gamitin ng makatang Ingles na si Chaucer ang salitang “siyensiya,” ang ibig niya lamang sabihin ay lahat ng iba’t ibang uri ng kaalaman. Ito’y kasuwato ng salitang etimolohiya, na galing sa salitang Latin na nangangahulugang “malaman.”
Nangunguna ang Unang Soologo
Anuman ang dating tawag dito, ang siyensiya ay nagsimula sa halamanan ng Eden nang simulang suriin ng tao ang daigdig sa palibot nila. Kahit na bago pa ang paglalang kay Eva, si Adan ay inutusang panganlan ang mga hayop. Nangangailangan ng maingat na pag-aaral ng kanilang mga katangian at mga ugali upang bigyan sila ng angkop na pangalan. Sa ngayon, tinatawag natin itong ang siyensiya ng soolohiya.—Genesis 2:19.
Ang panganay na anak nina Adan at Eva, si Cain, “ay nagtayo ng isang bayan,” kaya tiyak na siya ay may sapat na siyentipikong kaalaman sa paggawa ng kinakailangang mga kagamitan. Nang maglaon, isa sa kaniyang mga inapo, si Tubal-cain, ay tinawag na “mamamanday ng lahat na kagamitang tanso at bakal.” Nang panahong iyon ang siyentipikong kaalaman at teknolohiya ay maliwanag na dumami.—Genesis 4:17-22.
Noong panahong ang Ehipto ay naging isang kapangyarihang pandaigdig—ang unang binanggit sa Bibliya—ang siyentipikong kaalaman ay umunlad na hanggang sa punto na ang mga Ehipsiyo ay nakapagtatayo na ng napakalaking mga piramide. Ang disenyo ng mga piramide na ito, sabi ng The New Encyclopædia Britannica, “ay matagumpay na nakamit lamang pagkatapos ng maraming pag-eeksperimento, kung saan nalutas ang maraming suliranin sa inhinyeriya.” Ang paglutas sa mga suliraning ito ay nangangailangan ng maraming kaalaman sa matematika at nagpapahiwatig sa pag-iral ng ilang nauugnay na siyentipikong mga kasanayan.
Mangyari pa, ang siyentipikong pagkamausisa ay hindi natatakdaan sa mga Ehipsiyo lamang. Ang mga Babiloniko, bukod sa paggawa ng isang
kalendaryo, ang gumawa ng sistema ng pagbilang at pagsukat. Sa Dulong Silangan, ang sibilisasyong Intsik ay gumawa ng mahahalagang kontribusyon sa siyensiya. At ang unang mga ninuno ng mga Inca at ang mga Maya sa Amerikas ay may maunlad na sibilisasyon na ipinagtaka ng mga manggagalugad na Europeo, na hindi inaasahan ang gayong mga tagumpay ng “hindi maunlad na mga katutubo.”Gayunman, hindi lahat ng bagay na minalas ng sinaunang mga taong iyon bilang siyentipikong katotohanan ay siyentipikong tama nga. Ang The World Book Encyclopedia ay nagsasabi sa atin na kaalinsabay ng kapaki-pakinabang na mga kagamitang nagawa ng mga Babiloniko para sa siyentipikong pananaliksik, “nagawa rin nila ang huwad na siyensiya ng astrolohiya.” a
Ang Babilonya ay Nasa Lahat ng Dako
Sa mga estudyante ng Bibliya ang sinaunang Babilonya ay kasingkahulugan ng huwad na pagsamba. Sa astrolohiya na isinasagawa roon, isang kakaibang diyos ang pinaniniwalaang nagpupuno sa bawat bahagi ng mga langit. Ang Bibliya, na nagtuturo na may isa lamang tunay na Diyos, ay siyentipikong tama kapag tinatanggihan nito ang huwad na siyensiya na kilala bilang astrolohiya.—Deuteronomio 18:10-12; 1 Corinto 8:6; 12:6; Efeso 4:6.
Ang relihiyon ay isang mahalagang bahagi ng buhay ng unang tao. Kaya mauunawaan na ang siyentipikong kaalaman ay hindi umunlad na hiwalay sa relihiyosong mga paniwala at mga idea. Ito ay partikular na makikita sa larangan ng siyensiya ng medisina.
“Ang sinaunang mga dokumentong naglalarawan sa lipunan at medisina ng Ehipto noong panahon ng Matandang Kaharian,” sabi ng The New Encyclopædia Britannica, “ay nagpapakita na ang mahiko at relihiyon ay lubhang nauugnay sa paggagamot na batay sa karanasan, pagmamasid at pangangaturiwan at na ang punong mahiko sa korte ni faraon ay madalas ring naglilingkod bilang punong manggagamot ng bansa.”
Noong ikatlong dinastiya ng Ehipto, isang kilalang arkitektong nagngangalang Imhotep ay napabantog bilang isang manggagamot na may malaking kasanayan. Wala pang sandaang taon pagkamatay niya, siya ay sinamba bilang diyos ng medisina ng Ehipto. Sa pagtatapos ng ikaanim na siglo B.C.E., siya ay itinaas sa puwesto ng isang pangunahing diyos. Ang Britannica ay nagsasabi na ang mga templong inialay sa kaniya ay “kadalasang punô ng mga nagdurusa na nananalangin at natutulog doon taglay ang paniwalang isisiwalat sa kanila ng diyos sa kanilang mga panaginip ang mga lunas.”
Ang mga nagpapagaling na Ehipsiyo at Babiloniko ay lubhang naimpluwensiyahan ng relihiyosong mga idea. “Ang umiiral na teoriya tungkol sa sakit noong panahong iyon, at sa darating na mga salinlahi,” sabi ng The Book of Popular Science, “ay na ang mga lagnat, impeksiyon, sakit at kirot ay dahil sa masasamang espiritu, o mga demonyo, na sumasalakay sa katawan.” Sa kadahilanang iyan ang medikal na paggamot ay karaniwang nagsasangkot ng relihiyosong mga paghahandog, orasyon, o mga bulong.
Nang maglaon, noong ikaapat at ikalimang siglo B.C.E., tinutulan ng isang Griegong manggagamot na nagngangalang Hippocrates ang pangmalas na ito. Siya ay lalo nang kilala dahil sa panunumpang Hipokratiko, na siya pa ring pangkalahatang itinuturing na sumasaklaw sa medikal na kodigo ng paggawi. Ang aklat na Moments of Discovery—The Origins of Science ay bumabanggit na si Hippocrates din ay “kabilang sa kaunahan na nakipagpaligsahan sa mga pari sa paghanap ng paliwanag sa mga karamdaman ng tao.” Ginagamit ang siyentipikong mga pamamaraan sa paggamot, hinanap niya ang natural na mga sanhi ng mga sakit. Ang pangangatuwiran at karanasan ang humalili sa relihiyosong pamahiin at pagbabaka-sakali.
Sa paghiwalay ng medisina sa relihiyosong doktrina, si Hippocrates ay nakagawa ng kontribusyon tungo sa ninanais na tunguhin. Gayunpaman, kahit na sa ngayon tayo ay pinaaalalahanan tungkol sa relihiyosong pinagmulan ng medisina. Ang sagisag mismo nito, ang nakapulupot na ahas sa tungkod ni Asclepius, ang Griegong diyos ng medisina, ay matutunton pabalik sa sinaunang mga templo ng pagpapagaling kung saan ang sagradong mga ahas ay itinatago. Sang-ayon sa The
Encyclopedia of Religion, ang mga ahas na ito ay lumalarawan sa “kakayahan para sa pagpapanibago ng buhay at muling-pagsilang sa kalusugan.”Nang maglaon si Hippocrates ay nakilala bilang ang ama ng medisina. Subalit hindi ito humadlang sa kaniya kung minsan sa pagiging siyentipikong mali. Sinasabi sa atin ng The Book of Popular Science na ang ilan sa kaniyang di-wastong mga palagay “ay waring lubhang di kapani-paniwala sa atin sa ngayon” ngunit nagbababala laban sa medikal na pagmamataas, na nagsasabi: “Ang ilan sa medikal na mga teoriya na ngayon ay halos naitatag nang husto ay malamang na hindi rin kapani-paniwala sa mga tao ng darating na salinlahi.”
Unti-unting Pagsulong
Sa gayon, ang pagtuklas ng siyentipikong katotohanan ay isang mabagal na proseso, nagsasangkot ng paghihiwalay ng mga katotohanan buhat sa mga maling teoriya sa nakalipas na mga dantaon. Subalit upang ito’y maging posible, ang mga tuklas ng isang salinlahi ay kailangang may kawastuang ipasa sa susunod na salinlahi. Maliwanag, ang isang paraan ng paggawa nito ay sa pamamagitan ng bibig, yamang ang mga tao ay nilikha na may kapangyarihang magsalita.—Ihambing ang Genesis 2:23.
Gayunman, ang pamamaraang ito ng pagpapasa ng mga obserbasyon ay hindi kailanman maaasahang magbigay ng wastong impormasyon na hinihiling ng siyentipiko at teknolohikal na pagsulong. Maliwanag na may pangangailangan para sa pag-iingat ng impormasyon sa nasusulat na anyo.
Kung kailan nagsimulang sumulat ang tao ay hindi alam. Subalit nang sila’y sumulat, taglay nila ang isang kahanga-hangang proseso kung saan ipapasa ang impormasyon na maaari namang pagbasihan ng iba. Bago naimbento ang papel—malamang sa Tsina noong bandang 105 C.E.—ang pagsulat ay ginawa sa mga bagay na gaya ng mga lapidang luwad, papiro, at balat ng tupa o kambing.
Maraming siyentipikong pagsulong ang naging imposible kung wala ang mga sistema ng pagbilang at pagsukat. Ang pag-unlad nito ay lubhang mahalaga. Tinatawag ang mga pagkakapit ng matematika na “pansansinukob sa lawak,” ipinagugunita
sa atin ng The Book of Popular Science na “ang pagsusuri nito ay umakay sa maraming mahahalagang pagsulong sa siyensiya.” Ang matematika ay nagsisilbi rin “bilang isang mahalagang kagamitan para sa kemiko, pisiko, astronomo, inhinyero at iba pa.”Sa nakalipas na mga dantaon ang iba pang salik ay nakaragdag sa pagsulong sa pagsasaliksik ng siyentipikong katotohanan. Halimbawa, ang paglalakbay. Ang The Book of Popular Science ay nagpapaliwanag: “Ang taong nagtutungo sa banyagang mga bansa ay malamang na masumpungan ang kaniyang pagkausyoso ay napupukaw ng bagong mga tanawin, tunog, amoy at panlasa. Siya ay matutuksong magtanong kung bakit ang mga bagay ay lubhang kakaiba sa isang di-kilalang bansa; at sa kaniyang pagsisikap na sapatan ang kaniyang pag-uusyoso, siya ay magkakamit ng karunungan. Gayon nga sa sinaunang mga Griego.”
Oo, ang Namamalaging mga Griegong Iyon
Magbasa ka tungkol sa kasaysayan ng relihiyon, pulitika, o komersiyo at masusumpungan mo ang laging pagbanggit sa mga Griego. At sino ang hindi nakarinig tungkol sa kanilang kilalang mga pilosopo, isang katagang hinango sa salitang Griego na phi·lo·so·phiʹa, na ang ibig sabihin ay “pag-ibig sa karunungan”? Ang pag-ibig sa karunungan at pagkauhaw sa kaalaman ng mga Griego ay kilalang-kilala noong unang siglo nang dalawin ng Kristiyanong si apostol Pablo ang kanilang bansa. Binanggit niya ang mga pilosopong Epicureo at Stoiko, na gaya ng “lahat ng taga-Atenas at ang mga banyagang nakikipamayan doon ay walang ibang libangan kundi ang magsalita o makinig ng anumang bagay na bago.”—Gawa 17:18-21.
Kaya hindi kataka-taka na sa lahat ng sinaunang tao, ang mga Griego ay nagbigay sa siyensiya ng pinakamaraming pamana. Ganito pa ang sabi ng The New Encyclopædia Britannica: “Ang pagsisikap ng pilosopyang Griego na magbigay ng isang teoriya tungkol sa kalikasan at pinagmulan ng sansinukob upang halinhan ang mga alamat tungkol dito ay humantong sa wakas sa praktikal na siyentipikong mga tuklas.”
Sa katunayan, ang ilang pilosopong Griego ay gumawa ng mahalagang mga kontribusyon sa pananaliksik ng siyentipikong katotohanan. Sinikap nilang alisin ang maling mga idea at mga teoriya ng mga nauna sa kanila, samantalang kasabay nito ay nagtatayo sa saligan na nasumpungan nilang tama. (Tingnan ang kahon para sa mga halimbawa.) Kaya naman, ang mga pilosopong Griego noon ang pinakamalapit sa alinmang sinaunang mga tao sa pag-iisip na gaya ng mga siyentipiko sa ngayon. At, nito lamang nakalipas na mga taon, ang katagang “natural na pilosopya” ay ginamit upang ilarawan ang mahihirap na sangay ng siyensiya.
Nang maglaon ang mahilig-sa-pilosopya na Gresya ay nahigitan sa pulitikal na paraan ng isang bagong tatag na Imperyong Romano. Nagkaroon ba ito ng anumang epekto sa siyentipikong pagsulong? O ang pagdating kaya ng Kristiyanismo ay gumawa ng malaking pagkakaiba? Sasagutin ito ng Bahagi 3 sa aming susunod na labas.
[Talababa]
a Ang astrolohiya, na pag-aaral sa mga kilos ng makalangit na mga bagay sa paniniwala na iniimpluwensiyahan nila ang mga buhay ng tao o hinuhulaan nila ang hinaharap, ay hindi dapat ipagkamali sa astronomiya, na siyang siyentipikong pag-aaral sa mga bituin, planeta, at iba pang likas na bagay sa kalawakan nang walang anumang espiritistikong pagpapakahulugan.
[Kahon sa pahina 22]
“Mga Siyentipikong” Griego Bago ang Panahong Kristiyano
THALES ng Miletus (ikaanim na siglo), lalo nang kilala dahil sa kaniyang gawa sa matematika at dahil sa kaniyang paniwala na ang tubig ang bumubuo sa diwa ng lahat ng bagay, may paraan ng maingat na pagtatasa sa balangkas kosmiko, na sinasabi ng The New Encyclopædia Britannica ay “mahalaga sa pag-unlad ng siyentipikong kaisipan.”
Socrates (ikalimang siglo) ay tinawag ng The Book of Popular Science na “ang lumikha ng isang paraan ng pagtatanong—pagtalakay at pangangatuwiran sa pamamagitan ng diyalogo—na pinakamalapit sa pinakadiwa ng tunay na siyentipikong pamamaraan.”
Democritus ng Abdera (ikalima hanggang ikaapat na siglo) ay nakatulong sa paglalagay ng pundasyon sa atomikong teoriya ng sansinukob gayundin ang mga teoriya ng pagka walang pagkasira ng materya at ang pagtitipid ng enerhiya.
Plato (ikalima hanggang ikaapat na siglo) ang nagtatag ng Akademya sa Atenas bilang isang institusyon para sa sistematikong gawain ng pilosopikal at siyentipikong pananaliksik.
Aristotle (ikaapat na siglo), isang matalinong biyologo, nagtatag ng Lyceum, isang siyentipikong institusyon na nanaliksik sa maraming larangan. Sa mahigit na 1,500 taon, ang kaniyang mga idea ang nangibabaw sa siyentipikong kaisipan, at siya ay itinuturing na kataas-taasang awtoridad sa siyensiya.
Euclid (ikaapat na siglo), ang pinakaprominenteng matematiko ng unang panahon, ay kilalang-kilala dahil sa isang talaan ng kaalaman tungkol sa “heometria,” na galing sa isang salitang Griego na nangangahulugang “sukat ng lupa.”
Hipparchus ng Nicaea (ikalawang siglo), kilalang astronomo at nagtatag ng trigonometria, inuri ang mga bituin ayon sa laki at liwanag, isang sistemang ginagamit pa rin sa ngayon. Siya ang tagapagpauna ni Ptolemy, isang mabunying heograpo at astronomo ng ikalawang siglo C.E., na nagpalawak sa mga tuklas ni Hipparchus at nagturo na ang lupa ang sentro ng sansinukob.
[Larawan sa pahina 23]
Ang nakapulupot na ahas sa tungkod ni Asclepius, isang paalaala na ang siyensiya ay hindi umunlad na hiwalay sa impluwensiya ng relihiyon