Isang Museo Tungkol sa Pagkatupok at ang mga Saksi ni Jehova
Isang Museo Tungkol sa Pagkatupok at ang mga Saksi ni Jehova
ANG kakila-kilabot na pamamahala ng Nazi ay nagbunga ng kasuklam-suklam na pagpatay sa angaw-angaw na mga biktima, lalo na sa mga Judio at mga Slabo. Gayunman, isang pangkat ng relihiyon—ang mga Saksi ni Jehova—ay nagkaisang tumangging pasakop sa rehimeng Nazi, hindi dahil sa lahi o nasyonalidad, kundi dahil sa kanilang masikap na pagsunod sa mga simulain ng Bibliya.—Juan 17:14, 16.
Ang Estado ng Nazi ay nagtuon ng matinding pag-uusig sa mga Saksi ni Jehova—isang mabangis na pagsalakay kung ihahambing sa kakaunting mga Saksi. Bakit? Sa relihiyosong mga kadahilanan, ang mga Saksi ni Jehova ay tumangging maging miyembro at maglingkod sa German Labor Front at tinanggihan ang anumang panunumpa kay Hitler bilang Führer. Kaya ipinagbawal ng mga Nazi ang mga ito bilang isang organisasyon noong Abril 1933. Pinaratangan ng kapuwa sibil at relihiyosong pagsuway, sila ay kabilang sa unang mga pangkat na inihagis sa mga piitang kampo. “Sa wakas, mahigit na 30,000 Saksi ang pinag-usig ng mga Nazi,” sabi ng isang maliit na pahayagan ng isang museo.
Ang United States Holocaust Memorial Museum, na masusumpungan sa Washington, D.C., ay nakatalaga upang iharap ang kuwento ng lahat ng pangkat na pinag-usig ng mga Nazi, pati na ang mga Saksi ni Jehova. Isang babasahin ay bumabanggit na ang museo ay “dapat na maging lalo nang kawili-wili sa mga Amerikano at mga bisitang dayuhan na mga Judio at mga relihiyon na Saksi ni Jehova na naging tudlaan ng lansakang pagpatay ng rehimen ni Hitler.” Sa pamamagitan ng mga artifact, mga dokumento, videotape na patotoo ng nakasaksi, makasaysayang mga larawan, at mga naisapelikula, ang mga karanasan ng iba’t ibang grupo na nabiktima noong panahon ng digmaan ay kabilang sa pagtatanghal, aklatan, at naingatang mga dokumento ng museo. Ang museo ay may videotape na mga panayam sa 74 na mga Saksi ni Jehova na mga biktima ng pamamahalang Nazi. Ang museo ay nagbukas sa publiko noong Abril 1993.
[Picture Credit Line sa pahina 31]
Sa Kagandahang-loob ng United States Holocaust Memorial Museum