Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Kamatayan na Dala ng Maliliit na Pakpak

Kamatayan na Dala ng Maliliit na Pakpak

Kamatayan na Dala ng Maliliit na Pakpak

Hindi ito isang digmaan na umaagaw ng mga paulong-balita; gayunman ito ay sumawi ng milyun-milyong buhay ng tao. Hindi ito isang digmaan na ipinakipaglaban sa pamamagitan ng mga bomba at mga bala; gayunman sa hirap at nasawing buhay, kaagaw nito o nahihigitan pa nito ang mga digmaan. Sa digmaang ito, ang kamatayan ay dumarating, hindi sa mga silid ng mga eruplanong pambomba na naglalaman ng mga bomba, kundi sa maliliit na pakpak ng isang babaing lamok.

Ng Kabalitaan ng Gumising! sa Nigeria

GABI na; ang sambahayan ay natutulog. Sa silid tulugan ay tinatangay ng hangin ang isang lamok, ang kaniyang mga pakpak ay kumukumpas sa pagitan ng 200 at 500 ulit sa bawat segundo. Siya ay nauuhaw sa dugo ng tao. Dahan-dahan, siya ay dumadapo sa braso ng isang batang lalaki. Yamang ang kaniyang bigat ay 3/1,000 gramo lamang, ang bata ay hindi kumikilos. Saka niya inilalabas ang isang matalas at matulis na dulo ng kaniyang bibig kung saan dinuduro niya ang balat ng bata tungo sa isang maliit na ugat. Dalawang bomba sa kaniyang ulo ang sumisipsip sa dugo ng bata. Kasabay nito, ang mga parasito ng malaria ay dumaraan mula sa glandula ng laway ng lamok tungo sa daluyan ng dugo ng bata. Ang pagkilos ay mabilis na natatapos; ang bata ay walang nararamdaman. Ang lamok ay lumilipad, punô ng dugo na hanggang tatlong ulit ng timbang ng kaniyang katawan. Pagkalipas ng ilang araw, ang batang lalaki ay nagkasakit na halos mamatay. Siya ay may malaria.

Isa itong tanawin na nauulit libu-libong angaw na beses. Ang resulta ay hirap at kamatayan sa pagkalaki-laking lawak. Walang alinlangan, ang malaria ay isang malupit at walang-awang kaaway ng tao.

Matiyagang Paghahanap sa Kaaway

Isa sa pangunahing tuklas sa pakikipagbaka laban sa malaria ay ginawa, hindi ng dakilang mga siyentipiko sa Europa, kundi ng isang Britanong siruhano ng Hukbo na nakabase sa India. Ang mga siyentipiko at mga doktor noong ika-19 na siglo, kasuwato ng pag-iisip noong naunang dalawang libong taon, ay nagpalagay na ang mga tao ay nagkakaroon ng sakit sa pamamagitan ng paglanghap sa mabahong hangin na galing sa latian. a Kabaligtaran nito, si Dr. Ronald Ross ay naniniwala na ang sakit ay naipapasa mula sa isang tao tungo sa iba sa pamamagitan ng mga lamok. Kahit na pagkatapos malaman na ang malaria ay kinasasangkutan ng mga parasito sa daluyan ng dugo ng tao, ang mga mananaliksik ay nagpatuloy sa paghahanap ng mga himaton sa hangin at tubig ng latian. Samantala, sinuri ni Ross ang tiyan ng mga lamok.

Kung isasaalang-alang ang saunahing kagamitan sa laboratoryo na pinagtatrabahuan niya, ang pagsuri sa mga tiyan ng mga lamok ay hindi madaling gawin. Habang siya ay gumagawa, mga ulap ng lamok at niknik ay umaali-aligid sa kaniya, determinado, ayon kay Ross, na ipaghiganti ang kanilang sarili “dahil sa kamatayan ng kanilang mga kaibigan.”

Sa wakas, noong Agosto 16, 1897, natuklasan ni Ross, sa mga tabiki ng tiyan ng lamok na anopheles, ang mga organismong bilog ay lumaki sa loob ng magdamag. Mga parasito ng malaria!

Tuwang-tuwa, isinulat ni Ross sa kaniyang kuwaderno na natuklasan na niya ang lihim na makapagliligtas sa “isang laksang tao.” Isinulat rin niya ang isang talata buhat sa aklat ng Bibliya na Corinto: “Oh kamatayan nasaan ang iyong tibo? Saan naroon ang iyong tagumpay oh Libingan?”​—Ihambing ang 1 Corinto 15:55.

Ang Pamiminsala ng Malaria

Ang tuklas ni Ross ay isang mahalagang pag-unlad sa pakikipagbaka laban sa malaria, isa na tumulong upang buksan ang daan para sa unang paglaban ng sangkatauhan sa sakit at sa mga insekto na nagdadala nito.

Sa lahat halos ng kasaysayan, ang pagkatalo ng sangkatauhan sa malaria ay malaki at tumagal. Ang mga hieroglyphic at papiro ng mga Ehipsiyo ay nagpapatunay sa pagpatay ng malaria 1,500 taon bago nabuhay si Kristo sa lupa. Pininsala nito ang magandang kapatagang mga lungsod ng sinaunang Gresya at pinatay si Alejandrong Dakila sa kaniyang kasariwaan ng buhay. Niwasak nito ang Romanong mga lungsod at itinaboy ang mayayaman sa mga paltok. Sa mga Krusada, Gera Sibil ng Amerika, at sa dalawang digmaang pandaigdig, napatay nito ang mas maraming tao kaysa napatay ng maraming malalaking digmaan.

Sa Aprika natamo ng Kanlurang Aprika ang bansag na “Libingan ng Taong Puti dahil sa malaria.” Sa katunayan, ang sakit ay nakahadlang nang gayon na lamang sa paligsahan ng mga Europeo na gawing kolonya ang Aprika anupat ipinahayag ng isang pamantasan sa Kanlurang Aprika ang lamok na isang pambansang bayani! Sa Gitnang Amerika, ang malaria ay nakatulong upang matalo ang mga pagsisikap ng Pransiya na itayo ang Panama Canal. Sa Timog Amerika, sa pagtatayo ng riles ng Mamoré-Madeira sa Brazil, ang malaria ay sinasabing sumawi ng isang buhay ng tao sa bawat suporta sa riles na inilagay.

Ang Pakikipagbaka Upang Manalo

Ang mga depensa laban sa lamok, subalit hindi laban sa malaria, ay tumagal ng mga milenyo. Noong ika-16 na siglo B.C.E., ginamit ng mga Ehipsiyo ang langis ng punong Balanites wilsoniana bilang isang pantaboy ng lamok. Pagkalipas ng sanlibong taon, si Herodotus ay sumulat na binalot ng mga mangingisdang Ehipsiyo ng kanilang mga lambat ang paligid ng kanilang mga kama sa gabi upang itaboy ang mga insekto. Labimpitong siglo ang lumipas, iniulat ni Marco Polo na ang mayayamang residente ng India ay natutulog sa mga kama na may pananggalang na mga kurtina na maaaring isara sa gabi.

Sa ibang dako, natuklasan ng mga tao ang natural na mga lunas na may tunay na halaga. Sa loob ng mahigit na 2,000 taon, ang malaria sa Tsina ay matagumpay na nagamot ng isang halamang tinatawag na qinghaosu, isang halamang-gamot na lunas na muling natuklasan nitong nakalipas na mga taon. Sa Timog Amerika, ang mga Indian sa Peru ay gumagamit ng balat ng punong cinchona. Noong ika-17 siglo, ang cinchona ay nakarating sa Europa, at noong 1820 dalawang parmaseutikong katutubo ng Paris ay nakakuha mula rito ng isang alkaloid na tinatawag na kinina.

Bagong mga Sandata

Ang halaga ng kinina sa paghadlang at paggamot ng malaria ay matagal bago napahalagahan, subalit nang ito’y napahalagahan, ito ay naging isang gamot na inirekomenda sa loob ng sandaang taon. Pagkatapos, maaga noong ikalawang digmaang pandaigdig, nabihag ng mga sundalong Hapones ang mahalagang taniman ng cinchona sa Dulong Silangan. Ang resultang matinding kakulangan ng kinina sa Estados Unidos ay nag-udyok sa malawakang pananaliksik upang makagawa ng isang sintetik na gamot laban sa malaria. Ang resulta ay ang chloroquine, isang gamot na ligtas, lubhang mabisa, at hindi magastos gawin.

Ang chloroquine ay mabilis na naging isang mahalagang sandata laban sa malaria. Ipinakilala rin noong mga taon ng 1940 ang pamatay-insekto na DDT, isang malakas na pamatay ng mga lamok. Bagaman ang DDT ay kumakatawan sa nakatatakot na kemikal na katagang dichlorodiphenyltrichloroethane, maraming nagsasalita ng Ingles ang natatandaan ang mga letra sa pamamagitan ng mga salitang “drop dead twice,” isang angkop na pantulong sa memorya, yamang hindi lamang pinapatay ng DDT ang mga lamok sa panahon ng pag-isprey kundi pinapatay sa dakong huli ng mga labí nito sa dingding ang mga insekto. b

Optimistikong Kontrasalakay

Kasunod ng ikalawang digmaang pandaigdig, ang mga siyentipiko na nasasandatahan ng DDT at chloroquine ay nag-organisa ng isang pangglobong kontrasalakay laban sa malaria at sa mga lamok. Ang labanan ay ipakikipaglaban sa dalawang larangan​—ang mga gamot ay gagamitin upang patayin ang mga parasito sa loob ng katawan ng tao, samantalang ang malawakang pag-isprey ng mga pamatay-insekto ay papawi sa mga lamok.

Ang tunguhin ay isang ganap na tagumpay. Ang malaria ay nalipol. Nangunguna sa pagsalakay ay ang bagong tatag na World Health Organization (WHO), na ginawang pangunahing prayoridad ang programa sa paglipol. Ang katatagan sa layunin ng programa nito ay sinuportahan ng salapi. Sa pagitan ng 1957 at 1967, ang mga bansa ay gumugol ng 1.4 na bilyong dolyar sa pangglobong kampanya. Ang maagang mga resulta ay kahanga-hanga. Ang sakit ay naglaho sa Europa, Hilagang Amerika, Unyong Sobyet, Australia, at sa ilang bansa sa Timog Amerika. Ganito ang gunita ni Propesor L. J. Bruce-Chwatt, isang beteranong tagapagbaka ng malaria: “Mahirap ilarawan sa ngayon ang napakalaking kasiglahan na pinukaw ng idea na paglipol sa malaria sa buong daigdig noong mapayapang panahon.” Ang malaria ay gumigiray-giray! Ipinagmalaki ng WHO: “Ang paglipol sa malaria ay naging isang katunayan na maaari nating abutin.”

Ang Malaria ay Gumanti

Subalit ang tagumpay ay hindi pa ganap. Ang mga lahi ng lamok na nakaligtas sa kemikal na pagsalakay ay hindi tinatablan ng mga pamatay-insekto. Hindi na sila madaling patayin ng DDT na gaya noon. Sa katulad na paraan, ang mga parasito ng malaria na nasa loob ng tao ay hindi na rin tinatablan ng chloroquine. Ito at ang iba pang problema ay nagbunga ng katakut-takot na mga pagbaligtad sa ilang lupain kung saan ang tagumpay ay waring tiyak. Ang Sri Lanka, halimbawa, kung saan ang malaria ay inaakalang nalipol na noong 1963, pagkalipas ng limang taon ay dumanas ng isang epidemya na nakaapekto sa angaw-angaw.

Noong 1969 ay naging maliwanag na ang malaria ay isang kaaway na hindi maaaring lupigin. Sa halip ng salitang “paglipol,” ang katagang “pagsupil” ang naging kausuhan. Ano ang ibig sabihin ng “pagsupil”? Si Dr. Brian Doberstyn, pinuno ng yunit ng malaria sa WHO, ay nagpapaliwanag: “Ang magagawa lamang natin ay sikaping panatilihin ang mga kamatayan at paghihirap sa makatuwirang hangganan.”

Ganito ang panaghoy ng isa pang opisyal ng WHO: “Pagkatapos ng mga pagsisikap na lipulin ang malaria na ginawa noong mga taon ng 1950 at ang paggamit ng DDT laban sa mga insekto, ang internasyonal na pamayanan ay humina sa pakikipagbaka nito laban sa malaria. Ang karalitaan, kakulangan ng imprastraktura, paglaban sa mga gamot at mga pamatay-insekto ay umakay sa pananatili ng sakit. Sa katunayan, tayo ang nadaig ng sakit.”

Gayunman isa pang salik ay na ang mga kompanya ng gamot ay huminto na sa kanilang pananaliksik. Isang siyentipiko tungkol sa malaria ay nagsabi: “Ang problema ay na ito’y nangangailangan ng malaking pamumuhunan, subalit walang pakinabang at walang pampasigla.” Oo, bagaman maraming digmaan na ang napanalunan, ang pakikipagbaka laban sa malaria ay hindi pa tapos. Gayunman, itinuturo ng Bibliya ang isang panahon na malapit na kapag “walang mamamayan ang magsasabing: ‘Ako’y may sakit.’ ” (Isaias 33:24) Hanggang sa panahong iyon, ang sakit at kamatayan ay darating pa rin dala ng maliliit na pakpak.

[Mga talababa]

a Ang salitang “malaria” ay galing sa Italyanong mala (masama) aria (hangin).

b Ang DDT ay nasumpungang nakapipinsala sa kapaligiran at ipinagbawal o mahigpit na ipinagbabawal sa 45 bansa.

[Kahon sa pahina 14]

Lamok Laban sa Tao

Tuwirang pinagbabantaan nito ang halos kalahati ng sangkatauhan, sa mahigit na sandaang bansa, karamihan halos sa tropiko. Ang Aprika lalo na ay isang kuta.

Ang mga lamok ay napag-alaman na maaaring madala sa pamamagitan ng mga eruplano mula sa tropikal na mga dako at nahawahan ang mga taong nakatira malapit sa internasyonal na mga paliparan.

Mga Napinsala. Sinasalot nito ang 270 milyon katao sa isang taon, pinapatay ang hanggang 2 milyon. Lalo nang mabagsik sa mga babaing nagdadalang-tao at mga bata, sa katamtaman ito ay sumasawi ng dalawang kabataan sa bawat minuto.

Sinasalakay nito ang mga dumadalaw sa tropiko. Taun-taon mga 10,000 “inangkat” na mga kaso ng malaria ay iniuulat sa Europa at mahigit na 1,000 sa Hilagang Amerika.

Mga Taktika. Ang babaing lamok na anopheles ay humahawa sa mga tao karaniwan na sa gabi. Ang malaria ay ipinapasa rin sa pamamagitan ng pagsasalin ng dugo at, kung minsan, sa pamamagitan ng nahawahang mga iniksiyon.

Nito lamang nakalipas na mga taon na ang tao ay nagkaroon ng kaalaman at paraan upang labanan ang malaria. Sa kabila ng pinagsamang mga pagsisikap ng 105 bansa na nagsisikap na labanan ang salot, ang sangkatauhan ay natatalo.

[Kahon/Larawan sa pahina 15]

Mag-ingat Laban sa mga Kagat ng Lamok

Matulog na may kulambo. Ang mga kulambo na itinubog sa pamatay-insekto ang pinakamabuti.

Gumamit ng isang air conditioner sa gabi kung mayroon, o matulog sa mga silid na may mga bintana at pintong nakaiskren. Kung walang iskren, panatilihing nakasara ang mga pinto at mga bintana.

Pagkalubog ng araw, makabubuting magsuot ng damit na may mahabang manggas at mahabang pantalon. Ang madidilim na kulay ay nakaaakit sa mga lamok.

Maglagay ng pantaboy ng insekto (insect repellent) sa mga bahagi ng katawan na hindi napoproteksiyunan ng damit. Piliin ang isang pantaboy ng insekto na naglalaman ng diethyltoluamide o dimethyl phthalate.

Gumamit ng mga isprey laban sa lamok, insecticide dispensers, o katol.

Pinagmulan: World Health Organization.

[Credit Line]

H. Armstrong Roberts

[Kahon sa pahina 16]

“Walang ‘Mahikong Bala’”

Bagaman ang pag-asa para sa ganap na tagumpay ay waring malayong mangyari, ang pakikipagbaka laban sa malaria ay nagpapatuloy. Sa isang internasyonal na komperensiya tungkol sa malaria sa Brazzaville, Congo, noong Oktubre 1991, ang mga kinatawan ng WHO ay nanawagan ng pagbabago sa “umiiral na patalismong saloobin” at iminungkahi ang isang pangglobong pagkilos upang supilin ang malaria. Magiging gaano katagumpay ang mga pagsisikap na iyon?

“Walang ‘mahikong bala’ para sa malaria,” sabi ng panlahat-na-patnugot ng WHO na si Hiroshi Nakajima kamakailan. “Kaya nga dapat nating paglabanan ito sa maraming larangan.” Narito ang tatlong larangan na tumanggap kamakailan ng maraming publisidad:

Mga bakuna. Ang mga siyentipiko ay gumagawa sa loob ng mga taon sa pagsasaliksik ng isang bakuna laban sa malaria, at manaka-nakang iniuulat ng media ang “mga pagsulong” sa pananaliksik. Sinusugpo ang hindi napapanahong optimismo, ang WHO ay nagbababala laban sa “paglinlang sa pagkamakukuha ng isang bakuna na panlaban sa malaria sa malapit na hinaharap.”

Ang isa sa mga problema sa paggawa ng isang bakuna ay na ang parasito ng malaria na nasa loob ng tao ay matagumpay sa pag-iwas sa mga pagsisikap ng sistema ng imyunidad ng tao na lipulin ito. Kahit na pagkatapos ng maraming taon ng paulit-ulit na pag-atake, ang tao ay nakagawa lamang ng limitadong imyunidad sa sakit. Ganito ang sabi ni Dr. Hans Lobel, isang epidemiologo sa U.S. Centers for Disease Control sa Atlanta: “Hindi ka nagkakaroon ng imyunidad pagkalipas lamang ng ilang pag-atake. Kaya [sa pagsisikap na gumawa ng isang bakuna] sinisikap mong pagbutihin ang kalikasan.”

Mga gamot. Dahil sa ang parasito ng malaria ay higit at higit na hindi tinatablan ng umiiral na mga gamot, ang WHO ay nagtataguyod ng isang bagong medisina na tinatawag na arteether, galing sa kinatas na damong-gamot na Intsik na qinghaosu. c Inaasahan ng WHO na ang qinghaosu ay maaaring pagmulan ng isang lubhang bagong uri ng natural na mga gamot, na maaaring makuha ng pamayanang pandaigdig sa loob ng sampung taon.

Mga kulambo. Mabisa pa rin ang dalawang-libong-taóng-gulang na proteksiyon laban sa mga lamok. Ang mga lamok ng malaria ay karaniwang sumasalakay sa gabi, at ito ay itinataboy ng kulambo. Ang pinakamabisang mga kulambo ay yaong inilubog sa isang pamatay-insekto, gaya ng permethrin. Ipinakikita ng mga pag-aaral sa Aprika na sa mga nayon kung saan ipinakilala ang itinubog na mga kulambo, ang mga kamatayan dahil sa malaria ay bumaba ng 60 porsiyento.

[Talababa]

c Ang qinghaosu ay kinatas mula sa halamang ahenho, na Artemisia annua.

[Kahon/Larawan sa pahina 17]

Maglalakbay Ka ba sa Tropiko?

Kung binabalak mong maglakbay sa isang dako kung saan ang malaria ay isang banta, dapat mong gawin ang sumusunod:

1. Sumangguni sa iyong doktor o sa isang sentro ng bakuna.

2. Sundin nang husto ang mga tagubiling ibinigay sa iyo, at kung ikaw ay umiinom ng isang gamot na laban sa malaria, ipagpatuloy iyon hanggang apat na linggo pagkatapos umalis sa dakong may malaria.

3. Ingatan ang iyong sarili laban sa mga kagat ng lamok.

4. Alamin ang mga sintoma ng malaria: lagnat, sakit ng ulo, pananakit ng kalamnan, pagsusuka, at/o diarrhea. Tandaan na ang malaria ay maaaring lumitaw hanggang isang taon pagkagaling mo sa isang dako na may malaria kahit na kung ikaw ay uminom ng mga gamot na laban sa malaria.

5. Kung ikaw ay may mga sintoma, magpatingin sa isang doktor. Ang malaria ay maaaring lumala kaagad at maaaring makamatay nang wala pang 48 oras pagkatapos lumitaw ang unang mga sintoma.

Pinagmulan: World Health Organization.

[Picture Credit Line sa pahina 13]

H. Armstrong Roberts