Mariposa o Paruparo—Paano Mo Makikilala?
Mariposa o Paruparo—Paano Mo Makikilala?
MASASABI mo ba ang pagkakaiba sa unang tingin? Marahil ay pipiliin mo ang paruparo dahil sa magagandang kulay nito at waring walang katapusang paggalaw nito—nagpapalipat-lipat sa mga bulaklak, dadapo sumandali rito, na ipinapagaspas ang mga pakpak nito, pagkatapos ay atubiling lilipat sa susunod na pagkukunan ng pagkain. Anong pagsubok nga sa pagtitiis ng sinumang masigasig na litratista! Ang isa pang kapuna-punang katangian nito ay ang malasinulid na antena na bilugan sa pinakadulo nito.
Kumusta naman ang mariposa? Bueno, hindi mo makikita ang marami niyon sa araw. Ang mga ito ay karaniwan nang panggabing mga nilikha. Ang kanilang mga kulay ay karaniwang mas maiitim. Ang kanilang katawan ay mapipintog, at ang kanilang antena ay mabalahibo, na nakatutulong sa kanilang paghahanap sa amoy ng babae kahit na napakalayo. Ang isa na nakalarawan dito ay ang mariposang Polyphemus, na matatagpuan sa halos buong Estados Unidos. Dahil sa malalaking tulad-matang batik sa hulihang mga pakpak nito, ito ay pinanganlan ayon sa mitolohikong Griego na isang-matang mga Cyclop na tinatawag na Polyphemus. Ang buka ng pakpak nito ay alinman mula sa 9 hanggang mahigit na 15 centimetro, maliit pa rin kung ihahambing sa ilang mariposa.
May mahigit na 112,000 kilalang uri ng mga paruparo at mariposa, ayon sa Grzimek’s Animal Life Encyclopedia. Ang kanilang mga pakpak ay “nababalutan sa itaas at ibaba ng napakaliliit na kaliskis . . . na siyang lumilikha ng kahanga-hangang mga kulay at mga disenyo na kalimitang nakikita.” Gaya ng sasabihin ng sinumang lepidopterist (isa na nagsusuri sa mga paruparo at mga mariposa) sa iyo, ang mga ito’y kaakit-akit na mga nilalang. Ang disenyo, pagkakasari-sari, at ang kamangha-manghang pagbabagong-anyo ng mga ito ay sulit na pag-aralan, hindi lamang sa kasalukuyang buhay, kundi sa walang-hanggang buhay!
[Mga larawan sa pahina 25]
Mariposang Polyphemus na nakunan ng larawan sa Luverne, Alabama, E.U.A., ipinakita rito ang aktuwal na laki
Ang mabalahibong antena ay nakatutulong sa lalaki na matagpuan ang babae