Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Matagumpay sa Harap ng Kamatayan

Matagumpay sa Harap ng Kamatayan

Matagumpay sa Harap ng Kamatayan

“Ngunit kataka-taka, para sa mga Nazi, [ang mga Saksi] ay hindi rin malipol. Mientras sila’y ginigipit lalo silang lumalakas, nagiging sintigas ng brilyante sa kanilang paglaban. Inilunsad sila ni Hitler sa isang eskatolohikong digmaan, at iningatan nila ang kanilang katapatan. . . . Ang kanilang karanasan ay isang mahalagang materyal para sa lahat ng nag-aaral ng kaligtasan sa ilalim ng matinding panggigipit. Sapagkat sila nga’y nakaligtas.”​—Isinulat ni Dr. Christine King, mananalaysay, sa magasing Together.

ANG mga Saksi ni Jehova ay dapat na ituring sa kasaysayan ng ika-20 siglo bilang ang lubhang siniraang-puri at pinag-usig na pangkat ng relihiyon sa daigdig. Mali ang pagkaunawa sa kanila at sila ay kadalasang malupit na tinatrato dahil lamang sa kanilang paninindigan tungkol sa Kristiyanong neutralidad at pagtangging mag-aral o magsagawa ng pakikidigma. Ang paghiwalay nila sa lahat ng mga kaugnayan sa pulitika ay ikinagalit sa kanila ng totalitaryong mga pinuno sa maraming bansa. Gayunman, isa sa kontribusyon nila sa modernong kasaysayan ay ang kanilang rekord ng mahigpit na neutralidad at matatag na integridad. a

Ang Britanong mananalaysay na si Arnold Toynbee ay sumulat noong 1966: “Sa ating panahon sa Alemanya ay may mga martir na Kristiyano na ibinuwis ang kanilang buhay sa halip na parangalan ang palasak na Nasyonalismo na kinakatawan doon ng taong diyos na si Adolf Hitler.” Ipinakikita ng mga katotohanan na ang mga Saksi ni Jehova ang kilala sa mga martir na iyon. Ilalarawan ng ilang karanasan kung paano nila nakaharap ang pag-uusig at kamatayan pa nga dahil sa kanilang integridad​—at hindi lamang ito noong panahon ng Nazismo. Sa maraming bahagi ng daigdig, ang kanilang rekord ng tagumpay sa harap ng kamatayan ay walang pagbabago at walang kapantay.

Ang Kuwento ni Ananii Grogul ng Ukraine

“Ang aking mga magulang ay naging mga Saksi ni Jehova noong Digmaang Pandaigdig II, noong 1942, nang ako’y 13 anyos. Di-nagtagal pagkatapos nito, ang aking tatay ay inaresto, ikinulong, at nang maglaon ay inilipat sa mga kampong Sobyet sa Bundok Ural. Nang ako’y 15, noong 1944, ipinatawag ako ng mga awtoridad sa militar para sa panimulang paglilingkod sa hukbong sandatahan. Yamang mayroon na akong matatag na pananampalataya kay Jehova, tumanggi akong mag-aral ng pakikidigma. Dahil dito, sa murang gulang na iyon, ako’y nasentensiyahang mabilanggo ng limang taon.

“Saka dumating ang napakahirap na taon ng 1950. Ako’y muling naaresto at nasentensiyahang mabilanggo ng 25 taon dahil sa aking mga gawain bilang isang Saksi. Ako ay 21 anyos noon. Naligtasan ko ang pitong taon at apat na buwan sa mga kampo ng mabibigat na trabaho. Nakita ko ang maraming tao na namamatay, namamaga dahil sa gutom at pagod na pagod dahil sa mabibigat na trabaho.

“Pagkamatay ni Stalin noong 1953, nagbago ang mga kalagayan, at noong 1957 ako’y pinalaya ng mga awtoridad mula sa bilangguan. Minsan pa ay naranasan ko ang ‘kalayaan.’ Subalit sa panahong ito ako’y pinalayas nila tungo sa Siberia sa loob ng sampung taon.”

Malupit na Pagpapahirap sa Aking Kapatid na Babae

“Sa Siberia, nakasama kong muli ang aking nakababatang kapatid na babae, na naging baldado. Siya ay dinakip eksaktong dalawang linggo pagkatapos akong madakip noong 1950. Ang imbestigasyon sa kaniyang kaso ay isinagawa sa paraang lubhang hindi ayon sa batas. Siya’y ikinulong nila sa bartolina at pinakawalan ang mga daga sa loob ng kaniyang selda na kasama niya. Nginatngat nito ang kaniyang mga paa at gumapang sa kaniyang katawan. Sa wakas, pinatayo siya ng mga tagapagpahirap sa kaniya sa malamig na tubig na hanggang dibdib niya samantalang pinanonood nila ang kaniyang katakut-takot na hirap. Siya ay hinatulang mabilanggo ng 25 taon dahil sa kaniyang gawaing pangangaral. Ang dalawa niyang paa ay nalumpo, subalit nagagamit pa niya ang kaniyang mga kamay at braso. Sa loob ng limang taon siya ay pinanatili nila sa isang ospital ng kampo at sa wakas ay ipinasiya nila na siya ay hindi na mapakikinabangan at itinuring na para nang patay. Pagkatapos ay inilipat nila siya sa aming mga magulang, na habang buhay na ipinatapon sa Siberia noong 1951.”

Pagbalik sa Ukraine at Higit Pang Pag-uusig

“Sa Siberia ay nakilala ko si Nadia, na napangasawa ko at nagsilang ng aming mga anak. Kahit sa Siberia kami ay nagpatuloy sa aming gawaing pangangaral. Sa akin ipinagkatiwala ang paggawa at pagkopya ng literatura sa Bibliya. Gabi-gabi kami ng kapatid kong si Jacob ay abala sa isang kublihang hukay sa silong ng bahay, kinokopya Ang Bantayan. Mayroon kaming dalawang makinilya at isang gawang-bahay na makinang tagakopya. Ang aming bahay ay palaging hinahalughog ng mga pulis. Sa tuwina sila ay umaalis na walang anumang nakuha.

“Ang aking pagiging tapon ay nagwakas. Kasama ang buong pamilya ko, ako ay lumipat sa Ukraine, subalit ang pag-uusig ay sumunod sa amin. Ako’y inatasang maglingkod bilang isang naglalakbay na tagapangasiwa. Kailangan kong magtrabaho upang masustentuhan ko ang aking pamilya. Ilang beses sa isang buwan, ang mga miyembro ng State Security ay nagtutungo sa dako ng aking trabaho at sinisikap na himukin akong ikompromiso ang aking pananampalataya. Minsan ay nadama ko ang tulong ni Jehova sa isang natatanging paraan. Inaresto nila ako at dinala ako sa mga tanggapan ng State Security sa Kiev, kung saan pinanatili nila ako ng anim na araw. Sa lahat ng panahong iyon sinikap nilang lituhin ako ng ateistikong propaganda. Sa kanilang napakasamang paraan, sila’y nagkomento tungkol sa Ang Bantayan at sa iba pang publikasyon ng Samahang Watch Tower. Ang panggigipit ay naging halos napakahirap batahin. Sa banyo, ako ay lumuluhod at humahagulgol, umiiyak ng pagsamo kay Jehova. Hindi, hindi para makalaya kundi para sa lakas upang makapagtiis at huwag ipagkanulo ang aking mga kapatid.

“Pagkatapos ay dumating ang hepe ng pulis upang makipagkita sa akin, at naupo siya sa harap ko, tinanong niya ako kung ako ba ay talagang kumbinsido sa kung ano ang ipinagtatanggol ko. Ako’y nagbigay sa kaniya ng isang maikling patotoo at ipinahayag ko na ako’y handang mamatay alang-alang sa katotohanan. Ang sagot niya ay: ‘Ikaw ay isang maligayang tao. Kung kumbinsido lamang ako na ito ang katotohanan, handa ako hindi lamang manatili sa piitan ng 3 o 5 taon kundi handa akong tumayo sa isang paa sa loob ng bilangguan ng 60 taon.’ Naupo siyang tahimik na nag-iisip nang sumandali at saka nagpatuloy: ‘Ito’y may kinalaman sa buhay na walang-hanggan. Maguguniguni mo ba kung ano talaga ang ibig sabihin ng buhay na walang-hanggan?’ Pagkatapos ng sandaling pagtigil, sinabi niya: ‘Umuwi ka na!’ Ang mga salitang iyon ay nagbigay sa akin ng di-inaasahang lakas. Hindi na ako gutom. Ang nais ko lamang ay umuwi. Natitiyak ko na si Jehova ang nagpalakas sa akin.

“Nitong nakalipas na mga taon ang mga bagay-bagay ay nagbago sa dating Unyong Sobyet. Ngayon may saganang literatura sa Bibliya. Kami ay nakadadalo sa pansirkitong mga asamblea at pandistritong mga kombensiyon, at kami ay nakikibahagi sa lahat ng uri ng gawaing pangangaral, pati na ang ministeryo sa bahay-bahay. Tunay, pinagkalooban kami ni Jehova ng tagumpay sa harap ng maraming pagsubok!”

Sinubok ang Katapatan sa Aprika

Noong dakong huli ng mga taóng 1960, ang Nigeria ay napasangkot sa isang mapangwasak na gera sibil. Nakakaharap ang lumalaking pagkatalo, ang mga sundalo ng bumubukod na rehiyon, nang panahong iyo’y muling pinanganlang Biafra, ay pilit na pinagsusundalo ang mga binata sa kanilang hukbo. Yamang ang mga Saksi ni Jehova ay neutral at tumatangging makisangkot sa pakikidigma, maraming Saksi sa Biafra ay tinugis, pinagmalupitan, at pinatay. Ganito ang sabi ng isa sa mga Saksi ni Jehova: “Kami’y parang mga daga. Kailangan naming magtago kailanma’t marinig naming dumarating ang mga sundalo.” Kadalasan ay wala nang panahon upang magtago.

Isang umaga ng Biyernes noong 1968, si Philip, isang 32-anyos na buong-panahong ministro, ay nasa nayon ng Umuimo na nangangaral sa isang may edad na lalaki nang sumalakay ang mga sundalong taga-Biafra sa looban sa isang kampanya para sa sapilitang pagsusundalo.

“Ano ang ginagawa mo?” tanong ng lider ng pangkat. Sinabi ni Philip na siya ay nakikipag-usap tungkol sa dumarating na Kaharian ni Jehova.

“Hindi ito ang panahon para mangaral!” sigaw ng isa pang sundalo. “Panahon ito ng digmaan, at ayaw naming makita ang matitipunong lalaki na lalakad-lakad na walang ginagawa.” Pagkatapos ay hinubaran ng mga sundalo si Philip, itinali ang kaniyang mga kamay, at siya ay dinala. Si Israel, isang 43-anyos na Kristiyanong hinirang na matanda, ay wala ring panahong magtago. Siya ay nahuli samantalang siya ay nagluluto ng pagkain para sa kaniyang mga anak. Noong ika-2:00 n.h. mahigit na isang daang lalaki ang natipon ng mga sundalo. Pinilit nila ang kanilang mga bihag na tumakbo ng 25 kilometro hanggang sa kampo ng militar sa Umuacha Mgbedeala. Ang sinumang tumatakbo nang marahan ay pinapalo.

Si Israel ay sinabihang magdala ng isang mabigat na machine gun; si Philip ay sasanaying gumamit ng isang magaan na machine gun. Nang ipaliwanag nila na hindi sila makasasali sa militar sapagkat ipinagbabawal ito ni Jehova, ipinag-utos ng komandante na sila ay ikulong. Noong ika-4:00 n.h., lahat ng tinawag sa pagsusundalo, pati na yaong nasa silid ng bantay, ay inutusang pumila. Saka hiniling ng mga sundalo ang bawat lalaki na pumirma sa isang kasulatan na nagpapakitang siya ay pumapayag na sumali sa hukbo. Nang turno na niyang pumirma, binanggit ni Philip ang mga salita sa 2 Timoteo 2:3, 4 at sinabi niya sa komandante: “Ako po ay ‘isa nang mabuting kawal ni Kristo.’ Hindi ako maaaring makipaglaban alang-alang kay Kristo at makipaglaban din alang-alang sa ibang tao. Kung gagawin ko ito, ituturing ako ni Kristo na isang traidor.” Siya ay hinampas ng komandante sa ulo, na ang sabi: “Ang iyong pagkahirang bilang kawal ni Kristo ay tapos na! Ikaw ngayon ay isa nang sundalo ng Biafra.”

Si Philip ay sumagot: “Hindi pa ipinatatalastas ni Jesus na ang aking pagkahirang bilang kawal niya ay tapos na, at ang aking pagkahirang ay nananatili hanggang sa tanggapin ko ang patalastas na iyon.” Pagkasabi niyaon, si Philip at si Israel ay binuhat ng mga sundalo at inihagis sila sa lupa. Natuliro at nagdurugo ang mga mata, ilong, at bibig, ang dalawa ay kinaladkad.

Sa Harap ng Firing Squad

Nang dakong huli ng araw na iyon, nasumpungan ni Israel at ni Philip ang kanilang mga sarili na nakaharap sa isang firing squad. Ngunit hindi sila binaril ng mga sundalo. Sa halip, sila ay binugbog ng mga ito ng kanilang mga kamao at ng mga kulata ng riple. Saka ipinasiya ng komandante ng kampo na hagupitin sila hanggang kamatayan. Inatasan niya ang 24 na mga sundalo na gawin ito. Anim ang hahagupit kay Philip, at ang anim naman ay hahagupit kay Israel. Ang 12 sundalo naman ang magtutustos ng panghaliling mga patpat at ang hahalili kapag napagod na ang iba.

Ang mga kamay at paa nina Philip at Israel ay itinali. Sabi ni Israel: “Hindi ko na masabi kung ilang hampas ang tinanggap namin nang gabing iyon. Kapag napagod ang isang sundalo, isa naman ang hahalili. Hinagupit nila kami kahit na kami ay nawalan ng malay.” Sabi ni Philip: “Ang Mateo 24:13, na bumabanggit tungkol sa pagtitiis hanggang sa wakas, ay sumaisip ko noong panahon ng pagpapahirap, at iyan ang nagpalakas sa akin. Nadama ko ang kirot ng pagpalo sa loob lamang ng ilang segundo. Para bang sinugo ni Jehova ang isa sa mga anghel upang tulungan kami, gaya ng ginawa niya noong panahon ni Daniel. Kung hindi ay hindi namin maliligtasan ang kakila-kilabot na gabing iyon.”

Nang matapos na ang mga sundalo, sina Israel at Philip ay iniwan sa pag-aakalang sila ay patay na. Umuulan noon. Noon lamang kinaumagahan na ang dalawang Kristiyano ay nagkaroon ng malay. Nang makita ng mga sundalo na sila ay buháy pa, sila’y kinaladkad pabalik sa silid ng bantay.

“Amoy Bangkay na Kayo”

Ang kanilang katawan ay mapula at makirot dahil sa pagpalo, na may mga sugat sa buong katawan nila. Gunita ni Israel: “Hindi kami pinayagang hugasan ang aming mga sugat. Pagkaraan ng ilang araw ang mga langaw ay patuloy na nagpista sa aming mga sugat. Dahil sa pagpapahirap, hindi kami makakain. Pagkaraan lamang ng isang linggo na kami ay nakatikim ng pagkain maliban sa tubig dahil sa ang aming bibig ay magang-maga.”

Tuwing umaga sila ay hinahagupit ng mga sundalo​—24 na hagupit bawat isa. May pagkasadistang tinawag iyon ng mga sundalo na “almusal” o “mainit na tsa sa umaga.” Tuwing tanghali, dinadala naman sila ng mga sundalo sa bukid upang ibilad sa tropikal na araw hanggang ala-1:00 n.h. Pagkaraan ng ilang araw ng gayong pagtrato, ipinatawag sila ng komandante at tinanong sila kung itinakwil na ba nila ang kanilang paninindigan. Ang sabi nila ay hindi.

“Kayo ay mamamatay sa inyong selda,” sabi ng komandante. “Sa katunayan, amoy bangkay na kayo.”

Si Philip ay sumagot: “Kahit na mamatay kami, alam namin na si Kristo, na aming ipinakikipagbaka, ay bubuhayin kaming muli.”

Paano nila naligtasan ang kakila-kilabot na panahong ito? Sabi ni Israel: “Kami ni Philip ay nagpatibayan sa isa’t isa sa buong panahon ng aming pagsubok. Sa pasimula ng aming pagsubok, sinabi ko sa kaniya, ‘Huwag kang matakot. Anuman ang kalagayan, tutulungan tayo ni Jehova. Kung para sa akin, walang magpapangyari sa akin na sumama sa hukbo. Kahit na ako mamatay, hindi ako hahawak ng baril.’ ” Sinabi ni Philip na gumawa rin siya ng gayong pasiya. Magkasamang ginunita at tinalakay nila ang iba’t ibang kasulatan.

Isang bagong komandante ang nagpasiyang ilipat ang mga isang daan ng pinilit na magsundalo sa Ibema, isang kampong sanayan sa lugar ng Mbano na ngayo’y Estado ng Imo. Sinasaysay ni Israel kung ano ang nangyari pagkatapos: “Handa na ang malaking trak, at lahat ng mga kinalap na magsundalo ay nasa loob. Ang aking asawa, si June, ay tumakbo sa mga sundalo at buong giting na nagsumamong huwag kaming dalhin. Nang siya ay itaboy, siya ay lumuhod malapit sa trak, nanalangin, at nagtapos sa isang malakas na amen. Pagkatapos ay umalis na ang trak.”

Engkuwentro sa Isang Mahabaging Mersenaryo

Ang trak ng hukbo ay nakarating sa kampo sa Ibema nang sumunod na hapon. Ang lalaking tila ba siyang namamahala roon ay isang mersenaryong Israeli. Nang makita niya kung gaano kalubha ang bugbog at kahina nina Philip at Israel, siya ay lumapit at tinanong sila kung bakit sila ay nasa gayong kakila-kilabot na katayuan. Ipinaliwanag nila na sila ay mga Saksi ni Jehova at tumanggi sa pagsasanay militar. Galit, siya ay bumaling sa iba pang opisyal ng militar doon. “Tiyak na matatalo ang Biafra sa digmaang ito,” aniya. “Ang alinmang bansang nakikipagdigma na nanliligalig sa mga Saksi ni Jehova ay tiyak na matatalo. Hindi ninyo dapat pinilit na magsundalo ang mga Saksi ni Jehova. Kung ang isang Saksi ay sumang-ayon na makipagdigma, mabuti. Ngunit kung siya ay tumanggi, huwag ninyong pilitin.”

Ang doktor sa kampo ay nagtanong kung ang dalawang Saksi ay tumanggap ng mga iniksiyon at mga sertipiko na tumitiyak na malakas ang kanilang katawan para sa digmaan. Yamang sila ay walang tinatanggap na gayon, tinanggihan ng mersenaryo ang lahat ng pinilit na magsundalo at iniutos na ang mga ito ay ibalik sa Umuacha.

“Umuwi Kayo, Paglingkuran Ninyo ang Inyong Diyos”

Nang maglaon, ang asawa ni Israel at ang nanay ni Philip ay nagpasiyang dumalaw sa kampo ng Umuacha sa pag-asang makarinig ng balita. Habang papalapit sila, nakarinig sila ng kaguluhan sa loob ng kampo. Sa pintuan, ang bantay ay nagsabi: “Saksi ni Jehova! Sinagot ang panalangin mo. Ang pangkat na kinuha tatlong araw na ang nakalipas ay pinabalik.”

Nang araw ding iyon, sina Philip at Israel ay pinalaya mula sa kampo. Sinabi ng komandante kay June: “Alam mo ba na ang panalangin na sinambit mo ang gumawa sa aming maneobra na hindi mabunga?” Saka niya sinabi kina Israel at Philip: “Umuwi kayo, paglingkuran ninyo ang inyong Diyos, at patuloy ninyong panatilihin ang inyong katapatan sa inyong Jehova.”

Kung tungkol kina Israel at Philip, sila ay gumaling at nagpatuloy sa gawaing Kristiyano. Pagkatapos ng digmaan, si Israel ay pumasok sa buong-panahong pangangaral sa loob ng dalawang taon at nagpatuloy na maglingkod bilang isang hinirang na Kristiyanong matanda. Si Philip ay naglingkod bilang isang naglalakbay na tagapangasiwa sa loob ng sampung taon at nakikibahagi pa rin sa buong-panahong pangangaral. Siya man ay isang hinirang na matanda sa kongregasyon.

Tumangging Mag-abuloy Para sa mga Armas

Sina Zebulan Nxumalo at Polite Mogane ay dalawang kabataang buong-panahong mga ministro sa Timog Aprika. Sabi ni Zebulan: “Isang Linggo ng umaga, isang pangkat ng mga lalaki ang dumating sa aming bahay at humiling ng R20 (halos $7, U.S.) upang bumili ng mga sandata. Magalang na hiniling namin silang bumalik nang gabing iyon, yamang ang aming iskedyul kung Linggo ay punô upang ipakipag-usap ang bagay na ito ora mismo. Kataka-taka, sila ay sumang-ayon. Nang gabing iyon, 15 lalaki ang dumating. Ang ekspresyon sa kanilang mga mukha ay nagpapabanaag na sila ay seryoso tungkol sa bagay na ito. Pagkatapos na magalang na ipakilala ang aming mga sarili, tinanong namin sila kung ano ang kailangan nila. Ipinaliwanag nila na kailangan nila ng salapi upang bumili ng mas malaki at mas mahusay na mga sandata upang sagupain ang kalabang pulitikal na pangkat.

“Tinanong ko sila: ‘Posible ba na patayin ang apoy sa pamamagitan ng petrolyo?’

“‘Hindi, imposible iyan,’ tugon nila.

“Ipinaliwanag namin na sa katulad na paraan, ang karahasan ay humihimok lamang ng karahasan at mga gawa ng paghihiganti.

“Ang pananalitang ito ay waring nakayamot sa ilang kalalakihan na naroroon. Ang kanilang kahilingan ngayon ay naging isang humahamon na banta. ‘Ang talakayang ito ay isang pag-aaksaya ng panahon,’ angil nila. ‘Ang sapilitang abuloy ay hindi maaaring tawaran. Alin sa magbayad kayo o tanggapin ninyo ang hindi kanais-nais na mga resulta!’

“Sa puntong iyon,” gunita ni Zebulan, “nang ang kalagayan ay naging napakahirap, ang kanilang lider ay pumasok. Nais niyang malaman kung ano ang problema. Ipinaliwanag namin ang aming paninindigan, at siya ay nakinig na mabuti. Ginamit namin ang kanilang debosyon sa kanilang pulitikal na mga paniwala bilang isang ilustrasyon. Tinanong namin sila kung ano ang inaasahan nilang reaksiyon ng isang sanay na sundalo mula sa kanilang organisasyon kung siya ay mabihag at piliting ikompromiso ang kaniyang katayuan. Sinabi nila na ang gayong tao ay dapat na handang mamatay alang-alang sa kaniyang mga paniwala. Sila’y ngumiti nang purihin namin sila sa kanilang sagot; hindi nila natanto na binigyan nila kami ng isang mahusay na pagkakataon upang ilarawan ang aming kalagayan. Ipinaliwanag namin na kami ay kakaiba sa mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan. Bilang mga tagapagtaguyod ng Kaharian ng Diyos, ang aming ‘konstitusyon’ ay nasasalig sa Bibliya, na humahatol sa lahat ng anyo ng pagpatay. Sa kadahilanang ito, hindi kami kusang mag-aabuloy kahit isang sentimo sa pagbili ng mga sandata.

“Nang panahong ito, habang ang talakayan ay umabot na sa sukdulan, mas maraming tao ang pumasok sa aming bahay, anupat sa wakas kami ay nagsasalita sa maraming tagapakinig. Hindi nila namamalayan kung gaano kataimtim kaming nananalangin para sa isang paborableng resulta ng talakayan.

“Pagkatapos na masabi namin ang aming malinaw na paninindigan, sinundan ito ng mahabang katahimikan. Sa wakas, ang kanilang lider ay nagsalita sa kaniyang pangkat: ‘Mga ginoo, nauunawaan ko ang katayuan ng mga taong ito. Kung kailangan natin ng pera upang magtayo ng isang tahanan para sa mga may-edad na, o kung isa sa ating mga kapitbahay ay nangailangan ng pera upang magpaospital, ang mga taong ito ay handang magbigay ng abuloy. Subalit hindi sila kusang magbibigay sa atin ng pera upang pumatay. Para sa akin, hindi ako tutol sa kanilang mga paniwala.’

“Pagkasabi niyaon, silang lahat ay tumayo. Kami’y nagkamayan at pinasalamatan namin sila sa kanilang pagtitiyaga. Kung ano ang nagsimula bilang isang mapanganib na kalagayan na maaari sanang nangahulugan ng aming buhay ay nagwakas sa isang dakilang tagumpay.”

Inakay-ng-Pari na mga Mang-uumog

Gaya ng sinabi ng Saksing Polako na si Jerzy Kulesza:

“Kung ang pag-uusapan ay ang tungkol sa sigasig at pag-una sa mga kapakanan ng Kaharian, ang aking tatay, si Aleksander Kulesza, ay isang halimbawa upang sundin. Sa kaniya, ang paglilingkod sa larangan, mga pulong Kristiyano, at personal at pampamilyang pag-aaral ay tunay na mga bagay na banal. Kahit na ang bagyo ng niyebe ni ang matinding lamig ni ang malakas na hangin ni ang init ay hindi hadlang sa kaniya. Sa taglamig isinusuot niya ang kaniyang mga ski, dinadala ang isang rucksack ng literatura sa Bibliya, at umaalis patungo sa ilang nabubukod na teritoryo sa Poland sa loob ng ilang araw. Nakakaharap niya ang iba’t ibang panganib, pati na ang marahas na mga pangkat ng gerilya.

Kung minsan sinusulsulan ng mga pari ang pagsalansang laban sa mga Saksi, inuudyukan ang mga mang-uumog. Pinagtatawanan nila sila, binabato sila, o binubugbog sila. Subalit sila ay umuuwi ng bahay, maligaya na natiis nila ang mga insulto alang-alang kay Kristo.

“Noong unang mga taon pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig II, hindi mapanatili ng mga awtoridad ang batas at kaayusan sa bansa. May kaguluhan at pagkawasak. Ang mga pulis at sekreta ang namamahala sa araw, samantalang ang mga gerilya at iba’t ibang gang ang kumikilos naman sa gabi. Ang pagnanakaw at panloloob ay naging palasak, at madalas ang mga pagpatay na walang paglilitis. Ang walang-labang mga Saksi ni Jehova ang madaling biktima, lalo na yamang ang ilang pangkat na pinangungunahan ng mga pari ay nagtuon ng pansin sa mga Saksi. Binigyan-matuwid nila ang pagsalakay sa aming mga tahanan sa pagkukunwari na kanilang ipinagtatanggol ang pananampalatayang Katoliko ng kanilang mga ninuno. Sa gayong mga okasyon kanilang binasag ang mga bintana, ninakaw ang mga alagang hayop, at sinira ang mga damit, pagkain, at literatura. Ang mga Bibliya ay itinapon nila sa balon.”

Di-inaasahang Pagkamartir

“Isang araw noong Hunyo 1946, bago kami nagtipon upang magtungo sa ilang nabubukod na teritoryo sakay ng bisikleta, isang batang kapatid, si Kazimierz Kądziela, ay dumalaw sa amin at kinausap ang tatay ko nang pabulong. Kami ay pinapunta ng aking tatay sa teritoryo, subalit hindi siya sumama sa amin, na ipinagtaka namin. Nalaman namin ang dahilan noong dakong huli. Pagbalik namin sa bahay, nalaman namin na noong nakaraang gabi ang pamilya Kądziela ay malupit na binugbog, kaya ang tatay ko ay umalis upang alagaan ang mga kapatid na lalaki at babae na malubhang nasugatan.

“Nang ako’y pumasok sa silid kung saan sila nakahiga, naiyak ako sa aking nakita. Ang mga dingding at kisame ay natilamsikan ng dugo. Ang mga taong nababalot ng benda ay nakahiga sa mga kama, nangingitim sa bugbog, namamaga, na may mga baling tadyang at paa o kamay. Halos hindi sila makilala. Si Sister Kądziela, ang ina ng pamilya, ay binugbog nang husto. Ang aking ama ay tumutulong sa kanila, at bago siya umalis ay binigkas niya ang mahalagang mga pananalita: ‘Oh, Diyos ko, ako po ay isang malusog at may kakayahang lalaki [siya noon ay 45 anyos at hindi kailanman nagkasakit], at hindi po ako nagkapribilehiyo na maghirap alang-alang sa inyo. Bakit kailangang mangyari ito sa may edad nang kapatid na babaing ito?’ Wala siyang kamalay-malay sa kung ano ang naghihintay sa kaniya.

“Habang lumulubog ang araw, kami’y umuwi sa aming tahanan na tatlong kilometro ang layo. Isang pangkat ng 50 nasasandatahang lalaki ang nakapaligid sa aming bahay. Ang pamilyang Wincenciuk ay pinapasok din, kaya siyam kami na naroroon. Bawat isa sa amin ay tinanong: ‘Ikaw ba ay isang Saksi ni Jehova?’ Kapag kami ay sumagot ng oo, kami ay binubugbog. Pagkatapos, naghahali-halili, dalawa sa mga brutal na lalaki ang bumugbog sa aking tatay samantalang tinatanong siya kung siya ay hihinto sa pagbabasa ng Bibliya at pangangaral nito. Nais nilang malaman kung siya ay magtutungo sa simbahan at magkukumpisal ng kaniyang mga kasalanan. Tinuya nila siya, na ang sabi: ‘Ngayon, hihirangin ka naming obispo.’ Ang tatay ko ay hindi nagsalita, hindi siya bumigkas kahit isang daing. Tiniis niya ang kanilang mga pagpapahirap, walang kibo na gaya ng isang tupa. Sa pagbubukang-liwayway, mga 15 minuto pagkatapos umalis ng relihiyosong mga butangero, siya ay namatay, binugbog hanggang mamatay. Subalit bago sila umalis, pinili nila ako bilang kanilang susunod na biktima. Ako ay 17 anyos noon. Samantalang binubugbog, ako ay dalawang ulit na nawalan ng malay. Ang aking katawan ay maitim mula sa baiwang pataas bunga ng mga bugbog. Kami ay pinagmalupitan sa loob ng anim na oras. Lahat ng ito’y dahil sa pagiging mga Saksi ni Jehova!”

Ang Alalay ng Isang Tapat na Asawa

“Ako ay kabilang sa pangkat ng 22 Saksi na sa loob ng dalawang buwan ay nakulong sa isang madilim na selda na wala pang sampung metro kudrado. Pagkatapos ng panahong iyon, ang aming mga rasyon ng pagkain ay binawasan. Araw-araw, kami ay binibigyan ng isang maliit na piraso ng tinapay at isang maliit na taro ng mapait na kape. Posible lamang na humiga upang matulog sa malamig na kongkretong sahig kapag may inilalabas ng selda para sa pagtatanong sa gabi.

“Ako’y nakulong dahil sa gawaing Kristiyano ng limang ulit, walong taon lahat-lahat. Ako’y pinakitunguhan bilang isang pantanging bilanggo. May nota sa aking personal na rekord sa bagay na ito: ‘Yamutin ninyo nang husto si Kulesza upang mawala ang pagnanais niya na ipagpatuloy ang gawaing Kristiyano.’ Gayunman, sa tuwing palalayain ako, ibinibigay ko ang aking sarili para sa Kristiyanong paglilingkod. Ginawa ring mahirap ng mga awtoridad ang buhay para sa aking asawa, si Urszula, at sa aming dalawang maliliit na anak na babae. Halimbawa, sa loob ng sampung taon kinuha ng opisyal ng batas ang ilan sa pinaghirapang sahod ng aking asawa. Sinasabing ito ang buwis para sa akin dahil sa pag-eedit ng ipinagbabawal na literatura sa Bibliya. Ang lahat ay kinumpiska maliban sa mga bagay na ipinalalagay na mga pangangailangan sa buhay. Ako’y nagpapasalamat kay Jehova dahil sa aking magiting na asawa, na matiyagang nagtiis na kasama ko sa lahat ng mga pagpapahirap na iyon at isang tunay na alalay sa akin sa lahat ng panahon.

“Nakita namin ang espirituwal na tagumpay rito sa Poland; mayroon na kami ngayong isang legal na tanggapang sangay ng Samahang Watch Tower sa Nadarzyn, malapit sa Warsaw. Pagkaraan ng mga dekada ng pag-uusig, mayroon na ngayong mahigit na 108,000 Saksi, na nakikisama sa 1,348 na mga kongregasyon.”

Bakit Napakaraming Martir?

Ang rekord ng katapatan ng mga Saksi ni Jehova sa ika-20 siglong ito ay literal na pupunô ng mga tomo​—libu-libo ang namatay bilang mga martir o dumanas ng pagkabilanggo at di-mailarawang pagpapahirap, paggahasa, at pandarambong sa mga dakong gaya ng Malawi at Mozambique, sa Espanya sa ilalim ng Pasismo, sa Europa sa ilalim ng Nazismo, sa Silangang Europa sa ilalim ng Komunismo, at sa Estados Unidos noong Digmaang Pandaigdig II. Ang tanong ay bumabangon, Bakit? Sapagkat ayaw igalang ng matigas na mga lider ng pulitika at relihiyon ang sinanay-Bibliyang budhi ng taimtim na mga Kristiyanong tumatangging mag-aral pumatay at na hindi sumasali sa lahat ng pulitikal na gawain. Ito’y gaya ng sinabi ni Kristo, gaya ng nakatala sa Juan 15:17-19: “Ang mga bagay na ito ay iniuutos ko sa inyo, na kayo’y mag-ibigan sa isa’t isa. Kung kayo’y kinapopootan ng sanlibutan, inyong talastas na ako muna ang kinapopootan bago kayo. Kung kayo’y bahagi ng sanlibutan, iibigin ng sanlibutan ang sa kaniyang sarili. Ngayon sapagkat kayo’y hindi bahagi ng sanlibutan, kundi kayo’y pinili ko sa sanlibutan, kaya napopoot sa inyo ang sanlibutan.”

Sa kabila ng lahat ng pambuong-daigdig na pag-uusig na ito, ang mga Saksi ni Jehova ay dumami​—mula sa 126,000 sa 54 na bansa noong 1943 tungo sa halos 4,500,000 sa 229 bansa sa 1993. Naranasan nila ang tagumpay kahit sa harap ng kamatayan. Sila’y determinadong magpatuloy sa kanilang natatanging gawaing pagtuturo na paghahayag ng mabuting balita ng Kaharian hanggang sa ipahayag ni Jehova ang katapusan nito.​—Isaias 6:11, 12; Mateo 24:14; Marcos 13:10.

[Talababa]

a Ang integridad ay “matatag na paninindigan sa isang mahigpit na moral o etikal na kodigo.”​—The American Heritage Dictionary, Ikatlong Edisyon.

[Kahon/Larawan sa pahina 6]

Kamatayan Bilang Isang Martir sa Alemanya

SI August Dickmann ay 23 anyos nang ipag-utos ng lider ng SS na si Heinrich Himmler na barilin siya sa harap ng lahat ng iba pang Saksi sa kampong piitan ng Sachsenhausen. Si Gustav Auschner, isa sa nakasaksi mismo, ay nag-ulat: “Binaril nila si Brother Dickmann at kami’y sinabihan na kaming lahat ay babarilin kung hindi kami pipirma sa kasulatan na nagpapahayag na itinatakwil namin ang aming pananampalataya. Kami’y dadalhin sa hukay na buhangin na 30 o 40 sa isang panahon, at babarilin nila kaming lahat. Kinabukasan, dinalhan ng SS ang bawat isa sa amin ng isang kasulatan na pipirmahan o kung hindi kami ay babarilin. Nakita sana ninyo ang mahahaba nilang mukha nang sila’y umalis nang walang isa mang pumirma. Inaasahan nilang takutin kami sa pamamagitan ng pagpatay sa publiko. Subalit mas takot kaming hindi palugdan si Jehova kaysa kanilang mga bala. Wala na silang binaril isa man sa amin sa publiko.”

[Kahon/Larawan sa pahina 9]

Ang Ultimong Halaga

KUNG minsan, ang tagumpay sa harap ng kamatayan ay maaaring magsangkot ng pagbabayad ng ultimong halaga. Isang liham na tinanggap mula sa Kongregasyon ng Nseleni, sa hilagang bahagi ng Lalawigan ng Natal sa Timog Aprika, ay nagsasaysay tungkol sa isang kalunus-lunos na kuwento: “Isinulat namin ang liham na ito upang ipaalam sa inyo ang tungkol sa pagkamatay ng ating mahal na kapatid na si Moses Nyamussua. Ang kaniyang trabaho ay maghinang at magkumpuni ng mga kotse. Noong minsan siya ay hiniling ng isang pulitikal na pangkat na hinangin ang kanilang gawang-bahay na mga riple, na tinanggihan niyang gawin. Pagkatapos, noong ika-16 ng Pebrero, 1992, sila ay nagkaroon ng isang pulitikal na rali, kung saan sila ay nakipag-away roon sa kalabang pangkat. Kinagabihan nang araw ding iyon habang sila ay pauwi na mula sa kanilang labanan, nasumpungan nila ang kapatid na patungo sa shopping center. Pinatay nila siya roon sa pamamagitan ng kanilang mga sibat. Ano ang kanilang dahilan? ‘Tumanggi kang hinangin ang aming mga baril, at ngayon ang aming mga kasamahan ay namatay sa labanan.’

“Ito ay labis na nakasindak sa mga kapatid,” sabi ni Brother Dumakude, ang kalihim ng kongregasyon. “Subalit,” susog niya, “magpapatuloy pa rin kami sa aming ministeryo.”

[Kahon/Larawan sa pahina 11]

Kamatayan Bilang Isang Martir sa Poland

NOONG 1944, nang ang mga sundalong Aleman ay mabilis na umaalis at ang labanan ay papalapit sa isang bayan sa silangang bahagi ng Poland, pinilit ng sumasakop na mga awtoridad ang mga sibilyan na humukay ng mga trintsera upang hadlangan ang pagpasok ng mga tangke. Ang mga Saksi ni Jehova ay tumangging makibahagi. Si Stefan Kieryło, isang kabataang Saksi​—nabautismuhan dalawang buwan pa lamang ang nakalipas—​ay pinilit na magtrabaho sa brigada subalit buong tapang na kinuha niya ang neutral na paninindigan. Iba’t ibang paraan ang ginawa upang sirain ang kaniyang katapatan.

Hubad nilang itinali siya sa isang punungkahoy sa katihan upang siya’y salakayin ng mga niknik at iba pang insekto. Tiniis niya iyon at ang iba pang pagpapahirap, kaya inihinto nila ang mga pagpapahirap. Gayunman, nang siyasatin ng isang mataas na opisyal ang brigada, may nagsabi sa kaniya na may isang lalaki na tiyak na hindi susunod sa utos niya. Si Stefan ay tatlong beses na inutusang humukay ng trintsera. Tumanggi pa nga siya na humawak ng pala. Siya ay binaril. Daan-daang nakasaksi sa tanawin ang personal na nakikilala siya. Ang kaniyang kamatayan bilang isang martir ay naging isang patotoo sa dakilang lakas na maaaring ibigay ni Jehova.

[Larawan sa pahina 7]

Ananii Grogul

[Larawan sa pahina 10]

Jerzy Kulesza