Mga Biktima o Martir—Ano ang Pagkakaiba?
Mga Biktima o Martir—Ano ang Pagkakaiba?
SA BUONG kasaysayan, ang kalupitan ng tao sa lalaki, babae, at bata ang dahilan ng walang katapusang paghihirap at nagbunga ng angaw-angaw na mga biktima. Ito man ay dahil sa pulitikal, pambansa, panlahi, o relihiyosong kadahilanan, ang walang-salang dugo ay ibinubo at patuloy na ibinububo. Ang pagkapoot ay nangingibabaw sa pag-ibig at pag-unawa. Sinusugpo ng pagkapanatiko ang pagpaparaya. At ang pagpatay ay nagpapatuloy.
Sa nakalipas na mga dantaon, pinaglaban ng digmaan ang hukbo laban sa hukbo, at ang pagkasangkot ng sibilyan ay bahagya lamang. Sa ating ika-20 siglo, sa pagdating ng pagbomba sa himpapawid, pangmalayuang artilyerya at mga missile, napakaraming sibilyan ang nasawi anupat isang pag-aaral ay nagsabi: “Ang mga sibilyan sa ngayon ang pangunahing mga biktima sa mga digmaan. Sa siglong ito marami pang hindi nasasandatahang sibilyan kaysa propesyonal na mga sundalo ang namatay sa mga digmaan.” Ang inosenteng mga tao ay nasawi sa mga digmaan na sinimulan ng pulitikal na mga lider. Sa ating siglo lamang, ang bilang ng mga biktima ng digmaan ay dumami, na
may mahigit na isang daang milyong patay at daan-daang milyong nakaranas ng trauma dahil sa pinsala at pagkamatay ng mga mahal sa buhay.Karagdagan pa sa mga biktima ng modernong mga labanan, mayroon ding naging mga martir. a Ano ba ang pagkakaiba? Angaw-angaw—mga Judio, Slabo, Hitano, homoseksuwal, at iba pa—ay namatay na mga biktima sa Alemanyang Nazi dahil lamang sa kung ano sila. Wala silang madudulugan, walang mapagpipilian. Sa ilalim ng balakyot na sistemang iyon, ang kamatayan nila ay tiyak. Sa kabilang panig naman, ang ilan ay hindi kailangang mamatay. Maaari sana nilang maiwasan ang kamatayan, gayunman, dahil sa kanilang mga simulain, minabuti pa nilang mamatay.
Isang kilalang halimbawa ay yaong paring Katoliko na si Maximilian Kolbe, na tumulong sa mga takas na Judio noong Digmaang Pandaigdig II. Noong 1941 siya ay “dinala sa [piitang kampo ng Nazi sa] Auschwitz, kung saan kusang ipinagkaloob niya ang kaniyang buhay sa halip niyaong sa hinatulang bilanggo na si Franciszek Gajowniczek. Siya muna ay ginutom, sa wakas siya ay tinurukan ng iniksiyun na phenol at sinunog ang kaniyang bangkay.” (Encyclopædia Britannica) Siya ay naging isang mapagsakripisyo-sa-sariling martir—isang kataliwasan sa tuntunin kung ang pag-uusapan ay ang mga relihiyong Protestante at Katoliko.
Noong panahon ng Nazi sa Alemanya (1933-45), ang mga Saksi ni Jehova ay dumanas ng matinding pag-uusig dahil sa pananatiling neutral at dahil sa pagtangging maglingkod sa kilusang pandigmaan ni Hitler. Libu-libong Saksi ang ipinadala sa kinatatakutang mga kampong piitan, kung saan ang marami ay pinatay at ang iba ay namatay dahil sa malupit na pagtrato. Gayunman, hindi nila kailangang dumanas ng hirap at mamatay. Mayroon silang mapagpipilian. Sila’y inalok ng paraan upang makalaya. Kung kanila lamang pipirmahan ang isang kasulatan na nagtatakwil sa kanilang pananampalataya, sila ay palalayain. Pinili ng karamihan na huwag pumirma at hindi lamang naging mga biktima ng kakilabutan ng Nazi kundi naging mga martir din naman. Sa gayon, samantalang lahat ng mga martir ay mga biktima, iilan lamang biktima ang maaari at piniling maging mga martir. Sila’y matagumpay sa harap ng kamatayan.
Ang walang kinikilingang patotoo mula sa maraming hindi Saksi ay nagpapatunay sa bagay na ito. “Ang Pastor na Suisong si Bruppacher ay nagsabi noong 1939 na ‘Bagaman ang mga taong tinatawag ang kanilang mga sarili na Kristiyano ay nabigo sa tiyak na mga pagsubok, ang di-kilalang mga saksi ni Jehova, bilang mga martir na Kristiyano, ay nananatiling matatag sa pagsalungat laban sa pamimilit sa budhi at paganong idolatriya . . . Sila’y dumanas ng pag-uusig at kamatayan pa nga sapagkat, bilang mga saksi ni Jehova at mga kandidato sa Kaharian ni Kristo, tumanggi silang sumamba kay Hitler at sa Swastika.’ ”
Gayunman, hindi lamang sa Alemanyang Nazi na iningatan ng mga Saksi ni Jehova ang kanilang katapatan sa harap ng kamatayan. Kailangang ipakita nila ang kanilang tibay ng loob sa harap ng Komunismo, Pasismo, at iba pang uri ng pulitikal na paniniil, gayundin ng relihiyosong pagsalansang. Kahit na sa tinatawag na mga bansang demokratiko sa Kanluran, nakaharap ng mga Saksi ang karahasan. Detalyadong ipaliliwanag ng aming susunod na artikulo ang ilan sa mga kaso na kinasangkutan ng mga Saksi na nagtagumpay sa harap ng kamatayan.
[Talababa]
a Ang isang biktima ay binigyan-kahulugan bilang “isa na sinaktan o pinatay ng isa . . . Isa na sinaktan o pinahirapan dahil sa isang kilos, kalagayan, ahensiya, o kondisyon.” Sa kabilang dako, ang isang martir ay “isa na pinipiling dumanas ng kamatayan sa halip na itakwil ang relihiyosong mga simulain. . . . Isa na gumagawa ng malaking sakripisyo o labis na nagdurusa upang itaguyod ang isang paniwala, layunin, o simulain.”—The American Heritage Dictionary of the English Language, Ikatlong Edisyon.
[Larawan sa pahina 3]
Pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig II, may kamaliang hinatulan ng mga hukuman sa Silangang Alemanya ang mga Saksi ni Jehova bilang mga espiyang Amerikano
[Credit Line]
Neue Berliner Illustrierte