Mula sa Aming mga Mambabasa
Mula sa Aming mga Mambabasa
Pagpapalaki ng mga Anak Bilang isang guro sa elementarya, lubos kong pinahahalagahan ang mga artikulong “Ang Inyong mga Anak—Ginagawa ang Pinakamainam Para sa Kanila.” (Setyembre 22, 1992) Ang isa sa pinakamatinding hamon na kinakaharap ng mga guro sa ngayon ay ang pakikitungo sa mga bata na ang mga magulang ay abalang-abala upang magkaroon ng tunay na interes sa kanila. Sa kamakailang taunang Parents’ Night sa aming paaralan, naibahagi ko ang ilan sa mga obserbasyon ng labas na ito. Nasumpungan ng mga magulang ang aming talakayan na may matalinong unawa at gumigising ng isipan.
M. P., Estados Unidos
Natumbok ninyo. Ang mga ito ang talagang pinakamagaling na mga artikulong aking nabasa. Hindi lamang ninyo ipinakita ang masasamang halimbawa kundi ipinaliwanag din ninyo kung ano ang mga lunas.
M. R., Alemanya
Mahusay ang pagkasulat ng mga artikulo, subalit inililiban ko ang inyong tahasang pagtukoy sa pag-abuso sa bata. Ako’y nabigla rito.
F. M., Canada
Totoong nakagugulat na mabasa ang mga pag-abuso na isinasagawa ng mga adulto sa mga walang-malay, mahihinang bata. At bagaman nauunawaan namin na masusumpungan ng ilan sa mambabasa ang pagbabasa tungkol sa mga paksang ito na di-kanais-nais, kailangang mapabatiran ang mga magulang hinggil sa tunay na mga panganib na nakakaharap ng mga bata sa ngayon. (Ihambing ang 2 Corinto 2:11.) Sa gayo’y aming nadama ang tungkulin na maging espesipiko sa mga bagay na ito, ginagawa iyon sa isang kaayaayang paraan hangga’t maaari.—ED.
Mga Prom Nasumpungan ko ang artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Dapat ba Akong Dumalo sa Prom?” (Marso 8, 1993) na nakapagtuturo at nakatutulong. Gayunman, pinasisigla ba ninyo ang mga Kristiyano na magkaroon ng malalaki, pormal na mga pagtitipon?
N. P., Estados Unidos
Ang artikulo ay hindi nagpapasigla sa pagsasaayos ng malalaking sosyal na mga pagtitipon. Kinikilala lamang namin na ang pagtatapos sa mataas na paaralan ay isang mahalagang pangyayari. Kaya maaaring piliin ng mga kabataang Kristiyano at ng kanilang mga magulang na ibahagi ang kagalakan ng okasyong ito sa iba. Ang pampasigla ay ibinigay upang panatilihin ang anumang sosyal na mga gawain may kaugnayan dito na ‘mahinhin, makatuwiran ang laki, at maayos.’ Tingnan “Ang Bantayan” ng Agosto 15, 1992.—ED.
Langis ng Olibo Salamat sa napakainam na artikulong “Maraming-Gamit na Langis ng Olibo” sa Oktubre 8, 1992, na labas. Ako’y nagtatrabaho sa ospital bilang isang dietician, at nagpapayo sa mga tao tungkol sa mababa-sa-taba, mababa-sa-kolesterol na mga pagkain. Ang artikulong ito ay talagang tumpak at magagamit ko sa aking pagtuturo.
D. S., Estados Unidos
Kalaswaan Ang aking anak na babae, na halos 15 taóng gulang, ay umuwi galing sa paaralan at sinabi sa akin na nakaharap niya ang isang problema sapagkat karamihan ng mga bata sa kaniyang paaralan ay palaging nagsasalita ng malaswang pananalita. Nais niyang malaman kung ano talaga ang masama sa paggamit ng malalaswang salita sa pang-araw-araw na pagsasalita. Sinikap naming ipaliwanag subalit inakala naming hindi namin sapat na nagawa iyon. Nang gabing iyon nang kunin ko ang Disyembre 8, 1992, na labas ng Gumising! ako’y totoong nabigla na makita ang artikulong “Ang Pangmalas ng Bibliya—Kung Bakit ang Kalaswaan ay Hindi Para sa mga Kristiyano.” Agad kong dinala iyon sa kuwarto ng aking anak na babae at binasa ito sa kaniya. Siya’y nakadarama ngayon ng pagtitiwala sa pagsagot sa sinuman na magtatanong sa kaniya kung bakit hindi siya nagmumura.
P. P., Inglatera
Bagong Sanlibutan Ang seryeng “Isang Bagong Sanlibutan na Kasiya-siya sa Lahat” (Oktubre 22, 1992) ay isa sa pinakamagaling sa nakalipas na mga taon tungkol sa paksang ito. Ang siniping mga kasulatan at magagandang larawan ay pumukaw sa akin ng damdamin ng matinding pagpapahalaga. Ako’y naniniwala na mababagbag nito ang puso ng maraming mambabasa.
I. Z., Italya