Paano Ko Mababata ang Bigong Pag-ibig?
Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Paano Ko Mababata ang Bigong Pag-ibig?
“IPINADAMA niyang ako’y namumukod-tangi. Nadama ko ang bagay na kailanma’y hindi ko pa nadama. Subalit sinabi niya na sa kaniyang palagay ay hindi magtatagumpay ang relasyon. Akala ko’y nagwakas na ang aking buhay. Iyak ako nang iyak araw at gabi. Hindi ako makakain, hindi ako makatulog, nabawasan ako ng 15 kilo sa loob ng dalawang buwan, at ako’y nagkaroon pa nga ng brongkitis. Wala nang kabuluhan ang buhay para sa akin.”—Renee.
Kung ikaw ay nasaktan na ng dahil sa isang bigong pag-ibig, ang pagdadalamhating ito’y maaaring karaniwan na. Batid mo kung paano magmahal nang labis sa isang tao, pagkatapos ang iyong mga pag-asa ay mawasak lamang. Ang pagkabigo ay matindi, nakahihiya. Habang pinagsisikapan mong daigin ang kirot, maaaring napag-iisip-isip mo, ‘Bakit hindi ko na lamang basta kalimutan iyon—limutin ang taong iyon at magpatuloy sa aking buhay?’ Hindi naman ganiyang kasimple iyan.
Bakit Napakahirap Nito?
Ipinakita ng isang pagsusuri na ang buklod ng pagmamahalan ay maaaring napakatibay. Ito’y inihalintulad pa nga sa buklod ng magulang-anak. Bagaman walang alinlangan na mahabang panahon ang kinakailangan upang maging matatag ang romantikong pag-ibig na iyan, gayunman, ang mga damdamin ay maaaring matinding madama sa simula. Hindi mo ito maaaring basta madama at limutin na gaya ng pagpatay-sindi ng ilaw. At kung ikaw ay nasa tinatawag ng Bibliya na “kasibulan ng kabataan,” ang pagkapukaw ng seksuwal na pagnanasa ay halos napakatindi. (1 Corinto 7:36) Iyan ang nagpapangyari na ang pagkawala ng boyfriend o girlfriend ay lalong mahirap batahin.
Ang hilig na magguniguni ay may papel na ginagampanan din. Sinabi ng isang pagsusuri ng mga mananaliksik na ang mga adolesent ay “mas madaling masaktan sa pagkabigo sapagkat pagka sila’y pumasok sa isang romantikong relasyon, may hilig silang mangarap nang gising tungkol sa kanilang kinabukasan kapiling ng kanilang kapareha. Kalakip pa nga sa guniguning ito ay mga pangarap ng pagpapakasal, pagkakaroon ng mga anak, at pagiging magkapiling habang buhay.” Ang gayong mga pangarap ay mahirap iwaksi, kahit na ang mga ito’y may bahagyang saligan sa katotohanan.
Minamahal Ka Pa Rin
Ang pagsusuri ring iyon ay nagsabi na “ang pagkawala ng minamahal na kapareha . . . ay maaaring umakay sa pagkadama ng personal na kabiguan at kakulangan.” Ganito ang gunita ni Jeanette: “Ikaw ay nanlulumo, para bang walang sinumang umaalalay sa iyo. Wala ka nang pakialam. Nadarama mong bigo ka.” Tulad niya, marami ang nanlulumo, nakadarama ng pagkakasala, walang-halaga, hindi makapagtuon ng isip. Ang ilan ay nagpatiwakal pa nga.
Kaya ito’y maaaring maging mapanganib na panahon para sa iyo. Gayunman, tandaan ang payo ni Jesus na “ibigin ang iyong kapuwa gaya ng iyong sarili.” (Marcos 12:31) Ang isang antas ng pag-ibig-sa-sarili ay kailangan at wasto. Ang bagay na hindi sinuklian ng isang tao ang iyong romantikong pag-ibig ay hindi nangangahulugan na ikaw ay hindi na kaibig-ibig, hindi ba? Hindi mo talaga masasabi na walang sinuman ang makasusumpong sa iyo na kaibig-ibig o kaakit-akit, hindi ba? Hindi ba’t ikaw ay may mga miyembro ng pamilya at mga kaibigan na nagmamahal sa iyo?
Higit na mahalaga, ano ba ang nadarama ng Diyos para sa iyo? Si Leah, isang babae na nabuhay noong panahon ng Bibliya, ay tiyak na nakadama ng matinding kirot ng pagkabigo. Batid niya na ang kaniyang asawa, si Jacob, ay nalinlang upang siya’y pakasalan at na mas mahal nito ang kapatid niyang si Raquel. Walang alinlangan na nadama niyang siya’y “kinapootan,” wika nga, at kahabag-habag. Subalit, higit na may kaluguran ang Diyos kay Leah. Kaniyang pinagpala siya ng maraming anak, at kapuwa ang hanay ng pagkasaserdote at pagkahari sa Israel—na siyang nagluwal ng Mesiyas—ay nagmula sa kaniya, hindi kay Raquel.—Genesis 29:30-35.
Walang matinding pagkabigo ang makapagpapabago sa katotohanan ng pagpapala at pag-ibig ng Diyos. Tandaan, talagang mahal ka ng Maylikha ng sansinukob anupat kaniyang pinahintulutan ang kaniyang Anak na magdusa at mamatay alang-alang sa iyo. (Juan 3:16) Ikaw ay minamahal, at talagang ikaw ay mahalaga.
Pagka ang Pagkakasira ay Talagang Isang Pagpapala
Maaaring madama mo na ang pagkakasirang ito ay isa sa pinakamasamang bagay na nangyari sa iyo, subalit maaaring ito’y kabaligtaran nito. Bagaman mahirap paniwalaan, marahil ang wakas na ito ng inyong pag-iibigan ay isang pagpapala. Paano? Karamihan ng romantikong relasyon ng mga tin-edyer ay walang tunay na pangako ng tagumpay. Ang mga kabataan ay lumalaki pa at nagbabago; sila’y madaling lipasan ng mga pagnanasa at maling mga pag-ibig. Gayunpaman, taun-taon libu-libong kabataan ang nagsisipag-asawa, anupat huli na upang malaman na ang paggawa ng gayon ay isang pagkakamali. Isang ehekutibo ng pahayagan ay nagsabi pagkatapos ng kaniyang diborsiyo: “Tunay na isang pagkakamali ang mag-asawa nang napakaaga. Hindi ko talaga naunawaan na kami’y may magkaibang mga pinahahalagahan at mga kinalakhan.”
Ang mga pag-aasawa ng tin-edyer ay may napakataas na bilang ng pagkabigo. Maaaring masakit nga ang nadarama mo sa ngayon, makatitiyak ka sa isang bagay—mas masama ang madarama mo kung ikaw ay masilo sa isang di-maligayang pag-aasawa. Tanungin ang iyong sarili kung ikaw ay handa na sa habang buhay na pag-aasawa, lakip ang lahat ng mga pananagutan nito, pati na ang pagpapalaki ng bata. At ang minamahal mo ba’y talagang handa na at maygulang? Tandaan, ang pagkakasira ng isang pagliligawan ay totoong di-gaanong masakit kaysa pagkakasira ng pag-aasawa.
Ang pagkakasira ay lalong isang pagpapala kung ikaw ay nakagawa ng isang pagkakamali na masangkot sa isang tao na hindi kumikilala sa maka-Diyos na mga simulain at pamantayang moral. (2 Corinto 6:14) Nagugunita pa ni Shana ang moral na mga panganib ng pagkakaroon ng kasintahang tagasanlibutan: “Lagi niyang sinasabi na iniibig niya ako. Subalit inaamuki niya ako na makipagtalik sa kaniya. Ako’y tumatanggi. Batid kong ito’y mali. Di naglaon, hindi na siya tumatawag sa akin. Gabi-gabi’y umiiyak ako—napakahirap na siya’y mawala sa akin!” Kung gayon, maliwanag ang pagkakasirang ito ang nagligtas kay Shana sa espirituwal na kasakunaan.
Kaya maaari mong malasin ang pagkakasira bilang isang nakapagtuturong karanasan. Gaya ng sabi ng Kawikaan 22:3, “ang marunong na tao ay nakakakita ng kasamaan at nagkukubli, ngunit dinadaanan ng musmos at nagtitiis.” Ikaw ba’y gagawing mas matalino ng karanasang ito, upang maiwasan ang suliranin sa hinaharap?
Pagbata sa Damdamin
Gayunman, kahit na kung ang pagkakasira ang pinakamabuting bagay para sa iyo, masakit pa rin ito. Paano mo pakikitunguhan ang mga damdamin na waring hindi basta malimutan? Sa isang bagay, hindi makatutulong na magkunwaring ikaw ay hindi nasasaktan. Gaya ng sabi ng magasing ’Teen kamakailan tungkol sa paksang ito, “ang damdamin ay hindi isang bagay na maaari mong takbuhan o pagtaguan. Sa wakas, masusumpungan ka nito.”
Likas lamang para sa iyo na magalit, labis na mainis sa bagay na ito. Subalit huwag mong kimkimin ang iyong damdamin, na balisang natutulog gabi-gabi. Sundin ang matalinong payo ng Bibliya: “Kayo’y magalit, subalit huwag magkakasala; huwag lubugan ng araw ang inyong galit.” (Efeso 4:26) Ipagtapat ang iyong niloloob sa isang pinagtitiwalaang kaibigan o katapatang-loob. “Nabibigo ang mga plano kung saan walang pag-uusap na may pagtitiwala,” sabi ng Kawikaan 15:22. Ang iyong mga magulang o Kristiyanong matatanda ay lubos na makatutulong sa mga kalagayang ito. Masusumpungan mo na sila’y nagdaan na rin sa katulad na mapait na mga karanasan nang sila’y mga bata pa.
Isa pang tulong upang mabata ang iyong damdamin ay maging abala. Maaaring ikaw ay may hilig na umiwas, ihiwalay ang iyong sarili, mangarap nang gising, at mawalan ng interes sa buhay. Ganito ang gunita ni Jeanette: “Wala kang ganang gumawa ng anumang bagay. Tulog ka lamang nang tulog.” Subalit gaya ng babala ng Kawikaan 18:1, “ang humihiwalay ay humahanap ng sarili niyang nasá; at nakikipagtalo laban sa lahat na magaling na karunungan.” Sa halip, maging abala. Makihalubilo muli sa grupo ng mga kasama na magpapatibay-loob sa iyo sa tamang landas.
Ang isang mahusay na paraan na pagbuhusan ng iyong mga lakas ay gawing abala ang iyong sarili sa Kristiyanong ministeryo. Sumulat si apostol Pablo: “Kaya nga, mga kapatid kong minamahal, kayo’y magsitatag, huwag makilos, na laging maraming gawain sa Panginoon, yamang nalalaman ninyo na hindi walang kabuluhan ang inyong gawa sa Panginoon.” (1 Corinto 15:58) Ang iyong buhay ay hindi kinakailangang maging walang-saysay o walang kabuluhan. Ang pagbabahagi ng mabuting balita sa iba ay nagdudulot ng kaligayahan at kasiyahan.—Gawa 20:35.
Tandaan din, na ikaw ay pansamantalang makararanas ng masasaya at malulungkot na araw. Sa malulungkot na araw maaaring madama mo na kailanma’y hindi mo ito makakayanan. Subalit ang totoo, ikaw ay mas bubuti pa nga. Ang paghihilom ng sugat—anumang sugat—ay nangangailangan ng panahon. Huwag patagalin ang paggaling sa pamamagitan ng paglugami sa romantiko o sentimental na musika at pangangarap nang gising tungkol sa iyong nabigong pag-ibig. Umasa kay Jehova ng lakas. Totoong batid niya kung ano ang iyong nararanasan at kung ano ang iyong nadarama. “Si Jehova ay malapit sa kanila na may bagbag na puso; at inililigtas niya ang mga may espiritu ng pagsisisi.”—Awit 34:18.
Mas Magandang Bukas ang Naghihintay
Bilang isang kabataan, ang isa sa iyong pinakadakilang pagpapala ay ang panahon. Ikaw ay may napakaraming panahon sa unahan mo upang matuto at magtamo ng karanasan. Kaya may katalinuhang gamitin ang napakahalagang pag-aari na ito; paunlarin ang mga katangian na makatutulong sa iyo na maging matatag at may pagtitiwalang adulto. Sa ganiyang paraan makagagawa ka ng mga pasiya tungkol sa pagliligawan at pag-aasawa sa hinaharap.
Bagaman ito’y mahirap, ang masakit na damdaming ito ay lilipas, at ikaw ay higit na magiging matalino rito. Si Renee, sinipi sa simula, ay nagsabi: “Napakikitunguhan ko na ang aking damdamin nang mas mabuti ngayon. Ako’y lubos na natuto. Natutunan ko na bubuti ang mga bagay-bagay sa paggawa lamang ng mga bagay ayon sa paraan ni Jehova.”
[Larawan sa pahina 23]
Talagang napakasakit pagka iyong nakita ang taong mahal mo na umibig sa iba