Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Si Kristo ay Naririto Na!

Si Kristo ay Naririto Na!

Ang Pangmalas ng Bibliya

Si Kristo ay Naririto Na!

“PUMAPARITO si Mandela! Pumaparito si Mandela!” awit ng mga bata sa Soweto, Timog Aprika. Ang paglaya ni Nelson Mandela mula sa bilangguan noong Pebrero 11, 1990, ay lubhang inabangan bilang pasimula ng pagbabago sa Timog Aprika. Gayunman, sa loob ng maraming taon bago pinalaya, ang kaniyang impluwensiya ay nadama. Habang nasa bilangguan, aktibo niyang itinaguyod ang isang “walang-tigil na krusada upang alisin ang apartheid.” Gaya ng binanggit ng isang internasyonal na pahayagang magasin, ang 27 taon na pagkabilanggo ay hindi “nakabawas sa kaniyang pagkanaroroon​—o sa kaniyang katapangan.” Mainam na inilalarawan ng kaniyang paglaya mula sa bilangguan ang pagkakaiba sa pagitan ng pagparito at pagkanaririto.

Sa katulad na paraan, may kinalaman sa pagkuha ni Jesu-Kristo ng kaniyang makaharing kapangyarihan, ang unang-siglong mga manunulat ng Bibliya ay gumawa ng pagkakaiba sa pagitan ng kaniyang pagparito at ng kaniyang pagkanaririto. Ang pagkanaririto ni Kristo Jesus sa makaharing kapangyarihan ay madarama at kikilalanin maraming taon bago ang kaniyang ‘pagparitong nasa mga alapaap ng langit na may kapangyarihan at dakilang kaluwalhatian.’ (Mateo 24:30) Ang di-nakikitang pagkanaririto (Griego, pa·rou·siʹa) ni Kristo ay mauuna sa pagparitong ito (Griego, erʹkho-mai) upang isagawa ang kahatulan laban sa mapaghimagsik at balakyot na lahi.

Pa·rou·siʹa​—Ano ang Kahulugan Nito?

Ang Griegong salitang pa·rou·siʹa ay literal na nangangahulugan na “pagiging nasa tabi” at “naging opisyal na katawagan sa isang pagdalaw ng isang taong may mataas na katungkulan, lalo na ng mga hari at mga emperador na dumadalaw sa isang lalawigan.” Ang Theological Dictionary of the New Testament ay nagsasaad: “Ang [pa·rou·siʹa] ay nangangahulugan ng lal[ong] aktibong pagkanaririto.” At may kinalaman sa pagkanaririto ni Kristo Jesus, ang aklat na The Parousia ay nagsasabi: “Ang mga Kasulatan ay hindi kailanman bumabanggit ng ‘ikalawang Parousia.’ Anuman ang magiging katangian niyaon, ito ay isang di-pangkaraniwang bagay, hindi pa nangyari noon, at hindi na mangyayari pang muli. Ito ay magiging isang pagkanaririto na naiiba at nakahihigit sa lahat ng ibang kapahayagan ng kaniyang sarili sa mga tao.”

Nagkokomento sa makahulang mga salita ni Jesus bilang tugon sa mga tanong na ibinangon ng mga apostol sa Bundok ng Olibo, isinulat ni Propesor A. T. Robertson sa Word Pictures in the New Testament na “ginagamit [ni Jesus] ang pagkawasak ng templo at ng Jerusalem na naganap sa salinlahing iyon ng A.D. 70, bilang isa ring simbolo ng kaniya mismong ikalawang pagparito at ng katapusan ng sanlibutan . . . o ang kaganapan ng panahon.” Anu-ano ang mga tanong na ito, at papaano ito sinagot ni Jesus?

Ang Tanda ng Pagkanaririto ni Kristo

Tulad ng nakaulat sa Mateo 24:3, ang mga apostol ay nagtanong: “Sabihin mo sa amin, Kailan mangyayari ang mga bagay na ito, at ano ang magiging tanda ng iyong pagkanaririto at ng katapusan ng sistema ng mga bagay?” Sa kaniyang sagot, ibinigay ni Jesus sa mga alagad ang isang tanda na magiging litaw na patotoo ng kaniyang di-nakikitang pagkanaririto sa kapangyarihan ng Kaharian. Kalakip sa kabuuang tanda ang walang-kaparis na mga digmaan, laganap na kakulangan sa pagkain, mapangwasak na mga lindol, mga salot, at ang paglago ng krimen at takot. Ang pagkanaririto ni Kristo ay magiging isang panahon ng pangglobong kaligaligan at kabalisahan. Hindi matagumpay na makakayanan ng mga pamahalaan ng tao at ng mga pinuno ng daigdig ang gumuguhong pamamalakad.​—Mateo 24:7, 12; Lucas 21:11.

Pinatutunayan ang katotohanan ng makahulang mga salita ni Jesus, isang propesor sa pulitikal na pag-aaral, si John Meisel, ay nagsabi: “Isang mahalagang panahon ay magwawakas, upang halinhan ng isa na ang balangkas ay bahagya lamang na nauunawaan.” Pagkatapos magkomento tungkol sa kamatayan ng Komunismo, sa pagkabigo ng Sosyalismo, at sa kawalang-kaya ng kapitalismo, si Propesor Meisel ay nagpatuloy: “Maraming problema ng tao ay hindi kayang lunasan ng mga siyensiyang panlipunan at kailangang lutasin sa pamamagitan ng ibang pamamaraan.” At ano ang ibig sabihin niyan? “Ang ideolohikal na mga suporta ng kapanahong daigdig ay gumuguho at kailangang palitan.”

Ang Aktibong Pagkanaririto ni Kristo

Sa kabila ng walang pag-asang mga kalagayan ng lumulubhang tanawin ng daigdig, ang pagkanaririto ni Jesus sa makaharing kapangyarihan ay nagsimula mahigit 75 taon na ang nakalipas at nadarama sa isang hindi mapag-aalinlanganan at positibong paraan. a Sa kabila ng malaking pinsalang dulot ng dalawang digmaang pandaigdig, ang iniluklok na Hari, si Kristo Jesus, ay aktibong nakibahagi sa paghubog ng isang bagong bansa ng mga tao​—isang bayan ukol sa pangalan ni Jehova “buhat sa lahat ng bansa at tribo at bayan at wika.” Pinasigla ng aktibong pagkanaririto ni Kristo ang pambuong-daigdig na programang pangangaral at pagtuturo na nakaantig sa puso ng milyun-milyong tao na nakahilig sa katuwiran. Pinakilos sila na manindigan sa panig ng Kaharian ni Jehova na nasa mga kamay ni Kristo Jesus.​—Apocalipsis 7:9, 10.

Sa harap ng lumalagong pang-araw-araw na katibayan na ang maraming-bahaging tanda ng pagkanaririto ni Kristo ay natutupad na, maliwanag sa alistong mga Kristiyano na tayo ay napapaharap sa katapusan ng isang panahon. Ngayon na ang panahon na “magbigay tayo ng higit kaysa karaniwang pansin” sa iniluklok na Hari, si Kristo Jesus. (Hebreo 2:1) Tayo ay pinaaalalahanan niya: “Kaya nga, manatili kayong gising, sa tuwina’y dumadalanging makaligtas kayo sa lahat ng mangyayaring ito, at upang makatayo sa harapan ng Anak ng tao.”​—Lucas 21:36.

[Talababa]

a Ang makaharing pamumuno ni Jesu-Kristo ay nagsimula noong 1914. Para sa higit na detalyadong paliwanag sa paksang ito, tingnan ang mga kabanata 16 hanggang 18 ng aklat na Maaari Kayong Mabuhay Magpakailanman sa Paraiso sa Lupa, inilathala noong 1982 ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.