Siyensiya—Ang Patuloy na Paghahanap ng Tao sa Katotohanan
Bahagi 3
Siyensiya—Ang Patuloy na Paghahanap ng Tao sa Katotohanan
Relihiyon at Siyensiya—Hindi Mabuting Pagsamahin
ANG libu-libong taon na paghahanap sa siyentipikong katotohanan ay waring nagtatag ng isang matibay na saligan para sa kasunod na pananaliksik. Tiyak na walang makahahadlang sa higit pang pagsulong. Gayunman, sabi ng The Book of Popular Science, “ang siyensiya ay tunay na hindi gaanong napabuti noong ikatlo, ikaapat at ikalimang siglo A.D.”
Dalawang pangyayari ang lubhang nakaapekto sa kalagayang ito. Noong unang siglo, isang bagong relihiyosong panahon ang dumating na kasabay ni Jesu-Kristo. At ilang dekada bago nito, noong 31 B.C.E., isang bagong pulitikal na panahon ang isinilang kasabay ng pagtatatag ng Imperyong Romano.
Di-gaya ng mga pilosopong Griego na nauna rito, ang mga Romano “ay mas interesado sa paglutas ng araw-araw na mga problema sa buhay kaysa paghanap sa mahirap-unawaing katotohanan,” sabi ng nabanggit na reperensiyang akda. Makatuwiran, kung gayon, “ang kanilang kontribusyon sa dalisay na siyensiya ay kakaunti.”
Gayunman, ang mga Romano ay may bahagi sa pagpapasa ng siyentipikong kaalaman na natipon hanggang noong panahong iyon. Halimbawa, si Pliny na Nakatatanda ay gumawa ng siyentipikong pagtitipon noong unang siglo na tinatawag na Natural History. Bagaman may mga kamalian, iningatan nito ang iba’t ibang uri ng siyentipikong impormasyon na maaari sanang nawala sa nahuling mga salinlahi.
Kung relihiyon naman ang pag-uusapan, ang mabilis na lumalaganap na kongregasyong Kristiyano ay hindi nasangkot sa siyentipikong paghahanap noong panahong iyon. Hindi dahilan sa ang mga Kristiyano ay salungat sa siyentipikong pananaliksik sa ganang sarili, kundi ang inuuna ng Kristiyano, gaya ng ipinakita mismo ni Kristo, ay ang pag-unawa at pagpapalaganap ng relihiyosong katotohanan.—Mateo 6:33; 28:19, 20.
Bago matapos ang unang siglo, binantuan na ng apostatang mga Kristiyano ang relihiyosong katotohanan na iniatas na kanilang palaganapin. Nang maglaon ito ay humantong sa pagtatatag nilaGawa 20:30; 2 Tesalonica 2:3; 1 Timoteo 4:1) Ipinakita ng kasunod na mga pangyayari na ang pagtakwil nila sa relihiyosong katotohanan ay sinamahan ng isang saloobin ng pagwawalang-bahala—at kung minsan ay ng pagsasalungatan pa nga—sa siyentipikong katotohanan.
ng isang apostatang anyo ng Kristiyanismo, gaya ng inihula. (Naiwala ng “Kristiyanong” Europa ang Pangunguna Nito
Ang The World Book Encyclopedia ay nagsasabi na noong Edad Medya (mula ika-5 hanggang ika-15 siglo), “sa Europa, ang mga iskolar ay mas interesado sa teolohiya, o sa pag-aaral ng relihiyon, kaysa sa pag-aaral ng kalikasan.” At ang “pagdiriing ito sa kaligtasan sa halip na sa pagsisiyasat sa kalikasan,” sabi ng Collier’s Encyclopedia, “ay higit na isang hadlang kaysa isang pangganyak sa siyensiya.”
Ang mga turo ni Kristo ay hindi nilayon upang maging isang hadlang. Gayunpaman, ang masalimuot na huwad na relihiyosong mga idea ng Sangkakristiyanuhan, pati na ang labis na pagdiriin sa kaligtasan ng ipinalalagay na kaluluwang walang kamatayan, ang humimok sa pag-unlad na ito. Karamihan ng pag-aaral ay nasa ilalim ng pangangasiwa ng simbahan at pangunahin nang nililinang sa mga monasteryo. Ang relihiyosong saloobing ito ang nagpabagal sa paghahanap sa siyentipikong katotohanan.
Ang siyentipikong mga bagay ay pangalawa lamang sa teolohiya mula sa pasimula ng Karaniwang Panahon. Halos ang tanging siyentipikong pagsulong na karapat-dapat banggitin ay sa larangan ng medisina. Halimbawa, ang Romanong manunulat sa medisina na si Aulus Celsus ng unang siglo C.E., tinatawag na “Hippocrates ng mga Romano,” ay sumulat ng kung ano ngayon ang itinuturing na isang klasiko sa medisina. Natapos ng Griegong parmakologong si Pedanius Dioscorides, isang siruhano sa hukbong Romano ni Nero, ang mahalagang aklat-aralin sa parmakolohiya na malawakang ginamit sa loob ng mga dantaon. Sa pagtatatag ng eksperimental na pisyolohiya, naimpluwensiyahan ni Galen, isang Griego noong ikalawang siglo, ang medikal na teoriya at gawain mula noong panahon niya hanggang noong Edad Medya.
Ang panahon ng siyentipikong walang pag-unlad ay nagpatuloy kahit na pagkatapos ng ika-15 siglo. Oo, ang mga siyentipiko sa Europa ay nakagawa ng mga pagtuklas noong panahong ito, subalit sa kalakhang bahagi, ang mga ito ay hindi orihinal. Ang magasing Time ay nagsasabi: “[Ang mga Intsik] ang unang mga panginoon ng siyensiya sa daigdig. Matagal nang panahon bago ang mga Europeo, marunong na silang gumamit ng kompas, gumawa ng papel at pulbura, [at] mag-imprenta sa nakikilos na tipo.”
Kaya, dahil sa panlahat na kawalan ng siyentipikong kaisipan sa “Kristiyanong” Europa, ang mga kulturang di-Kristiyano ay nanguna.
Siyentipikong Pagsulong
Noong ikasiyam na siglo, ang mga siyentipikong Arabe ay mabilis na nagiging mga lider sa mga bagay na may kaugnayan sa siyensiya. Lalo na noong ika-10 at ika-11 siglo—bagaman tandang panahon ng Sangkakristiyanuhan—sila ay nagtamasa ng ginintuang panahon ng tagumpay. Nakagawa sila ng mahalagang mga kontribusyon sa medisina, kemistri, botani, pisika, astronomiya, at higit sa lahat, sa matematika. (Tingnan ang kahon, sa pahina 20.) Si Maan Z. Madina, kasamang propesor ng Arabe sa Columbia University, ay nagsasabi na “ang modernong trigonometriya gayundin ang algebra at heometriya ay sa kalakhang bahagi mga likha ng Arabe.”
Marami sa siyentipikong kaalamang ito ay orihinal. Subalit ang ilan dito ay batay sa malawak na pundasyon ng pilosopyang Griego at pinangyari, bagaman nakapagtataka, sa pamamagitan ng pagkasangkot ng relihiyon.
Maaga noong Karaniwang Panahon, ang Sangkakristiyanuhan ay lumaganap sa Persia at pagkatapos ay sa Arabia at India. Noong ikalimang siglo, si Nestorius, ang patriyarka ng Constantinople, ay napasangkot sa isang pagtatalo na humantong sa pagkakahiwa-hiwalay sa loob ng simbahan sa Silangan. Ito’y humantong sa pagtatatag ng isang pangkat ng humiwalay, ang mga Nestoriano.
Noong ikapitong siglo, nang ang bagong relihiyon ng Islam ay biglang lumitaw sa tanawin ng daigdig at sinimulan ang kampanya nito ng paglawak,
mabilis na ipinasa ng mga Nestoriano ang kanilang kaalaman sa kanilang mga mananakop na Arabe. Ayon sa The Encyclopedia of Religion, “ang mga Nestoriano ang unang nagpaunlad sa siyensiya at pilosopyang Griego sa pamamagitan ng pagsasalin ng mga tekstong Griego sa Syriac at pagkatapos ay sa Arabe.” Sila rin “ang unang nagpakilala ng medisinang Griego sa Baghdad.” Ang mga siyentipikong Arabe ay nagsimulang magtayo sa mga bagay na kanilang natutuhan mula sa mga Nestoriano. Hinalinhan ng Arabe ang Syriac bilang ang wika ng siyensiya sa imperyong Arabe at napatunayang isang wikang angkop na angkop para sa siyentipikong pagsulat.Ngunit ang mga Arabe ay nagbigay rin ng kaalaman. Nang magtungo sa Europa ang mga Moor sa pamamagitan ng Espanya—upang manatili roon sa loob ng mahigit na 700 taon—dinala nila ang isang naliwanagang kulturang Muslim. At sa loob ng walong tinatawag na mga Krusadang Kristiyano, sa pagitan ng 1096 at 1272, ang mga kasama sa krusada na taga-Kanluran ay humanga sa maunlad na Islamikong sibilisasyon na kanilang nakatagpo. Sila’y nagbalik, gaya ng pagkakasabi rito ng isang awtor, taglay “ang maraming bagong mga impresyon.”
Pagpapapayak sa Matematika ng mga Arabe
Isang mahalagang kontribusyong ginawa ng mga Arabe sa Europa ay ang pagpapakilala ng Arabeng bilang upang humalili sa paggamit ng mga letrang Romano. Sa katunayan, “ang Arabeng bilang” ay isang maling pangalan. Ang mas angkop na termino ay marahil ang “Hindu-Arabeng bilang.” Tunay, ang Arabeng matematiko at astronomo noong ikasiyam na siglo na si al-Khwārizmī ang sumulat tungkol sa sistemang ito, subalit nakuha niya ito mula sa mga matematikong Hindu ng India, na gumawa nito mahigit na isang libong taon na maaga, noong ikatlong siglo B.C.E.
Ang sistema ay hindi gaanong kilala sa Europa bago ipakilala ito ng bantog na matematikong si Leonardo Fibonacci (kilala rin bilang Leonardo ng Pisa) noong 1202 sa Liber abaci (Aklat ng Abacus). Ipinakikita ang bentaha ng sistema, ipinaliwanag niya: “Ang siyam na bilang ng India ay: 9 8 7 6 5 4 3 2 1. Sa pamamagitan ng siyam na bilang na ito at ng tanda na 0 . . . maaaring isulat ang anumang bilang.” Sa simula ang mga Europeo ay mabagal tumugon. Subalit sa pagtatapos ng Edad Medya, natanggap na nila ang bagong sistema ng pagbilang, at ang pagiging payak nito ay nagpasigla sa siyentipikong pagsulong.
Kung nag-aalinlangan ka na ang Hindu-Arabeng bilang ay ginawang payak lamang ang dating Romanong bilang, subukin mong ibawas ang LXXIX sa MCMXCIII. Nalilito ka ba? Marahil ang 79 ibawas sa 1,993 ay mas madali.
Muling Pagpukaw ng Interes sa Karunungan sa Europa
Simula noong ika-12 siglo, ang apoy ng karunungan na maliwanag na nagdiringas sa daigdig ng Muslim ay nagsimulang dumilim. Gayunman, ito ay muling pinukaw sa Europa nang simulang itatag ng mga pangkat ng iskolar ang mga tagapagpauna ng modernong mga pamantasan. Sa kalagitnaan ng ika-12 siglo, ang mga pamantasan ng Paris at ng Oxford ay umiral. Ang University of Cambridge ay sumunod noong maagang ika-13 siglo, at yaong sa Prague at sa Heidelberg ay kapuwa noong ika-14. Noong ika-19 na siglo, ang mga pamantasan ay naging pangunahing mga sentro ng siyentipikong pananaliksik.
Dati, ang mga paaralang ito ay lubhang naimpluwensiyahan ng relihiyon, karamihan ng mga pag-aaral ay nakasentro o nakahilig sa teolohiya. Subalit kasabay nito, tinanggap ng mga paaralan ang pilosopyang Griego, lalo na ang mga sulat ni Aristotle. Ayon sa The Encyclopedia of Religion, “ang Eskolastikong paraan . . . sa buong Edad Medya . . . ay binalangkas ayon sa lohiko ni Aristotle ng pagbibigay-kahulugan, paghahati, at pangangatuwiran sa paglalahad nito ng teksto at sa pagpapasiya nito sa mga problema.”
Ang isang iskolar noong ika-13 siglo na masikap sa pagsasama ng karunungan ni Aristotle sa teolohiyang Kristiyano ay si Thomas Aquinas, nang maglao’y tinawag na ang “Kristiyanong Aristotle.” Subalit sa ilang punto ay kakaiba siya kay Aristotle. Halimbawa, tinanggihan ni Aquinas ang teoriya na ang daigdig ay laging umiiral, sumasang-ayon sa Kasulatan na ito ay nilikha. Sa panghahawakang “mahigpit sa paniniwala na ang ating sansinukob ay isang maayos na sansinukob na maaaring maunawaan sa liwanag ng katuwiran,” sabi ng The Book of Popular Science, siya “ay gumawa ng mahalagang kontribusyon sa pag-unlad ng modernong siyensiya.”
Gayunman, sa kalakhang bahagi, ang mga turo nina Aristotle, Ptolemy, at Galen ay tinanggap bilang di-nagkakamaling katotohanan, kahit ng simbahan. Ang nabanggit na reperensiyang akda ay nagsasabi: “Noong Edad Medya, nang ang interes sa siyentipikong eksperimento at tuwirang pagmamasid ay hindi masidhi, ang salita ni Aristotle ay batas. Ipse dixit (‘Siya mismo ang nagsabi nito’) ang katuwiran na ginamit ng mga mag-aaral noong Edad Medya upang patunayan ang katotohanan ng maraming ‘siyentipikong’ pagmamasid. Sa ilalim ng mga kalagayang ito ang mga pagkakamali ni Aristotle, lalo na sa pisika at astronomiya, ay humadlang sa siyentipikong pagsulong sa loob ng mga dantaon.”
Ang isa na humamon sa bulag na pagsunod na ito sa dating mga palagay ay ang prayle sa Oxford noong ika-13 siglo na si Roger Bacon. Tinaguriang “ang pinakadakilang tao sa siyensiya noong Edad Medya,” si Bacon ay halos nag-iisa sa pagtaguyod sa pag-eeksperimento bilang isang paraan ng pagkaalam ng siyentipikong mga katotohanan. Sinasabing kasing-aga ng 1269, maliwanag na mga dantaon bago natanto ng iba pa ang mga bagay na ito, inihula niya ang mga kotse, eruplano, at mga bapor na de motor.
Gayunman, sa kabila ng pag-iintindi sa hinaharap at isang matalinong isip, si Bacon ay natatakdaan sa kaniyang kaalaman tungkol sa mga katotohanan. Siya ay lubhang naniniwala sa astrolohiya, mahiko, at alchemy. Ipinakikita nito na ang siyensiya ay totoong isang patuloy na paghahanap sa katotohanan, laging sumasailalim ng pagbabago.
Bagaman ang siyentipikong pagsisiyasat ay waring walang pagkilos noong ika-14 na siglo, habang papalapit na sa wakas nito ang ika-15 siglo, ang paghahanap ng tao sa siyentipikong katotohanan ay hindi pa tapos. Sa katunayan, ang susunod na 500 taon ay masasapawan ang nauna sa kanila. Ang daigdig ay nakatayo sa bingit ng isang siyentipikong rebolusyon. At katulad ng bawat rebolusyon, ang isang ito ay may mga bayani, mga kontrabida, at higit sa lahat, mga biktima. Alamin ang higit pa sa Bahagi 4 ng “Siyensiya—Ang Patuloy na Paghahanap ng Tao sa Katotohanan” sa aming susunod na labas.
[Kahon sa pahina 20]
Ang Ginintuang Panahon ng Siyensiyang Arabe
Al-Khwārizmī (ikawalo-ikasiyam na siglo), Iraqi na matematiko at astronomo; kilala sa pag-imbento ng katagang “algebra,” mula sa al-jebr, ibig sabihin sa Arabe ay “ang pagsasama ng basag na mga bahagi.”
Abū Mūsa Jābir ibn Ḥayyān (ikawalo-ikasiyam na siglo), alkemiko; tinatawag na ang ama ng Arabeng kemistri.
Al-Battānī (ikasiyam-ikasampung siglo), astronomo at matematiko; pinagbuti ang mga kalkulasyon sa astronomiya ni Ptolemy, sa gayo’y tinitiyak nang may higit na kawastuan ang mga bagay na gaya ng haba ng taon at ng mga panahon.
Ar-Rāzī (Rhazes) (ikasiyam-ikasampung siglo), isa sa kilalang manggagamot na isinilang sa Persia; una sa pagdistinggi sa pagitan ng bulutong at tigdas at inuri ang lahat ng bagay bilang alin sa hayop, gulay, o mineral.
Abū ‘Alī al-Ḥasan ibn al-Haytham (Alhazen) ng Basra (ika-10-ika-11 siglo), matematiko at pisikó; gumawa ng mahalagang mga kontribusyon sa teoriya ng optiko, pati na ang refraction, reflection, binocular vision, at atmospheric refraction; unang nagpaliwanag nang wasto sa paningin bilang ang epekto ng liwanag na nanggagaling sa isang bagay tungo sa mata.
Omar Khayyám (ika-11-ika-12 siglo), kilalang Persianong matematiko, pisikó, astronomo, manggagamot, at pilosopo; kilala sa Kanluran dahil sa kaniyang mga tula.
[Mga larawan sa pahina 18]
Lubhang naimpluwensiyahan nina Aristotle (itaas) at Plato (ibaba) ang siyentipikong kaisipan sa loob ng mga dantaon
[Credit Lines]
National Archaeological Museum of Athens
Musei Capitolini, Roma