Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Buhay—Isang Kaloob na Dapat Pakamahalin

Buhay—Isang Kaloob na Dapat Pakamahalin

Buhay​—Isang Kaloob na Dapat Pakamahalin

NANG ipagkaloob ng Diyos na Jehova ang pribilehiyo ng pag-aanak sa sambahayan ng tao, anong dakilang kaloob nga ito! Isang magandang sanggol ang darating upang tanggapin ng naghihintay na mga bisig ng maligayang mag-asawa na nagmamahalan sa isa’t isa at handang mahalin at alagaan ang munting bungang ito ng kanilang pagsasama bilang mag-asawa. Kagalakan lamang ang naghihintay sa pamilya habang ang buhay ng bata ay nabubunyag.

Subalit ang kasalanan nina Adan at Eva ay nagdala ng kalunus-lunos na mga bunga sa mga sanggol na isinilang sa lahi ng tao. Bunga ng kasalanan, ang ating unang ina ay isinumpa na daranas ng hapis at kirot ng katawan sa kaniyang panganganak. At ang makasalanang kapaligiran na kinamulatan ng kanilang supling ay gumawa sa pagpapalaki ng anak na isang mahirap na hamon. Kaya, sa masalimuot na daigdig sa ngayon, hindi kataka-taka na ang paglilihi sa isang anak ay kadalasang hindi tinatanggap nang may kagalakan. Gayunman, ano ba ang pangmalas ng Maylikha sa di pa isinisilang? Ang pangmalas ba ng Maylikha tungkol sa di pa isinisilang ay nagbago sa nagbabagong daluyong ng moralidad? Tiyak na hindi. Ang kaniyang pangmalas at pagmamalasakit sa di pa isinisilang na mga bata sa daigdig ay hindi nagbabago.

Nililiwanag ng mga Kasulatan na sa loob ng ina isang walang-katulad na indibiduwal na tao ang lumalaki. Ang buhay ay nagsisimula sa paglilihi. Ang pagsilang sa daigdig ay nagsisiwalat lamang sa tao ng bata na nakita na ng Diyos. Binabanggit ni Ezekiel ang tungkol sa “lahat na nagbubukas ng bahay-bata.” (Ezekiel 20:26) Inilalarawan ni Job “ang mga pinto ng bahay-bata ng aking ina,” at tinatawag ang mga pagkalaglag o kunan na “mga sanggol na kailanman ay hindi nakakita ng liwanag.”​—Job 3:10, 16.

Pansinin ang magiliw na pagturing ng Diyos na Jehova sa maselang na buhay habang ito’y lumalaki sa loob ng bahay-bata. Sabi niya kay Jeremias: “Bago kita inanyuan sa tiyan ay nakilala na kita, at bago ka lumabas sa bahay-bata ay pinaging-banal kita.” (Jeremias 1:5) Sinabi ni David: “Ang mga buto ko ay hindi nakubli sa iyo nang ako’y gawin sa lihim, nang ako’y yariin sa mga pinakamababang bahagi ng lupa. Nakita ng iyong mga mata pati nang ako’y binhing sumisibol pa lamang.” (Awit 139:15, 16) Tinatawag ni Job ang Diyos na “ang Siyang lumalang sa akin sa tiyan,” na “humugis sa atin sa bahay-bata.”​—Job 31:15.

Subalit kumusta naman ang tungkol sa pagmamalasakit ng Diyos sa desperadong magiging ina na ayaw ng anak? Sa lahat ng persona, talos ng Maylikha ang mabigat na mga pananagutan ng pagiging magulang. Bagaman nasa mahirap na mga kalagayan, kung pipiliin ng isang magiging ina na panatilihin ang kaniyang sanggol dahil sa paggalang sa maka-Diyos na mga kahilingan, hindi ba niya pagpapalain ang kaniyang pasiya? Ang isang magulang ay maaari at dapat na manalangin nang wasto para sa kaniyang tulong sa pagpapalaki ng isang masayang anak. Sa mga pahina ng kaniyang Salita, ibinigay na ng Diyos ang pinakamagaling na payong makukuha tungkol sa pagpapalaki ng mga anak. Ang pagkakapit ng mga simulain ng Bibliya sa buhay pampamilya ay magbubunga ng mga pagpapala. Ang mga kagalakan at gantimpala ng pagpapalaki ng maka-Diyos na mga anak ay nakahihigit sa anumang mga sakripisyo na ginagawa, gaya ng mapatutunayan ng sinumang nagkakapuring magulang.

Iba ba ang pangmalas ni Jehova kung ang sanggol ay bunga ng paggahasa o insestong kaugnayan? Bagaman ang gawa laban sa ina ay kriminal na gawa, ang sanggol ay hindi dapat sisihin. Ang pagwakas sa buhay nito ay gaganti lamang ng isang gawa ng karahasan ng isa pang karahasan. Tiyak na talos ni Jehova ang emosyonal na trauma na nararanasan ng gayong mga biktima at makatutulong sa ina at sa anak na makayanan ang resulta sa isang timbang na paraan.

Ano naman kung ipaalam ng isang doktor sa isang nagdadalang-taong babae na ang kaniyang pagdadalang-tao hanggang sa kagampanan ay maaaring magsapanganib sa kaniyang buhay? Si Dr. Alan Guttmacher ay nagsabi: “Sa ngayon posible sa halos sinumang pasyente na makaraos sa pagdadalang-tao nang buháy, malibang siya’y maghirap dahil sa isang nakamamatay na karamdaman na gaya ng kanser o leukemia, at kung magkagayon, ang aborsiyon ay malamang na hindi na makapahaba, ni makaligtas ng buhay.” Ang The Encyclopedia Americana ay nagsasabi: “Yamang ang karamihan ng mga babae ay maaaring ligtas na makaraos sa pagdadalang-tao kahit na may malubhang medikal na mga problema, iilang aborsiyon lamang ang kailangang isagawa upang pangalagaan ang kalusugan ng ina. Karamihan ng mga aborsiyon ay hinahangad upang hindi magkaanak.” Kaya ang gayong mga kalagayan ay bihirang-bihira. Gayunman, kung mangyari nga ito sa oras ng panganganak, kung gayon ang mga magulang ay kailangang pumili sa pagitan ng buhay ng ina at ng sanggol. Desisyon nila iyon.

Kataka-taka ba na ang Maylikha ng buhay ay naglagay ng maliwanag na mga tuntunin tungkol sa paggamit ng ating mga kapangyarihang mag-anak? Sa kaniyang paningin, ang paggawa ng isang buhay na hindi mo nilalayong pangalagaan ay kasalanan, kung paanong ang pagkitil ng buhay ay kasalanan.

Upang matiyak, ang pagtatalo tungkol sa kung tama o mali ba ang aborsiyon ay magpapatuloy hanggang magwakas ang sistemang ito. Subalit kung tungkol sa Maylikha ng buhay, ang Diyos na Jehova, gayundin sa mga sumusunod sa kaniyang mga kautusan, walang anumang pagtatalo. Ang buhay ay mahalaga​—isang kaloob na dapat alagaan at pakamahalin mula sa pasimula nito.

[Kahon sa pahina 11]

Ang Pagmalas sa Aborsiyon sa Paraan ng Diyos

KUMUSTA naman ang tungkol sa kabataang babae na nagdadalang-tao nang walang asawa at ganap na hindi handa na maging ina? Dapat ba siyang payagang isilang ang isang sanggol sa daigdig? Ang damdamin ng Diyos sa sanggol ay hindi nagbabago dahil lamang sa ang ina nito ay kumilos sa hindi matalino at imoral na paraan. Ang pagsilang ng isang sanggol ay maaari ngang tumulong sa ina nito na matalos ang natural na mga bunga ng kaniyang imoralidad at sa gayo’y ikintal sa kaniya ang karunungan ng mga kautusan ng Diyos. Ang pag-alis sa mga katibayan ng kaniyang lisyang paggawi sa sekso ay maaaring makabagabag sa kaniyang budhi, o ito ay maaaring magpalakas ng loob niya sa higit pang mga gawa ng imoralidad.

Kung walang ama na tutulong sa pasanin, ang pagpapalaki ng anak ay hindi madali. Subalit ang isang matibay na kaugnayan sa ating makalangit na Ama ay maaaring magbigay sa ina ng moral at emosyonal na lakas, alalay, at patnubay na gawin iyon. Inilaan din niya ang Kristiyanong kongregasyon upang pagaanin ang pasanin ng nagsosolong mga magulang.