Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Kung Makapagsasalita Lamang ang Pigurin na Iyon!

Kung Makapagsasalita Lamang ang Pigurin na Iyon!

Kung Makapagsasalita Lamang ang Pigurin na Iyon!

“INGATAN mo! Ayaw kong makita siyang basag!” Karaniwang sinasabi iyan ni Jane habang ipinagmamalaki niya ako sa kaniyang mga kaibigan, lalo na kung ang sinuman ay nagtatangkang hawakan ako. Buweno, ako’y isang napakahalagang pag-aari. At alam kong pinahahalagahan ako kapuwa nina John at Jane​—hinahawakan nila ako nang buong ingat. Subalit kung sasabihin ang totoo, hindi naman ako ganiyang kadali mabasag.

Pagka nakatitig ang aking mga matang maganda ang pagkapinta sa mga tao na humahanga sa akin, ako’y kalimitang napapatawa sa aking sarili sa mga paraang kinakailangan upang ako’y magawa. Walang tao ang maaaring makabata sa gayong kahirap na karanasan! Ito’y isang kawili-wiling salaysay.

Malagkit na mga Pasimula

Ang luwad na Tsina, ang aking pangunahing sangkap, ay ginigiling na kasama ng puting granito at pinatuyong buto ng hayop, at hinahaluan ng tubig. Ang pagkakatimbang ay kailangang maging tama. Inaalis ng mga elektromagneto ang anumang partikulo ng bakal na maaaring nasa makremang likido, o slip, gaya ng tawag dito ng kalakalan ng pigurin, pagkatapos ang tubig ay pinipiga hanggang sa ito ay maging gaya ng isang kimpal ng Plasticine.

Ang slip ay saka inilalagay sa loob ng isang pug mill, na parang isang napakalaking makinang tagahalo, upang haluin at masahin. Isang vacuum pump ang nag-aalis ng lahat ng bula ng hangin, na maaaring magpangyari sa aking luwad na mabasag kapag ito sa wakas ay ininit sa pugon.

Ang disenyador ko ay gumawa ng isang modelo ko na halos 13 porsiyentong mas malaki kaysa kung ano ang kalalabasan ko. At hindi ito kataka-taka! Ako’y lumiliit habang ako ay inilalagay sa pugon nang tatlo o apat na beses sa mga temperaturang mula 800 hanggang 1,200 digris Celsius. Aba, oo, mga buwan pa ng paggawa bago ako makangiti sa iyo na ako lamang ang makagagawa. Hayaan mong sabihin ko sa iyo ang higit pa.

Pagkakabit ng mga Bahagi

Inaakala mo bang ako’y minomolde sa isang piraso? Gayon ang akala ng karamihan, ngunit malayo iyan sa katotohanan. Ako’y iminomolde sa maraming moldeng eskayola na nag-aalis ng halumigmig upang ang aking luwad ay tumigas. Kapag sa wakas ay binuksan ng aking tagamolde ang kaniyang mga molde, naroon ako, subalit hiwa-hiwalay pa​—ang aking ulo rito, isang paa roon, ang aking damit ay maingat na nakalatag sa ibang dako. Oh, gayon na lamang ang pagnanais kong ako’y pagkabit-kabitin!

Marahang mga kamay ng aking tagakabit ang ngayo’y humahawak sa akin. Natutuwa ako na napansin niya ang magaspang na mga gilid na iniwan ng mga molde. Maingat na nililinis niya ang mga ito, pati na ang pangit na dugtong sa aking ulo. Mas mabuti na ang pakiramdam ko! Taglay ang kadalubhasaan ikinakabit niya ang aking mga kamay sa aking katawan, tinitiyak na ang takip sa kamay ko ay nakapuwesto nang tama. Taglay ang kasanayan ng isang siruhano, idinurugtong at hinihinang niya ang mga bahagi hanggang sa walang mag-aakala na ang aking buhay ay dating lubhang hiwa-hiwalay.

Ngayon ako ay tumatayo upang patuyuin. Yamang walang lumilitaw na mga lamat, handa na ako sa aking mga pagsubok sa apoy. Ang pugon ay iniinit, at ako’y marahang ipinapasok dito, kasama ng maraming iba pang pigurin.

Dekorasyon

Isang tinig na nagsusuri at nagsasabi tungkol sa akin, “Magaling!” Ako’y sinang-ayunan, at ngayon ako’y nakatayo sa hanay na dadalhin sa departamento ng dekorasyon. Ako’y papahiran ng isang likidong kristal na karaniwang tinatawag na pakinang, na ibig sabihin ako ay kailangang ilubog sa isang tangke ng likidong kristal. Pagkatapos, balik uli ako sa pugon upang lumabas na kumikinang at makintab, handa na para sa pagkukulay sa aking pakinang.

Ako’y kinukulayan ng gawang-kamay, na siyang dahilan kung bakit walang dalawa sa amin na mga pigurin ang magkamukhang-magkamukha. Nangangailangan ng mga taon ng pagsasanay, at ang dalagang magkukulay sa akin ay nagsasabi na dapat matatag subalit mabilis ang paggamit niya sa pinsel. Kung hindi, maaaring magkaroon ng mga guhit kapag natuyo ang pintura.

Gusto mo ba ang aking mga mata? Ang mga ito ang pinakamahirap gawin. Isang araw ay narinig ko na ipinagtapat ng isang pintor sa isang kaibigan na kailangan niyang ihiga ako nang matatag sa bangko at huminga nang malalim at pigilin ang paghinga hanggang sa matapos ang lahat ng pinong mga hagod sa mata, itim ng mata, at kilay. Ang paghinga o pagkilos sa anumang paraan ay maaaring makasira sa isang hagod ng pinsel sa loob ng wala pang isang segundo, narinig kong sinabi niya.

Kaya ngayon ako ay nadaramtan na, at ako’y tinawag na Autumn Breeze. Sa pinakapaanan ko ang aking pangalan at ang pangalan ng gumawa sa akin ay maingat na nakatatak​—isang tatak ng pagsang-ayon, wika nga. Isang pangwakas na paghurno upang dumikit nang husto ang aking hitsura, at ako’y handa nang magtungo saanman sa daigdig.

Sa katunayan, ako’y nakataan para sa pamilihan ng bansa at nanatili sa Inglatera, kung saan nakita ako ni John. Natutuwa ako’t nakita niya ako. Si Jane, ang asawa niya, ay tuwang-tuwa nang ibigay niya ako sa kaniya upang alalahanin ang kanilang ika-25 anibersaryo ng kasal. Noon ko unang narinig na sinabi ni Jane: “Oh, ingat tayo! Ayaw kong makita siyang basag!” Nakabubuting malaman na ako’y nasa mabuting mga kamay. At nakalulugod na magbigay ng kasiyahan​—at pinahahalagahan.

[Mga larawan sa pahina 26]

Ikinakabit ng tagakabit ang iba’t ibang bahagi ng pigurin bilang paghahanda para sa pugon

Ang pagbubuhos ng slip mula sa pug mill tungo sa moldeng eskayola

Pagbukas sa mga moldeng eskayola

Pagkatapos ng pakinang na kristal, ang isang pigurin ay pinipintahan ng gawang-kamay ng maraming patong ng kulay

Ang mga detalye sa mukha ay may kasanayang iginuguhit

[Credit Line]

Lahat ng larawan: Sa kagandahang-loob ng Royal Doulton

[Picture Credit Line sa pahina 25]

“Autumn Breeze,” sa kagandahang-loob ng Royal Doulton