Mga Kabayo ang Dati Kong Hilig sa Buhay
Mga Kabayo ang Dati Kong Hilig sa Buhay
Mumunting kuko ang unang lumitaw, sinundan ng isang ulo na nakapatong sa isang pares ng mga paa sa unahan. Nahirapan ako sa mga balikat, subalit napakabilis na lumabas ng iba pang bahagi. Minsang maputol ang pusod, ang babaing kabayo ay lumulukso, humahalinghing sa galak at hindi makapaghintay na makita ang kaniyang anak.
ISA lamang ito sa maraming beses na kailangan kong bumangon sa gabi upang tulungan ang isang “ina” na nahahapis. Tinanggap ko ito nang walang reklamo. Alam mo, ang paglalahi ng mga kabayong purong lahi ang kinahuhumalingan ko.
Ang pagkahilig ko sa mga kabayo ay nagsimula nang napakaaga sa aking buhay. Nagsimula akong sumakay ng kabayo nang ako ay anim na taon. Ako’y isinilang sa Roncq, sa hilaga ng Pransiya, pinalaki ng Katolikong mga magulang, na ipinadala ako sa isang Katolikong boarding school para sa aking sekundaryong edukasyon. Ang mga paaralan para sa paglalahi ng kabayo ay hindi umiiral, kaya nagpasiya akong huminto ng pag-aaral at pinasok ko ang karera ng paglalahi ng kabayo. Nagsimula ako na kasama ng isang tagasanay sa Chantilly, isang bayan sa hilaga ng Paris na kilala sa mga purong lahi ng mga kabayo nito. Doon, nakita ko ang mahirap, mahigpit na daigdig ng karera sa kabayo. Bakit mahirap? Ang mga kabayong pangarera ay maihahambing sa mga atletang matataas ang uri—kailangan nila ng patuloy na atensiyon.
Pagsasanay sa mga Kabayong Pangarera
Ang maselang yugto ng pagsasanay at paghahanda ay karaniwang nagsisimula sa taglagas kapag ang mga kabayo ay 18 buwang gulang. Kailangang masanay sila sa kanilang bagong kapaligiran at matutong isuko ang kanilang dating masayang paglalaro, nagiging seryoso sa trabaho. Una muna, dapat ipakilala ng tagasanay sa kabayo ang kabisada, na isang mahirap na atas.
Ang paglalagay lamang ng satiyan sa isang kabayo ay maaaring magpangyari sa kabayo na umalma na parang nasa rodeo! Ang bisiro ay kailangang masanay sa siyá o upuan, at sa wakas ang panahon ay dumarating upang ang kabayo ay sakyan sa unang pagkakataon. Ang unang sasakay ay karaniwang pinipili mula sa mga nagsasanay na maging mga hinete. Marami sa kanila sa gayon ang nakararanas na mahulog sa kabayo! Ang pagsasanay sa mga kabayo ay nangangailangan ng maraming kasanayan at tiyaga, pati ng sensitibong paglapit. Oo, kung ang hayop ay matrauma, ang buong karera nito sa pangangarera ay maaaring manganib.
Maaga tuwing umaga, inilalabas namin ang mga kabayo upang turuan ang mga ito ng iba’t ibang lakad—yaon ay ang paglakad, pagtrote, at ang pagyagyag—pawang mahalagang bahagi ng pagsasanay. Kapag sinasanay, kailangang sunud-sunod na baguhin ng isang kabayo ang paglakad ayon sa mga tagubilin. Gayunman, ang sandaling pagyagyag ay ipinahihintulot sa pana-panahon, binibigyan ang mga kabayo ng malayang pagkilos sa maikling distansiya.
Sa pagtatapos ng umaga, kami’y nagbabalik sa mga kuwadra upang ang mga kabayo ay maingat na almuhasahin. Lahat ng bakas ng pawis ay inaalis, at ang kanilang mga kuko ay maingat ding nililinis.
Kung ang kabayo ay gumagawa ng mabuting pagsulong, maaari itong magsimulang makibahagi sa mga karera para sa mga kabayong dalawang-taóng-gulang sa katapusan ng taglamig. Ang karera
ng purong lahi na kabayo ay karaniwang natatapos sa dulo ng ikatlo o, sa pinakahuli, sa ikaapat na taon nito. Gayunman, ang mga trotter (mga kabayong pangarera na may hilang dalawang-gulong na sasakyan at tsuper) ay patuloy na tumatakbo sa karera hanggang walong taóng gulang.Nagkatotoo ang Aking mga Pangarap
Yamang ako’y lalo nang interesado sa paglalahi ng mga kabayo, nagsimula akong magsanay sa isang hayupan ng mga palahing kabayo sa Normandy, hilagang-kanluran ng Pransiya—isang ekselenteng rehiyon para sa paglalahi ng mga kabayong pangarera dahil sa klima at sa saganang pastulan nito. Pagkalipas ng labingwalong buwan ako ay naging pangalawang direktor ng Bois-Roussel Stud Farm, ang pinakamalaki sa Europa noong panahong iyon, na may 300 kabayong aalagaan at daan-daang ektaryang lugar.
Sa Bois-Roussel Stud Farm, nakilala ko ang babaing mapapangasawa ko; nagtatrabaho siya roon bilang isang sekretarya. Wala akong kamalay-malay kung paano maaapektuhan nito ang aking buhay. Alam mo, kilala niya ang mga Saksi ni Jehova at sinasabi niya sa akin ang tungkol sa kanila. Noong panahong iyon ay hindi ako interesado.
Nang marinig ng direktor ang aming balak na magpakasal sa loob ng ilang buwan, tinanong niya ako kung papayag ba kaming pangasiwaan ang isa pang hayupan ng mga palahing kabayo kung saan siya ay isang kasosyo ng may-ari. Kaya natupad ang aking pinakamimithing pangarap. Narito ako, direktor ng isang mahalagang hayupan ng mga palahing kabayo sa gulang na 24! Kakaunti lamang ang mga direktor ng hayupan ng mga palahing kabayo sa Pransiya; ang mga tungkuling ito ay karaniwang inirereserba sa mga miyembro ng piling grupo ng mga tao na kasangkot sa karera ng kabayo. Mas maliit kaysa Bois-Roussel, ang La Louvière Breeding Farm ay nasa Normandy rin at para sa akin ay isang munting 100-ektaryang paraiso, na may halos isang daang kabayo, kasali na ang mga lalaking kabayo, babaing kabayo, at mga bisiro.
Yamang ang dating direktor ay aalis pagkalipas ng anim na linggo, kami ay inalok muna ng may-ari na maglakbay sa Estados Unidos. Dinalaw namin ang malalaking hayupan ng mga palahing kabayo sa Amerika upang pag-aralan ang kanilang mga paraan ng pagpaparami at nagtungo kami sa ilang hayupan kung saan maaari naming ipadala ang aming mga babaing kabayo upang lahian ng kanilang mga lalaking kabayo.
Buhay sa Isang Hayupan ng mga Palahing Kabayo
Ang buhay sa isang hayupan ng mga palahing kabayo ay masyadong abala subalit tiyak na hindi nakapapagod. Oo, ito’y nagdulot sa amin ng malaking kasiyahan, sapagkat kami ay laging malapit sa kalikasan at may magaganda, malulusog na hayop na aalagaan. Sa umaga kami ay nagigising sa mahinang tunog ng mga kabayong ngumangata ng sariwang damo. Anong gandang musika ito sa aking mga tainga!
Ang trabaho sa hayupan ay nahahati sa mga panahon ng pagpapakasta at pag-aanak, pag-awat sa mga bisiro, at ang pagtitinda ng purong lahing mga bisiro. Ang mga lalaking kabayo ay maingat na pinipili batay sa mahusay na mga rekord ng karera, gayundin ang angkang pinagmulan at talaan ng mga ninuno. Tuwing tagsibol halos 40 babaing kabayo ang pinakakastahan, at hanggang sandaang libong dolyar ang maaaring ibayad upang magkaroon ng isang purong lahi ng lalaking kabayo na may katangi-tanging rekord na maging ama ng isang bisiro. Dahil sa gayong pamumuhunan, hindi mahirap unawain kung bakit gayon na lamang ang pangangalagang isinasagawa kapuwa sa panahon ng paglilihi at panganganak.
Nakalulungkot nga, nagkakaroon ng mga aksidente, at kung minsan ang munting bisiro ay isang ulila sa pagsilang. Sa kasong ito nakakaharap namin ang mahirap na atas na paghimok sa isang babaing kabayo na ampunin ito. Ang babaing kabayo ay pinipigilan ng mga lalaking nagtatrabaho sa kuwadra, na nagrerelyebo sa pagpigil sa babaing kabayo araw at gabi sa loob ng 48 oras, kapag ang munting bisiro ay inilapit dito upang kumain. Ang babaing kabayo ay kailangang pigilan upang hadlangan ito sa pagsipa, yamang madali niyang mapapatay ang ulilang bisiro. Ang isang unahang paa ng babaing kabayo ay kailangang tangnan sa kaniyang tiyan at isang lubid ang hihigpitan sa kaniyang itaas na labi upang pigilan siya.
Sa wakas ang babaing kabayo ay mapapagod, at ang tagumpay ay tiyak na kapag tinanggap niya sa wakas ang bisiro. Kadalasan, ang bagong ina ay nagiging labis na mapagsanggalang anupat mahirap lumapit sa bisiro. Ang kapanganakan ay dapat na sabihin agad sa French National Registry, kung saan ito ay ipapasok sa rehistro para sa partikular na lahi.
Mga Kabayo at Bisiro
Mga ilang araw pagkasilang, ang mga babaing kabayo, sinusundan ng kanilang mga bisiro, ay inaakay sa mga pastulan. Tulad ng maraming batang hayop, ang mga bisiro ay agad na kumikilos nang malaya, masayang nagkakatuwaan sa paligid ng kani-kanilang ina at sumisipa sa lahat ng direksiyon. Anong gandang pagmasdan sila na lumulukso, tumatayo, at gumugulong sa damo! Mahilig sila sa tubig at masiglang sinasabuyan ang kanilang sarili, tuwing sila’y nasa tubig.
Ayaw ng mga kabayo na nag-iisa at madali silang mayamot. Gayunman, ang mga lalaking kabayo at ang sinasanay na mga bisiro ay dapat na ibukod. Kung hindi matiis ng isang kabayo ang pag-iisa, kailangang masumpungan ang kasamang hayop. Kami’y naobligahang bigyan ng isang kasamang tupa ang isa sa aming lalaking kabayo. Hindi sila nag-aaway. Sa katunayan, ayaw iwan ng tupa ang kabayo araw o gabi. Isang kampeong kabayong pangarera na tinatawag na Allez France ay may kasamang tupa na sumasama sa kaniya kahit sa mga karerahan—bagaman hindi sa karera mismo!
Ang Agosto ay panahon ng pag-awat, isang malungkot na panahon para sa mga ina at sa mga bisiro. Sila’y dapat na paghiwalayin at hindi dapat magkita o kahit na magkarinigan sa isa’t isa. Ipinakikita ng mga bisiro ang kanilang pagdadalamhati sa pamamagitan ng palaging paghalinghing sa loob ng ilang araw, pagkatapos nito sila ay nakakabawi sa kanilang dalamhati. Sa Enero 1 ng taon na kasunod ng kanilang pagsilang, sila ay tatawaging mga yearling. Sa taunang subasta sa Deauville, ang halaga ng isang yearling ay maaaring humigit sa isang milyong dolyar.
Ang ilan sa mga kabayong ipinanganak at nalahian sa aming hayupan ng palahing mga kabayo ay nagkaroon ng matagumpay na mga karera. Ang isa sa mga ito ay si High Echelon, na nanalo ng Prix d’Amérique noong 1979, bilang kampeon sa kategoryang trotter. Nag-alaga rin kami ng ibang purong lahi ng mga kabayo na nanalo ng maraming mahalagang klasikong mga karera.
Natagpuan ng Katotohanan
Ilang buwan ang lumipas sa bagong hayupan nang hindi kami dinadalaw ng mga Saksi ni Jehova. Kaya iminungkahi ng aking asawa na ako’y sumulat sa isang kalapit na kongregasyon upang hilingin na may dumalaw sa amin. Pagkaraan ng ilang araw, isang mag-asawa ang dumalaw sa amin. Para sa akin, hindi ako makapaniwala na tamang-tamang inilalarawan ng Bibliya ang ating panahon. Nang sabihin sa akin ng aking asawa na ang Kaharian ng Diyos ay itinatag na noong 1914, inakala ko na ito ay interpretasyon lamang ng mga Saksi. Kailanman ay hindi ko nakita sa Bibliya ang petsang iyon.
Nagkaroon kami ng mahabang diskusyon sa mag-asawa, na buong-panahong mga ebanghelisador, at ang kanilang mga paliwanag—lalo na sa aklat ni Daniel—ay pumukaw ng aking interes, at ako’y sumang-ayon sa isang pag-aaral sa Bibliya. Gayunman, mahirap itong iangkop sa aking iskedyul, sapagkat ako’y abalang-abala sa aking trabaho.
Ang mag-asawa ay naglalakbay ng 25 kilometro upang dalawin kami at kadalasang umuuwi ng bahay nang hindi naidaraos ang aming pag-aaral sa Bibliya sapagkat ako’y obligadong bantayan ang isang kabayong maysakit o alagaan ang isang kabayong nanganganak. Subalit habang lumalago ang aking pagpapahalaga sa pangangailangan na unahin ang mga kapakanan ng Kaharian at ang katuwiran ng Diyos, gumawa ako ng mga hakbang upang ‘samantalahin ang pagkakataon’ para sa pag-aaral.—Efeso 5:16; Mateo 6:33.
Napaharap sa Isang Pagpili
Di-nagtagal kami ay dumadalo sa mga pulong, at pagkalipas ng anim na buwan ako ay dumalo sa 1975 “Banal na Pagkasoberanong” Pandistritong Asamblea sa Annecy, timog-silangan ng Pransiya. Noong panahon ng kombensiyon, natalos ko na ang aking trabaho ay hindi kasuwato ng Bibliya. Naunawaan ko ang simulaing isinasaad sa Isaias 65:11, na maliwanag na nagpapakita na “silang naghahanda ng hapag para sa diyos ng Mabuting Kapalaran” ay hindi maaaring sang-ayunan ng Diyos. Yamang kami ay naglalahi ng mga kabayong pangarera lamang, kami ay di-tuwirang tumutulong sa industriya ng pagsusugal. Ang aming mga budhi ay hindi nagpapahintulot sa amin na magpabautismo.
Dumating ang panahon para sa isang mahalagang pagpapasiya. Ipagpapatuloy ko ba ang aking minamahal na karera o iaalay ko ba ang aking buhay sa Diyos na Jehova? Yamang ang kalooban ng Diyos ang naging pinakamahalagang bagay sa aking buhay, ipinakipag-usap ko ang bagay na ito sa dalawang may-ari at ako’y nagbitiw. Kailangan kong manatili ng isa pang taon habang hinihintay ang isang kahalili, subalit sa sumunod na pansirkitong asamblea, na ginanap noong Setyembre 1976 sa Gargenville (sa lugar ng Paris), kami ng asawa ko ay nabautismuhan.
Sa daigdig ng mga tagapaglahi ng mga kabayo, maraming tao ang nakaalam tungkol sa aking pasiya. Natatandaan ko pa ang isang siruhano sa ospital na dumalaw sa hayupan. Sinabi niya na mula sa moral na pangmalas, lubusan niyang nauunawaan kung bakit ginawa ko ang pasiyang iyon. Tumitingin sa paligid, humanga siya sa kariwasaan ng hayupan na naglalahi ng mga kabayo—ang makulay na mga latag ng bulaklak, ang mga silid ng kabayo sa kuwadra, at ang milya-milyang malinis na puting bakod. Ipinagtapat niya na sa kabaligtaran hindi niya kayang mangilak ng kinakailangang pondo para sa pagpapaganda at dekorasyon ng kaniyang ospital.
Kailanman ay hindi ko pinagsisihan ang aking pasiya. Kami ng asawa ko ay umalis ng Pransiya maaga noong 1992 upang maglingkod sa isang teritoryo na nagsasalita ng Pranses kung saan may malaking pangangailangan para sa mga tagapagpahayag ng Kaharian. Doon, ako’y nagkaroon ng pribilehiyo na maglingkod bilang isang matanda sa kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova. Nakikiisa kami sa pangmalas ni apostol Pablo na ipinahayag sa Filipos 3:8: “Lahat ng bagay ay itinuring kong kalugihan dahil sa dakilang kagalingan ng pagkakilala kay Kristo Jesus na Panginoon ko. Dahil sa kaniya’y tiniis ko ang kalugihan ng lahat ng bagay at itinuturing kong isang tambak na sukal, upang tamuhin ko si Kristo.”
Kami ng asawa ko ay mahilig pa rin sa kalikasan at sa mga hayop, lalo na sa mga kabayo. Kami’y tumitingin sa panahon kapag ang kaugnayan ng tao sa mga hayop ay hindi na batay sa masakim na pakinabang.—Gaya ng inilahad ni Stephane Jesuspret.