Ano ang Kalakip sa Pagkilala sa Pangalan ng Diyos?
Ano ang Kalakip sa Pagkilala sa Pangalan ng Diyos?
ANG mga bagay na nilikha ay nagpapatotoo sa pag-iral ng Diyos, subalit hindi nito isinisiwalat ang pangalan ng Diyos. (Awit 19:1; Roma 1:20) Upang makilala ng isa ang pangalan ng Diyos ay nangangahulugan ng higit pa kaysa pagkakilala lamang sa salita. (2 Cronica 6:33) Ito’y talagang nangangahulugan ng pagkilala sa Persona—sa kaniyang mga layunin, mga gawain, at mga katangian gaya ng isiniwalat sa kaniyang Salita. (Ihambing ang 1 Hari 8:41-43; 9:3, 7; Nehemias 9:10.) Ito’y ipinakita sa kaso ni Moises, isang lalaki na ‘kilala [ni Jehova] sa pangalan,’ iyon ay, matalik na nakilala. (Exodo 33:12) Si Moises ay nagkapribilehiyo na makita ang paghahayag ng kaluwalhatian ni Jehova at gayundin na ‘marinig na ipinahayag ang pangalan ni Jehova.’ (Exodo 34:5) Ang paghahayag na iyan ay hindi lamang pag-uulit sa pangalan ni Jehova kundi isang kapahayagan tungkol sa mga katangian at mga gawain ng Diyos. “Si Jehova, si Jehova, isang Diyos na maawain at magandang-loob, mabagal sa pagkagalit at sagana sa maibiging-awa at katotohanan, na nagpapakita ng maibiging-awa sa libu-libo, nagpapatawad sa kamalian at pagsalansang at kasalanan, ngunit sa ano mang paraan ay hindi magtatangi mula sa kaparusahan, na nagdadala ng parusa ukol sa kasalanan ng mga ama sa mga anak at sa mga apo, sa ikatlo at ikaapat na salin ng lahi.” (Exodo 34:6, 7) Gayundin, ang awit ni Moises, na naglalaman ng mga salitang “sapagkat aking ihahayag ang pangalan ni Jehova,” ay nagsasaysay ng mga pakikitungo ng Diyos sa Israel at naglalarawan ng kaniyang katangian.—Deuteronomio 32:3-44.
Nang narito si Jesu-Kristo sa lupa, ‘ipinakilala niya ang pangalan ng kaniyang Ama’ sa kaniyang mga alagad. (Juan 17:6, 26) Bagaman dati nang kilala ang pangalan na iyan at talos ang mga gawain ng Diyos gaya ng nakaulat sa Hebreong Kasulatan, nakilala ng mga alagad na ito si Jehova sa higit na mabuti at higit na maringal na paraan sa pamamagitan ng Isa na “nasa sinapupunan ng Ama.” (Juan 1:18) Lubusang ipinakilala ni Kristo Jesus ang kaniyang Ama, ginagawa ang mga gawain ng kaniyang Ama at nagsasalita, hindi ayon sa kaniyang sarili, kundi ang mga salita ng kaniyang Ama. (Juan 10:37, 38; 12:50; 14:10, 11, 24) Iyan ang dahilan kung bakit masasabi ni Jesus, “Ang nakakita sa akin ay nakakita rin sa Ama.”—Juan 14:9.
Maliwanag na ipinakikita nito na ang tanging tunay na mga nakakikilala sa pangalan ng Diyos ay yaong masunurin niyang mga lingkod. (Ihambing ang 1 Juan 4:8; 5:2, 3.) Kung gayon, ang pagtiyak ni Jehova sa Awit 91:14, ay kumakapit sa gayong mga tao: “Akin siyang iingatan sapagkat kaniyang nalaman ang aking pangalan.” Ang pangalan mismo ay hindi isang anting-anting, subalit ang Isa na nagtataglay ng pangalang iyan ay makapaglalaan ng proteksiyon sa kaniyang tapat na bayan. Sa gayon ang pangalan ay kumakatawan sa Diyos mismo. Iyan ang dahilan kung bakit sinasabi ng kawikaan: “Ang pangalan ni Jehova ay isang matibay na moog. Tinatakbuhan ng matuwid at naliligtas.” (Kawikaan 18:10) Ito ang ginagawa ng mga tao na inilalagak kay Jehova ang kanilang pasanin. (Awit 55:22) Gayundin, ang umibig (Awit 5:11), umawit ng papuri (Awit 7:17), tumawag (Genesis 12:8), magpasalamat (1 Cronica 16:35), sumumpa (Deuteronomio 6:13), umaalaala (Awit 119:55), matakot (Awit 61:5), humanap (Awit 83:16), magtiwala (Awit 33:21), magbunyi (Awit 34:3), at maghintay (Awit 52:9) sa pangalan ay ang paggawa ng mga bagay na ito may kaugnayan kay Jehova mismo. Ang manungayaw sa pangalan ng Diyos ay paglapastangan sa Diyos.—Levitico 24:11, 15, 16.
Si Jehova ay naninibugho sa kaniyang pangalan, hindi niya ipinahihintulot ang kakompetensiya o di-katapatan sa mga bagay na may kinalaman sa pagsamba. (Exodo 34:14; Ezekiel 5:13) Ang mga Israelita ay inutusan na huwag man lamang banggitin ang mga pangalan ng ibang diyos. (Exodo 23:13) Dahilan sa bagay na ang mga pangalan ng mga diyus-diyusan ay lumilitaw sa Kasulatan, maliwanag ang pagtukoy ay may kinalaman sa pagbanggit sa mga pangalan ng mga diyus-diyusan sa paraang pagsamba.
Ang hindi pamumuhay ng Israel bilang bayang nagtataglay ng pangalan ng Diyos sa kaniyang matuwid na mga utos ay nangangahulugan ng pamumusong o paglapastangan sa pangalan ng Diyos. (Ezekiel 43:8; Amos 2:7) Yamang ang di-katapatan ng mga Israelita ay nagbunga ng pagpaparusa ng Diyos sa kanila, ito rin ay nagbigay ng pagkakataon na ang kaniyang pangalan ay lapastanganin ng ibang bayan. (Ihambing ang Awit 74:10, 18; Isaias 52:5.) Palibhasa’y hindi natatalos na ang kaparusahan ay nagmula kay Jehova, may kamaliang ipinalagay ng mga bansang ito na ang mga kalamidad na sumapit sa Israel ay dahil sa kawalang-kaya ni Jehova na ipagsanggalang ang kaniyang bayan. Upang mapawalang-sala ang kaniyang pangalan sa gayong pag-upasala, si Jehova ay kumilos alang-alang sa kaniyang pangalan at pinanumbalik ang nalabi ng Israel sa kanilang lupain.—Ezekiel 36:22-24.
Sa pamamagitan ng pagpapakilala ng kaniyang sarili sa pantanging mga paraan, pinangyari ni Jehova na ang kaniyang pangalan ay maalaala. Sa mga lugar kung saan ito’y nangyari, ang mga dambana ay itinayo.—Exodo 20:24; ihambing ang 2 Samuel 24:16-18.
Reputasyon o Kabantugan
Sa maka-Kasulatang gamit, ang “pangalan” ay kadalasang nagpapahiwatig ng kabantugan o reputasyon. (1 Cronica 14:17, talababa) Ang pagdadala ng isang masamang pangalan sa isa ay nangangahulugan ng paggawa ng isang maling paratang laban sa taong iyon, dinurungisan ang kaniyang reputasyon. (Deuteronomio 22:19) Kung ang pangalan ng isa ay “itakwil na tila masasama” ito ay nangangahulugan ng pagkawala ng isang mabuting reputasyon. (Lucas 6:22) Ito’y upang gumawa ng “isang bantog na pangalan” para sa kanilang sarili bilang paglaban kay Jehova na ang mga tao ay nagsimulang magtayo ng isang tore at isang lungsod pagkatapos ng Baha. (Genesis 11:3, 4) Sa kabilang dako, si Jehova ay nangako na gagawing dakila ang pangalan ni Abram kung iiwan niya ang kaniyang bayan at mga kamag-anak upang magtungo sa ibang lupain. (Genesis 12:1, 2) Nagpapatunay sa katuparan ng pangakong iyon ay ang bagay na hanggang sa ngayon iilang pangalan noong sinaunang panahon ay naging dakila na gaya ng kay Abraham, lalo na bilang halimbawa ng namumukod-tanging pananampalataya. Angaw-angaw pa rin ang nag-aangking mga tagapagmana ng Abrahamikong pagpapala dahil sa pagiging inapo sa laman. Sa katulad na paraan, ginawa ni Jehova ang pangalan ni David na dakila sa pamamagitan ng pagpapala sa kaniya at sa pagkakaloob sa kaniya ng mga tagumpay sa mga kaaway ng Israel.—1 Samuel 18:30; 2 Samuel 7:9.
Sa pagsilang ang isang tao ay walang reputasyon, at samakatuwid ang kaniyang pangalan ay wala kundi isa lamang tatak. Iyan ang dahilan kung bakit sinasabi ng Eclesiastes 7:1: “Ang mabuting pangalan ay maigi kaysa mahalagang unguento, at ang kaarawan ng kamatayan kaysa kaarawan ng kapanganakan.” Hindi sa pagsilang, kundi sa buong landasin ng buhay ng isang tao na ang kaniyang “pangalan” ay nagkakaroon ng tunay na kahulugan sa diwa na nagpapakilala sa kaniya bilang isang taong nagsasagawa ng katuwiran o isa na nagsasagawa ng kabalakyutan. (Kawikaan 22:1) Sa pamamagitan ng katapatan ni Jesus hanggang sa kamatayan ang kaniyang pangalan ay naging isang pangalan na “ibinigay sa mga tao na sukat nating ikaligtas,” at siya’y “nagmana ng lalong marilag na pangalan” kaysa mga anghel. (Gawa 4:12; Hebreo 1:3, 4) Subalit si Solomon, na sa kaniya ang pag-asa ay ipinahayag upang ang kaniyang pangalan ay maging “lalong marilag” kaysa kay David, ay namatay na taglay ang pangalan ng isa na tumalikod sa tunay na pagsamba. (1 Hari 1:47; 11:6, 9-11) “Ang mismong pangalan ng masama ay mabubulok,” o magiging nakasusuklam na masamang amoy. (Kawikaan 10:7) Sa kadahilanang ito ang isang mabuting pangalan “ay maiging piliin kaysa malaking kayamanan.”—Kawikaan 22:1.
Mga Pangalang Nakasulat sa “Aklat ng Buhay”
Sa makasagisag na pananalita, lumilitaw na ang Diyos na Jehova ay sumusulat ng mga pangalan sa aklat ng buhay mula pa sa “pagkakatatag ng sanlibutan.” (Apocalipsis 17:8) Yamang binanggit ni Kristo Jesus si Abel na nabubuhay sa “pagkatatag ng sanlibutan,” ito ay nagpapahiwatig na ang pagbanggit ay tumutukoy sa sanlibutan ng matutubos na sangkatauhan na umiral pagkatapos na magkaanak sina Adan at Eva. (Lucas 11:48-51) Ang pangalan ni Abel ay maliwanag na magiging una sa naitala sa simbolikong balumbon na iyon.
Ang mga pangalan na lumilitaw sa balumbon ng buhay, gayunman, ay hindi ang mga pangalan ng mga taong naitadhana nang magkamit ng pagsang-ayon ng Diyos at ng buhay. Maliwanag ito mula sa bagay na ang Kasulatan ay bumabanggit tungkol sa ‘pag-alis’ ng mga pangalan buhat sa “aklat ng buhay.” Kaya lumilitaw na tanging kapag ang isang tao ay naging isang lingkod ni Jehova na ang kaniyang pangalan ay nasusulat sa “aklat ng buhay,” at tanging kung siya ay mananatiling tapat na ang kaniyang pangalan ay pananatilihin sa aklat na iyon.—Apocalipsis 3:5; 17:8; ihambing ang Exodo 32:32, 33; Lucas 10:20; Filipos 4:3.
Mga Pangalang Nakatala sa Balumbon ng Kordero
Sa kahawig na paraan, ang mga pangalan ng mga taong sumasamba sa makasagisag na mabangis na hayop ay hindi itinala sa balumbon ng Kordero. (Apocalipsis 13:8) Ang mabangis na hayop na iyon ay tumanggap ng kapamahalaan, kapangyarihan, at ng luklukan nito mula sa dragon, si Satanas na Diyablo. Yaong sumasamba sa mabangis na hayop kung gayon ay bahagi ng ‘binhi ng ahas.’ (Apocalipsis 13:2; ihambing ang Juan 8:44; Apocalipsis 12:9.) Kahit na bago pa isilang ang mga anak kina Adan at Eva, ipinahiwatig ng Diyos na Jehova na magkakaroon ng alitan sa pagitan ng ‘binhi ng babae’ at ng ‘binhi ng ahas.’ (Genesis 3:15) Kaya mula pa sa pagkatatag ng sanlibutan tiniyak na na walang pangalan ng mananamba ng mabangis na hayop ang maisusulat sa balumbon ng Kordero. Tanging ang mga taong banal sa pangmalas ng Diyos ang may gayong pribilehiyo.—Apocalipsis 21:27.
Dahil sa bagay na ang balumbon na ito ay pag-aari ng Kordero, makatuwiran lamang na ang pangalang lumilitaw rito ay yaong mga pangalan ng mga taong ibinigay sa kaniya ng Diyos. (Apocalipsis 13:8; Juan 17:9, 24) Kaya kapansin-pansin na ang susunod na pagtukoy sa Kordero sa aklat ng Apocalipsis ay naglalarawan sa kaniya na nakatayo sa Bundok ng Sion na kasama ang 144,000 na mga taong binili mula sa sangkatauhan.—Apocalipsis 14:1-5.
(Nasa pahina 31 ang karugtong)
(Ipinagpatuloy buhat sa pahina 32)