Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Isang Safari Sakay ng Bus Patungo sa Kalagitnaan ng Australia

Isang Safari Sakay ng Bus Patungo sa Kalagitnaan ng Australia

Isang Safari Sakay ng Bus Patungo sa Kalagitnaan ng Australia

Ng kabalitaan ng Gumising! sa Australia

IKAW ba’y nakapaglayag na sa isang ilog na punô ng buwaya? Ikaw ba’y nasiyahan sa isang sing-along isang gabing maliwanag ang buwan, daan-daang milya ang layo sa sibilisasyon? Ikaw ba’y nakasama kailanman sa mga pulong Kristiyano samantalang nagbibiyahe sa kahabaan ng isang haywey sa bilis na 100 kilometro isang oras? Ang gayong mga karanasan ay halimbawa lamang ng tinamasa niyaong daan-daang delegado mula sa iba’t ibang lugar na nag-safari sakay ng bus patungo sa isang pandistritong kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova sa Alice Springs sa sunog-ng-araw na kalagitnaan ng Australia.

“Ang salitang ‘safari’ ay angkop,” sabi ng isang delegado, “sapagkat kami’y natulog sa labas sa mga toldang pandalawa-katao. Pagdating namin sa Alice Springs, naitatayo namin ang aming mga tolda nang wala pang tatlong minuto! Para kang nanonood ng isang video na pinabilis ang takbo: Ang mga bus ay hihinto, at biglang maglilitawan sa isang walang katau-taong parke ang dose-dosenang mumunting tolda.”

Maligayang Pagdating sa “The Alice”

Ang Alice Springs (“The Alice” sa mga tagaroon) ay isang lumalagong oasis na kinukubkob ng isang mapulang disyerto. Ito’y may populasyon na 23,000 at nasa gawing timog lamang ng heograpikong gitna ng kontinente ng Australia. Ito sa ngayon ay isang sentro ng mga turista na ginagamit bilang isang nangingibabaw na paksa ang katutubong Aboriginal na mga tao ng Australia at ang kanilang natatanging sining.

Gayunman, sa mga Saksi, ang tampok ng buong safari ay ang tatlong-araw na kombensiyon mismo. Para sa ilan sa kanila, ito ay isang pagkakataon para sa maraming nakatutuwang mga muling pagkikita. Ang isang mainit na tasa ng tsa ay isa sa mga simbolo ng pagiging mapagpatuloy sa nabubukod na rural na dako sa Australia, at pinanatiling buháy ng kombensiyon ang kaugaliang ito sa pamamagitan ng pambihirang billy-tea-and-damper na mga tolda ng refreshment. Ang billy tea ay simpleng tsa na pinakuluan sa isang apuyan sa isang mauling na lata na tinatawag na billy. Kung minsan ang kumukulong tubig ay hinahalo ng isang maliit na sanga ng punong eukalipto habang ang mga dahon ng tsa ay ibinubuhos sa billy. Ang maliit na sanga ng eukalipto na inilagay sa ibabaw ng billy ay humahadlang sa usok na pumasok sa tsa.

Ang damper ay isang simpleng uri ng tinapay. Ang tanging mga sangkap na kailangan ay umaalsang arina at tubig at asin. Habang mainit pa, ang damper ay hinihiwa nang makakapal na hiwa at saka pinapahiran ng maraming mantikilya at ginintuang arnibal. Ang tolda ng billy-tea-and-​damper ay napatunayang isa sa pinakapopular na tagpuang dako sa lugar ng kombensiyon.

Matapat na Naglilingkod Nang Nakabukod

Ang Kongregasyon ng Alice Springs ay binubuo ng 72 Saksi at nangangalaga sa mga 200,000 kilometro kudrado. Ang Darwin ay halos 1,800 kilometro sa hilaga, at ang Adelaide ay halos 1,600 kilometro sa timog. Ang dumadalaw na mga delegado ay namangha na makita mismo kung anong hamon ang inihaharap ng pamumuhay sa nabubukod na rural na dako dahil sa malalayong distansiya, ang namamalaging init, ang alikabok, at ang pagkakabukod.

Isang namumukod-tanging halimbawa ay ang minahan ng uranyum na bayan ng Jabiru. Isang Saksi lamang ang nakatira roon, at siya ay 260 kilometro ang layo mula sa pinakamalapit na kongregasyon. Gayunman, ang pagkakabukod ay hindi nagpahina sa kaniya sa espirituwal na paraan. Ang kaniyang pagkanaroroon sa kombensiyon ay isang pampatibay-loob sa marami pang iba. Gayundin, mula sa liblib na pamayanan ng mga katutubo sa Jilkmingan, sa dulo ng Arnhem Land sa Northern Territory, apat na estudyante ng Bibliya ay naglakbay upang makasama sa 26 na nabautismuhan sa kombensiyong ito.

Pinasisikat ng mga Delegado ang Kanilang Liwanag

Pagkatapos ng kombensiyon, lahat ng bus ay nagtungo pahilaga sa tuktok ng kontinente ng Australia. Ang isang tampok ng bahaging ito ng safari ay ang paglalayag sakay ng bangka sa tabáng, malinis na tubig ng Katherine Gorge patungo sa kilalang Kakadu National Park. Pinangyari nito ang mga naglalakbay na masulyapan mismo ang mga buwaya sa ilang. Kahali-halina, ngunit medyo nakatatakot! Pagkatapos, pagkalipas ng isang kawili-wiling gabi sa kabiserang lungsod ng Northern Territory, ang Darwin, ang susunod na hinto ng safari ay sa Mataranka Station, kilala sa sinlinaw-kristal na mga bukál at mga lawa na napaliligiran ng mga puno ng palma.

Gayunman, hindi natabunan ng pagliliwaliw ang espirituwal na mga gawain. Ang mga bus ay naging kumikilos na mga Kingdom Hall. Isang teksto sa Kasulatan at ang inilimbag na mga komento ay tinatalakay araw-araw, at ang karaniwang lingguhang mga pulong ng kongregasyon ay ginaganap habang naglalakbay. Isa sa mga tsuper ng bus na hindi Saksi ay hangang-hanga anupat, sa sarili niyang pagkukusa, siya ay bumili ng isang extension cord, mikropono, at plag upang ikabit sa sistema ng patunog ng bus upang marinig niya nang husto ang mga nagkokomento sa panahon ng mga pagtalakay na ito.

Sa panahon ng paglalakbay, isang may edad na naglalakbay ay malubhang nagkasakit anupat siya’y kailangang isugod sa isang lokal na ospital. Isang kaibigan ang naiwan na kasama niya, subalit ang mga bus ay kailangang magpatuloy sa paglalakbay. Pagkaraan ng dalawang araw, pagkatapos niyang gumaling, siya at ang kaniyang kasama ay nalulungkot at bigung-bigo dahil sa hindi sila nakasama sa iba pang pinuntahan ng safari. Subalit nabawasan ng pag-ibig Kristiyano ang kanilang panahon ng kalungkutan.

Nalaman ng dalawang lokal na mga Saksi na mga piloto ang kalagayan. Pagkatapos ang mga bagay ay nangyari nang mabilis. Di-nagtagal silang apat ay sakay ng isang maliit na eruplano, patungo sa bayan ng Port Augusta upang habulin ang mga bus. Isa sa mga naglalakbay ay madamdaming bumulalas: “Kami’y punung-punô ng pag-ibig at pagpapahalaga sa kahanga-hangang kapatiran na kinabibilangan namin!” Ngunit hindi lamang ito. Pagdating ng eruplano, ang ilan sa kapuwa mga delegado ay nagboluntaryong mag-abuloy upang mabayaran ang mga gastos ng mga piloto! Nabagbag ang damdamin ng tsuper ng bus sa pagtatanghal na ito ng pag-ibig kapatid, sinasabi na kailanman ay hindi pa siya nakakita ng anumang gaya nito.

“Ginugunita ang tatlong linggong ginugol sa paglalakbay sa Alice Springs,” sabi ng isa sa mga naglalakbay, “nasumpungan ko na ito ay lubhang nakapagpapatibay at nakapagpapalakas-pananampalataya na karanasan na kailanman ay naranasan ko. Ang nangingibabaw sa lahat ng ito ay ang espiritu ng pagsasama-sama na tinamasa naming lahat. Hindi mahalaga kung saan tayo pumunta​—ang tunay na kayamanan ay ang ating pagkakaisa ng isip at espiritu!”

[Mapa sa pahina 18]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

Mga ruta ng safari tour patungo at mula sa kombensiyon sa Alice Springs

Western Australia

Northern Territory

Queensland

New South Wales

South Australia

Victoria

Tasmania

Darwin

Perth

Alice Springs

Brisbane

Sydney

Adelaide

Melbourne

Hobart

Uluru (Ayers Rock)

Port Augusta

Kakadu National Park

[Larawan sa pahina 16, 17]

Ang mga Aborigine o katutubo ay kabilang sa mga naghihintay ng bautismo sa pandistritong kombensiyon sa Alice Springs

[Larawan sa pahina 17]

Campfire na may tsa at tinapay

[Larawan sa pahina 17]

Buwaya na nagpapainit sa araw sa Kakadu National Park

[Mga larawan sa pahina 18]

Uluru (Ayers Rock) 470 kilometro timog-kanluran ng Alice Springs

Tipikal na tanawin sa Kakadu National Park sa Northern Territory