Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Kontribusyong Pangkawanggawa—Isang Pananagutang Kristiyano?

Mga Kontribusyong Pangkawanggawa—Isang Pananagutang Kristiyano?

Ang Pangmalas ng Bibliya

Mga Kontribusyong Pangkawanggawa​—Isang Pananagutang Kristiyano?

WALA pang sampung taon ang nakalipas, ang PTL (Praise the Lord) Club, na nakahimpil sa timog-silangan ng Estados Unidos, ay nangilak ng mga donasyon bilang isang relihiyosong pagkakawanggawa. Ginagamit ang satelayt-TV network at ang sistema ng koreo, sila’y nakalikom ng daan-daang milyong dolyar, na patuloy na dumaloy upang punuin ang kanilang mga kaban​—tila upang palaganapin ang ebanghelyo.

Gunigunihin kung ano ang nadama ng libu-libong nagpadala ng salapi sa PTL Club nang kanilang mabasa ang mga balita na gaya ng pahatid ng Associated Press na nagsabing si Jim Bakker, dating pangulo ng PTL, kasama ng kaniyang asawa, si Tammy, ay “iniulat na binayaran ng $1.6 na milyon bilang suweldo at mga bonus noong 1986.” Masahol pa, isinusog ng ulat: “Ginawa ang mga kabayarang iyon bagaman ang ministeryo sa paano man ay may $50 milyon na pagkakautang . . . Mga $265,000 pera ng PTL ang ibinukod para kay [Jessica] Hahn upang matiyak ang kaniyang pagtahimik tungkol sa kaniyang [seksuwal na] relasyon kay Bakker.”

Bago sinintensiyahan ng pagkabilanggo si Bakker dahil sa kaniyang panlilinlang sa kaniyang mga tagasunod, sinabi ng hukom sa kaniyang paglilitis: “Tayo na may relihiyon ay nasusuklam sa panghuhuthot ng mga mangangaral at mga paring mangangamkam ng salapi.”

Hindi lamang relihiyon ang masigasig na dumudulog sa emosyon ng mga nag-aabuloy at pagkatapos ay nagbubulsa sa karamihan ng salapi. Karaniwan na para sa ilang tagapangilak ng pondo na magtago ng mahigit na 90 porsiyento ng mga donasyon na kanilang nalilikom.

Sa gayon, kataka-taka ba na ang mga tao ay magsawa na sa gayong mga kawanggawa? Gayunman, ano ang gagawin ng mga Kristiyano? Sila ba’y may pananagutang magbigay sa organisadong mga kawanggawa? Anong mga alituntunin ang ibinibigay ng Bibliya upang tiyakin ang matalinong paggamit ng mga pondo pagka tumutulong sa iba? Ano ang pinakamabuti at pinakapraktikal na paraan upang makatulong sa iba?

Pagbibigay​—Oo at Hindi

Tiyak, ang payo ng Bibliya ay maging mabait at bukas-palad sa mga nangangailangan. Noon pang sinaunang panahon ang bayan ng Diyos ay hinimok na “maging bukas-palad, handang magbigay.” (1 Timoteo 6:18; Deuteronomio 15:7, 10, 11) Sa katunayan, ang mga Kristiyano ay sinabihan sa 1 Juan 3:17: “Sinumang may panustos-buhay sa sanlibutang ito at nakikita ang kaniyang kapatid na nangangailangan subalit nagkait ng kaniyang malumanay na awa, paano mananahan sa kaniya ang pag-ibig ng Diyos?”

Magbigay, oo; subalit mag-ingat! Tayo ay palaging sumasailalim sa walang-lubay na mga paghiling ng mga kawanggawa, relihiyon, at taunang mga kampanyang paglilingkod-komunidad; karamihan ay may mapilit na mga pagdulog. Gayunman, sa pagtaya sa mga ito ay makabubuting tandaan ang kawikaan ng Bibliya: “Ang musmos ay naniniwala sa bawat salita, ngunit ang matalino ay nagpapakaingat sa kaniyang paglakad.” (Kawikaan 14:15) Sa ibang salita, mag-ingat sa pagtanggap ng mga sinasabi o ipinapangako ng mga kawanggawa salig sa waring kahalagahan nito. Paano talagang ginagamit ang perang nalikom? Ang mga organisasyon bang ginugugulan ng salapi ay ang dapat tangkilikin ng isang Kristiyano? Ang kanila bang mga gawain ay makapulitika, makabayan, o may kaugnayan sa huwad na relihiyon? Ang ipinahayag bang layunin ay praktikal at hindi salungat sa maka-Kasulatang mga simulain?

Ang ilang kawanggawa ay maraming mabuting nagagawa sa mga taong nangangailangan. Pagka napinsala ng likas na mga sakuna o ng kapaha-pahamak na sakit, maraming ulit na nakatanggap ang mga Kristiyano mismo ng mga pakinabang mula sa gayong mga kawanggawa. Gayunman, ang ibang kawanggawa ay may malaking gastos na pampangasiwaan o malaking gastos sa pangingilak ng salapi, na lumalabas na maliit na bahagi na lamang ng salaping nalikom ang talagang ginagamit sa inianunsiyong layunin. Halimbawa, nasumpungan ng kamakailang surbey sa 117 pinakamalalaking walang-kitang organisasyon, kasali na ang mga kawanggawa, na mahigit na sangkapat sa kanila ay taunang nagpapasahod sa matataas na ehekutibo nila ng $200,000 o higit pa. Kalimitang isinisiwalat ng mga pag-aawdit ang mga gastusin sa maluluhong bagay at ang pagtustos sa isang napakamariwasang istilo ng pamumuhay. Anuman ang pangalan ng kawanggawa, malamang na mahirap maniwala na ang pag-aabuloy sa gayong mga panukala ay makatutupad sa payo ng Bibliya na tulungan ang mga nangangailangan.

Isang Timbang na Pangmalas

Bagaman walang sinuman ang may nais na malustay ang kaniyang salapi​—o masahol pa, makitang ginamit ito upang payamanin ang makasariling mga tao—​may pangangailangan din na maging mapagbantay laban sa pagiging mapang-uyam may kinalaman sa pagbibigay. Huwag gamiting dahilan ang kawalang-kaya o maging ang di-katapatan ng ilang “kawanggawa” upang matahin ang mga nangangailangan o sugpuin ang damdamin ng pagkahabag. Ang Kawikaan 3:27, 28 ay nagpapayo: “Huwag mong ipagkait ang mabuti sa kinauukulan, pagka kaya mong gawin ito. Huwag mong sabihin sa iyong kapuwa: ‘Yumaon ka, saka ka na bumalik at bukas ay bibigyan kita,’ kung mayroon din lamang na maibibigay ka.” (Ihambing ang 1 Juan 3:18.) Huwag mong ipalagay na ang lahat ng organisadong mga kawanggawa ay alin sa walang-halaga o mapandaya. Suriin ang mga katunayan, pagkatapos ay gumawa ng personal na pagpapasiya kung magbibigay o hindi.

Minamabuti ng marami na tumulong sa pamamagitan ng personal, tuwirang mga pagreregalo sa nangangailangang mga indibiduwal o mga pamilya. Sa gayon, ang mga nagbibigay ay nakatitiyak sa praktikal, kagyat na paggamit sa maaaring paglagakan ng kanilang mga kontribusyon. Ito rin ay nagbibigay ng pagkakataon upang magpatibay at magpahayag ng kabaitan sa salita gayundin sa gawa. Kahit na wala kang gaanong maibigay sa materyal na paraan, maaari mo pa ring taglayin ang kagalakan ng pagbibigay. Sa susunod na iyong mabalitaan ang tunay na pangangailangan sa gayong tulong, ibigay kung ano ang iyong makakaya ayon sa espiritu ng 2 Corinto 8:12: “Kung mayroon na munang pagkukusa, iyon ay lalo nang tinatanggap ayon sa kung ano mayroon ang isang tao, hindi ayon sa kung ano ang wala ang isang tao.”

Tandaan din, na kung minsan ang pinakamabuting magagawa ay ang bagay na higit pa kaysa salapi. Sinabi ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod na “magsipangaral kayo, na sabihin, ‘Ang kaharian ng langit ay malapit na.’ . . . Tinanggap ninyong walang bayad, ibigay ninyong walang bayad.” (Mateo 10:7, 8) Gayundin sa ngayon, talos ng mga Kristiyano na ang panahon, lakas, at salapi na ginugol sa pagtataguyod ng pagpapatotoo sa Kaharian​—na nagpapabuti ng mga buhay at nagbibigay ng pag-asa—​ang pinakamabuting uri ng kawanggawang pagbibigay.

Sa gayon, ang pangmalas ng Bibliya ay maging mabait, bukas-palad, at praktikal. Ipinaaalaala sa atin nito na ang materyal na tulong ay kalimitang kinakailangan, at hindi dapat ipagwalang-bahala ang pangangailangang ito. Gayundin naman huwag maobligahan na magbigay kaninuman at sa lahat ng maaaring mangilak ng iyong salapi. Isaalang-alang kung paano ang pinakamabuting paggamit ng salaping taglay mo upang mapalugdan ang Diyos at makapagbigay ng pinakamahusay na praktikal na tulong sa iyong sariling pamilya at sa iyong kapuwa. (1 Timoteo 5:8; Santiago 2:15, 16) Tularan si Jesus sa pagiging mapagmasid at matugunin sa mga pangangailangan ng iba​—sa espirituwal at materyal na paraan. Sa mga salita sa Hebreo 13:16: “Huwag kalilimutan ang paggawa ng mabuti at ang bahaginan ang iba ng mga bagay-bagay, sapagkat lugod na lugod ang Diyos sa gayong mga hain.”