Modernong Musika—Pag-iwas sa mga Patibong
Modernong Musika—Pag-iwas sa mga Patibong
ANG ilan ay nagtatalo sa mga bentaha at disbentaha ng pagsensura sa musikang rock. Ang iba ay nagdedebate sa nakapipinsalang mga epekto nito sa mga tin-edyer. Ngunit kung ikaw ay isang Kristiyano, ang mga pagsasaalang-alang na ito ay pangalawa lamang sa mahalagang isyu: Paano maaapektuhan ng musika ang iyong kaugnayan sa Diyos?
Ang patnubay ng Kristiyano sa buhay ay ang Salita ng Diyos, ang Bibliya. Ito’y naglalaman ng mga simulain tungkol sa bawat pitak ng buhay, pati na sa libangan. Ang mga tagubilin ng Bibliya ay nag-iingat sa mga masunurin mula sa hindi kanais-nais at nakapipinsala. Isa pa, ang pagsang-ayon ng Diyos ay depende sa pagsunod sa kaniyang Salita. Samakatuwid, ang mga simulain sa Salita ng Diyos ay pumapatnubay sa pagpili ng isang Kristiyano ng musika. (Awit 43:3; 119:105; 2 Timoteo 3:16, 17) Ano, kung gayon, ang maka-Kasulatang mga tuntunin na tutulong sa atin sa ating pagpili ng musika?
Ang Pangangailangan ng Pagkakatimbang
Ang Eclesiastes 7:16 ay nagbababala: “Huwag kang lubhang magpakamatuwid, ni huwag ka mang lubhang magpakapantas. Bakit sisirain mo ang iyong sarili?” Bago ituring ang isang musika na masama, tanungin ang iyong sarili kung ang isyu ba marahil ay ayon sa personal na kagustuhan. Tandaan, maaaring hindi mo naiibigan ang isang musika, subalit hindi naman ito nangangahulugan na ito ay masamang musika.
Ang kabilang panig naman tungkol sa pagkakatimbang ay inihaharap sa Eclesiastes 7:17, 18: “Huwag kang magpakasamang lubha, ni magpakamangmang man. Bakit ka mamamatay bago dumating ang iyong kapanahunan? Mabuti na ikaw ay manghawakan dito, oo doon man ay huwag mong iurong ang iyong kamay; sapagkat siyang natatakot sa Diyos ay lalayo sa lahat ng yaon.”
Kaya, kumusta naman kung ang isang Kristiyano ay nakikinig sa musika na humihimok ng karahasan, pagtatangi ng lahi, imoralidad, pagsamba sa Diyablo, at pagpapakamatay? Ang Efeso 5:3, 4 ay tiyakang nagsasabi: “Ngunit ang pakikiapid at ang ano mang uri ng karumihan o ang kasakiman ay huwag man lamang masambit sa gitna ninyo, gaya ng nararapat sa mga banal; o ang nakahihiyang asal o ang walang kawawaang pagsasalita o ang masagwang pagbibiro, na mga bagay na di-nararapat, kundi bagkus kayo’y magpasalamat.” Oo, yaong mga naghahangad ng pakikipagkaibigan kay Jehova ay hindi maaaring gawing libangan nila ang hindi kanais-nais na mga bagay. Hindi nila ikakatuwiran na basta hindi nila ginagawa ang mga bagay na ito, ayos lamang na malibáng sa mga ito.
Hindi lamang ang liriko ng isang awit na gumagawa ritong mabuti o masama mula sa pangmalas ng Kasulatan. Anong espiritu ang hinihimok nito? Pakisuyong basahin ang Galacia 5:19 hanggang 23 sa iyong Bibliya. Alin sa talaan ang pinakamabuting naglalarawan sa espiritu ng musika na pinakikinggan mo? Kung ang musika ay kahawig ng “mga gawa ng laman,” kung gayon ang pangmalas dito ni Jehova ay maliwanag.
Kung sisikapin ng isang Kristiyano na isama sa kaniyang buhay ng banal na paglilingkod sa Diyos ang masamang musikal na libangan, malalaman niya na ang mga ito ay talagang hindi magkatugma. Ito’y katulad ng pag-inom ng isang halo ng katas ng prutas at lason. Hindi hahadlangan ng katas ng prutas ang lason sa pagpatay sa iyo. Ang mga salita sa 2 Corinto 6:14-17 ay maliwanag na nagsasabi: “Huwag kayong makipamatok nang kabilan sa mga di-sumasampalataya. Sapagkat anong pakikisama mayroon ang katuwiran sa kalikuan? O anong pakikibahagi mayroon ang kaliwanagan sa kadiliman? Isa pa, anong pakikipagkasundo mayroon si Kristo kay Belial? O anong bahagi mayroon ang sumasampalataya sa isang di-sumasampalataya? . . . ‘Kaya nga magsialis kayo sa kanila at magsihiwalay kayo,’ sabi ni Jehova, ‘at huwag nang humipo ng maruming bagay.’ ”
Kung gayon, ito ang maka-Kasulatang mga isyu na nakakaharap niyaong mga nagnanais ng isang malapit na kaugnayan sa Diyos. Kung pinahahalagahan mo ang mga simulain ng Bibliya, suriin mong mabuti ang musikang pinakikinggan mo. Maingat na suriin ang iyong koleksiyon ng mga rekord at mga video. Itapon yaong lumalabag sa mga simulain ng Bibliya. Kung nag-aalinlangan, itapon din ito. Gayundin kung tungkol sa mga aktuwal na napapanood na mga konsiyerto at babasahin—itapon ang anuman na walang matuwid na kaugnayan sa katuwiran.
Ang Hilig na Magdahilan
Kung ikaw ay mahilig sa musika na wika nga ay nasa hangganan o wala sa loob ng maka-Kasulatang mga tuntunin, maaaring mahirap para sa iyo na harapin nang makatuwiran ang isyu. Ang ilan ay nagdadahilan sa pagsisikap na ipagtanggol at bigyan-matuwid ang kanilang katayuan ng kompromiso. Kung totoo ito sa iyo, huminto at mag-isip. Matino ba ang iyong pangangatuwiran, o ito ba ay nagpapabanaag ng emosyonal na kaugnayan sa musika? Isaalang-alang ang sumusunod na mga katuwiran na ibinigay ng ilan at pansinin na, sa ilalim ng pagsusuri, ang mga argumentong iyon ay mga pagdadahilan lamang.
Ayos naman para sa akin na makinig sa pangkat na ito sapagkat ang mga miyembro nito ay may paninindigan laban sa pag-abuso sa droga. Subalit ang pangkat ba ay naninindigang matatag laban sa ibang gawa ng kasamaan, gaya ng pakikiapid, karahasan, at hindi paggalang sa awtoridad? “Ang kaunting lebadura ay nagpapaalsa sa buong limpak,” sabi ng Galacia 5:9.—Ihambing ang Santiago 2:10.
Ang buhay sa daigdig na ito ay lubhang walang katarungan. Masisisi ba nating talaga ang mga bandang ito sa pagpapahayag ng kanilang galit sa mga kalagayan ng daigdig? Hinihimok ng Bibliya ang matuwid na pagkagalit laban sa mga kasamaan ng sistemang ito ngunit itinuturo nito ang Mesianikong Kaharian bilang ang lunas.—Daniel 2:44; Mateo 6:9, 10.
Ang maaliwalas na pag-asa ng Kristiyano ay kakaiba sa madilim na kawalan ng pag-asa ng maraming musikero na nagtataguyod ng nihilismo bilang lunas sa kahirapan ng tao. Oo, ang galit ng daigdig ay mapangwasak at makahayop, sinasalamin ang karunungan ng sistema ng mga bagay.—Roma 12:9; Santiago 3:15-18.
Ang mga musikero ay bihasa, klasikal na sinanay pa nga. Ngunit ang kasanayan ng pagtatanghal ng1 Hari 11:9; Genesis 10:8, 9.
isang musikero ay walang kaugnayan sa pagtimbang sa nilalaman ng musika laban sa mga simulain ng Bibliya, hindi ba? Si Haring Solomon ay bihasa sa maraming larangan, pati na sa larangan ng musika. Subalit nang siya ay humiwalay sa tunay na pagsamba, ang Bibliya ay nag-uulat, “si Jehova ay nagalit kay Solomon, dahil sa ang kaniyang puso ay humiwalay kay Jehova.” Sa gayunding paraan, si Nimrod ay isang bihasang tagapagtayo at mangangaso, ngunit siya at ang kaniyang mga kasama ay hindi sinang-ayunan ng Diyos. Bakit? Sapagkat si Nimrod ay “isang makapangyarihang mangangaso laban kay Jehova.”—Ang ilan sa mga awit ng banda ay hindi masama, pati na ang ilang suwabeng akostikong mga ballad. Ang panganib dito ay na ang isang hindi masamang tono ay maaaring umakay sa isa na bumili at pakinggan ang buong album, na ang karamihan ng awit ay maaaring maliwanag na hindi mabuti. Kung paanong hindi mahuhugasan ng isang tasang tubig ang isang tambak na putik, hindi binabago ng paminsan-minsang hindi masamang awit ang panlahat na espiritu ng isang masamang album o banda.
Hindi naman talaga sinasamba ng mga mang-aawit si Satanas o namumuhay kaya nang imoral. Umaarte lamang sila sa entablado. Ang katotohanan ay nananatili na ang musika na ginagamit nila upang aliwin ang kanilang mga tagapanood ay dinilig, kung hindi man tigmak, ng kasamaan. Ang Colosas 3:8 ay nag-uutos sa mga Kristiyano, huwag maaliw ng mga bagay na iyon na gaya ng galit at abusadong pananalita, kundi “alisin ang lahat ng ito.” Sinabi ni Pablo sa mga taga-Efeso na “huwag kayong makibahagi sa [mga anak ng pagsuway] sa mga walang mapapakinabang na gawa ng kadiliman, kundi, bagkus, inyong sawayin sila.” Ang isang tao ba na naaaliw ng mga gawa ng kadiliman ay nasa kalagayang sumaway sa mga gumagawa nito?—Efeso 5:6, 11.
Hindi ako nakikinig sa mga liriko. Pinakikinggan ko lamang ang himig. Subalit ang mga liriko ay maaaring matandaan sa subconscious na isipan at lumikha ng mga problema sa dakong huli. Bagaman inaakala natin na ang impormasyon ay walaFilipos 4:8, na dapat na ipako natin ang ating isip sa mga bagay na malinis, kaibig-ibig, at kapuri-puri.
sa ating mga isipan, maaaring hindi ito makalimutan. Gaano nga kapanganib, kung gayon, na kusang ilantad ang ating mga sarili sa mga mensahe na salungat sa payo na nasaTandaan din, na sinumang “nagnanais maging kaibigan ng sanlibutan ay nagiging kaaway ng Diyos.” Ito’y dahilan sa ang sanlibutang hiwalay sa Diyos at ang espiritu ng sanlibutan ay mga gawa ng pangunahing Kaaway ni Jehova, si Satanas na Diyablo. Ngayon ay pag-isipan ito. Maiibigan ba ng isang lalaki kung ididispley ng kaniyang asawa ang litrato ng isang dating mangingibig kahit na kung sabihin pa niya na wala siyang pantanging damdamin sa kaniya kundi ang litrato ay isa lamang dekorasyon? Hindi, nanaisin niyang alisin ito sa bahay at sa kaniyang isipan. Kumusta naman kung dadalhin natin sa ating mga tahanan at puso ang musika na nagsisilbi sa layunin ng Kaaway ni Jehova? Mahalaga ba kay Jehova kung sasabihin natin, “Interesado lamang ako sa himig; hindi ko pinapansin ang mga liriko”?—Santiago 4:4; 1 Corinto 10:21, 22.
Kumilos Nang Desidido
Kung inilalantad mo ang iyong sarili sa musika na nagtatampok ng kasamaan, ano ang tunay mong dahilan? Maaaring hindi ka sang-ayon sa masasamang idea, ngunit ang musika mismo ay maaaring nakaaakit sa iyo—ang kumpas ay nakasusugapa, matindi ang dating—anupat hindi mo maiwasan at ayaw mong tigilan ito.
Subalit hindi laging madali ang paggawa ng tama. Tayo ay lalo nang nasusubok kapag ang mga pamantayan ng Diyos ay nag-uutos sa atin na iwan ang isang bagay na napamahal na sa atin. Tayo ba ay mangangatuwiran na ang ating kaso ay natatangi at patuloy na “mag-aalinlangan sa dalawang magkaibang opinyon,” o tayo ba ay kikilos nang desidido laban sa kinapopootan ni Jehova?—1 Hari 18:21.
Anuman ang personal na sakripisyong nasasangkot, tayo ay pinakamaligaya kung pipiliin natin ang nakalulugod kay Jehova. Nangangahulugan ito na dapat na huwag tayong humipo sa mga bagay na marumi. Kung gagawin natin iyon, kung gayon si Jehova ay nangangako na tatanggapin niya tayo. Oo, ibibilang niya tayo sa kaniyang sinang-ayunang bayan.—2 Corinto 6:17.
Nasa puso ni Jehova ang ating pinakamabuting kapakanan. Ginawa niya ang kaniyang mga utos upang pagbutihin ang kalidad ng ating mga buhay. Tumugon sa kaniyang taimtim na pagsamo na masusumpungan sa Isaias 48:17, 18. “Ako, si Jehova, ang iyong Diyos, na Siyang nagtuturo sa iyo ng mapapakinabangan, na Siyang pumapatnubay sa iyo sa daan na iyong dapat lakaran. Oh kung sana’y talagang magbibigay-pansin ka sa aking mga utos. Kung magkagayo’y magiging gaya ng isang ilog ang iyong kapayapaan, at ang iyong katuwiran ay gaya ng mga alon ng dagat.”
[Kahon/Larawan sa pahina 10]
Isang Pananagutan ng mga Magulang
Kung ikaw ay isang magulang, ikaw ay may maka-Kasulatang pananagutan na turuan ang iyong mga anak na maunawaan ang kaibhan sa pagitan ng mabuti at masamang musika. Ito’y nangangahulugan ng pag-alam mo sa kung ano ang kanilang pinakikinggan. Nangangahulugan din ito na ikaw ay magiging matatag sa kung anong musika ang ipahihintulot at hindi mo ipahihintulot sa bahay.
Makipagkatuwiranan sa iyong mga anak. Iwasan ang mga pagtatalo na nagpapahina sa kredibilidad. Ang mga pangungusap na gaya ng, “Hindi ko maintindihan kung bakit kayo nakikinig sa basurang iyan,” ay malamang na mag-udyok sa mga kabataan na lalo pang manghawakang mahigpit sa kanilang mga kagustuhan. Ang pagtukoy sa masamang personal na istilo-ng-buhay ng isang musikero ay maaari ring maging hindi kapani-paniwala, lalo na kung hindi naman ito ipinababanaag sa musika. Ang isang kabataang lalaki ay bumulalas: “Ang sinuman na nagsasabing ang lahat ng musikang rap ay masama, sa palagay ko ay talagang ignorante!”
Kaya magkaroon ng kabatiran. Alamin kung ano ang pangmalas ng Diyos sa mga bagay na ito. Ang mga Saksi ni Jehova ay magagalak na tumulong sa pamamagitan ng pagbibigay sa iyo ng salig-Bibliyang mga publikasyon na detalyadong nagpapaliwanag nito. Alamin ang mga katotohanan. Liwanagin na ang isyu ay may kinalaman sa mga pamantayan ng Bibliya at hindi ang paggiit ng iyong personal na kagustuhan sa iyong mga anak.—Efeso 6:4.
[Larawan sa pahina 9]
Kung ang isang Kristiyano ay makikinig sa masamang musika, matapat kayang mapapayuhan niya ang iba laban dito?
[Larawan sa pahina 11]
Ikaw ay magiging mas maligaya kung itatapon mo ang kinapopootan ni Jehova