Ano Naman ang Tungkol sa Pag-iistambay?
Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Ano Naman ang Tungkol sa Pag-iistambay?
ANG mga galerya ng video, fast-food na mga restawran, mga kanto sa kalye, mga tindahan—sa kapuwa mayaman at mahirap na mga lugar—ay naging tipunang dako kung saan nag-iistambay ang mga kabataan.
Ang mga shopping mall ay lalo nang popular na mga istambayan sa Estados Unidos. Doon ang mga grupo ng kabataan ay kadalasang makikitang gagala-gala sa loob ng mga ilang oras. “Ang mga mall ang dakong laging pinupuntahan,” sabi ng isang tin-edyer na babae, “sapagkat maraming pangyayari roon, at laging may makatatawag ng iyong pansin—tulad ng mga lalaki!”
Walang mall sa malapit? Kung gayon ang isang bakanteng lote o isang kanto sa kalye ay puwede na. Ganito ang sabi ng 15-anyos na si Tari: “Kami ng mga kaibigan ko ay namamasyal sakay ng kotse sa ilang malalaking paradahang lote sa isang kalapit na parke, nauupo sa mga hood ng aming mga kotse at magkukuwentuhan sa loob ng ilang oras.”—Magasing ’Teen, Setyembre 1990.
Mangyari pa, wala namang bago tungkol sa pag-iistambay. Ang Bibliya ay nagsasabi tungkol sa mga tao noong unang panahon na nagtitipon sa mga dakong publiko at “walang ibang libangan kundi ang magsalita o makinig ng anumang bagay na bago.” (Gawa 17:21) Ngunit bakit ba ang libangang ito ay napakapopular sa mga kabataan ngayon?
Sang-ayon sa aklat na The Adolescent, ni F. Philip Rice, ang mga tin-edyer “ay higit at higit na nakababatid sa kanilang mga pangangailangan na makasama sa isang grupo. Gusto nilang maibigan ng kanilang mga kasama.” Kaya, waring natutugunan ng pag-iistambay na kasama ng mga kaibigan ang isang pangangailangan para sa kasama at alalay.
Nakikita naman ito ng ibang kabataan bilang isang paraan lamang upang labanan ang pagkabagot. Ganito ang sabi ng kabataang si Michelle: “Nakababagot na manatili sa bahay sa gabi. Gusto mong lumabas at magkaroon ng katuwaan sapagkat kung hindi ay magkakaroon ka ng nakababagot na gabi.” Ang disiseis-anyos na si Ed ay nagsasabi na ang pag-iistambay ay “isang bagay na dapat gawin at waring iniingatan ka nito sa gulo.” Ngunit gayon nga ba?
Kapag Umiistambay ang mga Tao
Hindi hinahatulan ng Bibliya ang pagkakaroon ng katuwaan na kasama ng mga kaibigan. Gayunpaman, ito ay nagbababala: “Siyang lumalakad na kasama ng mga taong pantas ay magiging pantas, ngunit siyang nakikitungo sa mga mangmang ay mapapariwara.” (Kawikaan 13:20) Ngayon, ilang kabataan na umiistambay sa mga kanto ng kalye ang masasabing mga taong pantas—yaong may tunay na paggalang sa mga simulain ng Bibliya? Maaaring hindi sila mga manggugulo, ngunit ang malaking pangkat ng nababagot, walang pangangasiwang mga kabataan at maraming oras na walang ginagawa ay maaaring madaling mauwi sa gulo.
Sa kadahilanang ito ang Bibliya ay hindi pabor sa pag-iistambay. Isaalang-alang ang panahon nang dalawin nina apostol Pablo at Silas ang lungsod ng Tesalonica. Ang mga salansang sa mensaheng Kristiyano “ay nagsama ng ilang masasamang tao na mga istambay sa pamilihan [“walang-kuwentang mga istambay,” Today’s English Version] at nagtipon ng isang karamihan at ginulo ang bayan.” (Gawa 17:5) Ayon sa Vine’s Expository Dictionary of Old and New Testament Words, ang mga istambay na ito sa pamilihan ay mga indibiduwal na “madalas sa mga pamilihan, at walang ginagawa kundi magpalakad-lakad.” Pamilyar ba iyan? Sa paano man, ang mga istambay na ito ay walang gaano o walang interes sa mensahe ni Pablo, kundi dahil sa walang magawang magaling, madali silang mahikayat na manggulo.
Kapilyuhan at Karahasan
Ngayon, isip-isipin ang tungkol sa potensiyal na kaguluhan kapag isang grupo ng mga kabataang walang magawa ang magsama-sama. Hindi naman sa ang sinuman ay nagpaplano ng karahasan. “Walang gaanong pangyayari,” sabi ng isang 16-anyos na nagngangalang Ken na umiistambay sa paradahan ng paaralan. “Nauupo kami sa aming mga kotse at nagkukuwentuhan ng walang kuwentang mga biro o basta nagkukuwentuhan tungkol sa mga date.” Oo, pansamantala, ang halu-halong usapan tungkol sa isports, musika, at hindi kasekso ay maaaring nakalilibang sa lahat. Gayunman, kadalasan ding ang mga kabataan ay madaling nagsasawa sa basta kuwentuhan.
Ang mga mananaliksik na sina Mihaly Csikszentmihalyi at Reed Larson ay nag-uulat: “Muli’t muli, inilalarawan [ng mga kabataan] ang mga okasyong ito [ng pag-iistambay] sa mga termino ng ‘pagiging magulo,’ maingay, hibang, at walang taros. . . . May isang bagay tungkol sa reaksiyon ng bawat isa sa grupo na nagpapangyari sa kaguluhan, kahit na kung ang indibiduwal na mga tin-edyer na kasangkot ay walang hilig na gawin ito. . . . Kabilang sa magugulong gawain ang pamamasyal sakay ng mga kotse na nagsisisigaw, nagbabato ng mga latang walang laman sa bakuran ng mga tao, at mga away.” (Amin ang italiko.)—Being Adolescent.
Totoo, maaaring wala kang hilig na gumawa ng isang bagay na hangal dahil lamang sa ginagawa ito ng iyong mga kaibigan. Ngunit maaari mong ilagay ang iyong sarili sa ilalim ng matinding panggigipit na gumawa ng masama kung ikaw ay nasa gitna ng mga manggagawa ng masama. (1 Corinto 15:33) At kahit na kung umiiwas ka sa pagsama sa kaguluhan, ang iyong pagkanaroroon ay maaaring magbigay sa iba ng maling impresyon tungkol sa iyo. Iyan ang nangyari sa isang kabataang babaing nagngangalang Dina, anak na babae ng patriyarkang Hebreo na si Jacob.
Si Dina ay pinalaki upang maging isang mananamba ng Diyos na Jehova, bagaman ang kaniyang pamilya ay nakatira sa lupain ng Canaan—isang lupaing punô ng kalisyaan sa sekso at idolatriya. Kaya nga sinisikap na mabuti ng kaniyang ama, si Jacob, na takdaan ang pakikisalamuha sa imoral na mga Canaanita sa paglalagay ng kaniyang tolda sa labas ng lungsod ng Sichem at gumawa ng bukodGenesis 33:18; Juan 4:12) Gayunman, si Dina ay “lumalabas upang tingnan ang mga anak na babae ng lupain,” marahil nang regular. (Genesis 34:1) Maaaring inaakala ni Dina na ang pag-istambay sa mga Canaanita ay hindi nakapipinsalang katuwaan. Ngunit ang mga babaing Canaanita ay may reputasyon sa pagiging handalapak. Kaya nang makita ng isang lalaking Canaanita na nagngangalang Sichem si Dina na kasama ng mga babaing iyon, kaniyang “kinuha siya at sumiping sa kaniya at siya’y hinalay.”—Genesis 34:2.
na panustos ng tubig. (Sa gayunding paraan, ang pag-iistambay na kasama ng masamang pangkat ay maaaring magsangkot sa iyo sa gulo. Nagugunita ng isang kabataang lalaki na nagngangalang Leonard na sa kabila ng bagay na siya ay pinalaki bilang isang Kristiyano, siya ay nagsimulang “umistambay na kasama ng isang mapaghimagsik na grupo. Kami’y liligid at sama-samang mag-iinuman ng beer—kahit na wala pa ako sa legal na edad. Sa gulang na 18, ako ay humihitit ng marijuana.”
Ang Pinakamabuting Paggamit ng Panahon
Nasumpungan ng isang pag-aaral na 44 na porsiyento ng mga kabataang tinanong ay gumugol ng tatlo hanggang limang oras o higit pa sa tuwing dumadalaw sila sa isang shopping mall; 14 na porsiyento ang gumugol ng anim na oras. Subalit sa halip na aksayahin ang panahon na walang ginagawa, ang isang kabataang pantas ay ‘sinasamantala ang panahon sapagkat ang mga araw ay masasama.’—Efeso 5:15, 16.
Ang iyo bang gawain sa paaralan at mga gawain sa bahay ay naaapektuhan dahil sa panahong ginugugol mo sa mga istambayan ng tin-edyer? Kumusta naman ang tungkol sa iyong espirituwal na mga gawain—personal na pag-aaral ng Bibliya, mga pulong Kristiyano, ang gawaing pagpapatotoo sa iba? Kinaliligtaan mo ba ang mga pananagutang iyon? Kung ikaw ay “maraming gawain sa Panginoon,” malamang na hindi ka magkakaroon ng maraming panahon na walang ginagawa.—1 Corinto 15:58.
Mabuting mga Mapagpipilian
Ang paglilibang ay isang mahalagang bahagi ng buhay. (Eclesiastes 3:4) Subalit ang pag-iistambay ay hindi ang tanging paraan upang magkaroon ng katuwaan. “Nasisiyahan ako sa aking pag-iisa,” sabi ng kabataang babaing nagngangalang Lucy. “Mahilig akong magbasa, at ito ang nakatulong sa akin na magkaroon ng interes sa kasaysayan, kultura, at wika ng ibang bansa. Pumupunta ako sa mga museo at galerya, nananahi at nagluluto. Nasisiyahan din ako sa pagguhit at pagsulat ng liham, at sumusubok pa nga akong sumulat ng kaunting tula paminsan-minsan.” Hindi, hindi nakababagot ang pag-iisa.
Ang iyong pamilya ay maaari ring maging isang pinagmumulan ng kalugud-lugod na libangan. Ngayon, bago mo tanggihan ang ideang ito, pakinggan mo ang kabataang lalaki na nagngangalang Jack. Gunita niya: “Ang aking mga magulang ay laging may ipinaplano para sa amin na gawin. Nag-a-ice-skating at nagro-roller-skating kami; nagpapasyal kami sa mga parke, zoo, at mga museo. Kahit na ang paglilinis ng bakuran o ng bahay ay nakatutuwa nang gawin namin ito bilang isang pamilya.” Marahil ang inyong pamilya ay bihira nang gumawa ng mga bagay nang sama-sama. Kung gayon, bakit hindi ka mag-isip ng ilang idea para sa isang pamamasyal ng pamilya? Maaaring masiyahan ka rito nang higit kaysa inaasahan mo!
Hindi nangangahulugan ito na hindi mo maaaring tamasahin ang pakikisama sa mga kasama—pati na ang mga panahon kapag kayo ay basta masayang nag-uusap o basta nagrerelaks na magkakasama. Subalit maging mapamili sa iyong pinipiling mga kaibigan. Ganito ang sabi ng isang kabataang lalaking nagngangalang Enrique: “Dati-rati’y nag-iistambay akong kasama ng makasanlibutang mga kabataan, subalit nang ialay ko ang aking buhay upang maglingkod kay Jehova, nakisama ako sa mga kabataan sa loob ng kongregasyon. Nangangaral kaming magkakasama, naglalaro ng bola na magkakasama—sinikap kong gawin ang lahat ng magagawa na kasama sila.”
Si Shelleace ay dati ring nag-iistambay na kasama ng isang masamang grupo. Nagugunita niya ang tungkol sa kaniyang dating mga kaibigan: “Ang kanilang buhay ay walang layunin at direksiyon. Matagal rin bago ko naawat ang sarili ko sa kanila, ngunit nang gawin ko iyon, pinaligiran ko ang aking sarili ng mabubuting kasama. Noon lamang ako sumulong sa espirituwal.”
Kaya bagaman ang pag-iistambay ay maaaring nakatutuwa o kapana-panabik pa nga kung minsan, hindi ito tutulong sa iyo sa espirituwal, at malamang na makapinsala sa iyo. Maging matalino. Humanap ng mas mabuting mga paraan upang gamitin ang iyong panahon.
[Larawan sa pahina 13]
Ang pag-iistambay ba ang pinakamabuting paggamit ng iyong panahon?