Kung Saan Lumilipad ang mga Baka
Kung Saan Lumilipad ang mga Baka
ANG matinding hangin sa Shetland Islands ay nakatawag ng pansin ng daigdig noong Enero 5, 1993. Sinunggaban nito ang Braer, isang 243-metro-ang-haba, 45,000-toneladang tangker ng langis, at inihampas ito sa mabatong bantayan na ito sa gawing hilaga ng Scotland. Sa loob ng isang linggo sinira ng hangin at ng alon ang napakalaking bapor na ito sa apat na piraso.
Ang umuugong na buhawi ay hindi na bago sa mga taga-Shetland. Ang malayong pangkat ng halos 100 isla, wala pang 20 nito ang may nakatirang tao, ang unang sumasalubong sa malamig na unos na malayang humahaginit mula sa ibayo ng dagat malapit sa Iceland.
Hindi kataka-taka, ang mga naninirahan ay sanay na sa di-pangkaraniwang tanawin. Isang lalaki, sinipi sa The Wall Street Journal, ay nagsabi: “Marahil dapat na magkaroon ng mga karatula sa daan sa Shetland: Mag-ingat sa lumilipad na mga baka.” Isa sa mga baka ng kakilala niya ang lubusang nilipad sa labas ng pastulan mga ilang taon na ang nakalipas. Isa pang residente, isang siyentipiko, ang nag-ulat na nakita niyang “lumilipad” ng mga 5 metro sa himpapawid ang kaniyang alagang pusa—laging lumalapag na nakatayo, mangyari pa. Karaniwan nang kinakargahan ng mga tsuper ang kanilang mga sasakyan ng mabibigat na mga bagay, gaya ng karbón, upang huwag itong liparin sa daan. Ang mga tao man ay nilipad, ang ilan ay namatay pa nga. Isang bugso ng hangin, na pumatay ng isang babae, ay umabot sa di-opisyal na lakas ng hangin na 323 kilometro sa isang oras—di-opisyal sapagkat ang opisyal na panukat sa lakas ng hangin ay tinangay ng unos na iyon!