Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Harding Haponés—Maliit na Modelo ng Kalikasan

Mga Harding Haponés—Maliit na Modelo ng Kalikasan

Mga Harding Haponés​—Maliit na Modelo ng Kalikasan

Ng kabalitaan ng Gumising! sa Hapón

DUMURUNGAW sa iyong bintana, nakikita mo ang karagatan, napaliligiran ng puting buhangin at matingkad na berdeng mga puno ng pino. Nakatayo sa iyong balkon, minamasdan mo ang maringal na kabundukan na kumpletong may nahuhulog na mga talón ng tubig. Sa abot ng iyong matatanaw, ang lahat ay nasa hangganan ng iyong pag-aari. Isang hindi makamit na pangarap para sa karaniwang tao? Hindi, hindi kung mayroon kang isang harding Haponés. Natutupad ng pagtulad sa kalikasan sa maliit na modelo ang waring imposibleng pangarap na ito.

Upang bigyan ng epekto ng natural na kadakilaan, mga bato, tubig, halaman, at kung minsan ay buhangin ang ginagamit. Mangyari pa, kaunting imahinasyon ang kinakailangan, subalit kung tama ang mga kasukat, kahanga-hangang mga ilusyon ang nalilikha. Ang dagat-dagatan ay kumakatawan sa karagatan o sa isang lawa, at ang mga tuntungang-bato, mga isla. Ang malalaking bato ay nagiging mga bundok, at ang umaagos na tubig sa pagitan ng mga bato, mga talón ng tubig.

Mga Punungkahoy na Ginagamit sa Isang Harding Haponés

Yamang ang luntian ang nangingibabaw sa likas na tanawin sa Hapón, ang mga punungkahoy sa halip na mga bulaklak ang nangingibabaw sa hardin. Ang mga punungkahoy ay hindi basta inilalagay at hinahayaang lumaki nang husto. Ang kanilang agwat ay kinakalkula, at ang kanilang paglaki at sinusugpo. Oo, ang mga punungkahoy ay may mahalagang bahagi. Lumilikha ito ng katahimikan na siyang katangian ng mga harding Haponés.

Ang may kulay na mga uri ng punungkahoy ay ginagamit subalit bahagya lamang. Ang mga ito ay nakadaragdag ng iba’t ibang kulay sa hardin sa pana-panahon. Ang punong plum, cherry, at magnolia ay ginagamit para sa kulay sa maagang tagsibol. Sa Abril at Mayo, ang matingkad na kulay ng mga bulaklak ng azalea ay nagbibigay ng kasayahan sa tahimik na kapaligiran. Ang mga palumpon ng azalea ay tinatabas nang pabilog, makinis na mga bola, malaki at maliit. Sa taglagas ang mga dahon ng Japanese maple ay nagbibigay ng animo’y nag-aapoy na pulang kulay. Gayunpaman, ang luntian ang nangingibabaw na kulay sa isang harding Haponés.

Ang magandang kumpol ng mga kawayan ay nakadaragdag sa Oryental na kapaligiran. Ang cypress at mga sedro ay tinatabas nang pabahagdan at pabilog, nagbibigay ng yaman sa perimetro ng hardin. Ang Japanese holly (inu-tsuge) ang paborito sa lahat ng panahon, yamang napakaraming magagawa rito. Makikita mo ang holly ay tinatabas sa hugis na animo’y isang cake sa kasal, isang pagong, o isang tagak na nakatayo sa isang paa. Gayunman, sa lahat ng punungkahoy na ginagamit sa hardin ang matayog na mga pino ang kadalasang ginagamit.

Ang Paghugis at Pangangalaga sa mga Punungkahoy

Sa iba’t ibang pinong Haponés, ang itim at ang pula ang pinakakaraniwang ginagamit para sa paghuhugis. Ang itim ay tinatawag na “lalaki” sa uri ng pino at ang pula ang “babae” dahil sa matibay at mayuming katangian nito ayon sa kanilang pagkakasunod. Sa dalawa, ang mas matatag na kayarian ng itim na pino ay gumagawa ritong mas madaling alagaan at hutukin. Kunin nating halimbawa ang mga pino at tingnan natin kung paanong ang mga punungkahoy sa isang harding Haponés ay hinuhugis at inaalagaan.

Sisimulan ng isang hardinero ang kaniyang trabaho sa mga batang puno. Sinusuri kung paano ito nahihilig na lumaki, maingat niyang minamaneobra ang batang mga puno tungo sa maraming popular na mga istilo. Maaaring hutukin niya ang isang dahilig na tubò na kapag inilagay sa pintuan sa labas ay gumagawa ng isang magandang nag-aanyayang arko ng pino. O maaaring subukin niya ang isang disenyo na pagkakaroon ng mga sanga na bumababa na para bang nahuhulog ang epekto. Maaari ring gamitin ang isang tuwid na puno. Paano ba ginagawa ng hardinero ang ninanais na hugis at kasukat?

Maaari niyang itanim ang kaniyang batang punungkahoy sa isang anggulo at gumamit ng mga tikin ng kawayan bilang suhay. Ikinakabit niya ang mga balangkas o suhay at mga tikin ng kawayan sa puno sa paggamit ng hindi nabubulok na itim na panali na yari sa balat ng palma. “Ang tali,” sabi ng isang ikaapat-na-salinlahing hardinero, “ay pinapalitan sa pana-panahon upang huwag mag-iwan ng pangit na marka sa mga sanga.” Ang mga tikin ay iniingatan sa kaniyang dako sa loob ng isa o dalawang taon hanggang sa ang bagong hugis ay manatili nang wala ang mga tikin.

Pagkatapos ay dumarating ang susing elemento ng paghutok sa mga puno​—ang pagtabas. “Sinisikap ng hardinero na hanapin ang tamang-tamang ayos sa pagitan ng mga dahon at mga sanga na lumalaki sa walang kabuluhang kaguluhan at ng mga tinabas hanggang sa punto kung saan kitang-kita ang gawa ng tao,” sabi ng aklat na Japanese Gardens for Today. Nilalayon niyang patingkarin ang pinakakaakit-akit na mga bahagi ng isang punungkahoy sa pamamagitan ng pagputol sa lahat ng bagay na nakagagambala. Nais ba niyang palaganapin ang puno sa isang direksiyon? Kung gayon ay pinuputol niya ang patayong mga sanga. Bunga nito ang nagbibigay ng pagkaing dagta ay nagtutungo sa lateral na mga sanga at sa gayo’y binabago ang hugis ng punungkahoy.

Gayunman, higit pa ang kailangan. Tuwing tagsibol ang mga dulo ng bagong mga usbong ay inaalis. Ito’y nag-iiwan ng halos isang pulgada ng usbong sa dulo ng bawat maliit na sanga upang masugpo ang pagkalat ng sanga. At, ang isang-taóng-gulang na mga tundo ng puno ng pino ay pinupulpol sa pamamagitan ng kamay kung Setyembre. Ang resulta nito ay ang tila lumulutang, animo’y pakpak ng Haponés na mga puno ng pino.

Ang mga pino kapag naalagaang mabuti ay maaaring mabuhay ng daan-daang taon. Upang matiyak ang mahabang buhay nila na walang sakit, ang hardinero ay patuloy na gumagawa upang panatilihin itong malusog. Ang isang di-pangkaraniwang paraan na ginagawa niya ito ay sa pamamagitan ng pagbabalot sa isang bahagi ng katawan ng puno ng banig na dayami. Pagdating ng taglamig, ang mga parasitong uod at insektong nakatira sa puno ay humahanap ng init at dahil dito’y bababa at ibabaon ang kanilang mga sarili at ang kanilang mga itlog sa dayami. Sa kalagitnaan ng taglamig, bago palabasin ng mainit na tagsibol ang mga insekto, ang banig ay tinatanggal at sinusunog kasama ang mga parasitong uod at insekto. Kapag ang mga banig na dayami ay ibinabalot sa ibang punungkahoy, gaya ng mga palma, iniingatan nito ang mga puno mula sa niyebe at pagyeyelo. Bukod sa pagpapanatili sa mga puno na mainit, ang balot na dayami na parang damit ay nakadaragdag din ng buhay sa malungkot na tanawin kung taglamig.

Ang buong gawain ay isang sining na hindi madaling dalubhasain o gayahin. Oo, upang alagaan ang ilan sa mahabang-buhay na mga punungkahoy na ito, nangangailangan ng mga salinlahi ng mga hardinero.

Mga Hardin ng Pamilya

Kung ihahambing sa mas masalimuot na mga hardin sa mga dakong publiko, ang mga hardin ng pamilyang Haponés ay mayroong di-gaanong pormal at mas personal na kapaligiran. Nariyan ang walang katapusang pagkakataon na paghaluin at pagtugmain ang luntiang tanawin ayon sa personal na kagustuhan at imahinasyon.

Gumagamit ng malalaking bato at maliliit na punungkahoy, ang ilang pamilya ay lumilikha ng kanilang sariling maliit na modelong tanawing bundok na kumpletong may bumubulwak na talón ng tubig o tahimik na paliku-likong sapa. Kahit na kung ang tahanan ay may maliit lamang na lugar para sa isang hardin sa isang sulok, ang gayunding mga simulain ng maliit na modelong hardin na ginagamit sa pagtatanim sa malalaking lugar ang maaaring gamitin. At sa tulong ng mga punungkahoy na bihasang tinabas, masdan mo! ang ilusyon ay natupad.

Saanmang dako sa lupa ka nakatira, ang gayunding mga simulain na ginagamit sa paggawa ng magagandang harding Haponés ay maaaring magdulot ng karingalan ng kalikasan sa iyong hardin.

[Larawan sa pahina 26]

Ang mga puno ng cherry ay nakadaragdag ng kulay sa tagsibol

[Larawan sa pahina 26]

Ang mga puno ay hinuhugis sa iba’t ibang anyo