Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pagmamasid sa Daigdig

Pagmamasid sa Daigdig

Pagmamasid sa Daigdig

Iskandalo sa Dugo sa Pransiya

“Isang malaking kapahamakan na walang-kaparis sa Kanlurang Europa.” Ganiyan inilarawan ng pahayagang Pranses na Le Monde kamakailan ang iskandalo sa gawain ng pangongolekta ng dugo mula sa mga bilanggo upang gamitin sa mga pagsasalin. Noong dekada ng 1980 halos 5,000 pasyenteng Pranses ang nagkaroon ng AIDS mula sa nahawahang dugo​—iniulat na pinakamalala sa gayong dami ng pagkahawa sa daigdig. Noong 1985 ang nakolektang dugo mula sa mga bilangguan ang dahilan ng mahigit na 25 porsiyento ng nahawahang dugo. Ayon sa isang ulat na inihanda ng Social Affairs Board of Inspectors at ng Legal Services Board of Inspectors, ang gawain ng pangongolekta ng dugo sa mga bilangguan ay nagpasimula noong 1954, waring naimpluwensiya ng tinatawag ng mga ulat na “pang-ekonomiyang mga salik.” Sing-aga ng 1983, iminungkahi ng French Health Inspectorate na ang mga dugo ay huwag kukunin mula sa mapanganib na mga nagkakaloob; subalit, pinabilis ng mga pinuno ng bilangguan ang pangongolekta ng dugo ng sumunod na taon.

Nababawasang Katapatan

“May butas sa sapin ng atmospera ng moral at malamang na ito’y lumalaki pa.” Gayon ang hinuha ni Michael Josephson, tagapagtatag at pangulo ng Institute of Ethics sa California, E.U.A. Isinagawa ng kaniyang surian ang isang surbey sa halos 7,000 estudyante sa high school at kolehiyo at nagharap ng nakababahalang mga tuklas. Ang sangkatlo ng mga estudyante sa high school at sangkapito ng mga estudyante sa kolehiyo ay umamin ng pangungupit sa tindahan noong nakaraang taon. Ang sangkawalo ng mga estudyante sa kolehiyo ay gumawa ng sumusunod: nagbulaan sa mga kompanya ng seguro, nagsinungaling sa mga pormularyo para sa tulong na salapi, nagsinungaling tungkol sa mga gastusin, at nangutang na wala nang balak magbayad. Ayon kay Josephson, ang lahat ng di-katapatang ito sa kabataan ay “matinding pagtulad lamang sa pinakamasamang paggawi ng mga adulto.” Ganito binubuod ng The Washington Post ang kaniyang pangmalas: “Ang di-katapatan at walang-tuntuning paggawi ay palasak sa mga kabataang Amerikano sapagkat ito’y patuloy na lumalaganap sa mga adulto.”

Pag-aalaga ng Emu?

Ang emu sa Australia​—isang malaki, hindi lumilipad na ibon na kawangis ng ostrich—​di-magtatagal ay maaaring maging mahalagang pagkakakitaan. Noong 1991 ang karne ng emu ay legal na inuri bilang isang klase ng poltri. Kaya ang pag-aalaga ng emu ay magiging popular sa malapit na hinaharap. Sinisipi ng The Sydney Morning Herald ang isang tagapagsalitang mula sa Australian National Parks and Wildlife Services na nagsasabi: “Sa totoo ang buong hayop ay mapakikinabangan. May pamilihan pa nga para sa kuko nito; pinakikintab ang mga ito at ginagawang mga alahas.” Ang karne ng emu ay sinasabing mababa sa taba at kolesterol, subalit mataas sa protina. Ang malalaking ibon ay nagbibigay rin ng dalawang uri ng katad: kalidad na pandamit mula sa kanilang mga katawan at uring makaliskis mula sa kanilang mga binti. Nakapaglalabas pa nga ng langis ang mga emu na maaaring gamitin sa paggawa ng mga kosmetik. Ang mga produkto mula sa isang adultong emu ay nagkakahalaga sa pagitan ng A$300 at A$350.

Nanganganib ang mga Bahura ng Indonesia

“Ang karagatan ng Indonesia ang nagtataglay ng pinakamayaman at pinakamaraming iba’t ibang pamayanan ng bahura sa daigdig,” sabi ng The Jakarta Post kamakailan. Liban pa sa pagiging isang mahalagang pang-akit sa mga turista at pinagmumulan ng maraming produktong parmaseutiko at panggamot, ang masalimuot at magagandang ecosystem na ito ang nag-iingat sa mga dalampasigan mula sa pagkaagnas at bumabasag sa hampas ng mga bagyo sa mga pamayanan sa baybaying-dagat. Iniuulat ng Post na ang mismong pag-iral ng mahahalagang bahurang ito ay nanganganib ngayon sa polusyon ng tao, sa pamamagitan ng paggamit niya rito bilang mga materyal sa konstruksiyon, ng pangongolekta niya ng korales, at ng lubhang mapangwasak na paraan ng pangingisda gaya ng pagdidinamita, ng mga pakaladkad, at ng paggamit ng mga lason. Ang Post ay nag-uulat: “Minsang ang bahura ay mawasak kukuha ng halos 20 taon upang lumitaw muli ang unang mga uri at 50 hanggang 100 taon upang ang anumang pagkakasari-sari ay magbalik.”

Ehersisyo at Tulog

“Para sa mas matatandang tao, maaaring ang ehersisyo ang solusyon sa mas mabuting pagtulog,” ulat ng magasing Arthritis Today. Sa kamakailang pagsusuri sa North Carolina, E.U.A., isang pangkat ng 24 na kalalakihan mula 60 hanggang 72 anyos ang hinati sa dalawang grupo. Sa di-kukulanging isang taon, isang pangkat ang masiglang nag-ehersisyo nang tatlong beses sa isang linggo o higit pa; ang kabilang grupo naman ay nag-ehersisyo nang madalang at di-palagian. Nasumpungan na ang mga lalaki na nag-ehersisyo nang regular at masigla ay sa katamtaman makalawang ulit na mas mabilis na nakatulog kaysa kanilang kasamahan na madalang mag-ehersisyo. Ito ay totoo kahit na sila’y suriin sa araw na sila’y nag-ehersisyo o sa ibang araw. Sinabi pa ng magasin: “Sila rin ay di-gaanong nagigising sa gabi.”

Mga Batang Manginginom

“Halos 90,000 bata sa Britaniya ang ipinalagay na labis na mga manginginom,” ulat ng The Sunday Times ng London. Ang pamahalaang Britano ay nagtatakda ng isang lingguhang pinakamaraming yunit ng alak na 21 para sa mga lalaki at 14 sa mga babae. Ang isang yunit ay isang baso ng alak o isang sukat ng mas matapang na inumin o kalahating pint ng beer. Nasumpungan ng isang kamakailang pagsusuri sa 18,000 Britanong batang nag-aaral na 11.5 porsiyento ng 15-anyos na mga batang lalaki ang umiinom nang higit kaysa iminungkahing lingguhang takda para sa adultong mga lalaki. Sa mga batang babae, 1 sa 20 ng 14- at 15-anyos ang umamin na umiinom nang higit kaysa itinakda para sa may edad nang mga babae. Ipinalalagay ng mga mananaliksik na ang nakababahalang bilang na ito ay mababang pagtasa sa tunay na lawak ng suliranin.

Itinataguyod ng Paghina ng Iglesya ang Paganismo

Daan-daan ang dumalo sa Midsummer’s Night na kapistahan na ginanap kamakailan sa kakahuyan ng lalawigang sentral ng Russia. Ito’y nagtatanda ng pagbuhay na muli ng paganismo, sabi ni Alexei Dobrovolsky, ang pinuno ng isang maliit na pangkat ng mga mananamba ng kalikasan. Lakip sa kaniyang mga rituwal ay ang paglalakad sa apoy at “pag-aalis ng bautismo” sa mga tao, nililinis sila mula sa iniwisik na “agua bendita” ng simbahan. Ang “mga paganong” ito ay nagdiriwang din ng kapanganakan ng araw bawat taon pagka Disyembre 25. Pagkalipas ng halos 13 taon sa mga kampo ng sapilitang pagtatrabaho, pinasimulan ni Dobrovolsky ang pangangaral na ito ng pagbuhay na muli sa paganismo. Bakit itinatawag-pansin ang paganismo? Iniuulat na siya’y naniniwala na ang Russian Orthodox Church ay nagkompromiso mismo sa pamamagitan ng pakikiisa sa hindi na umiiral ngayon na pamahalaang Komunista. Aniya: “Ang iglesya ay laging nagtataksil. Palagi nitong pinaglilingkuran yaong pinakamakapangyarihan.”

Pagliligtas sa Elepanteng Disyerto

Isinapanganib kamakailan ng sakit na anthrax ang 29 na elepante sa malawak na Namib Desert sa Aprika. Ang mga tagapangalaga ay nababahala, yamang ang isang elepante na nagkaroon ng anthrax ay maaaring mamatay sa loob ng 24 na oras. Kaya sa tulong ng internasyonal na pananalapi, isinagawa nila ang nakatatakot na atas ng pagbabakuna sa kawan mula sa isang helikopter. Dalawang lalaki, na mapanganib na nakabitin sa magkabilang tabi, ang umaasinta sa maalimpuyong tila-ulap na alikabok, sa natatakot na elepante. Isang lalaki ang tumutudla ng mga tunod na naglalaman ng pambakuna, ang isa naman ay nagpupulandit ng pangkulay upang tandaan ang bawat nabakunahang elepante. Lahat-lahat, 21 elepante ang matagumpay na “nabakunahan” na ikinatuwa ng mga tagapangalaga. Ang buong magastos at mapanganib na pagkilos ay ipinalagay na kapaki-pakinabang upang iligtas ang tanging tunay na mga elepanteng disyerto sa mundo.

Mapanganib na Pagmamaneho

Pagbabasa ng mga mapa ng daan, pagsasalita sa mga tape recorder, paggamit ng mga teleponong mobile, mga babaing nagpapalit ng kanilang mga stocking. Ang mga ito, ayon sa The Star, isang pahayagan sa Timog Aprika, ay ilan sa mga bagay na ginagawa ng mga tao habang sila’y nagmamaneho, kung minsan sa bilis na lumalampas ng 100 kilometro bawat oras. Isang pinuno sa pangkaligtasan ay nagsasabi na kalimitan niyang nakikita ang mga tao na nagpo-floss ng kanilang mga ngipin nang dalawang kamay habang nagmamaneho! Ang mga tsuper ay nakita rin na nagsisipilyo at nagmumumog ng kanilang mga ngipin. Ginupitan ng buhok ng isang babae ang kaniyang anak na lalaki habang inihahatid ang anak sa paaralan. Isang ina ang nakitang nagpapalit ng lampin ng kaniyang anak habang nagmamaneho sa bilis na 90 kilometro bawat oras. Bakit ang mga tsuper ay nakikipagsapalaran nang gayon? Sinabi ng isang pinuno na ang mahahabang biyahe at nagsisikip na trapiko ay maaaring tumukso sa mga tsuper na “samantalahin” ang oras na inilalagi sa kotse. Gayunman, kaniyang binanggit na ang mga pang-abalang ito ay maaaring humantong sa malulubhang aksidente.

Mas Ligtas ba ang Cesarean na mga Pagsilang?

Pinipili ng maraming babae ang magsilang sa pamamagitan ng cesarean sa paniniwala na ang siruhiya ay magiging mas ligtas at di-gaanong masakit. Ayon sa Jornal do Brasil, mas gusto rin ng maraming doktor ang magsagawa ng cesarean, yamang sa normal na “panganganak ay karaniwang kumukuha ng katamtamang 8 hanggang 12 oras at walang tiyak na petsa ng kaganapan, ang pagtistis ay maaaring iplano at kukuha sa pinakamatagal na panahon na isang oras lamang.” Gayunman, ang dalubhasa sa pagpapaanak na si Fernando Estellita Lins ay sinipi na nagsasabi: “Ang bilang ng namamatay, dahil sa impeksiyon at pagdurugo dahil sa siruhiya, ay mas mataas sa kababaihan na nagpapa-cesarean.” Ipinakita ng pananaliksik sa Brazil na ang dami ng mga inang namamatay “sa normal na panganganak ay 43 sa bawat 100 libo, samantalang sa cesarean ay 95 sa bawat 100 libo.”

Pinakamatinding Salot sa Kasaysayan

Muling tinitiyak ng grupo ng mga siyentipiko ang katindihan ng trangkaso Española. Ayon sa The New York Times Magazine, 196,000 katao ang namatay sa Estados Unidos lamang noong buwan ng Oktubre 1918. “Sa pagtatapos ng taglamig ng 1918-19, dalawang bilyong tao sa buong mundo ang nagkaroon ng trangkaso, at sa pagitan ng 20 milyon at 40 milyon ang namatay,” sabi ng magasin. Sinabi ni John R. La Montagne, isang pinuno sa National Institute of Allergy and Infectious Disease sa Bethesda, Maryland, na ang trangkaso Española ng 1918 ay “ang pinakamapangwasak na epidemya na ating naranasan sa kasaysayan.” Totoo, noong taóng 1347, ang salot ng bubonic, o Black Death, ay mapangwasak na humampas sa sangkatauhan na tumagal nang apat na taon. Subalit ayon sa magasin, ang 1918 na “pambuong daigdig na paglitaw ng isang sakit ay pumatay ng maraming tao sa loob ng isang taon na kasindami ng namatay sa apat-na-taóng Black Death.”