Pagpapagal—Ano ang mga Kahihinatnan?
Pagpapagal—Ano ang mga Kahihinatnan?
Ng kabalitaan ng Gumising! sa Hapón
ANG mga ‘inuming pampalakas’ ay naging lubhang popular, na may mahigit na 200 klase na mabibili at kabuuang benta na 900 milyong yen sa isang taon,” ulat ng Mainichi Daily News, ang nangungunang pahayagan ng Hapón. Ang popularidad ng mga produktong ito, na sinasabing nagbibigay ng kagyat na lakas para sa pagód na mga manggagawa, “ay nagpapatunay sa lakas Hapones na magtrabaho sa kabila ng kaigtingan, kakulangan ng tulog at nakaiinis na panahon kung tag-araw,” patuloy ng ulat.
Sa kabilang panig ng Pasipiko, “halos isang Amerikano sa walo ang iniulat na nagtatrabaho ng 60 oras o higit pa sa isang linggo,” ayon sa U.S. Bureau of Labor Statistics. Nasusumpungan niyaong nanunungkulan sa mga puwesto sa kalagitnaang pangasiwaan na kailangang magtalaga ng napakaraming panahon at lakas nila upang magtrabaho anupat ang kanilang trabaho kung minsan ang nagiging sumusupil na salik sa kanilang buhay.
Sa halos lahat ng kultura, ang mga indibiduwal na masisipag, matapat, at trabahoso ay pinupuring maigi bilang mabuti. Kahit na ang isang sinaunang manunulat ng Bibliya ay nagsabi: “Walang lalong maigi sa tao kundi ang kumain at uminom nga at pagalaking mabuti ang kaniyang kaluluwa sa kaniyang pinagpagalan. Ito rin naman ay nakita ko, samakatuwid nga’y ako, na ito’y mula sa kamay ng tunay na Diyos.” (Eclesiastes 2:24) Sa kabuuan, ang mga tao saanman ay naniniwala pa rin sa gayong mga pagpapahalaga. Itinuturing man nila itong mabuti o hindi, karamihan ng mga tao ay nagtatrabaho mula umaga hanggang gabi, lima, anim, o pitong araw pa nga sa isang linggo.
Gayunman, ano ang nagawa ng lahat ng pagpapagal na ito? Sa mga bansang gaya ng Hapón at Alemanya, ang “mga himala” ng ekonomiya na nangyari sapol noong matapos ang Digmaang Pandaigdig II ay kinaiinggitan ng nagpapaunlad na mga bansa. Ang dalawang bansang ito ay umahon mula sa pagkatalo upang maging mga kapangyarihan sa ekonomiya na dapat kilalanin ng iba pa sa daigdig. Gayunman, ano ang nagawa ng debosyon sa trabaho sa maraming indibiduwal?
Bagaman ang pamantayan ng pamumuhay sa Hapón ay lubhang tumaas, ang Mainichi Daily News ay nag-uulat, na karamihan ng mga Hapones ay “nahihirapan pa ring madama ang anumang tunay na diwa ng kasaganaan sa kanilang pang-araw-araw na buhay.” Masahol pa, sa kanilang walang-tigil na paghahangad ng tinatawag na mabuting buhay, marami ang nagkakasakit o namamatay pa nga dahil sa labis-labis na trabaho at kaigtingan. Sa katulad na paraan, sa isang pag-aaral sa Estados Unidos, sangkatlo ng tatlong libong mga manedyer na sinurbey ay may palagay na sila ay lubusang nagpagal, patang-pata, at hindi makasumpong ng kasiglahan sa kanilang trabaho.
Ang mga babaing nagtatrabaho ay nagpapakita rin ng mga palatandaan ng kaigtingan. Isiniwalat ng isang surbey sa Italya na ang mga babaing nagtatrabaho sa bansang iyon ay nagtatrabaho ng katamtamang 30 oras o higit pa kaysa kanilang mga kabiyak linggu-linggo. Karagdagan pa sa pagtatrabaho ng mahahabang oras sa opisina o sa pabrika, kailangan pa nilang gawin ang mga gawain sa bahay pag-uwi nila ng bahay. Ipinagtapat ng isang manggagawang babae sa magasing Europeo: “Ang aking sosyal na buhay ay talagang hindi umiiral. Wala akong panahon para sa aking sarili. Hindi ko na kayang magpatuloy sa ganitong kalagayan.”
Kumusta naman ang tungkol sa buhay pampamilya? “Sa paghahabol sa Amerikanong pangarap, isinasakripisyo natin ang ating sarili at ang sambahayan dahil sa pera at kapangyarihan,” sabi ni Herbert Freudenberger, isang espesyalista sa New York na nakikitungo sa mga pagod na pagod sa trabaho. Dahil sa ang kanilang mga asawang lalaki
ay buhos na buhos ang isip sa trabaho, ang ilang asawa ng mga negosyanteng Britano na nagtatrabaho sa ibang bansa ay iniulat na nakadaramang sila’y nabubukod at hindi maligaya. Subalit hindi lamang sila ang nakadarama nang gayon.Isaalang-alang ang mga resulta sa buhay pampamilya sa Hapón, kung saan wala pang kalahati ng lahat ng manggagawa sa opisina na nasa katanghaliang-gulang ay umuuwi bago mag-alas otso ng gabi. Ang ilang asawang babae ay hindi na itinuturing ang kanilang mga asawang lalaki na tunay na mga kabiyak; ayaw na nilang makasama sila nang matagal sa bahay. Binubuod ng isang komersiyal sa telebisyon ang pagkasiphayo ng mga asawang babae, na sinasabi: “Ang mga asawang lalaki ay pinakamabuti kung malayo sa tahanan.”
Mula sa nabanggit na, maliwanag na ang pagpapagal ay kapuwa may positibong panig at negatibong panig. Kapag napalabisan, ito ay maaaring maging isang sagwil. Kaya paanong ang pagpapagal ay maaaring, hindi maging isang pabigat, kundi isang tunay na kagalingan at isang pinagmumulan ng kaligayahan?
Sa kabilang panig, gaano nga ba kalubha ito kapag inuuna ng mga indibiduwal ang trabaho sa lahat ng ibang bagay o patuloy na nagpapagal anuman ang kahihinatnan? Ating suriing maingat ang mga aspektong ito ng pagpapagal.