Pagpapagal—Kung Kailan Ito ay Isang Kagalingan
Pagpapagal—Kung Kailan Ito ay Isang Kagalingan
SA BUONG Timog-silangang Asia, itinatabi ng maraming kabataang babaing katulong ang kanilang gawain sa kusina at nakatutok sa kanilang mga set ng telebisyon kapag panahon na ng gawang-Hapón na serye sa TV na Oshin. Isa itong mahirap-na-yumaman na kuwento ng isang babaing nagtagumpay pagkatapos magtiis ng maraming taon ng mabigat na trabaho at kahirapan. Lumuluha, iniuugnay ng mga batang babae ang kanilang kalagayan kay Oshin, ang bidang babae. Para bang ang mga kuwento ang siyang kailangan nila upang tulungan silang harapin ang isa pang araw ng mabigat na trabaho.
Oo, kapag ang mga tao ay nagpapaalipin araw-araw hanggang sa punto na isinasapanganib na nila ang kanilang kalusugan at buhay, dapat na may mga dahilan sila sa paggawa ng gayon. Bakit nila ginagawa ito? Gaya ng mga babaing katulong na taga-Asia, ang pagnanais na guminhawa naman sa buhay ay tiyak na isang karaniwan at malakas na pangganyak upang magpagal. Gayunman, maliwanag na ang materyal na gantimpala ay hindi siyang lahat na nasasangkot.
“Ang pinansiyal na gantimpala ay isang hinahangad, bagaman laging di-sinasadya, na pangganyak,” sulat ni Stephen D. Cohen tungkol sa kaugalian sa trabaho ng mga Hapones. Ano, kung gayon, ang nag-uudyok sa Hapones na magpagal? “Ang tagumpay ng isang benta ng kompanya na may kaugnayan sa mga kakompitensiya nito ay isang pinagmumulan ng matinding pagmamalaki at kasiyahan-sa-sarili. Ang pagpapagal na nakatutulong sa layuning ito ay siya mismong gantimpala nito,” paliwanag ni Cohen. Ang katapatan sa kanilang kompanya ang dahilan na ang mga empleado ay nagpapagal, at ang trabaho ang siyang nagiging tanging paraan upang ipahayag ang kanilang halaga. Hindi rin dapat kaligtaan ang pagnanais na umasenso. Ang posibilidad na balang araw ay maabot mo ang tugatog ay nananatiling isang malakas na pangganyak para sa pagpapagal.
Mga Dahilan Upang Isapanganib ang Kalusugan ng Isa?
Ang mga ito ba ay wastong mga dahilan upang isapanganib ang kalusugan at buhay ng isa? Para sa isa na nagpapagal para sa materyal na mga kayamanan, ang Bibliya ay nagsasabi, “ang kaniyang mga mata ay hindi nasisiyahan sa mga kayamanan.” Sa wakas ang taong iyon ay maaaring magtanong: “At dahil kanino nga nagpapagal ako at pinagkakaitan ko ang aking kaluluwa ng mabubuting bagay?” (Eclesiastes 4:8) Hindi nalalaman niyaong mga nagpapagal upang yumaman kung kailan o saan hihinto. Sila’y nasisilo sa isang masamang siklo ng trabaho, trabaho, at higit pang trabaho. Ang Bibliya ay basta nagbababala: “Huwag kang magpagal upang magkamit ng kayamanan.”—Kawikaan 23:4.
Kumusta naman ang tungkol sa katapatan sa kompanya? Bagaman ito ay maaaring maging isang kagalingan, ang posibleng epekto ng labis-labis na pagtatrabaho ay dapat na isaalang-alang. “Kung ang isang tao ay sobrang pagod sa trabaho,” sabi ng isang punong ehekutibo ng isang Amerikanong kompanya, “ayaw ko siyang maging empleado.” Ang asawang babae ng isang “mandirigma ng korporasyon” ay sumulat sa isang pahayagan pagkamatay ng kaniyang asawa dahil sa sobrang trabaho bago dumating sa gulang na 40: “Anong pakikiramay ang masusumpungan natin sa sabi ng kompanya, ‘Ikinalulungkot naming mawalan ng gayong kahalagang tao’? Ang mga martir ng korporasyong iyon, minsang patay na, ay tinatrato na para bang sila ay ‘itinatapon na mga paninda.’ ”
Kahit na kung matakasan ng isa ang sobrang pagod sa trabaho o ang kamatayan dahil sa sobrang trabaho, ano ang nangyayari kapag ang isa ay nagretiro na? “Sa kabila ng pagpapagal sa kanilang mga kompanya,” sabi ni Motoyo Yamane, isang brodkaster na Hapones, “ipinababatid sa kanila ang katotohanan na hindi na sila kailangan ng kompanya at na sila ay wala nang silbi.” Sa walang-damdaming
kompanya, ang masisipag na mga empleado ay mga ngipin lamang sa gulong ng kanilang korporasyon na dapat palitan kapag ang mga ito ay nasira. Hindi kataka-taka na maraming Hapones ang nawawalan ng tiwala sa kanilang mga kompanya! Natatalos nila na ang kanilang debosyon sa kompanya ay isang pag-ibig na hindi ginagantihan.Ano ang masasabi tungkol sa pag-asenso sa mas mataas na posisyon sa korporasyon? Agad na natatalos niyaong mga nakaabot na sa kalagitnaang pangasiwaan na hindi lahat ay makararating sa pinakamataas na posisyon. Ano ang nangyayari sa panahong iyon? Nawalan na ng pag-asang umasenso, nagsisimula silang magpalipat-lipat ng trabaho. Ang katapatan sa kompanya ay napatunayang hindi isang kapaki-pakinabang na kagalingan!
Timbang na Pangmalas ng Pagpapagal
Bagaman ang pagpapagal ay udyok ng pag-ibig sa salapi, ang katapatan sa isang korporasyon, o isang paligsahang espiritu ang sa wakas ay bumibigo at sumisira ng loob, hindi niwawalang-bahala ng Bibliya ang halaga ng pagpapagal. “Ang bawat tao rin naman ay marapat kumain at uminom at magalak sa kabutihan sa lahat niyang pagpapagal. Iyon ay regalo ng Diyos.” (Eclesiastes 3:13) Inirerekomenda ng Bibliya ang pagtatamasa ng bunga ng pagpapagal ng isa. Ito ang nagbibigay sa atin ng isang pahiwatig sa kung ano ang wastong pangmalas sa pagpapagal.
Ang Health and Welfare Ministry ng Hapón ay nagpayo kamakailan sa mga manggagawa na “kalimutan ang tungkol sa trabaho pagkatapos ng oras ng trabaho (at) kumain ng hapunan na kasama ng kani-kanilang pamilya.” Maliwanag na pinahahalagahan ng ilang lider sa negosyo ang karunungan ng payong ito. Halimbawa, ang presidente ng isang lumalagong bioteknolohiyang kompanya ay nagsabi: “Nais kong pangalagaan ng lahat ng ating mga empleado ang kanilang mga pamilya una sa lahat ng bagay. Ang kanilang trabaho sa ating kompanya ay wala kundi isang paraan upang paglaanan ang pamilya.”
Oo, ang mabuting kaugnayang pampamilya ay tiyak na isang mahalagang tunguhin na dapat pagpagalan. Kung ang mainit na kapaligiran sa pamilya ay nanganganib o ang iyong kalusugan ay humihina dahil sa iyong trabaho, hindi mo nakikita ang kabutihan sa lahat mong pagpapagal.
Gayunman, sa lipunang Hapones, kung saan nangingibabaw ang seniority system, ang ilan ay
nagkaroon ng saloobing: “Huwag kang liliban, ni mahuhuli, ni magtatrabaho.” Sila’y nagkukunwang masipag sa pagpapagabi sa dako ng trabaho ngunit hinihintay lamang na makauwi ang superbisor. Si Kenji, isang ahente para sa isang interior decorating na kompanya sa Hiroshima, ay may ganiyang kaisipan. Siya’y naglilimayon sa trabaho, ginugugol ang panahon ng trabaho sa isang kapihan o sa isang pinball parlor.Ang saloobin bang iyon ay nagbubunga ng kaligayahan? “Ang kamay ng tamad ay malalagay sa sapilitang paggawa,” sabi ng isang kawikaan sa Bibliya. Sa ngayon, ang isa ay maaaring hindi mapasailalim ng literal na sapilitang paggawa dahil sa katamaran ng isa. Gayunpaman, ang trabaho ay maaaring maging nakababagot, sapilitang paggawa sa mental na paraan. Sa kabilang panig, sinasabi rin ng kawikaang iyon ang pakinabang ng kasipagan: “Ang kamay ng masipag ay magpupuno.” (Kawikaan 12:24) Kahit na kung hindi ka magpuno sa isang bansa o sa isang kompanya, sa paano man ikaw ay igagalang ng iyong pamilya at ang iyong sarili ang magiging amo mo. Karagdagan pa ay maaari mong makamit ang pagtitiwala ng iyong maypatrabaho, gayundin ay magtamo ng isang malinis na budhi.
Nasumpungan ni Kenji na ito ay totoo. Siya ay nagpasiyang mag-aral ng Bibliya, at malaki ang ipinagbago ng kaniyang buhay. “Sa pagkakapit ng simulain ng katapatan sa dako ng trabaho,” sabi niya, “nagsimula akong magtrabaho nang masikap kahit na kung ang amo ko ay naririyan o wala. Iyan ang dahilan kung bakit nakamit ko ang pagtitiwala niya.”
Kung Kailan ang Pagpapagal ay Nagiging Isang Kagalingan
Ang totoo, upang maging makabuluhan ang trabaho, ito ay dapat na kapaki-pakinabang sa iba. ‘Ang kasiya-siyang trabaho,’ pagpapakahulugan ng isang manunulat tungkol sa negosyo, ‘ay trabaho na nagdudulot ng kaluwagan, kaginhawahan o kasiyahan sa buhay ng maraming tao.’ Ang gayong gawain ay nagdudulot ng matinding kasiyahan sa gumagawa. Ito’y katulad ng sinabi ni Jesu-Kristo: “Lalong maligaya ang magbigay kaysa tumanggap.”—Gawa 20:35.
Bagaman kapuri-puri ang paggawa sa ikabubuti ng iba, mayroon pang ibang mahalagang elemento sa pagkasumpong ng kasiyahan sa trabaho at sa buhay. Si Haring Solomon, pagkatapos maranasan ang lahat ng luho at kayamanan na maibibigay ng buhay, ay naghinuha: “Matakot ka sa tunay na Diyos at sundin mo ang kaniyang mga utos. Sapagkat ito ang buong katungkulan ng tao.”—Eclesiastes 12:13.
Maliwanag, dapat nating isaalang-alang ang kalooban ng Diyos sa anumang bagay na ginagawa natin. Tayo ba’y gumagawa na kasuwato ng kaniyang kalooban o gumagawang salungat dito? Sinisikap ba nating palugdan siya o palugdan lamang ang ating mga sarili? Kung wawaling-bahala natin ang paggawa ng kalooban ng Diyos, tayo’y nagiging mga materyalistiko o mga hedonista at sa wakas ay daranas ng kirot ng pangungulila, kahungkagan, at pagkasiphayo.
Kaya tandaan na ang paglilingkod sa Diyos na Jehova—ang paggawa ng gawain na nakalulugod sa ating Maylikha—ay hindi kailanman mag-iiwan sa atin na di-nasisiyahan. Si Jehova mismo ay isang masipag na manggagawa, at inaanyayahan niya tayong sumama sa kaniya at maging kaniyang “mga kamanggagawa.” (1 Corinto 3:9; Juan 5:17) Subalit ang pagpapagal bang iyon ay talagang nagdudulot ng tunay na kaligayahan?
Isang nangangasiwang patnugot ng isang imprentahan ang minsan ay dumalaw sa imprentahan ng Watch Tower sa Hapón upang pag-aralan ang kaayusan nito sa pag-iimprenta. Natawag ang kaniyang pansin hindi lamang sa mga makina. Nakita niya ang mga kabataang lalaki na nasisiyahan sa kanilang trabaho, at gulat na gulat siyang marinig na lahat ay mga boluntaryo at di-mabilang pa ang masugid na nag-aplay upang makasama sa kanila. Bakit siya nagulat? “Sa aming kompanya,” sabi niya, “kapag nag-empleo kami ng sampu katao, mabuti na kung apat sa kanila ay nagtatrabaho pa rin sa amin pagkatapos ng isang taon. Kayong mga taong taga-Watchtower ay may kayamanan sa mga kabataang manggagawang ito!”
Ano ang gumagawa sa mga kabataang lalaking ito na napakaligaya at masisipag? Bilang mga boluntaryo, maliwanag na sila ay hindi nagtatrabaho dahil sa salapi. Ano, kung gayon, ang gumaganyak sa kanila? Ang kanilang pag-aalay at pagpapahalaga kay Jehova, ang kanilang Maylikha, at ang kanilang pag-ibig sa kanilang kapuwa. Ang kanilang saloobin ay nagpapakita na sila ay hindi nagtatrabaho “na gaya ng mga tagapagbigay-lugod sa tao, kundi gaya ng mga alipin ni Kristo, na ginagawa nang buong kaluluwa ang kalooban ng Diyos.”—Efeso 6:6.
Lahat ng ito ay pakita lamang ng kung ano ang darating. Yaong mga nagpapagal ngayon upang paglingkuran si Jehova ay makaaasa sa panahon kapag malapit na niyang ibalik ang Paraiso at ang buong lupa ay mapupunô ng kapaki-pakinabang na mga gawain. Inihula ni Isaias, isang sinaunang propeta ng Diyos, ang tungkol sa buhay sa panahong iyon: “Sila nga’y magtatayo ng mga bahay at kanilang tatahanan; sila nga’y mag-uubasan at magsisikain ng bunga niyaon. Sila’y hindi magtatayo at iba ang tatahan; sila’y hindi magtatanim at iba ang kakain. . . . Ang aking pinili ay makikinabang na lubusan sa gawa ng kanilang sariling mga kamay.”—Isaias 65:21, 22.
Magiging anong laking pagpapala nga ang trabaho sa panahong iyon! Sa pag-alam kung ano ang kalooban ng Diyos para sa iyo at paggawang kasuwato nito, harinawang makabilang ka sa mga pinagpala ni Jehova at laging ‘makita ang kabutihan sa lahat mong pagpapagal.’—Eclesiastes 3:13.
[Kahon sa pahina 9]
Iniligtas ng Timbang na Pangmalas sa Trabaho ang Isang Pag-aasawa
Para kay Yasuo, na nakatira sa Hokkaido, Hapón, ang trabaho ang tanging pampalipas-oras hanggang nitong nakalipas na mga taon. Hawak niya ang isang posisyon sa kalagitnaang pangasiwaan, at wala siyang inisip kundi ang pagpaparami ng mga benta. Sa araw-araw siya ay nagtatrabaho hanggang alas-11:00 n.g. nang hindi nagbabakasyon. Pagkatapos, gunita niya: “Natalos ko na gaano man ang pagsisikap ko, hindi ako nagkakaroon ng kagalakan sa aking trabaho.” Ang kondisyon ng katawan ni Yasuo ay nagsimulang humina. Kinakausap ang kaniyang asawang babae, natalos niya na mayroong mas mahalagang bagay kaysa kaniyang trabaho—ang kaniyang pamilya. Binago niya ang kaniyang istilo-ng-buhay at nakisama sa kaniyang asawa sa pag-aaral ng Bibliya. Siya ngayon ang iniibig at iginagalang na ulo ng isang maligayang sambahayan.
[Larawan sa pahina 9]
Hindi dapat isapanganib ng iyong trabaho ang mga kaugnayang pampamilya
[Larawan sa pahina 10]
Hindi na magtatagal ang lahat ay masisiyahang magtrabaho upang gawing isang paraiso ang lupa