Pagpapagal—Mapanganib ba sa Iyong Kalusugan?
Pagpapagal—Mapanganib ba sa Iyong Kalusugan?
BUMABAGSAK sa kaniyang kotse, isang ahente ng seguro na nasa katanghalian-gulang ay sumuka at nahandusay. Hawak-hawak pa rin niya ang kaniyang portpolyo, ang sagisag ng kaniyang trabaho. Nagpapagal sa ilalim ng sawikain ng kaniyang kompanya, “Ngayon na ang pinakamahalagang panahon. Gamitin mo ang iyong lakas hanggang sa 150 porsiyento ng kakayahan nito,” natakbo na niya ang mga 3,000 kilometro sa kaniyang kotse noong buwan na siya ay mahandusay. Pagkaraan ng apat na araw, siya ay namatay.
Hindi ito isang nabubukod na kaso. Ang “mga mandirigma ng korporasyon,” gaya ng tawag sa kanila sa Hapón, ay laging dinadalaw ng masamang panaginip ng karoshi, o kamatayan dahil sa sobrang trabaho. Tinataya ng isang abugado na nagdadalubhasa sa gayong mga kaso na mayroong “di-kukulanging 30,000 biktima ng karoshi sa Hapón taun-taon.” Hindi kataka-taka na mahigit na 40 porsiyento ng Hapones na mga manggagawa sa opisina na sinurbey kamakailan ay natatakot sa posibleng kamatayan dahil sa sobrang trabaho.
Bagaman mahirap patunayan ang kaugnayan sa pagitan ng sobrang trabaho at mga suliranin sa kalusugan, ang mga pamilya ng mga biktima ay
hindi gaanong nag-aalinlangan. Sa katunayan, ang pariralang “kamatayan dahil sa sobrang trabaho” ay inimbento sa mga kahilingang kabayaran na inihaharap ng mga pamilyang naulila. “Mula sa isang medikal na punto de vista,” sabi ni Tetsunojo Uehata ng Institute of Public Health sa Hapón, “ito’y tumutukoy sa kamatayan o kapansanan mula sa atake serebral, myocardial infarction, o grabeng atake sa puso bunga ng nakapapagod na trabaho na nagpapalala sa alta presyon o arteriosclerosis.” Isang ulat kamakailan ng Health and Welfare Ministry ng Hapón ay nagbababala na ang laging pag-oobertaim ay nagnanakaw sa isa ng tulog at sa wakas ay humahantong sa mahinang kalusugan at karamdaman.Gayunman, kung paanong ayaw aminin ng mga maninigarilyo ang mga panganib sa paninigarilyo, at ayaw aminin ng mga alkoholiko ang mga panganib sa pag-abuso sa alkohol, ayaw rin kilalanin ng mga sugapa sa trabaho o workaholic ang mga panganib ng di-makatuwirang mahahabang oras ng trabaho. At ang kamatayan ay hindi siyang tanging panganib.
Labis na Pagkapagod at Panlulumo
Samantalang ang ilang sugapa sa trabaho ay nagiging biktima ng kapansanan at kamatayan, ang iba ay sumusuko sa labis na pagkapagod. “Ang labis na pagkapagod ay walang eksaktong medikal na kahulugan,” sabi ng magasing Fortune, “ngunit kabilang sa karaniwang tinatanggap na mga sintoma ang pagod, kulang ng sigla, pagliban, dumaraming mga suliranin sa kalusugan, at pag-abuso sa droga o alkohol.” Ang ilang biktima ay nagiging masungit, samantalang ang iba naman ay nagsisimulang gumawa ng walang ingat na mga pagkakamali. Kung gayon, paano nagiging biktima ang mga taong labis na pagód sa trabaho?
Karaniwan na, hindi ang mga taong hindi makabagay o ligalig ang damdamin ang nagiging biktima. Kadalasan ito’y ang mga tao na lubhang nagmamalasakit sa kanilang trabaho. Maaaring sila ay nagpupunyaging makaligtas sa mahigpit na kompetisyon o patuloy na naghahanap ng mas mataas na mga posisyon sa sekular na trabaho. Sila’y nagpapagal sa loob ng maraming oras, sinisikap na lubusang mapangasiwaan ang kanilang trabaho. Subalit kapag ang matatag na debosyon at walang-tigil na trabaho ay hindi nagbubunga ng inaasahang kasiyahan at gantimpala, sila ay nasisiphayo, pagod na pagod, at nagiging biktima ng labis na pagkapagod sa trabaho.
Ano ang mga kahihinatnan? Sa Tokyo isang paglilingkod sa telepono na tinatawag na Life Line, na itinatag upang tulungan ang magiging mga biktima ng pagpapatiwakal, ay tumatanggap ng higit at higit na mga tawag mula sa desperadong nasa kalagitnaang-gulang o mas matandang mga manggagawa sa opisina. Sa mahigit na 25,000 biktima ng pagpapatiwakal sa Hapón noong 1986, isang nakagugulat na 40 porsiyento ay nasa kanilang 40’s at 50’s, at 70 porsiyento nito ay lalaki. “Ito’y dahilan sa dumarami
ang panlulumo sa gitna ng mga nagtatrabahong nasa kalagitnaang-gulang,” hinagpis ni Hiroshi Inamura, isang propesor ng saykayatri.Saka nariyan din ang tinatawag na holiday neurosis. Ang mga sintoma? Pagkayamot sa panahon ng bakasyon dahil sa walang ginagawa. Udyok ng pamimilit na magtrabaho, ang budhi ng deboto sa trabaho ay binabagabag kung mga araw na walang trabaho. Hindi makasumpong ng kapayapaan ng isip, siya’y palakad-lakad sa paligid ng kaniyang maliit na silid na parang hayop sa loob ng isang kulungan. Pagdating ng Lunes, nagtutungo siya sa opisina, na nagiginhawahan.
Isang hindi pangkaraniwang uri ng panlulumo na ngayo’y nagdadala sa mga manggagawang nasa kalagitnaang-gulang sa doktor ay ang tinatawag na home-phobia syndrome. Ang mga pagod na pagod na manggagawa ay nagtatagal sa mga kapihan at mga bar pagkatapos ng trabaho. Sa wakas, sila ay lubusan nang hindi umuuwi ng bahay. Bakit ikinatatakot nila ang pag-uwi ng bahay? Bagaman maaaring isang salik ang hindi maawaing mga asawa, “marami ang lubhang nagpapagal at nawalan ng kakayahang makibagay sa labas ng kapaligiran ng trabaho, sa maraming kaso kahit na sa kanila mismong pamilya,” sabi ni Dr. Toru Sekiya, na naglalaan ng isang “Night Hospital System” para sa mga pasyenteng iyon.
Ang Buhay Pampamilya ay Nasasakal
Maaaring ang sugapa sa trabaho ay hindi siyang labis na nagdurusa. Ang pagiging sugapa sa trabaho “ay kadalasang mas problema ng mga taong bahagi ng buhay ng isang sugapa sa trabaho,” sabi ng magasing Entrepreneur. Ang buhay ng asawa ay maaaring maging isang masamang panaginip. Para sa sugapa sa trabaho “ang trabaho ang pinakamahalagang bagay sa kaniyang buhay,” sabi ng magasing The Bulletin ng Sydney, Australia, “at ang pagtanggap ng ikalawang dako ay hindi laging madali.” Ano ang nangyayari sa gayong pag-aasawa?
Kunin halimbawa ang kaso ni Larry, isang Amerikanong empleado ng isang korporasyong Hapones sa Estados Unidos. Siya’y nagtrabaho ng mahahabang oras ng obertaim nang hindi binabayaran para rito, pinararami ang produksiyon ng kompanya ng 234 na porsiyento. Tagumpay at kaligayahan? “Sira!” bulalas ng kaniyang asawa sa hukuman nang idiborsiyo niya ang lalaki.
Masahol pa nga ang isang Hapones na ehekutibo ng negosyo na nagtutungo sa trabaho tuwing alas singko ng umaga at hindi umuuwi ng bahay bago alas nuwebe sa gabi. Ang kaniyang asawa ay nagsimulang uminom nang labis. Isang araw, nagtatalo tungkol sa pag-inom ng babae, sinakal ng lalaki ang asawang babae. Ipinahayag ng hukom na ang lalaki ay may salang pagpatay sa kapuwa at nagsabi: “Lubusang nakatalaga sa trabaho, hindi mo natalos ang pangungulila ng iyong asawa at hindi ka nagsikap na bigyan siya ng mga dahilan upang masiyahan sa buhay.”
Ang pagsakal sa asawa ay isang sukdulang resulta, subalit maaaring patayin ng sobrang trabaho ang buhay pampamilya sa iba pang paraan. Kung ang asawang lalaki ay nasa bahay kung mga Linggo, maaaring nahihiga lamang siya sa harap ng isang telebisyon na nanonood ng kaniyang paboritong programa sa isports at matulog maghapon. Hindi natatalos ng mga asawang lalaki na ito na sila ay nagiging walang kabatiran sa iba pang aspekto ng buhay. Nalilipos ng kanilang trabaho, nakaliligtaan nila ang pinakamahalagang bagay sa buhay, ang kanilang pamilya. Hindi pinapansin ang pangangailangan para sa pag-uusap ng pamilya, kanilang itinataguyod ang isang landasin na patungo sa malungkot na pagreretiro.
Matanda Subalit Hindi Nasisiyahan
Ang aklat na At Work ay nagbigay ng babala sa pambungad nito: “Sa ating lipunan, . . . napakalakas ng ugnayan sa pagitan ng trabaho, pagpapahalaga-sa-sarili at sosyal na katayuan anupat, sa pagreretiro, nasusumpungan ng ilan na napakahirap makibagay sa isang buhay na malaya sa kanilang dating papel sa trabaho.” Dapat tanungin niyaong ang mga buhay ay nakasentro sa trabaho ang kanilang
sarili ng tanong na ito: ‘Ano kaya ang matitira sa akin kung aalisin ang aking trabaho?’ Tandaan, kapag nagretiro ang isang tao, ang kaniyang buhay ay maaaring umikot sa kaniyang pamilya at pamayanan.Yaong mga kinaliligtaan ang pangangailangan para sa komunikasyon sa kanilang pamilya at mga kapuwa ay hindi nakatitiyak kung ano ang ipakikipag-usap sa kanila pagkatapos magretiro. “Kanilang inaani ang mga bunga ng hindi pagsasaalang-alang ng anumang bagay maliban sa trabaho, hindi ba?” sabi ng isang beteranong tagapayo para sa mga mag-asawang nasa kalagitnaang-gulang sa Hapón. “Ang kanilang buhay ay kulang ng aspektong makatao, at ipinalalagay nila na sila ay may mabuting kaugnayang pampamilya dahil lamang sa sila ang mga naghahanapbuhay. Gayunman, kapag sila ay nagretiro ang kalagayan ay nababaligtad.”
Ang 30 o 40 taon na iyon ng pagpapagal, ipinalalagay na para sa pamilya, ay maaaring magkaroon ng masamang mga resulta. Anong pagkalungkut-lungkot nga kung pagkatapos ng mga taon ng pagpapagal, ang dating mga naghahanapbuhay ay itinuturing na “industriyal na basura” at nureochiba (nahulog na basang dahon) ng kanilang mga pamilya. Ang huling banggit na kataga ay ginagamit sa Hapón upang ilarawan ang mga asawang lalaki na nagretiro na walang ginagawa sa bahay na kasama ng kani-kanilang asawa maghapon. Kaya naman sila ay itinutulad sa nahulog na basang mga dahon na dumidikit sa walis at hindi maalis, wala kundi isang pampayamot.
Kung isasaalang-alang ang lahat ng mga panganib na kasangkot, natural lamang na magtanong, Paano ngang ang pagpapagal ay magiging isang tunay na kagalingan? May gawain ba na nagdudulot ng tunay na kasiyahan? Sasagutin ng aming susunod na artikulo sa seryeng ito ang mga tanong na ito.
[Kahon sa pahina 6]
Napapanahong Babala
“Kung ang mister mo ay nawawalan ng gana, hindi mapagkatulog, ayaw makipag-usap, kung gayon siya ay nagpapakita ng mga nagbababalang tanda. Sabihin mo sa kaniya na humanap ng kasiyahan sa isang bagay maliban sa trabaho at sikaping makipagkilala sa mga tao na hindi kasama sa kompanya.”—Dr. Toru Sekiya, Sekiya Neurology Clinic, Tokyo, Hapón.
“Gusto kong magtrabaho nang mahahabang oras, ngunit kung mawawala mo naman ang iyong asawa o pamilya sa paggawa nito, ginagawa mo ang mga bagay-bagay sa maling paraan. Malungkot kung wala kang babahaginan ng iyong kayamanan.”—Mary Kay Ash, tagapamanihala ng Mary Kay Cosmetics.
[Larawan sa pahina 5]
Kung minsan ang sobrang pagod sa trabaho ay humahantong sa malulubhang problema
Mga Larawan sa pahina 7]
Ang mga ulo ng pamilya na sugapa sa trabaho ay kadalasang sinisira ang buhay niyaong dapat sana’y pinakamalapit sila