Siyensiya—Ang Patuloy na Paghahanap ng Tao sa Katotohanan
Bahagi 6
Siyensiya—Ang Patuloy na Paghahanap ng Tao sa Katotohanan
Pagharap sa mga Hamon ng Ika-21 Siglo
SIYAM, walo, pito, at patuloy ang pagbilang nang paatras! Paatras na pagbilang para sa paglulunsad ng isang rocket? Hindi, bagkus ang paatras na pagbilang para sa bilang ng mga taon na natitira pa bago ang sangkatauhan ay itulak sa mga kawalang-katiyakan ng ika-21 siglo. a
Batay sa siyentipikong mga nagawa sa nakalipas na dantaon, marami ang maaaring taimtim na naniniwala na matutugunan ng siyensiya ang anumang hamon na maaaring dalhin ng ika-21 siglo. b Maaaring madama nila ang gaya ng nadama ng isang awtor na Pranses noong pasimula ng ika-20 siglo. “Ang siyensiya sa ngayon ay nakaukol na magpuno sa mundo,” sulat niya. “Mula ngayon ang pamamahala ng daigdig ay, hindi sa diyos, kundi sa siyensiya, sa siyensiya bilang ang tagapagpala ng mga bayan at tagapagpalaya ng sangkatauhan.”
Upang matupad ng siyensiya ang mga inaasahang ito, kailangang lutasin nito ang maraming problemang nagawa nito.
Ang pagkawasak ng kapaligiran na doon ang siyensiya ang may pananagutan ay pagkalaki-laki. Ganito ang giit ng aklat na 5000 Days to Save the Planet: “Kung ipagpapatuloy natin ang ating kasalukuyang landasin ng pagsasamantala sa kapaligiran, ang tanong ay hindi kung maliligtasan ba ng modernong lipunan ang susunod na siglo, kundi kung ito ba ay maglalaho sa isang malakas o tahimik na paraan?”
Wari ngang ito ay hindi isang kanais-nais na mapagpipilian.
Ang mga Limitasyon ng Siyensiya
“Maraming siyentipiko ng ika-19 na siglo . . . ang kadalasang nag-akala na balang araw ay makakamit nila ang ganap na katotohanan at ang sukdulang pagkaunawa,” sabi ng aklat na The Scientist. “Ang mga kahalili nila,” patuloy ng aklat, “ay bumabanggit lamang tungkol sa pag-abot sa ‘bahaging pagkaunawa,’ ng patuloy na paglapit sa katotohanan ngunit hindi kailanman lubusang maabot ito.” Ang kawalang ito ng ganap na kaalaman ay lubhang nagtatakda sa kung ano ang maaaring gawin ng siyensiya.
Ang siyentipikong mga katotohanan ay hindi kailanman nagbago sa nakalipas na mga taon, samantalang ang siyentipikong mga teoriya ay nagbago—at ito’y paulit-ulit na nagbago. Sa katunayan, kung minsan ang mga teoriya ay bumaling mula sa isang sukdulan tungo sa isang sukdulan. Halimbawa, dati-rating inaakala ng medikal na mga siyentipiko na ang pag-aalis ng dugo sa katawan ng isang taong may malubhang karamdaman ang siyentipikong bagay na dapat gawin. Nang maglaon inakala nilang ang pagsasalin ng dugo ang lunas. Ngayon kinikilala ng ilan ang karunungan ng hindi paggawa ng alinman dito at ng pagsaliksik sa hindi gaanong mapanganib na mapagpipiliang paggamot.
Maliwanag, ang nalalaman ng mga siyentipiko ay mas kaunti kaysa kung ano ang hindi nila nalalaman. Ganito ang sabi ng The World Book Encyclopedia: “Hindi pa rin nalalaman nang tiyak ng mga dalubhasa sa buhay-halaman kung paano gumagana
ang proseso ng photosynthesis. Hindi pa rin nasumpungan ng mga biyologo at mga biyokemiko ang sagot sa tanong na kung paano nagsimula ang buhay. Ang mga astronomo ay hindi pa nakagawa ng isang kasiya-siyang paliwanag sa pinagmulan ng sansinukob. Hindi nalalaman ng medikal na mga siyentipiko at mga pisyologo ang sanhi o gamot sa kanser o kung paano gagamutin ang iba’t ibang sakit na dala ng virus. . . . Hindi nalalaman ng mga sikologo ang lahat ng sanhi ng karamdaman sa isip.”Ang siyensiya ay limitado rin sa diwa na hindi ito bubuti pa sa mga taong nagtataguyod nito. Sa ibang salita, ang kakulangan ng kaalaman ng siyentipiko ay pinalulubha pa ng kaniyang di-kasakdalan. Natuklasan ng mga awtor ng 5000 Days to Save the Planet na “kadalasan . . . dinoktor ng mga organisasyon para sa pantanging-layunin ang pananaliksik, pinilipit ang halaga-pakinabang na mga pagsusuri at hinadlangan ang impormasyon upang maibenta ang nakapipinsalang mga produkto o ipagpatuloy ang mga gawain na nakasasamâ sa kapaligiran.”
Kahit na kung ang karamihan ng mga siyentipiko ay tapat, hindi pa rin ito dahilan upang ilagay sila o ang kanilang gawain sa pedestal. “Sila’y katulad din ng iba,” katuwiran ng ipinanganak sa Britaniyang si Edward Bowen, isa mismong siyentipiko. “Silang lahat ay may kani-kaniyang pagkukulang. Ang ilan ay nakatalaga, ang ilan ay walang konsensiya, ang ilan ay totoong matalino, ang iba naman ay abo ang laman ng ulo. May nakikilala akong dakilang mga pangalan sa siyensiya, mga taong nakagawa ng pagkalaki-laking kabutihan sa daigdig. At bagaman wala akong nakikilalang siyentipikong nakakulong, may nakikilala akong karapat-dapat makulong.”
Maliwanag, dahil sa maraming limitasyon nito, ang modernong-panahong siyensiya ay hindi kasiya-siyang nakatutugon sa mga hamon ng ika-21 siglo. Lalo na itong bigo na pangalagaan ang kapaligiran, at sa halip na alisin ang digmaan sa lupa, nakatulong ito sa paggawa ng mga sandata sa lansakang pagpuksa.
Kailangan ang Apurahang Pagkilos
Ang lahat ay sumasang-ayon na kailangang may gawin sa lalong madaling panahon. Noong nakaraang Nobyembre isang pangkat ng 1,575 siyentipiko, kasali na ang 99 na nanalo ng gantimpalang Nobel, ay nagpalabas ng isang pahayag na pinamagatang “Ang Babala ng mga Siyentipiko ng Daigdig sa Sangkatauhan” kung saan isinulat nila: “Wala pang isa o ilang dekada ang natitira bago ang tsansang masawata ang mga banta na nakakaharap natin ngayon ay mawawala at ang pag-asa para sa sangkatauhan ay lubhang lumiit.” Sabi nila: “Ang mga tao at ang likas na daigdig ay nagbabanggaan.”
Kahawig na mga babala ang ipinahayag noon. Sa katunayan, noong 1952, si Bertrand Russell, isang pilosopong Britano ng ika-20 siglo at isa mismong tagapagtaguyod ng siyensiya, ay nagsabi: “Upang ang buhay ng tao ay magpatuloy sa kabila ng siyensiya, kailangang matutuhan ng sangkatauhan ang disiplina sa mga damdamin na, dati, ay hindi kailangan. Ang mga tao ay kailangang pasakop sa kautusan, kahit na kung inaakala nilang ang kautusan ay hindi makatuwiran at hindi makatarungan. . . . Kung hindi ito mangyayari ang lahi ng tao ay maglalaho, at maglalaho bilang resulta ng siyensiya. Isang malinaw na pagpili ang dapat gawin sa loob ng limampung taon, isang pagpili sa pagitan ng Katuwiran at Kamatayan. At sa ‘Katuwiran’ ang ibig kong tukuyin ay ang pagkukusang pasakop sa kautusan na gaya niyaong ipinahayag ng isang internasyonal na awtoridad. Ikinatatakot ko na baka piliin ng sangkatauhan ang Kamatayan. Sana’y mali ako.”
Ang totoo ay, ang mga taong handang sumunod sa matuwid na mga pamantayan ay bihira sa ngayon. Ang yumaong lider ng mga karapatang sibil na si Martin Luther King ay wastong nagsabi: “Nahigitan ng ating siyentipikong lakas ang ating espirituwal na lakas. Mayroon tayong mga missile na nagagabayan at mga taong naligaw ng landas.” Gayunman, walang kamalay-malay na natuklasan ni Russell ang lunas sa mga problema ng daigdig nang sabihin niya na ang sangkatauhan ay kailangang “pasakop sa kautusan na gaya niyaong ipinahayag ng isang internasyonal na awtoridad.”
Sino ang Makalulutas sa Problema?
Totoo, hindi tinutukoy ni Bertrand Russell ang isang banal na awtoridad nang banggitin niya ang tungkol sa kautusan na gaya ng ipinahayag ng isang internasyonal na awtoridad. Gayunman, ang pagsunod sa mga kautusan ng awtoridad na iyon ang siyang kailangan. Ang mga kautusan ng tao at mga awtoridad na tao ay tiyak na hindi siyang lunas. Hinding-hindi nila mababago ang daigdig at sa c
gayo’y hadlangan ang kapahamakan. Ang kalunus-lunos na rekord ng kasaysayan ay nagpapatunay na kailangan ng tao ang pamamahala ng Diyos.Oo, tanging ang Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat, na ang pangalan ay Jehova, ang makapaglalaan ng isang internasyonal na awtoridad na may kapangyarihan at kakayahan na tugunan ang mga hamon ng ika-21 siglo. (Awit 83:18) Ang awtoridad kung saan ang lahat ay dapat pasakop kung nais nilang tumanggap ng buhay ay ang Kaharian ng Diyos, na isang makalangit na pandaigdig na pamahalaan na itinatag ng Maylikha, ang Diyos na Jehova.
Malaon nang inihula ng Bibliya ang tungkol sa pamahalaang ito: “Sapagkat sa atin ay ipinanganak ang isang bata, sa atin ay ibinigay ang isang anak na lalaki: at ang pamamahala ay maaatang sa kaniyang balikat: at ang kaniyang pangalan ay tatawaging . . . Prinsipe ng Kapayapaan. Ang paglago ng kaniyang pamamahala at ng kapayapaan ay hindi magkakaroon ng wakas.” (Isaias 9:6, 7, King James Version) Ang inihulang batang ito, si Jesu-Kristo, ay makahimalang ipinaglihi ni birheng Maria at ipinanganak sa Bethlehem ng Judea.—Lucas 1:30-33.
Samantalang nasa lupa tinuruan ni Jesus ang kaniyang mga tagasunod na manalangin tungkol sa pamahalaan ng Diyos nang kaniyang sabihin: “Manalangin nga kayo ng ganito: . . . ‘Dumating nawa ang kaharian mo. Mangyari nawa ang kalooban mo, kung paano sa langit, gayundin sa lupa.’ ” (Mateo 6:9, 10) Tanging ang makapangyarihang banal na espiritu, o aktibong puwersa lamang ng Diyos na Jehova, ang makatutulong sa mga taong nagkukusa na gawin ang kinakailangang mga pagbabago sa kanilang buhay kasuwato ng matuwid na mga kautusan ng kaniyang pamahalaan. Hindi ito magagawa ng siyensiya. Ang libu-libong taon ng alitan at kalituhan ay patotoo na hindi ito magagawa ng siyensiya.
Titiyakin ng Diyos na Jehova, na ang tumpak na siyentipikong kaalaman ay hindi natatakdaan, na tatamasahin ng lupa ang Paraisong mga kalagayan, kung paano ito umiral sa halamanan ng Eden, nang lalangin niya ang unang mag-asawa. Nang panahong iyon ay itinagubilin niya sa kanila: “Kayo’y magpalaanakin at magpakarami at punuin ninyo ang lupa at inyong supilin.” (Genesis 1:28) Bagaman hindi sila naging masunurin at hindi nila isinagawa ang atas na iyon, titiyakin ng Diyos na Jehova na ang kaniyang orihinal na layunin para sa lupang ito na maging isang paraiso ay matutupad. “Aking sinalita; akin namang papangyayarihin,” sabi niya. (Isaias 46:11) Subalit kailan matutupad ang orihinal na layunin ng Diyos para sa lupa?
Inilarawan ni Jesu-Kristo at ng kaniyang mga apostol ang mga kalagayan na iiral sa lupa sa “mga huling araw,” karaka-raka bago halinhan ng Kaharian ng Diyos ang lahat ng mga pamahalaan ng tao. (2 Timoteo 3:1-5; Mateo 24:3-14, 37-39; 2 Pedro 3:3, 4) Kapag binasa ng isa ang mga hula ng Bibliya na nabanggit dito at ihambing ito sa mga pangyayari sa daigdig, nagiging maliwanag na tayo ay nabubuhay na sa panahon kung kailan isasagawa ng Kaharian ng Diyos ang inilarawan sa Bibliya sa Daniel 2:44: “At sa mga kaarawan ng mga haring yaon [ang mga pamahalaan ng tao na nagpupuno ngayon] ang Diyos ng langit ay magtatayo ng isang kaharian na hindi magigiba kailanman. At ang kahariang iyon ay hindi ibibigay sa ibang bayan. Dudurugin at wawasakin niyon ang lahat ng mga kahariang ito, at iyon sa ganang sarili ay lalagi magpakailanman.”
Buhay sa Malapit na Hinaharap
Isip-isipin lamang kung ano ang ibig sabihin niyan sa malapit na hinaharap! Anong kamangha-manghang mga bagay ang nakalaan sa sangkatauhan sa darating na dantaon, kung hindi man bago pa nito! Ang masasamang epekto ng libu-libong taon ng di-sakdal na pamamahala ng tao, mapagpaimbabaw na relihiyon, masakim na komersiyo, at ang siyensiya ng daigdig na ito ay hahalinhan ng pamamahala ng Diyos, na magpapala sa mga tao nang higit pa sa kanilang pinakadakilang mga inaasahan.
Ganito inilalarawan ng Bibliya ang mga pangyayari na tiyak na mangyayari sa matuwid na bagong sanlibutan ng Diyos: “Narito! Ang tabernakulo ng Diyos ay nasa mga tao, at siya’y mananahan sa kanila, at sila’y magiging bayan niya. At ang Diyos mismo ay sasa kanila. At papahirin niya ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng dalamhati o ng pananambitan o ng hirap pa man. Ang mga dating bagay ay naparam na.”—Apocalipsis 21:3, 4.
Samakatuwid, napakahalaga para sa iyo na magkaroon ng kabatiran tungkol sa paatras na pagbilang na malapit nang magwakas sa pagkapuksa ng sistemang ito ng sanlibutan na nasa ilalim ng makapangyarihan, di-nakikitang tagapamahala ng daigdig, si Satanas na Diyablo. (Juan 12:31; 2 Corinto 4:3, 4) Mahalaga na alamin mo ang kalooban ng Diyos at gawin ito, sapagkat ang Bibliya ay nangangako: “Ang sanlibutan ay lumilipas at ang pita niyaon, datapuwat ang gumagawa ng kalooban ng Diyos ay nananatili magpakailanman.”—1 Juan 2:17.
Kaya nga, habang ipinahihintulot ng panahon, harinawang matalinong samantalahin mo ang mga paglalaan ni Jehova para sa kaligtasan. Kung gayon magkakaroon ka ng pribilehiyo na tamasahin ang buhay sa hinaharap, oo, sa dumarating na ika-21 siglo—gayundin sa ika-22, ika-23, at di-mabilang pang mga dantaon.
[Mga talababa]
a Sa paraang teknikal, ang ika-21 siglo ay magsisimula sa Enero 1, 2001. Gayunman, minamalas ng popular na paggamit ang unang siglo bilang mula sa taóng 1 hanggang 99 (walang taóng 0); ang ika-2 siglo, mula sa taóng 100 hanggang 199; kaya, ang ika-21 siglo, ay mula sa taóng 2000 hanggang 2099.
b Ito ang huli sa anim-na-bahaging serye tungkol sa siyensiya sa magasing Gumising!
c Ang kawalang-kaya ng mga pamahalaan ng tao ay itinampok sa sampung-bahaging serye (Agosto 8 hanggang Disyembre 22, 1990) na pinamagatang “Tinimbang ang Pamamahala ng Tao.”
[Kahon sa pahina 23]
Sa Gitna ng Masamang Balita, Mabuting Balita
Sa kabila ng siyentipikong pagsulong katakut-takot na dami ng nagugutom na mga bata at payat na mga adulto ang nasusumpungan pa rin. Subalit hindi na magtatagal sa ilalim ng Mesianikong Kaharian ng Diyos, “magkakaroon ng saganang trigo sa lupa; sa taluktok ng mga bundok ay may labis-labis.”—Awit 72:16.
Sa kabila ng siyentipikong pagsulong ang pang-aapi at karahasan ay nararanasan pa rin ng angaw-angaw. Subalit hindi na magtatagal ang Hari sa Mesianikong Kaharian ng Diyos “ay ililigtas ang dukha na dumaraing ng paghingi ng tulong, pati ang napipighati at sinuman na walang katulong. . . . Ililigtas niya ang kanilang kaluluwa sa pang-aapi at karahasan.”—Awit 72:12-14.
Sa kabila ng siyentipikong pagsulong ang bilang ng mga taong lansangan, na nawalan ng tirahan at sapat na pagkain, ay patuloy na dumarami sa buong daigdig. Subalit hindi na magtatagal sa ilalim ng Mesianikong Kaharian ng Diyos, ang mga tao “nga’y magtatayo ng mga bahay at kanilang tatahanan . . . Sila’y hindi magtatayo at iba ang tatahan; sila’y hindi magtatanim at iba ang kakain.”—Isaias 65:21, 22.
Sa kabila ng medikal na pagsulong ang maaaring hadlangang mga karamdaman ay patuloy na pumapatay ng angaw-angaw. Subalit hindi na magtatagal sa ilalim ng Mesianikong Kaharian ng Diyos, “walang mamamayan ang magsasabi: ‘Ako’y may sakit.’ ”—Isaias 33:24.
Larawan sa pahina 24]
Saanman sa lupa ang buhay ay magiging kalugud-lugod
[Credit Line]
Sa kagandahang-loob ng Hartebeespoortdam Snake and Animal Park