Ang Pambihirang Pampasaherong Trambiya ng Utah
Ang Pambihirang Pampasaherong Trambiya ng Utah
ANG “Pinakamatarik na Pampasaherong Trambiya sa Daigdig.” Ganiyan inianunsiyo ang Skytram sa Talón ng Bridal Veil sa Provo Canyon, Utah, E.U.A. Ako’y nagtatanong, ‘Totoo nga kaya iyon?’ Natatandaan kong sumakay sa isang trambiya sa himpapawid sa Catalonia, Espanya, mga 15 taon na ang nakalipas upang dalawin ang kabundukan ng Montserrat, at ang trambiyang iyon ay tila ba mas matarik sa pakiwari ko. Kaya nga bakit nila sinasabing ang pinakamatarik ay narito sa Talón ng Bridal Veil? Sapagkat ito ay may taas na 374 metro sa haba ng kable na 534 metro— isang katamtamang anggulo ng mahigit na 45 digris. Kapag ang kotse ay malapit na sa tirahan sa bundok, sa taas na 1,900 metro, ang anggulo ay nagiging 62 digris!
Ang lahat ng impormasyong iyan ay teknikal. Ang pagsakay mismo, sa isang kotseng pang-anim-katao, ay maganda habang kami ay tumataas mula sa haywey at dumaraan sa Talón ng Bridal Veil sa gawing kaliwa. Kami ay tumataas sa katamtamang bilis na walong kilometro sa bawat oras. Matatarik na mga bundok ang nakapaligid sa amin—Bundok ng Timpanogos na tumataas ng mga 3,600 metro sa likuran namin at ang isa na inaakyat namin, ang Bundok Cascade, sa harap. Ang mga talón ng tubig ay binubuo ng itaas at ibabang mga talón na bumubulusok ng mahigit 180 metro bago magtungo sa Ilog Provo. Ang ilan sa tubig ay nagtutungo sa isang planta ng kuryente na galing sa tubig mga anim na kilometro ang layo.
Ang gawang-Suisong daanan ng trambiya ay binuksan noong 1962 at ito’y naghatid ng mahigit na 1.5 milyong tao nang walang isa mang malubhang aksidente. Sakaling ikaw ay takót sa pagsakay sa isang trambiya sa himpapawid, isang brosyur ay nagsasabi: “Ayon sa kasaysayan at sa estadistika, ang mga trambiyang gaya nitong Skytram ang pinakaligtas na paraan ng pagbibiyahe sa pagitan ng dalawang lugar.” Sa susunod na pagkakataong sumakay ka sa isang trambiya sa himpapawid, alamin—ito nga ba ay mas matarik kaysa itong nasa Utah?
[Picture Credit Line sa pahina 31]
Sa kagandahang-loob ng Mountainland Travel Region