Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Kakaibang Uri ng Paghahanap ng Kayamanan

Kakaibang Uri ng Paghahanap ng Kayamanan

Kakaibang Uri ng Paghahanap ng Kayamanan

MULA noong unang panahon, pinahalagahan ng mga tao ang kagandahan ng nahahayag na mga kayamanan ng paglalang na dati’y nakatago sa lupa. Halimbawa, ang Havila, isang dakong nauugnay sa sinaunang Arabia, ay kilala sa makulay na mga batong onix. (Genesis 2:11, 12) O gunigunihin ang pagkakita sa isang mataas na saserdote ng sinaunang Israel na nakasuot ng isang pektoral ng onix, rubi, esmeralda, topacio, at iba pang mga batong hiyas​—12 na lahat​—nakaenggaste sa ginto. Malamang na anong nakasisilaw na tanawin iyon! (Exodo 28:15-20) Gayundin, maraming mahahalagang bato ang ginamit sa pagtatayo ng templo sa Jerusalem, na inialay sa pagsamba kay Jehova. (1 Cronica 29:2) Marami sa mga hiyas na iyon ay malamang na pinakintab sa kaningningan. Ipinakikita ng mga tuklas ng arkeolohiya kamakailan na libu-libong taon na ang nakalipas, ang mga tao ay gumamit ng isang simpleng makinang tinatapakan upang paandarin ang isang batong gilingan para pakintabin ang mga bato. Kaya ang ating kasalukuyang-panahong libangan na pangongolekta ng bato ay hindi isang bagay na bago.

Kagamitan at Lugar

‘Anong kagamitan ang kakailanganin ko para sa pangongolekta ng bato?’ maitatanong mo. Isang martilyong gamit sa bato, na kudrado at patag sa isang dulo at matulis sa kabilang dulo, ay mahalaga. Papel para sa pagbalot sa ispesimén at isang bag upang dalhin ang mga ito ay makasasapat na. Napansin mo? Ang kagamitan ay hindi mahal.

‘Saan ako magsisimula sa paghanap ng mga bato?’ susunod mong tanong. Ang mga libis at mga pinaka-sahig ng ilog ay magagaling na dako upang simulan ang iyong paghahanap. Bakit doon? Sapagkat ang pambihirang mga piraso ng bato, natapyas mula sa mas malalaking bato sa mas mataas na antas, ay maaaring gumulong pababa sa burol o sa sapa, na pinakikinis at pinakikintab habang daan. Kung saan nagtatagpo ang mga ilog at ang dagat, makikita mo ang mga batong tangay ng agos sa wawà ng ilog at ang maliliit na bato na tangay ng tubig sa tabing-dagat mula sa mga batuhan sa ilalim ng dagat. Ang iba pang dako na nag-aalok ng kapana-panabik na mga posibilidad para sa mga nangongolekta ng bato ay mga lupang ginawang daan at mga dakong malapit sa nilisang mga tibagan ng bato o mga minahan. Subalit mag-ingat sa mga dakong iyon. Nariyan sa tuwina ang panganib na maaaring mahulog ang nakalag na bato. Sa ilang dako, baka kailanganin mong humingi ng pahintulot bago isagawa ang iyong paghahanap.

Kung ikaw ay nakatira sa Timog Aprika o sa Brazil, maaaring magtagumpay ka sa pagkasumpong ng mga kristal na brilyante. Masusumpungan din ang mga rubi at sapiro sa mga pinaka-sahig ng ilog sa India, Myanmar, at Thailand, at mga esmeralda sa Colombia, India, Timog Aprika, at Zimbabwe. Sa Tsina at Hapón, ang jade at jadeite ang pinakapopular para sa alahas, mga palamuti, at mga insensaryo. Ang jade ay masusumpungan sa Myanmar, New Zealand, at Alaska, gayundin sa Hapón.

Isa sa pinakamaganda sa mga batong hiyas ay ang opal, isang uri ng di-kristal na silica. Masusumpungan sa Australia at sa Mexico, ang mga opal ay may kaakit-akit na iba’t ibang kulay​—maapoy na pula, dilaw, berde, at asul. Ang mga opal ay may kalambutan at kapag pinakintab ay kadalasang pinapatungan ng isang manipis na suson ng quartz upang huwag magasgas.

Materyales Para sa mga Baguhan

Ang mga batong gaya nito ay materyales para sa mga eksperto at pambihirang tuklas para sa mga baguhan. Gayunman, ang quartz ay napakarami at madaling masumpungan. Isa ito sa pinakakaraniwan sa lahat ng mineral na nagiging bato at masusumpungan sa tatlong pangunahing uri ng bato. Maaari kang makasumpong ng isang ispesimén ng quartz na nanganganinag, samantalang ang iba ay maaaring napaglalagusan ng liwanag o malabo pa nga. Ang ilan ay may kulay na pula, dilaw, lila, berde, o kayumanggi. Mangyari pa, bukod pa sa paghahanap ng quartz, maaari ka ring mangolekta ng anumang piraso ng bato na may kawili-wiling kulay o disenyo. At kapag ang bato ay napakintab, maaaring magulat ka sa kagandahan nito at baka naisin mong gamitin ito na adornong alahas, bilang isang eksibit sa isang aparador, o bilang bahagi ng isang maliit na modelong mabatong bundok sa iyong hardin.

Pagkatapos makakolekta ng sapat na piraso ng bato, kailangang may alam ka tungkol sa mga paraan ng pagpapakintab. Iminumungkahi ng ilang samahan ng mga nangongolekta ng bato ang pagpapagulong ng mga bato sa kiskisan ng pinong buhangin at tubig sa isang hungkag na umiikot na bariles na pinaiikot ng isang maliit na motor na de kuryente. Ito’y mangangailangan ng tiyaga at panahon, marahil mga linggo, una sa pamamagitan ng magaspang na pinong buhangin, pagkatapos sa pamamagitan ng mas pinong mga pangkiskis, at sa wakas sa pamamagitan ng pulbos na pampakintab. Subalit sulit naman ang mga resulta.

Ibang Uri ng mga Bato

Ang pangongolekta ng bato ay hindi natatakdaan sa maliliit na piraso. Sa Hapón ang mas malalaking bato ay malawakang ginagamit sa paggawa ng mga tanawing hardin. Ang mga ito ay maaaring maging napakamahal. Halimbawa, isang piraso ng kulay-pulang bato na tumitimbang ng 700 kilo ay nagkakahalaga ng mahigit $2,300. Bakit napakamahal? Ang halaga ay nasa likas na kagandahan ng hugis nito. Maisasaayos mo na umagos ang isang sapa ng tubig mula sa hugis-tasang anyo malapit sa tuktok ng batong ito, lumalagaslas sa ilalim sa isang sunud-sunod na modelo ng maliliit na talón ng tubig.

Ikaw ba ngayon ay nasasabik nang maghanap ng bato? Kung gayon, sana’y makasumpong ka ng kakaibang uri ng kayamanan.​—Isinulat.