Pagmamasid sa Daigdig
Pagmamasid sa Daigdig
Tinanggihan ng mga Tin-edyer ang Organisadong Relihiyon
Ang mga tin-edyer sa Canada ay nagpapaabot ng isang malungkot na mensahe sa relihiyosong mga lider: Ang klero ay nabigo bilang mga guro ng Salita ng Diyos. Isinisiwalat ng kamakailang pambansang surbey na kakaunting tin-edyer ang sumusuporta sa organisadong relihiyon kaysa dati. Tanging 10 porsiyento ang naniniwala na ang pagiging bahagi sa isang relihiyosong grupo ay talagang mahalaga sa kanilang buhay. Subalit, “mahigit sa 80 porsiyento ang bumabaling sa organisadong relihiyon dahil sa mga seremonyang may kaugnayan sa pagsilang, kasal at kamatayan,” ulat ng The Toronto Star. Kapuna-puna nga, 80 porsiyento ang naniniwala rin sa pag-iral ng Diyos, samantalang 60 porsiyento ang naniniwala sa kabilang buhay. “Ang mga tin-edyer ay malamang na lalong naiimpluwensiyahan ng mga kasama, ng media, ng mga pelikula at popular na musika kaysa ng klero,” susog pa ng Star. Maliit lamang na grupo ng mga tin-edyer ang humihingi ng patnubay sa mga lider ng iglesya hinggil sa mahahalagang bagay sa buhay.
Nakamamatay na mga Silid
“Ang mga usok ng tabako sa kapaligiran ay nagiging sanhi ng higit na kamatayan kaysa iba pang gawang-tao na nagpaparuming mga bagay,” sabi ni Dr. Michael Popkiss, isang pinuno sa paggamot sa kalusugan sa Cape Town, Timog Aprika. Siya’y may pagtutol na tumugon sa isang pulyeto na ipinamahagi ng Tobacco Institute of Southern Africa na nagsabing ang kakulangan ng bentilasyon ang suliranin. Ipinaliwanag ni Dr. Popkiss na “ang makapal na usok ng tabako sa mga gusali sa pangkalahatan ay lumalabis sa katamtamang sukatan ng uri para sa malinis na hangin” at maaaring magbunga ng kanser sa bagà at mga atake sa puso, gayundin ng nasugpong paglaki ng bagà sa mga bata. Sinabi niya na walang ibang paraan ng pagdalisay o paglinis ng hangin sa isang gusali upang ito’y lubusang maalisan ng usok ng tabako. Sinabi pa niya: “Ang pinakamabisang paraan upang malinis ang hangin ay ipagbawal ang mga nagpaparumi sa hangin sa kanilang lugar.”
Mahirap na Buhay Para sa mga Manggagawa ni Faraon
Ang kamakailang pagsusuri sa mga kalansay ng mga nagtrabaho sa mga piramide, libingan, at mga templo ni Faraon ay nagpapakita na sila’y kulang sa pagkain, tadtad ng sakit, at sobra sa trabaho. Marami sa manggagawa ang pinahirapan ng arthritis, sabi ni Azza Sarry el-Din, isang Ehipsiyong antropologo. Isiniwalat din ng kaniyang pagsusuri na nagtiis ang mga manggagawa ng mahirap na trabaho. “Ang kanilang mga gulugod ay baluktot dahil sa pagbubuhat ng mabibigat na pasán,” at “may pamamaga ng buto, na sanhi ng paghihirap,” kaniyang pagtatapos. Ang katibayan ng mga sakit na ito ay nasumpungan sa pamamagitan ng pagsusuri ng mga bungo, gulugod, at mga piraso ng mga buto sa daliri at sa daliri sa paa na nahukay mula sa kalapit na mga sementeryo. Gayunman, ang mga sakit na ito ay hindi nakita sa mga labí na nasumpungan sa mga libingan ng mayayaman. Tinataya ng antropologo na ang haba ng buhay ng mga manggagawa ay 18- hanggang 40-taon ang abot, samantalang ang natatanging uri ng mga tao ay nabuhay ng mga 50 hanggang 70 taon.
Kahaliling mga Halimaw
Ang dumudukot ng mga bata at mga magnanakaw ang kahaliling mga halimaw sa masasamang panaginip ng mga batang taga-Brazil. Ayon sa Veja, “tinukoy ng [mananaliksik] si Lenise Maria Duarte Lacerda ang isang bago at nakatatakot na talaan ng mga bagay na kinatatakutan. Ang pinakanababanggit na kinababahala ng mga batang kinapanayam, mula sa 7 hanggang 11 taóng gulang, ay ang mga pagsalakay, karahasan, pagdukot, at kabataang mga magnanakaw.” Yamang hindi matitiyak ng pulisya ni ng mga magulang man ang kaligtasan, “naiwala na ng bata ang larawan ng isang bayani na pinaunlad niya sa kaniyang isipan,” susog pa niya. Ang dalubhasa sa paggamot sa bata na si Dr. José Henrique Goulart da Graça ay nagsabi ng ganito tungkol sa resulta: “Ang pangunahing sakit ng mga bata sa ngayon ay takot. Maraming bata ang nakikitaan [nito] dahil sa mga sakit na saykosomatiko, gaya ng sakit ng ulo, hika, kurso, at sakit sa sikmura.”
Chagas’ Disease at ang Pagsasalin ng Dugo
Taun-taon, 20,000 taga-Brazil ang nahahawahan ng Chagas’ disease. Gayunman, si João Carlos Dias, presidente ng National Health Foundation, ay nagsasabi sa Globo Ciència: “Ang kalagayan ay maaari pang lumala dahil sa maraming pandarayuhan ng mga taga-lalawigan sa malalaking lungsod, ang sakit ay maaari ring ikalat sa mga lungsod.” Yamang ang parasitong sanhi ng sakit ay ‘maaaring dumuon sa anumang sangkap, pati na sa puso, ang pasyente ay maaaring mamatay sa katapusan sa sakit sa puso.’ Bagaman ipinaliliwanag na 8,000 lamang ang nahawahan dahil sa kagat ng insekto, sabi pa ng magasin: “Ang isa pang madalas na uri ng pagkahawa ay sa pamamagitan ng pagsasalin ng dugo. Tinatayang 12,000 bagong mga kaso ang lumilitaw taun-taon sa pamamagitan ng tinatawag na vertical transmission (mula sa ina patungo sa anak) o sa pamamagitan ng pagsasalin ng dugo.”
Mga Mensahe Para sa Diyos sa Fax?
Maaari bang makausap ang Diyos sa pamamagitan ng fax? Maliwanag na gayon nga ang palagay ng Bezeq, isang kompanya ng telepono sa Israel.
Noong Enero, pinasimunuan ng Beseq sa Jerusalem ang isang paglilingkod na nagpapahintulot sa mga tao na maghatid ng mga mensahe sa Diyos sa pamamagitan ng kanilang numero sa fax, ulat ng International Herald Tribune. Minsang matanggap ang fax, tinitiklop ng isang kawani ang mensahe at dinadala ito upang iipit sa isa sa mga bitak sa Western Wall, na ipinalagay na mga labí ng templo ni Jehova na niwasak ng mga hukbong Romano noong 70 C.E. Ayon sa Tribune, ang kaugalian ng paglalagay ng isinulat na mga panalangin sa mga siwang ng pader ay “isang buwenas” na ginagawa ng mga mananamba na humihiling ng banal na tulong sa kanilang paghahanap para sa isang mapapangasawa, mabuting kalusugan, o iba pang mga tunguhin. Sa unang araw ng paglilingkod sa fax, 60 mensahe ang dumating.Polusyon sa Liwanag
Ang mga astronomo ay lubusang nababahala dahil sa artipisyal na liwanag mula sa mga lungsod na nagbibigay-liwanag sa madilim na gabi, na humahadlang sa mga pagsisikap upang pag-aralan ang mga bituin. Gaya ng iniulat ng International Herald Tribune, sinabi ni Alan MacRobert, kasamang patnugot ng magasing Sky and Telescope: “Ang ganap na kadakilaan, ang kamangha-manghang kapangyarihan ng pusikit na kadiliman, ang mabituing kalangitan ay bahagi ng karanasan ng lahat sa sangkatauhan sa buong kasaysayan ng tao. Ngayon sa mauunlad na bansa, ito’y talagang malabo na.” Dahil sa panggigipit mula sa kalapit na mga obserbatoryo, ginawa ng lungsod ng Tucson, Arizona, E.U.A., ang 14,000 ilaw sa lansangan nito na mula sa mercury-vapor na mga ilaw na maging sodium-vapor na mga ilaw na nakatutok ang ilaw sa lupa.
Roma na Walang Papa?
Ayon kay Juan Paulo II, ang mga papa ang mga kahalili ni Pedro, at ang kanilang luklukan ay nasa Roma sapagkat, gaya ng pinagtibay ng “sinaunang tradisyon” ng iglesya, ang apostol ay sinasabing naging martir doon. Gayunman, ang papa ay lumikha ng usapin nang kaniyang sabihin na “dahil sa mga kalagayan ng panahon o dahil sa kanilang sariling mga dahilan, maaaring pansamantalang itatag ng mga Obispo ng Roma ang kanilang residensiya sa mga lugar liban pa sa Walang-hanggang Lungsod.” Ang pápadó ba ay pansamantalang lilipat muna sa ibang lugar? May ilan na nagsabing ito’y isang pangyayari na “itinalagang magdudulot ng malalaking pagbabago sa kabuuan ng ating kultura,” subalit ang karamihan ay naniniwala na ang tradisyon ay napakalakas at na ang luklukan ng papa ay hindi maililipat. “Isa pang San Pedro ang kailangang dumating upang ilipat ang luklukan ng papa,” sabi ng isang guro sa eklesiastikong batas, na si Carlo Cardia, na umaamin, gayunman, na “ang pagpili sa Roma ay walang teolohikong batayan.”
Mali na Naman ang mga Astrologo
Maaga noong 1992 tinipon ng Association for Scientific Research into the Parasciences sa Alemanya ang tinatayang 50 hula ng mga astrologo mula sa buong daigdig, na tinatantiya ang mga resulta sa pagtatapos ng taon. Gayunding paraan ang ginawa ng samahan noong 1991. (Tingnan ang Gumising! ng Hunyo 8, 1992, pahina 29.) Ang mga hula ba para sa 1992 ay mas tumpak kaysa noong 1991? Malayung-malayo sa pagiging tumpak. “Samantalang ang malalabong hula noong 1991 ay nakapag-ulat nang bahagyang mga tagumpay,” ulat ng Süddeutsche Zeitung, “ngayon naman ang mga hula ay hindi man lamang tumama ni minsan.” Kalakip sa mga hula para sa 1992 ay ang muling pagkahalal ni George Bush at ang pagkawasak ng White House dahil sa sunog. Nakatanaw pa sa hinaharap ng 1993, ang samahan ay nagbakasakali pang humula: “Ang mga astrologo ay hindi na naman tatama sa susunod na taon.”
Mapanganib na Humihinga
Mula sa Buenos Aires hanggang Beijing, mula sa Seoul hanggang sa Calcutta at Cairo, ang hangin sa pinakamalalaking lungsod sa mundo ay nagiging higit at higit na mapanganib na langhapin. Binabanggit ang isang ulat ng UN Environment Program at ng World Health Organization, sinasabi ng pahayagang Pranses na Le Figaro na ang tumitinding nakalalasong antas ng nagpaparuming mga bagay sa hangin (gaya ng carbon monoxide, sulfur dioxide, ozone, at tingga) ay maliwanag na nakapipinsala sa kalusugan ng mga tao na nakatira sa malalaking siyudad at maaari pa ngang maiugnay sa maagang pagkamatay ng ilang naninirahan sa lungsod. Salig sa 15-taóng pagsusuri sa 20 lungsod, ang pinagsamang ulat ay nagbababala na ang kinakailangang mga hakbang ay dapat na gawin ngayon upang mabawasan ang polusyon at upang maingatan ang kalusugan ng mga tagalungsod sa daigdig. Tinataya ng United Nations na sa taóng 2000, halos kalahati ng sangkatauhan ay maninirahan sa lungsod.
Kung Paano Ginugugol ng mga Europeo ang Kanilang Oras
Upang makakuha ng impormasyon tungkol sa pang-araw-araw na buhay sa Europa, mahigit na 9,700 katao sa 20 lupain ang tinanong sa pagtatapos ng 1991 ng multimedia na pangkat na Information et Publicité. Paano nagkakaiba-iba ang pang-araw-araw na rutin ng isang bansa sa iba? Iniuulat ng Süddeutsche Zeitung na ang mga Griego ang pinakahuling natutulog (12:40 n.u.), subalit ang mga Hungaryano ay kabilang sa pinakamaagang bumabangon (5:45 n.u.). Ang mga taga-Ireland at taga-Luxembourg ang mas mahabang matulog kaysa karamihan. Ang mga Czech, Slovak, at Suiso ay di-gaanong mahilig sa TV, na binubuksan lamang ito nang dalawang oras sa isang araw, samantalang sa Britaniya “ang goggle-box [telebisyon set] ay umaandar nang halos apat na oras sa isang araw.” Sa Sweden mahigit sa limang oras sa isang araw ang ginugugol sa pagbabasa o sa pakikinig sa radyo, samantalang ang mga taga-Denmark ay nasisiyahan sa isa’t kalahating oras ng paglilibang bawat araw sa mga sinehan, teatro, o sa mga bagay na katulad nito.