Abusadong mga Magulang—Ang Sukdulang Pinagmumulan ng Kaigtingan
Abusadong mga Magulang—Ang Sukdulang Pinagmumulan ng Kaigtingan
“Sapagkat [ang mga bata] ay may kaunting pangmalas sa labas ng pamilya, ang mga bagay na natutuhan nila sa tahanan tungkol sa kanilang sarili at sa iba ay nagiging ganap na mga katotohanang naitimong mainam sa kanilang isipan.”—Dr. Susan Forward.
ANG isang magpapalayok ay maaaring kumuha ng isang walang anyong kimpal ng luwad, dagdagan ng tamang dami ng tubig, at hubugin ito tungo sa isang magandang sisidlan. Sa katulad na paraan, hinuhubog ng mga magulang ang pangmalas ng isang bata kapuwa sa kaniyang sarili at sa daigdig. Taglay ang pag-ibig, patnubay, at disiplina, ang bata ay nagiging isang matatag na adulto.
Gayunman, kadalasang ang mga impresyon sa isipan at puso ng isang bata ay hinuhubog ng abusadong mga magulang. Ang emosyonal, pisikal, at seksuwal na pag-abuso ay lumilikha ng pilipit na mga huwaran sa isipan na natitimo nang husto at mahirap nang hubuging-muli.
Emosyonal na Pag-abuso
Ang mga salita ay mas masakit ang tama kaysa mga kamao. “Wala akong matandaang isang araw na hindi sinasabi sa akin ng [aking ina] na sana’y hindi na ako kailanman isinilang,” sabi ni Jason. Ganito naman ang gunita ni Karen: “Laging sinasabi sa akin na ako ay masama o hindi mabuti.”
Karaniwang paniniwalaan ng mga bata ang sinasabi laban sa kanila. Kung ang isang batang lalaki ay laging sinasabihang tanga, kung gayon maaaring akalain niya sa wakas na siya’y tanga. Sabihan mo ang isang batang babae na siya ay walang halaga, at siya ay maaaring maniwala na gayon nga. Ang mga bata ay may limitadong pangmalas at kadalasan ay hindi nakikilala kung ano ang wasto sa kung ano ang pagmamalabis o huwad.
Pisikal na Pag-abuso
Nagugunita ni Joe ang kaniyang pisikal na mapang-abusong ama: “Susuntukin niya ako hanggang sa ako’y masadlak sa dingding. Patuloy niya akong susuntukin nang napakalas anupa’t ako’y matutuliro . . . Ang lubhang nakatatakot pa nito ay na hindi ko kailanman nalalaman kung ano ang pupukaw sa kaniyang silakbo ng galit!”
Si Jake ay laging binubugbog ng kaniyang ama. Sa isang pagbugbog na iyon, nang si Jake ay anim na taóng gulang, ang kaniyang kamay ay nabali. “Hindi ko ipinakikita sa kaniya o sa aking mga kapatid na babae o kay Inay na ako’y umiiyak,” gunita ni Jake. “Ito lamang ang tanging pagmamalaki na natitira sa akin.”
Ang aklat na Strong at the Broken Places ay bumabanggit na ang pisikal na pag-abuso sa pagkabata ay maihahambing sa “pagkaranas ng isang aksidente sa kotse araw-araw, linggu-linggo o sa bawat buwan.” Ang gayong pag-abuso ay nagtuturo sa isang bata na ang daigdig ay hindi ligtas at na walang sinuman ang mapagkakatiwalaan. Isa pa, ang karahasan ay karaniwang sinusuklian din ng karahasan. “Kung ang mga bata ay hindi napangangalagaan mula sa mga umaabuso sa kanila,” babala ng magasing Time, “kung gayon ang publiko ay kailangang pangalagaan balang araw mula sa mga bata.”
Seksuwal na Pag-abuso
Sang-ayon sa isang tantiya, 1 sa 3 batang babae at 1 sa 7 batang lalaki ay sapilitang nakaranas na ng seksuwal na pag-abuso pagsapit nila ng 18 anyos. Karamihan ng mga batang ito ay tahimik na nagdurusa. “Tulad ng mga sundalong nawawala sa labanan,” sabi ng aklat na The Child in Crisis, “sila’y nananatiling nawawala sa loob ng mga taon sa isang pribadong kagubatan ng takot at pagkadama ng pagkakasala.”
“Gayon na lamang ang pagkapoot ko sa aking ama dahil sa pag-abuso sa akin at ako’y nakokonsensiya dahil sa pagkapoot ko sa kaniya,” sabi ni Louise. “Hiyang-hiya ako sapagkat dapat mahalin ng isang bata ang kaniyang mga magulang at hindi ko minahal ang aking mga magulang sa lahat ng panahon.” Ang gayong nakalilitong mga damdamin ay mauunawaan kung ang pangunahing tagapagtanggol ng bata ay naging isa na gumagawa ng masama. Si Beverly Engel ay nagtatanong sa The
Right to Innocence: “Paano natin tatanggapin na ang atin mismong magulang, isa na dapat sana’y magmahal at mangalaga sa atin, ay hindi gaanong nagmamalasakit sa atin?”Maaaring pasamain ng seksuwal na pag-abuso ang buong pangmalas sa buhay ng isang bata. “Ang lahat ng adulto na inabuso noong bata pa ay nagdadala mula sa kaniyang pagkabata ng mga damdamin ng kawalang-kaya, kawalang-halaga, at talagang masama,” sulat ni Dr. Susan Forward.
Hindi Ito Napapawi
“Hindi lamang ang katawan ng bata ang siyang inaabuso o pinababayaan,” sulat ng mananaliksik na si Linda T. Sanford. “Inaabuso ng magulong mga pamilya ang isip ng isang bata.” Kapag inabuso ang isang bata, alinman sa emosyonal, pisikal, o sa seksuwal na paraan, siya ay maaaring lumaki na nakadaramang siya ay hindi kaibig-ibig at walang-halaga.
Si Jason, na nabanggit kanina, ay nagkaroon ng gayong mababang pagpapahalaga-sa-sarili bilang isang adulto anupat siya’y sinasabing nanganganib na magpakamatay. Hindi na kailangan pang ilagay ang kaniyang sarili sa mga kalagayang nagsasapanganib sa buhay, minalas niya ang buhay niya na gaya ng itinuro sa kaniya ng kaniyang ina: ‘Hindi ka dapat kailanman isinilang.’
Ginugunita ang mga epekto ng pisikal na pag-abuso noong bata pa, sabi ni Joe: “Hindi ito napapawi dahil lamang sa ikaw ay umaalis ng bahay o nag-aasawa. Lagi akong may kinatatakutan, at kinaiinisan ko ang aking sarili dahil dito.” Ang tensiyon ng sambahayang mapang-abuso sa pisikal na paraan ay nagpapangyari sa maraming bata na lumaki na may negatibong mga inaasahan at mahigpit na mga depensa na bumibilanggo sa kanila sa halip na magsanggalang sa kanila.
Para kay Connie, ang insesto ay lumikha ng isang masamang paglalarawan-sa-sarili na lalo pang sumamâ sa kaniyang pagka-adulto: “Madalas ko pa ring isipin na ang mga tao ay maaaring tumingin sa kalooban ko at makita kung gaano ako kasuklam-suklam.”
Lahat ng anyo ng pag-abuso ay nagtuturo ng nakalalasong aral na maaaring matimo nang husto sa panahon ng pagkaadulto. Oo, kung ano ang natutuhan ay maaaring alisin sa alaala. Maraming nakaligtas na gumaling mula sa pag-abuso sa pagkabata ay nagpapatunay sa bagay na iyan. Subalit mas mabuti sana kung natatalos ng mga magulang na mula sa pagsilang ng kanilang anak, hinuhubog nila ang karamihan ng kaniyang ideya tungkol sa kaniyang sarili at sa kaniyang daigdig. Ang pisikal at emosyonal na kapakanan ng isang bata ay nakasalalay sa kamay ng kaniyang mga magulang.
[Larawan sa pahina 7]
Ang mga salita ay mas masakit ang tama kaysa mga kamao