Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Isang Epidemya ng mga Batang Dumaranas ng Kaigtingan

Isang Epidemya ng mga Batang Dumaranas ng Kaigtingan

Isang Epidemya ng mga Batang Dumaranas ng Kaigtingan

“RANDY!” Sigaw ni Rita, na nahintakutan sa nakita niya mula sa kalayuan habang siya’y papalapit sa kaniyang bahay. Naroon ang kaniyang anak na si Randy, nakabitin sa labas ng bintana sa kuwarto sa itaas na palapag, 8 metro sa ibabaw ng kongkretong patio. Sa loob ng bahay, narinig ni Larry ang tili ng kaniyang asawa at biglang kumilos. Nagmamadaling umakyat sa hagdan, siya’y lumukso sa loob ng kuwarto at sinunggaban si Randy, hinihila siya na ligtas sa loob. Kailangan ng mga magulang ni Randy ang kagyat na mga sagot. “Bakit mo ginawa iyon? Bakit?” tanong nila na hindi makapaniwala. “Maaari kang masaktan; maaari kang mamatay!” “Gusto kong mamatay,” walang interes na sagot ni Randy. Si Randy ay limang taóng gulang lamang.

MULA sa lahat ng panlabas na anyo, si Randy ay isang normal, malusog na batang lalaki. Walang mag-aakala na sa loob niya ay nais niyang mamatay. Gayunman, ang sumunod na pagpapayo ay nagsiwalat na si Randy ay isang batang dumaranas ng matinding kaigtingan.

Tulad ni Randy ang di-mabilang na mga bata sa ngayon ay mga biktima ng katakut-takot na ligalig. Hindi makasumpong ng mabuting paraan upang pakitunguhan ang kanilang pagkabagabag, sinisikap ng ilan na supilin ang kanilang pagkabalisa. Subalit ang kinuyom na kaigtingan sa wakas ay nakasusumpong ng isang labasan. Para sa ilan, ang kabalisahan na hindi maaaring ipakipag-usap ay magbubunga ng pisikal na karamdaman o delingkuwenteng paggawi. Para naman sa iba, ang kaigtingan ay ibabaling sa kanilang sarili sa pamamagitan ng sumisira-sa-sarili na mga kilos, kasali na ang mga pinsalang dulot ng pagpapahirap-sa-sarili, mga problema sa pagkain, pag-abuso sa nakasusugapang mga bagay, at pagpapakamatay pa nga. Ang The Child in Crisis ay nagsasabi: “Marami sa problemang ito​—lalo na ang pagpapakamatay—​ay dating inaakala na nangyayari lamang sa mga adulto at nakatatandang tin-edyer. Ngayon ito ay waring unti-unting sumasaklaw sa mga bata.”

‘Paano ito maaaring mangyari?’ tanong ng nalilitong mga adulto. ‘Hindi ba’t ang pagkabata ay isang panahon ng mga laruan at laro, isang panahon ng tawanan at katuwaan?’ Para sa maraming bata ang sagot ay hindi. “Ang pagkabata bilang isang panahon ng masidhing kasiyahan ay isang bungang-isip lamang ng mga adulto,” sabi ni Dr. Julius Segal. Ang malungkot na katotohanang ito ay pinatunayan ng terapist ng bata na si Joseph Lupo: “Ako’y nanggagamot sa loob ng dalawampu’t limang taon. Sa ngayon ay nakikita ko ang apat na ulit na dami ng nanlulumong mga pasyenteng bata at tin-edyer.”

Ano ang sanhi ng gayong walang katulad na kaigtingan sa mga bata? Ano ang nagbababalang mga tanda? Paano matutulungan ang mga batang dumaranas ng kaigtingan? Ang mga tanong na ito ay sasagutin sa susunod na mga artikulo.