Paano Ko Maihihinto ang Labis na Pangangarap Nang Gising?
Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Paano Ko Maihihinto ang Labis na Pangangarap Nang Gising?
“MAYROON akong malaking problema,” inamin ng isang kabataang nagngangalang Jonathan. “Ako’y nangangarap nang gising sa trabaho, pagka naglalakad, bago matulog sa gabi, at maging sa Kingdom Hall. Kalimitang ito’y tungkol sa mga babae, sekso, o pagiging ilan sa kilalang artista o bida.”
Ang pangangarap nang gising ay karaniwan sa mga kabataan at matatanda. Kung ginagawa sa katamtaman, ito’y maaaring normal, nakabubuting gawain. a Gayunman, ang labis na pangangarap nang gising kahit ng mabuting bagay ay maaaring makasamâ. (Ihambing ang Kawikaan 25:16.) Lalo nang masama kung ang pinapangarap nang gising ay ang maling mga bagay.
Halimbawa, ipagpalagay na kung minsan ay ginuguniguni mo na ikaw yaong paborito mong mang-aawit. Sa una marahil ay ginugugol mo ang ilang sandali sa bawat araw na ginuguniguni ang iyong sarili na nasa entablado na hinahangaan ng maraming tao. Subalit habang lumilipas ang mga linggo, nagsisimula kang gumugol ng higit na panahon sa iyong mapangarap na daigdig ng mga konsiyerto, panayam, pagsasaplaka ng mga awitin. Binibigyan ka ng kasiyahan ng gayong guniguni, at hindi mo ito masawata.
‘Anong masama sa pagkukunwari?’ ang tanong mo. Ang isang dahilan, sinasabi ng mga dalubhasa na ang mga labis na mapangarapin nang gising ay kalimitang “hindi . . . makagawa nang mabuti sa tunay na daigdig.” (The Parents’ Guide to Teenagers) Ang pamumuhay sa isang daigdig ng pangarap ay humahadlang sa paglaki; ikaw ay nangungunyapit, sa halip na iwaksi, sa mga katangiang kilos-bata. (1 Corinto 13:11) Pinauunlad mo ang kakatwa, sa halip na makatotohanan, na mga pangmalas sa buhay. Sa halip na paunlarin ang iyong “pang-unawa” sa pamamagitan ng paglutas sa isang suliranin, hinahadlangan mo ito sa pamamagitan ng pagbaling sa daigdig ng guniguni. (Hebreo 5:14) Sa gayon pinangingibabawan ng pangangarap nang gising ang iyong buhay, sa ikapipinsala ng iyong mga kaugnayan at prayoridad sa tunay na buhay.
Ipinakita ng aklat na Daydreaming, ni Dr. Eric Klinger, kung ano ang pinakamapanganib, alalaong baga’y na “ang paglugami sa ibang bagay na ninanais mo subalit wala naman sa iyo ay gumagawang lalong mahirap para sa iyo na pigilan ang paghahangad nito.” Ganito ang sabi ng Bibliya: “Ang bawat isa ay natutukso pagka nahihila ng kaniyang sariling makalamang pita.” (Santiago 1:14) Nauuna sa pagkilos ang pag-iisip. At bagaman hindi ka naman magiging isang bantog na mang-aawit ng rock na sugapa sa droga dahil sa nangangarap ka nang gising paminsan-minsan ng tungkol sa pagiging sikat na musikero, maaaring mapaunlad mo ang masamang paghahangad sa “pita ng laman at pita ng mga mata.”—1 Juan 2:16.
Pagsupil sa Guniguni
Kung gayon, paano mo masusupil ang guniguning ito? Una sa lahat, makatutulong na tanungin ang iyong sarili kung bakit nakalulugod sa iyo ang b Dahil ba sa nais mong magustuhan ka ng iba? Nasisiyahan ka ba sa pagguguniguni na angkin mo ang kagandahan o talino na nagpasikat sa bantog na artistang ito? O marahil naiinggit ka lamang sa waring maligayang istilo ng buhay ng taong ito. Ganito ang sabi ng isang propesyonal sa pangkaisipang kalusugan hinggil sa sikat na mang-aawit na si Madonna: “Sa isipan ng mga tagahanga siya’y walang problema sa salapi, gawain sa paaralan, kalungkutan.” Kung gayon ang ilan ay nangangarap na maging tulad niya.
guniguning ito.Kung gayon, malaki ang magagawa ng isang antas ng katotohanan upang supilin ang paglitaw ng gayong guniguni. Ikapit ang simulain sa Filipos 4:8, na doo’y sinabi sa atin na bulaybulayin ang mga bagay na totoo at kapuri-puri. Totoo bang talaga na ang kilalang mga artista ay nagtatamasa ng maligayang buhay? Ang kanila bang asal ay talagang kapuri-puri? Ang totoo, ang buhay na walang-taros ay nag-iwan sa marami na napinsala sa pisikal at emosyonal. Sa kabila ng kayamanan, maraming artista ang nagkakaproblema sa salapi. Iilan lamang ang nagtatamasa ng matatag na pag-aasawa. Ibig mo bang ilagak ang iyong puso sa gayong pamumuhay?
Mangyari pa, likas lamang na magnais na ibigin at hangaan. Ang labing-anim na taóng-gulang na si Olivia ay may paulit-ulit na pangangarap nang gising anupat ginuguniguni niya ang kaniyang sarili na maging isa na “namumukod-tangi na ginugusto ng lahat.” Subalit ang pangangarap nang gising—gaano man kalinaw o makatotohanan ito—ay hindi talagang makapagbibigay kasiyahan sa mga paghahangad na iyon gaya ng pananaginip na kumakain upang punan ang iyong tiyan. (Isaias 29:8) Isa pa, ang Bibliya ay nagbabala: “Ang nagmamalas sa hangin ay hindi maghahasik.” (Eclesiastes 11:4) Kaya sa halip na managinip na nagugustuhan ka, sikapin mong gawing kaibig-ibig ang iyong sarili.—Tingnan ang artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Paano Ako Maiibigan ng mga Tao?” sa aming Nobyembre 22, 1988, na labas.
Seksuwal na mga Guniguni
Noong kaniyang kabataan, si Alan (hindi ito ang tunay niyang pangalan) ay may ibang pangangarap nang gising. Siya’y “natutong lumikha ng erotikong mga kaisipan” at marami sa kaniyang oras ay ginugugol sa paggawa niyon. Nang maglaon, inialay niya ang kaniyang buhay sa Diyos bilang isang Kristiyano. “Hindi niyan nabago ang anuman,” ang pag-amin ni Alan. “Ang pangangarap nang gising tungkol sa sekso ay patuloy na naging takbo ng aking buhay.”
Ikaw ba’y nililigalig ng nakapupukaw na mga pangangarap nang gising? c Ito’y likas lamang kung ikaw ay nasa “kasirawaan ng kabataan,” pagka ang mga pagnanasa sa sekso ay napakasidhi. (1 Corinto 7:36) Gayunman, pinipinsala mo ang iyong sarili kung sasadyain mong linangin ang mga kaisipan tungkol sa sekso. Sinasabi ng Bibliya sa Colosas 3:5: “Patayin nga ninyo ang mga sangkap ng inyong katawan na nasa ibabaw ng lupa kung tungkol sa pakikiapid, karumihan, pagkagahaman sa sekso.” Ang labis na pag-iisip sa mga guniguning tungkol sa sekso ay nagpapasidhi lamang sa masasamang pita. Maaari itong umakay sa masturbasyon—o sa aktuwal na imoralidad sa sekso.
Paano mo ‘mahuhugot ang plag’ ng imoral na mga guniguni? Ganito ang gunita ni Alan: “Nagpasiya akong halinhan ito ng ibang bagay. Hindi ko maitutuon ang isip sa sekso hangga’t nakatuon ang isip ko sa ibang bagay.” Sa gayon ay natutuhan ni Alan ang pagdidisiplina sa sarili. (1 Corinto 9:27) Siya’y nagmunimuni sa mga bagay na kapaki-pakinabang at natutong iwaksi agad ang anumang imoral na mga kaisipan. (Awit 77:12) “Naging matagumpay iyon!” ang gunita ni Alan.
Kapuna-puna nga, nasumpungan ng mga mananaliksik na tayo’y higit na nangangarap nang gising pagka tayo’y walang gaanong ginagawa. Kaya ang pagiging magawain, lalo na sa “gawa sa Panginoon,” ay isa pang paraan upang maiwasang mag-ugat ang masasamang kaisipan.—1 Corinto 15:58.
Iwasang Gumala ang Iyong Isip
Para sa maraming kabataan ang problema ay, hindi gaano sa nilalaman ng kanilang mga pangangarap nang gising, kundi kung paano ang mga ito’y humahadlang sa gawain sa paaralan at pag-aaral. “Hindi ako makapagtuon ng isip,” daing ng 16-taóng-gulang na si Karine. “Hindi ko maipako ang aking isip sa isang bagay.” Paano ka makapagtutuon ng pansin sa iyong naririnig? (Ihambing ang Marcos 4:24.) Ipinapalagay ng ilang mananaliksik na makatutulong sa iyo na basta alamin mo kung gaano kalabis kang mangarap nang gising. Marahil maaaring ikaw ay magmarka sa isang piraso ng papel sa tuwing masusumpungan mong gumagala ang iyong isip sa klase. Nang gawin ito ng mga estudyante sa isang pagsusuri, ang pangangarap nang gising ay kapuna-punang nabawasan.
Isa pa sikaping linangin ang iyong interes sa iyong natututuhan. Pagka inilagay mo sa iyong isip na ang math ay nakababagot o ang kasaysayan ay nakaiinip, mahihirapan kang magtuon ng pansin. Sa gayon, ang iyong pag-aaral ay magiging lalong kawili-wili kung paaalalahanan mo ang iyong sarili kung paano ka makikinabang mula sa impormasyon. Sa paano man, makatutulong sa iyo ang pag-aaral na pasulungin ang “talino sa pag-unawa.” (Kawikaan 1:4) Maaari mo ring matutuhan ang mahalagang mga kasanayan. Halimbawa, ang math ay makatutulong nang husto sa iyong sekular na trabaho, sa pangangasiwa sa tahanan, at sa pagbalikat sa ilang pananagutang Kristiyano. Ang kaalaman sa kasaysayan ay makatutulong sa iyo na maunawaan ang mga tao at ang kasalukuyang mga pangyayari. Ang labing-apat na taóng-gulang na si Daniel, isa sa mga Saksi ni Jehova, ay nagsabi: “Sinisikap kong laging iugnay ang aking mga araling-bahay sa Bibliya at kung paano ko magagamit ang impormasyon sa gawaing pangangaral. Inaalis niyan ang isip ko sa paglalaro ng bola, at hindi ako masyadong nagmamadali na tapusin ang aking takdang-aralin.” Oo, pagka lalo mong pinahahalagahan kung ano ang iyong natututuhan, lalo kang mauudyukan na maging masigasig na magsaliksik sa kaalaman.—Ihambing ang Kawikaan 2:4.
Talagang mahirap na magtuon ng isip pagka ang bagay na iyong ginagawa ay rutin, gaya ng pagluluto, paglilinis, o pagsasalansan. Anong dali ngang mahulog sa pagguguniguni! Gayunman, ipinakikita ng Bibliya na ang malaking kasiyahan ay nagmumula sa paggawa nang mabuti sa isang bagay. (Eclesiastes 2:24) Higit pa tayong hinihimok nito na ‘gawin ang lahat ng bagay gaya ng kay Jehova ginagawa.’ (Colosas 3:23) Ang gayong positibong saloobin ay makatutulong sa iyo na makapagtuon ng isip. “Pagka ipinapako ko ang aking isip sa aking ginagawa,” sabi ng 12-taóng-gulang na si Samuel, “mas madaling natatapos ang gawain.”
Ang pangangarap nang gising ay maaaring nakasisiya, subalit hindi ito kahalili sa katotohanan. Huwag hayaang pangibabawan nito ang iyong buhay. Disiplinahin ang iyong isip. Ituon ito sa mga bagay na kapaki-pakinabang. Sa ganitong paraan, hindi ka lamang hihinto sa labis na pangangarap nang gising kundi ikaw ay ‘makakakapit nang mahigpit sa tunay na buhay.’—1 Timoteo 6:19.
[Mga talababa]
a Tingnan ang artikulo ng “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Masama bang Mangarap Nang Gising?” sa aming labas ng Hulyo 8, 1993.
b Kung minsan ang pagbaling sa guniguni ay nagpapahiwatig na may umiiral na malulubhang suliranin. Ipinakikita ng pagsusuri na marami sa mga adultong mahilig magguniguni ay inabuso sa pisikal at sa seksuwal noong bata pa. Ang guniguni ay nagsisilbing isang paraan ng pagbata. Ang isang kabataang nasa kalagayang inabuso ay nangangailangan ng mapagkakatiwalaang adulto na mapagtatapatan at mahihingan ng tulong.
c Ipinakikita ng mga pagsusuri na ang mga guniguni sa sekso ay karaniwang bumubuo ng maliit na bahagi sa katamtamang oras na gising ang isip ng tao. Subalit ang aklat na Daydreaming, ni Dr. Eric Klinger ay nagsasabi: “Ang pinakanatatandaan natin nang buong linaw ay ang mga bagay na pumupukaw sa ating emosyon. Dahil sa ang mga pangangarap nang gising tungkol sa sekso ay karaniwang nakapupukaw, malamang na mas malimit nating matandaan ang mga ito kaysa ibang mga pangangarap nang gising.”
[Mga larawan sa pahina 21]
Sa halip na managinip lamang na nagugustuhan ka, sikapin mong gawing kaibig-ibig ang iyong sarili