Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ako’y Nagumón Na! Paano Ko Maihihinto ang Pagsusugal?

Ako’y Nagumón Na! Paano Ko Maihihinto ang Pagsusugal?

Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .

Ako’y Nagumón Na! Paano Ko Maihihinto ang Pagsusugal?

“AKO’Y nagsimulang maglaro ng mga fruit [slot] machine nang ako’y 13,” sabi ni David. “Humantong ako sa punto kung saan hindi ako maaaring dumaan sa isang galeryang panlibangan nang hindi magsusugal sa mga fruit machine.” Ganito pa ang sabi ng dating sugarol, na nagngangalang Thomas: “Nagawa ko pa ngang magnakaw sa mga kaibigan, pamilya, at mga kasama sa trabaho upang tustusan ang aking bisyo. Nagsugal ako sa lahat halos ng bagay.”

Kapuwa si David at si Thomas ay pinalaki bilang mga Kristiyano. Sila kapuwa ay nagumón sa pagsusugal​—nasilo ng isang nakamamatay na matinding hilig. Sinasabi ng mga mananaliksik na ang nakatatakot na bilang ng mga kabataan ay naging biktima ng tusong sikolohikal na mga pakana na umaakit sa mga kabataang magsugal. Sabi ng magasing Time: “Sinasabi ng mga mananaliksik sa pagsusugal na sa tinatayang 8 milyong pusakal na mga sugarol sa Amerika, ganap na 1 milyon ay mga tin-edyer.” Ang ilan ay naniniwala na sa Estados Unidos, mula 4 hanggang 6 na porsiyento ng lahat ng tin-edyer ay pusakal na mga sugarol.

Ang mga kabataan ay nagtataguyod ng iba’t ibang anyo ng bisyong ito. Sa Hapón, sa kabila ng mahigpit na mga batas na nagbabawal sa mga bata pa sa pagpusta, ang mga kabataan “ay higit at higit na nakikita bilang mga sugarol kapuwa sa mga [karerahan] at sa mga tayaan ng karera, sa isang nakagagambalang pagkahilig,” ayon sa Mainichi Daily News. Ang paglalaro ng loterya, pagpusta sa mga laro sa isports, at paglalaro ng baraha ay popular na mga paraan din ng pagsuko sa simbuyo na pumusta sa gitna ng mga kabataan.

Pagkagumon sa Pagsusugal​—Ang mga Resulta

Si Gordon Moody, ng Gamblers Anonymous, ay nagsasabi: “Sa simula, ang [pagsusugal] ay isang kahanga-hangang bagong karanasan, gaya ng paggawa ng isang malaking tuklas o umibig. . . . Ang pakikipagsapalaran ay nakatutuwa at nakabibighani.” (Quit Compulsive Gambling) Oo, sa maraming tao nakatutuwang makaranas ng sunud-sunod na panalo at ang kasamang pagbugso ng adrenaline. Subalit hindi ka maaaring manalo sa lahat ng panahon. Sa wakas, natatalo ang sugarol. At ang utang at pagkalugi ay pasimula lamang ng kaniyang mga problema.

Isang nakasusugapang libangan, gaya ng isang nakasusugapang bagay, ay maaaring gumawa ng labis-labis na espirituwal, emosyonal, at moral na pinsala. Maaaring linangin nito sa iyo ang gaya ng tinatawag ni Gordon Moody na isang “kasamaan na . . . sa wakas, ay gagawa sa iyo na isang alipin.” Tayo’y pinaaalalahanan ng mga salita ni apostol Pablo: “Hindi baga ninyo nalalaman na kung kanino ninyo inihahandog ang inyong mga sarili na pinaka-alipin upang tumalima sa kaniya, kayo’y mga alipin niya sapagkat sa kaniya kayo tumatalima?” (Roma 6:16) Ganito ang pagkakasabi ng salin ni J. B. Phillips sa talatang ito: “Kayo’y pag-aari ng kapangyarihan na pinipili ninyong sundin.” Isip-isipin, ang pagiging nasa ilalim ng panunupil ng isang bisyong hindi mo masupil!

Sapagkat ang isang kabataan ay kadalasang bumabaling sa pagsisinungaling, pandaraya, at pagnanakaw upang tustusan ang kaniyang bisyo, tiyak na magdurusa rin ang kaniyang mga kaugnayan sa pamilya. Ang Britanong magasin na Young People Now ay nagsasabi: “Kapag natanto mo na ikaw ay naging isang magnanakaw, sinungaling, at isang pasanin, sa mga taong mahal mo at nagmamahal sa iyo, bumabagsak ang iyong pagpapahalaga-sa-sarili.” Hindi kataka-taka, iniuulat ng The Harvard Mental Health Letter na ang pusakal na mga sugarol ay madaling kapitan ng “matinding panlulumo, mga sakit sa pagkabalisa,” at marami pang suliranin sa katawan, gaya ng “mga problema sa panunaw, hindi makatulog, sakit ng ulo, alta presyon, hika, sakit sa likod, at mga kirot sa dibdib.”

Gayunman, ang pinakamapangwasak na resulta sa lahat ay ang pinsala sa espirituwalidad ng isa. Hinahatulan ng Bibliya ang kasakiman at ang pag-ibig sa salapi. (1 Corinto 5:10, 11; 1 Timoteo 6:10) Tulad ng anumang pagkasugapa, ang pusakal na pagpusta ay isang “karumihan ng laman at ng espiritu.” (2 Corinto 7:1) Mientras madalas kang pumusta, lalo mong napipinsala ang iyong budhi at ang iyong kaugnayan sa Diyos.​—Ihambing ang 1 Timoteo 4:2.

Ang Pagkukusang Huminto

Paano mo aalpasan ang tulad-gatong hawak ng bisyong ito? Una sa lahat, dapat ay talagang gusto mong huminto. “Walang pagkasugapa ang kailanma’y mapagtatagumpayan malibang talagang gustong magbago ng sugapa,” sabi ni Liz Hodgkinson sa kaniyang aklat na Addictions. Ito’y nangangahulugan na matutuhang “kapootan ang masama,” kamuhian ang pagsusugal. (Awit 97:10) Paano? Sa pamamagitan ng pag-iisip, hindi sa mga kasiyahan nito, kundi sa mga resulta nito. Ang “kumukupas na kaligayahan sa pagkakasala” ba​—ang katuwaan ng pagwawagi sa ilang laro—​ay sulit sa pagkawala ng buhay na walang-hanggan? (Hebreo 11:25) Ang pag-iisip sa mga bagay na ito ay makatutulong sa iyo na magpasiyang huminto.

Gayunman, ang mananaliksik na si Liz Hodgkinson ay nagsasabi: “Ang mga pagkasugapa ng anumang uri ay maaaring lubhang mapatimo anupat ang pag-aalis dito ay nagiging gaya ng pagputol ng isang paa.” Ngunit sinabi ni Jesus: “At kung ang kanan mong mata ay nakapagpapatisod sa iyo, dukitin mo at iyong itapon. Sapagkat may mapapakinabang ka pa na mawala ang isa sa mga sangkap ng iyong katawan kaysa ang buong katawan mo ay mabulid sa Gehenna.” (Mateo 5:29) Ang anumang bagay na nagsasapanganib sa iyong kaugnayan sa Diyos ay dapat alisin sa iyong buhay!

Ito’y nangangahulugan ng paglinang ng pagpipigil-sa-sarili. Si apostol Pablo ay may paulit-ulit na pagnanais na maaari sanang hinayaan niyang manaig sa kaniya, ngunit tinanggihan niyang maging alipin sa kaniyang mga pagnanais. Sabi niya, “hinahampas ko ang aking katawan at sinusupil na parang alipin.” (1 Corinto 9:27) Dapat mo ring matutuhang maging mahigpit sa iyong sarili, hindi hinahayaan ang iyong mga pagnanais na sumupil sa iyo.

Pagtungo sa Ugat ng Problema

Gayunman, ang pagtatagumpay sa labanang ito ay mangangailangan ng higit pa kaysa pagkukusa. Kadalasang ipinababanaag ng mga pagkasugapa ang mas malalim na mga problema. Sabi ng isang pusakal na sugarol na nagngangalang Dick: “Ang aking pagkabata ay lubhang kakatwa. Walang anumang pag-ibig sa aking pamilya. . . . Lagi akong hinahamak. Napakababa ng palagay ko sa aking sarili.” Bunga ng kaigtingang ito, ang kaniyang palabasan ay ang pagsusugal.

Iniuugnay ngayon ng marami sa larangan ng kalusugang pangkaisipan ang iba’t ibang pagkasugapa sa emosyonal na trauma ng pag-abuso at pagpapabaya sa bata. Anuman ang kalagayan, ang pagtungo sa ugat ng iyong problema ay maaaring makatulong sa iyo na pagtagumpayan ito. Dalangin ng salmista: “Siyasatin mo ako, Oh Diyos, at alamin mo ang aking puso. Suriin mo ako, at alamin mo ang bumabagabag sa akin na mga kaisipan, at tingnan mo kung sa akin ay may ano mang lakad ng kasamaan, at patnubayan mo ako sa daang walang-hanggan.” (Awit 139:23, 24) Ang pakikipag-usap sa isang maygulang na Kristiyano, marahil sa isang matanda sa kongregasyon, tungkol sa mga kaisipang bumabagabag sa iyo ay maaaring malaki ang magagawa upang tulungan kang maunawaan kung bakit ka nagsusugal at kung ano ang dapat mong gawin upang baguhin ang iyong mga huwaran ng pag-iisip at paggawi. a

“Isang Bagay na Mas Mabuti”

Sang-ayon sa aklat na Quit Compulsive Gambling, ang paghinto “ang siya lamang unang [hakbang] sa pakikipagbaka laban sa problema.” Kakailanganin din ang malalaking pagbabago sa iyong istilo ng buhay. Upang maiwasan ang pagbalik sa dati, dapat mong iwasan ang dating mga kasama sa pagsusugal at lumayo sa mga dating istambayan sa pagsusugal, gaya ng mga pasugalan, bilyaran, at ang mga katulad nito. (Kawikaan 13:20) Hindi ito nangangahulugan ng pagbubukod ng iyong sarili. (Kawikaan 18:1) Pagsikapan mong magkaroon ng mabuti, umaalalay na pagkakaibigan sa loob ng Kristiyanong kongregasyon. Panatilihin mong abala ang iyong sarili sa mabungang gawain, espirituwal na mga gawain, at sa kanais-nais na libangan.

Gayunman, si Hodgkinson ay nagpapaalaala sa atin na ang sugapa ay mananalo sa kaniyang pakikipagbaka tanging kapag “nauunawa niya na may isang bagay na mas mabuti mula roon​—na higit pa ang iniaalok ng buhay kaysa bigyan-kasiyahan lamang ang pagkasugapa.” Buweno, ano pa ba ang mas mabuting bagay kaysa sa pag-asa na iniaalok ng Bibliya?

Nasumpungan ng isang lalaking nagngangalang Roddy na ito ay totoo. Inilalarawan niya ang kaniyang sarili na naging isang “ganap na nagumon na sugarol” sa loob ng 25 taon, nagsimula nang siya ay isang tin-edyer. Sinubukan ni Roddy ang halos lahat ng anyo ng pagsusugal​—karera sa kabayo, karera sa aso, pagsusugal sa mga resulta sa laban ng soccer, pasugalan. Subalit sinimulan niyang ikapit ang mga katotohanan sa Salita ng Diyos na kaniyang natutuhan mula sa mga Saksi ni Jehova. “Sa loob lamang ng tatlong buwan,” sabi ni Roddy, “isang kapansin-pansing pagbabago ang nangyari.” Huminto siya sa pagsusugal, at ngayon siya ay naglilingkod bilang isang matanda sa kongregasyong Kristiyano.

Gayunman, marahil ay may ilang kabatiran ka na tungkol sa mga turo ng Bibliya. Tulad ni David at ni Thomas, na nabanggit kanina, maaaring hindi mo pa rin dinidibdib ang mga katotohanan ng Bibliya. Kung gayon, bakit hindi ‘patunayan sa iyong sarili ang mabuti at kalugud-lugod at sakdal na kalooban ng Diyos’ sa pamamagitan ng paggawa ng seryosong pag-aaral ng Bibliya? (Roma 12:2) Nang simulang ikapit nina David at Thomas ang natutuhan nila at nagkaroon ng tunay na pananampalataya at pananalig, napagtagumpayan nila ang pusakal na pagsusugal. Magagawa mo rin iyan!

Ang pagtutuon mo ng pansin sa pag-aaral ng Bibliya ay gagawa sa pag-asa sa hinaharap na iniaalok ng Bibliya​—isang bagay na mas mabuti kaysa sa pagsusugal—​na tunay sa iyo. Kasabay nito, tutulong ito sa iyo na magkaroon ng isang personal na kaugnayan sa Diyos. Sa gayo’y magiging malaya kang “manalanging walang patid” sa kaniya para humingi ng tulong, nagtitiwala na nauunawaan niya ang iyong mga damdamin. (1 Tesalonica 5:17; Awit 103:14) Gagantimpalaan niya ang iyong masigasig na mga pagsisikap sa pagbibigay sa iyo ng lakas na kinakailangan upang magtagumpay ka sa pakikipagbaka laban sa pusakal na pagsusugal.​—Galacia 6:9; Filipos 4:13.

[Talababa]

a Karamihan sa larangan ng kalusugang pangkaisipan ay naniniwala na kailangan ang propesyonal na pagpapayo upang makaalpas sa kapit ng isang nakasusugapang paggawi. Kung pipiliin ng isang Kristiyano ang isang paggamot na hindi sumasalungat sa mga simulain ng Bibliya, ito ay isang personal na pasiya.

Larawan sa pahina 16]

Ang mga sugarol ay kadalasang bumabaling sa pagsisinungaling at pagnanakaw upang matustusan ang kanilang bisyong pagsusugal