Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Sakdal na Patnubay sa Moral

Ang Sakdal na Patnubay sa Moral

Ang Sakdal na Patnubay sa Moral

ANG isang nabigador ng bapor ay nangangailangan ng maaasahang mga mapa at instrumento upang gumuhit ng isang hindi nagbabagong landas. Gayundin naman, ang mga tao ay nangangailangan ng isang maaasahang patnubay upang gumawa ng moral na mga pasiya na nakakaharap nila araw-araw. Ang isang moral na patnubay na kakatwa o pabagu-bago ay hindi uubra, ni uubra man ang isang patnubay na mabisa lamang sa ilang kultura o lipunan. Ang sakdal na patnubay sa moral ay dapat na nalalampasan pa ang lahi at kultura.

Balintuna nga na ang Bibliya​—ang mismong aklat na tinanggihan ng angaw-angaw, ang aklat na tinawag ng ilan na isa lamang magandang alegoriya, ang aklat na napasailalim ng higit na pagpuna kaysa anumang ibang aklat sa kasaysayan​—ang sakdal na patnubay na iyon sa moral. Ipinahahayag ng Bibliya ang sarili nito bilang ang moral na patnubay ng Maylikha para sa tao, ang “ilawan” na maaaring magbigay ng liwanag sa ating daan sa “mga landas ng katuwiran.”​—Awit 23:3; 119:105.

May anuman bang patotoo upang alalayan ang gayong mahalagang pag-aangkin? May katibayan ba na ang pamumuhay sa mga pamantayan ng Bibliya ay nakahihigit sa pamumuhay sa gawang-taong mga etika?

Ang Bibliya at ang Moralidad sa Sekso

Isaalang-alang ang bagay tungkol sa moralidad sa sekso. Ang Bibliya ay nag-uutos na huwag makikipagtalik sa hindi asawa, na nagsasabing: “Magsitakas kayo sa seksuwal na imoralidad.” (1 Corinto 6:18, New International Version; Efeso 5:5) Ito ay nagpapayo sa mga mag-asawa: “Hayaang ang pag-aasawa’y maging marangal sa lahat, at huwag nawang madungisan ang higaan ng mag-asawa, sapagkat hahatulan ng Diyos ang mga mapakiapid at mga mangangalunya.” (Hebreo 13:4) Ipinakikita pa ng Bibliya na ang sinumang sumusuway sa utos na ito ay pinipinsala ang kaniyang sarili at nilalabag ang karapatan ng iba.​—Kawikaan 6:28-35; 1 Tesalonica 4:3-6.

Ang mapangwasak na mga problema ng pagdadalang-tao ng mga tin-edyer, ang banta ng AIDS, herpes, sipilis, at ng iba pang sakit na naililipat ng pagtatalik, at ang dumaraming diborsiyo ay pawang patotoo na ang payong ito ay angkop pa rin sa buhay sa dekada ng 1990. Naiiwasan ng taong sumusunod sa moralidad ng Bibliya ang maraming sama ng loob at kirot. Higit na mahalaga, naiingatan niya ang isang mabuting budhi. (1 Pedro 3:16) “Mayroon akong paggalang-sa-sarili at kasiyahan sa paggawa ng kung ano ang tama sa harap ng Diyos,” sabi ng 24-anyos na si Jonathan. Siya ay isa sa mga Saksi ni Jehova. “Sa dami ng kabataang namamatay dahil sa AIDS, ang pananatiling malinis sa moral ay maaaring literal na magligtas ng aking buhay.”

Nasumpungan ng may takot sa Diyos na mga mag-asawa na ang pagsunod sa moralidad ng Bibliya ay may mabuting epekto sa kanilang pag-aasawa. Sabi ng isang 23-anyos na asawang babae: “Kami ng mister ko ay walang karanasan sa sekso nang kami’y mag-asawa. Nadarama kong kami ay mayroong napakaespesyal na bagay na ibabahagi sa isa’t isa, isang bagay na maaaring ibahagi sa ngayon ng ilan lamang kabataan sa kanilang kabiyak. Alam kong pinatibay nito ang buklod ng pag-ibig sa pagitan namin.”

Ang Bibliya at ang Negosyo

Ang Bibliya ay may sarili ring kodigo ng etika sa negosyo. Bagaman kinikilala nito na ang mga taong di-tapat ay maaaring umunlad, hinihimok pa rin tayo nito na manatiling tapat. (Awit 73:1-28) “Ang dalawang uri ng timbangan [isang wasto para sa pagbili at isang di-wasto, madaya para sa pagbebenta] at dalawang uri ng takalan​—kapuwa mga karumal-dumal kay Jehova.” (Kawikaan 20:10) Sa gayon ay iniiwasan ng mga Saksi ni Jehova ang madayang mga taktika sa negosyo.

Totoo, maaaring maengkuwentro ng isang Kristiyano ang mga kagipitan sa paggawa ng gayon. Maaaring maging mahirap para sa kaniya na makipagkumpitensiya sa hindi gaanong tapat na negosyante. Maaaring akalain ng iba na ang kaniyang katapatan ay kakatwa, kamangmangan pa nga, subalit naiingatan niya ang isang mabuting budhi​—isang bagay na mas mahalaga kaysa salapi. Mayroon siyang kapayapaan ng isip at masarap ang tulog niya sa gabi. Hindi siya pinahihirapan ng takot na mahuli at maparusahan dahil sa hindi katapatan.​—Ihambing ang Kawikaan 3:21-26.

Isa pa, nasumpungan ng maraming Saksi na ang isa ay maaaring manghawakan sa moralidad ng Bibliya at maging mahusay sa kabuhayan. Ang isang taong tapat ay madalas na nagtatamo ng pagtitiwala ng mga empleado, parokyano, tagatustos, at mga nagpapautang. Ito ay maaaring sa kapakinabangan niya.

Iyo Na ang Makita Mo?

Gaya ng nabanggit namin kanina, ang kaisipang iyo na ang makita mo ay ginawang mga magnanakaw ang potensiyal na mga taong tapat. Gayunman, sinabi ng Bibliya sa bayan ng Diyos noong sinaunang panahon: “Kung makita mong naliligaw ang baka o tupa ng iyong kapuwa, huwag mo itong ipagwawalang-bahala kundi hulihin mo at ibalik ito sa kaniya. Kung malayo ang tinitirahan ng iyong kapuwa o kaya’y hindi mo alam kung kaninong hayop iyon, iuwi mo ang hayop at alagaan hangga’t hindi niya inaangkin ito, at saka ibigay mo sa kaniya ang hayop. Gayundin ang iyong gagawin sa kaniyang asno o sa kaniyang kasuutan o sa anumang bagay na nawala sa iyong kapuwa, kung makita mo ito.”​—Deuteronomio 22:1-3, The New English Bible.

Patuloy na sinusunod ng mga Saksi ni Jehova ang simulaing ito ngayon. Isang Saksi sa Brooklyn, New York, ang nakasumpong ng isang bag sa kalye na naglalaman ng $25,000. Sa isang maliit na aksidente, hindi napansin na ito’y nahulog mula sa isang armored car. Kahit na ang pera ay gamít na perang papel sa maliliit na halaga​—sa gayo’y imposibleng matunton—​isinauli niya ang pera sa pulisya. Sinisi siya ng kaniyang mga katrabaho dahil sa kaniyang pasiya. Nakapagtataka, siya’y tinuya ng pulis sa kaniyang katapatan. Subalit ganito ang sabi ng lalaking Kristiyanong ito: “Sinisikap kong ikapit ang mga turo ng Bibliya sa aking pang-araw-araw na buhay.” Ang Bibliya ay nagsasabi sa Hebreo 13:18: “Patuloy na idalangin ninyo kami, sapagkat kami’y may tiwala na malinis ang aming budhi, yamang kami’y naghahangad maging mapagtapat sa lahat ng bagay.”

Pansansinukob na Pagsamo!

Ang Bibliya ay nagbibigay rin ng mabubuting panuntunan sa iba pang usaping moral. Hinihimok nito ang kabaitan, pagkamakatarungan, katarungan, katotohanan, karangalan, kagandahang-asal, pagkadama ng pananagutan, at makataong pagkabahala sa iba. Ang moral na payo nito ay binubuod sa Ginintuang Tuntunin: “Lahat ng bagay, kung gayon, na ibig ninyong gawin sa inyo ng mga tao, ganoon din ang gawin ninyo sa kanila.”​—Mateo 7:12.

Kasuwato ng Pinagmulan nito, ang moral na mga panuntunan ng Bibliya ay matagumpay sa anumang bansa o kultura. Sa aklat na Christianity’s Contributions to Civilization, ganito ang sabi ni Charles D. Eldridge: “Ang mga aklat na isinulat sa isang bansa ay bihirang maging popular sa ibang bansa; ang mga ito ay tulad ng mga punungkahoy na hindi makayanan ang hirap ng paglipat . . . Hindi gayon kung tungkol sa Bibliya: ito ay inilipat sa lahat ng bansa sa ilalim ng araw nang hindi nawawalan ng lakas at ganda.”

Walang katulad, kung gayon, ang Bibliya ay may pansansinukob na pagsamo, lumalampas sa wika, kultura, at lahi. Ganito ang pagkakasabi rito ng isang manunulat ng Bibliya: “Ang lahat ng kasulatan ay kinasihan ng Diyos at mapapakinabangan sa pagtuturo ng pananampalataya at sa pagtutuwid ng kamalian, sa muling-pagtatag ng direksiyon sa buhay ng tao at sa pagsasanay sa kaniya sa mabuting pamumuhay.” (2 Timoteo 3:16, Phillips) Oo, kung minsan ang Bibliya ay mahirap unawain. Noong sinaunang panahon isang matiyagang mambabasa ng Bibliya ay tinanong kung nauunawaan ba niya ang binabasa niya. Siya’y sumagot: “Paano ngang magagawa ko, maliban nang may pumatnubay sa akin?”​—Gawa 8:29-35.

Ang taong iyon ay tumanggap ng personal na tulong sa pag-unawa sa Bibliya. Sa ngayon, ang gayong personal na tulong ay makukuha sa pamamagitan ng edukasyonal na gawain sa Bibliya ng mga Saksi ni Jehova. Natulungan na nila ang angaw-angaw na mga tao sa mahigit na 200 bansa na magkaroon ng kaalaman tungkol sa Salita ng Diyos. At inaanyayahan ka rin nila na higit pang makilala ang Banal na Aklat na iyon sa pagdalaw sa isang Kingdom Hall na malapit sa inyo.

Kapansin-pansin, sinasabing ang etikal na paggawi “ay maaaring matutuhan sa pamamagitan ng mabuting halimbawa, . . . o sa ‘pagsama’ lamang sa mga taong may etika.” Ito ay isa pang malakas na dahilan na makilala yaong mga dumadalo sa inyong lokal na Kingdom Hall. Hindi naman ibig sabihin na ang mga Saksi ni Jehova ay likas na mas mabuting tao kaysa iba, subalit ang kanilang moral na tagumpay ay isang patotoo sa kapangyarihan ng Salita ng Diyos.​—2 Corinto 4:7.

Ang moral ng daigdig ay patuloy na magiging pabagu-bago. Ang Bibliya ay humuhula: “Ang mga taong balakyot at mga magdaraya ay lalong sasama.” (2 Timoteo 3:13) Gayunman, hindi mo kailangang patangay sa mapangwasak na daluyong na ito. Ang Diyos ay naglaan ng isang maaasahang kompas, isang hindi nagkakamaling patnubay. Susundin mo ba ito?

[Blurb sa pahina 8]

Ipinahahayag ng Bibliya ang sarili nito bilang ang moral na patnubay ng Maylikha para sa tao, ang “ilawan” na maaaring magbigay ng liwanag sa ating daan

[Blurb sa pahina 9]

Ang moral na mga panuntunan ng Bibliya ay mabisa sa anumang bansa o kultura

[Blurb sa pahina 10]

“Lahat ng bagay, kung gayon, na ibig ninyong gawin sa inyo ng mga tao, ganoon din ang gawin ninyo sa kanila.”​—Mateo 7:12

[Larawan sa pahina 9]

Nasumpungan ng may takot sa Diyos na mga mag-asawa na ang pagsunod sa moralidad ng Bibliya ay may mabuting epekto sa kanilang pag-aasawa