Ano ang Nangyari sa Moralidad?
Ano ang Nangyari sa Moralidad?
MGA opisyal ng gobyerno. Mga kandidato sa pulitika. Mga lider ng relihiyon. Inaasahan natin ang mga lalaking nasa matataas na posisyong iyon na maging mga huwaran ng mabuting asal. Gayunman, kamakailan lamang ang mga lalaking mula sa matataas na puwestong ito ay nasangkot sa sunud-sunod na nakagigitlang mga iskandalo. Ang kanilang masamang asal ay ipinahahayag sa iba’t ibang paraan—mula sa pangangalunya at tahasang pagsisinungaling hanggang sa madayang pinansiyal na mga pagnenegosyo at paglustay.
Ganito ang hinagpis ng aklat na The Death of Ethics in America: “Samantalang ang bansa ay abalang-abala sa nakamamatay na sakit . . . ang Acquired Immune Deficiency Syndrome, ibang uri ng AIDS [Acquired Integrity Deficiency Syndrome] ang waring naging epidemya. Gayunman hindi ito nag-udyok ng katulad na apurahang panawagan para sa isang lunas.” (Amin ang italiko.) Sinasabi ng magasing Time na ang Estados Unidos ay “naglulubalob sa moral na putikan.”
Ang moral na putikan ay hindi lamang sa Estados Unidos. Kamakailan lamang ang Alemanya, Gresya, Hapón, India, Indonesia, Israel, Pransiya, at Tsina ay niyanig din ng mga iskandalo na kinasasangkutan ng prominenteng mga tao. At hindi kataka-taka na ang maling asal ng mga lider ng lipunan ay nagpapabanaag lamang ng asal ng madla sa pangkalahatan. Tinawag ng punong ministro ng Thailand ang katiwalian sa kaniyang bansa na “may kanser.” Sinabi pa niya na ang lahat ng lipunan ay nagdurusa mula sa sakit na nag-uugat sa kasakiman at pilipít na mga pamantayang panlipunan.
Ang mga tao ay matuwid lamang na magtanong: ‘Ano ang nasa likuran ng pangglobong hilig na ito ng pabagu-bagong moral? Higit na mahalaga, saan ba ito patungo?’
Kung Kailan ang ‘Pagnanakaw ay Hindi Pagnanakaw’
Sa Columbus, Ohio, E.U.A., ang pinto sa likod ng isang armored truck ay bumukas, at dalawang bag ng pera ang nahulog. Habang ang tinatayang dalawang milyong dolyar ay nagliparan sa himpapawid at nagkalat sa haywey, napakaraming motorista ang sumugod mula sa kani-kanilang kotse upang punuin ang kanilang mga bulsa at mga pitaka ng perang papel. Tinawag ng ilang motorista ang iba pa sa pamamagitan ng radyong CB upang makisama sa pangungupit.
Ang mga pagsamo ng opisyal at ang 10-porsiyentong gantimpalang ibibigay sa pagsasauli ng anumang salapi ay niwalang-bahala. Pinili ng karamihan na kumilos salig sa katuwirang “natagpuan ko ito, may karapatan akong itago ito.” Kaunti lamang sa salapi ang nakuhang muli. Binigyan-matuwid pa nga ng isang lalaki ang pagnanakaw sa pagsasabing ang salapi ay “isang regalo mula sa Diyos.” Gayunman, ang mga insidenteng gaya nito ay hindi natatangi. Ang mga nagdaraan ay nagpakita rin ng kasakiman nang matapon ang pera mula sa mga armored car sa San Francisco, California, at sa Toronto, Canada.
Ang bagay na ibinababa ng karaniwang tapat at matuwid na mga tao ang kanilang mga pamantayan upang magnakaw ay may nakababahalang mga implikasyon. Sa paano man, ipinahihiwatig nito kung gaano kapilipít ang popular na mga idea ng moralidad. Si Thomas Pogge, pangalawang propesor ng pilosopya sa Columbia University sa New York, ay nangangatuwiran na bagaman nakikita ng karamihan ng mga tao na masamang magnakaw sa isang tao, sa paano man minamalas nila ang pagnanakaw sa isang institusyon na hindi gaanong masama.
Pabagu-bagong Asal sa Sekso
Makikita rin ang pilipít na pangmalas sa moral sa larangan ng sekso. Ipinakikita ng isang surbey kamakailan na ang mga tao’y nakapagtatakang mapagpahintulot sa mga kandidato sa pulitika na nangangalunya. Ipinahihiwatig ng isang manunulat na ang mga botanteng iyon ay maaaring atubiling hatulan ang pangangalunya sapagkat ‘sila mismo ay nangangalunya.’
Oo, isinisiwalat ng mga estadistika kamakailan na 31 porsiyento ng lahat ng mga may-asawa sa Estados Unidos ay nagkaroon o mayroong kinakasamang iba. Ang karamihan ng mga Amerikano, 62 porsiyento, “ay nag-aakala na wala namang moral na masama” sa paggawa nito. Ang mga pangmalas tungkol sa pagtatalik bago ang kasal ay gayundin kaluwag. Ipinakita ng isang surbey noong 1969 na 68 porsiyento ng publiko sa E.U. noon ay hindi sang-ayon sa pagtatalik bago ang kasal. Sa ngayon, 36 na porsiyento lamang ang hindi sang-ayon. Noong dekada ng 1960, halos kalahati ng mga babaing tinanong ay mga walang karanasan sa sekso noong araw ng kanilang kasal. Sa ngayon, 20 porsiyento na lamang.
Ano ba ang Ayon sa Etika?
Ang pabagu-bagong moral ay makikita rin sa larangan ng negosyo. Dalawang dekada na ang nakalipas, 39 na porsiyento lamang ng mga nasa unang taon sa kolehiyo na tinanong ang may akala na ang “pinansiyal na tagumpay ay mahalaga o kailangang-kailangan.” Noong 1989 ang bilang ay nadoble. Maliwanag, ang pagkita ng salapi ang nangingibabaw sa pag-iisip ng maraming kabataan—na may nakababahalang moral na mga kahihinatnan.
Nang tanungin ang 1,093 nasa ikaapat na taon sa mataas na paaralan (paaralang sekondarya), 59 na porsiyento ang nagsabi na handa nilang aregluhin ang isang ilegal na negosasyong nagkakahalaga ng sampung milyong dolyar—kahit na isapanganib ang anim na buwan ng probasyon! At, 67 porsiyento ang nagsabi na daragdagan nila ang kuwenta ng gastos ng negosyo; 66 na porsiyento ang nagsabing sila’y magsisinungaling upang makamit ang isang layon sa negosyo. Gayunman, ang mga kabataan ay tumutugon lamang sa takbo ng etika na inilagay ng mga nakatatanda sa kanila. Nang tanungin ang 671 manedyer sa negosyo tungkol sa kanilang pangmalas sa mga etika sa negosyo, halos sangkapat ang nagsabing ang etika ay maaaring humadlang sa kanilang paghahangad para sa isang matagumpay na karera. Mahigit na kalahati ang umamin na kanilang ibabagay ang mga tuntunin sa kanilang sariling layunin upang umasenso.
Sa isang pagsisikap na sugpuin ang nakababalisang hilig na ito, ang ilang kolehiyo ay nag-aalok ng mga kurso sa etika. Subalit ang marami ay nagdududa sa pagiging mabisa ng mga pagsisikap na iyon. “Hindi ko maunawaan kung paanong ang mga klase sa etika ay tutulong,” sabi ng isang prominenteng negosyanteng taga-Canada. “Ang mga estudyanteng may matinong mga pagpapahalaga ay hindi gaanong matututo sa kung ano ang bago sa kanila, at ang mga estudyante na walang integridad sa pasimula pa ay maaaring gamitin lamang ang pang-unawang natamo nila upang makasumpong ng ibang paraan ng pakikitungo sa imoral na mga kilos na kanilang gagawin.”
Sa katulad na paraan, maraming negosyo ang nagtatag ng opisyal na mga kodigo ng etika. Gayunman, sinasabi ng mga dalubhasa na ang gayong mga kodigo ay mga pakitang-tao lamang at bihirang binibigyan ng pansin—maliban pagkatapos ng isang nakapipinsalang iskandalo. Balintuna, isang surbey kamakailan ay nagsisiwalat na ang mga kompanyang may nasusulat na mga kodigo ng etika ay mas madalas na paratangan ng walang etikang paggawi kaysa mga kompanyang wala nito!
Oo, sa lahat ng larangan ang moral ay maliwanag na pabagu-bago, at para bang wala nang nakaaalam kung saan ito patungo. Sabi ng isang ehekutibo sa negosyo: “Ang mga palatandaan na nagsasabi sa atin ng tama sa mali ay wala na roon. Ito’y unti-unting nasira.” Bakit naglaho ang gayong mga palatandaang moral? Ano ang humahalili sa mga ito? Ang mga isyung ito ay susuriin sa susunod na mga artikulo.