Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Dapat bang Bakunahan ang Aking Pamilya?

Dapat bang Bakunahan ang Aking Pamilya?

Dapat bang Bakunahan ang Aking Pamilya?

“PANAHON na para bakunahan ang bata,” sabi ng doktor. Iyan marahil ay isang masamang pananalita sa pakinig ng isang munting bata, subalit ito sa pangkalahatan ay nagbunga ng tumitiyak na ngiti at pagsang-ayon mula sa mga magulang.

Gayunman, kamakailan, bumangon ang mga katanungan tungkol sa karaniwang tinatanggap na pagbabakuna sa mga bata at mga adulto. Aling mga iniksiyon ang talagang mahalaga? Kumusta naman ang tungkol sa masamang mga epekto? Sa anumang paraan ay nasasangkot ba ang dugo sa paggawa ng isang bakuna?

Ito’y mahuhusay na tanong na dapat isaalang-alang ng isang nababahalang pamilyang Kristiyano. Ang mga kasagutan ay maaaring magkaroon ng tuwirang kaugnayan sa kalusugan at kinabukasan ng inyong mga anak gayundin ang sa inyo.

Ang Pinagmulan

Noong dekada ng 1950 isang mabisang bakuna ang ipinakilala na halos ay nagwakas sa pangamba sa polio sa karamihan ng lupain. Noong 1980 ang salot ng bulutong ay ipinahayag na nalipol na sa buong daigdig, ang resulta ng mabisang mga programa sa pagbakuna. Waring pinatutunayan nito ang pananalita ni Benjamin Franklin: “Ang pag-iingat ay mas maigi kaysa lunas.”

Sa ngayon, ang mga programa ng pagbabakuna ay karaniwan nang mabisa sa pagsupil sa maraming sakit​—tetano, polio, dipterya, at pertussis (tusperina), upang banggitin lamang ang ilan. Isa pa, ipinakita na kapag sa ilang kadahilanan ay naging maluwag sa pagbabakuna, ang sakit ay nagbabalik. Nangyari iyan sa isang bansa may kinalaman sa tusperina.

Ano ba ang ginagawa ng mga pagbabakunang ito? Pangunahin na, sa isa sa dalawang paraan, inaalalayan nito ang mga depensa ng katawan laban sa pagsalakay ng nakahahawang mga ahenteng tinatawag na mga pathogen, na kinabibilangan ng mga mikrobyo at mga virus. Ang unang paraan ay tinatawag na active immunization. Sa kasong ito ang iniksiyon ay naglalaman ng isang pinahina o patay na pathogen (o ang lason nito) na binago sa isang paraan na ito ay hindi mapanganib sa katawan. Ang sariling mekanismo sa depensa ng katawan ay nagsisimulang gumawa ng pumapatay na mga molekulang tinatawag na mga antibody na maaaring lumaban sa tunay na mga ahente ng sakit, kung mangyari ito. Kung ang iniksiyon sa pagbakuna ay naglalaman ng hango sa lason ng pathogen (toxin), ito ay tinatawag na isang toxoid. Kung ito ay gawa mula sa buháy na pinahina (attenuated) na mga pathogen o mula sa patay na mga organismo, ito ay tinatawag na isang bakuna.

Gaya ng maguguniguni mo, ang mga iniksiyong ito ay hindi lumilikha ng kagyat na pagkaligtas sa sakit. Kumukuha ng isang yugto ng panahon upang ang katawan ay gumawa ng pananggalang na mga antibody. Kasama sa aktibong pagbabakunang ito ang lahat ng turok sa sanggol at mga iniksiyon na karaniwang itinuturing na mga pagbakuna. Maliban sa isa (na tatalakayin mamaya), ang mga ito ay hindi nagsasangkot ng paggamit ng dugo sa anumang hakbang ng paggawa.

Ang isa pang pamamaraan ay tinatawag na passive immunization. Ito ay karaniwang inirereserba sa mga kalagayan kung saan ang isang tao ay nalantad sa isang malubhang sakit, gaya ng rabis. Sa kasong iyon, walang panahon ang katawan na gumawa ng sarili nitong pagkaligtas sa sakit. Kaya ang mga antibody ng iba, na gawa na, ay maaaring iturok upang labanan ang mga pathogen ng isang tao na nalantad dito. Ang gamma globulin, antitoxin, at hyperimmune serum ay iba pang pangalan para sa mga iniksiyon na gawa mula sa dugo ng imyun na mga tao o hayop. Ang mga hiram, o passive, na mga pagbabakunang ito ay nilayon upang bigyan ang katawan ng kagyat, ngunit panandalian lamang, na tulong upang labanan ang sumasalakay. Ang hiram na mga antibody ay agad na inilalabas sa katawan bilang isang hindi kilalang protina.

Dapat bang Magpabakuna ang Aking Anak?

Pagkatapos malaman ang pinagmulan nito, ang ilan ay maaari pa ring magtanong, ‘Aling pagbabakuna ang dapat tanggapin ng aking anak?’ Sa maraming dako ng daigdig kung saan madaling makuha ang mga iniksiyon sa bata, ang rutinang pagbabakuna ay nagbunga ng madulang pagbaba sa paglitaw ng mga sakit ng bata na doo’y nilayon ang pagbabakuna.

Sa loob ng ilang taon ang American Academy of Pediatrics, bilang pakikiisa sa kahawig na mga organisasyon sa buong daigdig, ay nagrekomenda ng rutinang pagbabakuna para sa sumusunod na mga sakit: dipterya, tusperina, at tetano. Ang tatlo ay karaniwang pinagsasama at ibinibigay bilang isang turok​—DPT—​na may tatlong turok (pampalakas) ng DPT na ibinibigay sa pagitan ng hindi kukulanging dalawang buwan. Bukod pa riyan, ang pagbabakuna para sa tigdas, beke, at rubella (German measles) ay ibinibigay bilang isang turok​—MMR—​sa mga bata pagkatapos ng isang taóng gulang. At, ang apat na dosis ng ipinapatak sa bibig na bakuna para sa polio (OPV) ay isinasagawa sa isang iskedyul na kahawig ng DPT. a

Sa maraming dako ang rutinang seryeng ito ng pagbakuna ay sapilitan, bagaman ang bilang ng mga turok na kinakailangan ay maaaring iba-iba. Kamakailan, bunga ng ilang biglang paglitaw ng tigdas, karagdagang turok ng mga bakuna para sa tigdas ang inirekomenda sa ilalim ng ilang kalagayan. Baka kailangan mong sumangguni sa isang doktor sa inyong dako para sa mga detalye.

Karagdagan pa rito, nariyan ang isang bakuna para sa pulmunya (Pneumovax). Waring ito ay nagbibigay ng habang-buhay na pagkaligtas sa sakit para sa mga bata at mga adulto na, sa ilang kadahilanan, ay madaling tablan ng ilang uri ng pulmunya.

Ang isa pang bakuna para sa mga bata ay tinatawag na bakunang Hib. Ito ay ibinibigay upang mangalaga laban sa isang karaniwang pathogen ng bata, ang Hemophilus influenza. Ang mikrobyong ito ang dahilan ng ilang sakit sa mga sanggol, ang kilalang-kilalang malubhang anyo ng meningitis. Ang bakuna ay napatunayang pangkalahatang ligtas, at ito ay higit at higit na inirerekomenda bilang bahagi ng isang serye ng mga iniksiyon ng sanggol.

Wala pa ring rutinang pagbabakuna para sa bulutong tubig. At ang bakuna para sa bulutong ay hindi na makukuha sapagkat, gaya nang nabanggit kanina, nilipol ng isang pambuong-daigdig na programa ng pagbakuna ang nakamamatay na sakit na ito.

Kumusta Naman ang Tungkol sa Masasamang Epekto?

Kumusta naman ang usapin tungkol sa masasamang epekto ng pagbabakuna? Sa karamihan ng mga iniksiyon, bukod sa karaniwang biglang pag-iyak at panandaliang mga luha ng bata, ang masasamang epekto ay karaniwang limitado at panandalian​—karaniwan nang lagnat sa loob ng isang araw o higit pa. Gayunman, maraming magulang ang nababahala tungkol sa mga panganib ng mga iniksiyong ito. Sinurbey ng isang medikal na pag-aaral ang mga pagkabahala ng mga magulang tungkol sa kalusugan ng kanilang mga anak at nasumpungang 57 porsiyento ng mga magulang na sinurbey ay nag-aalala tungkol sa reaksiyon sa mga pagbabakuna.

Kamakailan, malaking pagkabahala ang nailathala tungkol sa isang bahagi ng DPT, samakatuwid baga’y, ang bahaging pertussis, o tusperina. Ang tagumpay ng bakunang ito ay nagbunga ng kahanga-hangang pagbaba ng dating kinatatakutang sakit​—mula sa 200,000 kaso sa bawat taon sa isang bansa lamang bago ang bakuna tungo sa 2,000 isang taon kasunod ng malaganap na paggamit ng bakuna. Gayunpaman, ang malubhang masamang epekto​—ang mga atake at maging pinsala sa utak—​ay nangyari sa halos 1 sa 100,000 dosis na ibinigay.

Bagaman ang reaksiyon na ito ay napakadalang, ito ang dahilan ng pagkabahala sa bahagi ng maraming magulang na nasusumpungang wala silang gaanong mapagpipilian kundi ang payagan ang kanilang anak na tumanggap ng iniksiyon upang makapasok sa paaralan. Bagaman hindi karaniwan, sapagkat ang sakit na tusperina ay lubhang mapangwasak kapag ito ay humampas sa isang pamayanan, ang mga dalubhasa ay naghinuha na para sa katamtamang bata, “ang bakuna ay mas ligtas kaysa pagkakaroon ng sakit.” Ang payong iyon ng mga dalubhasa na ang pagbabakuna ay dapat ibigay maliban na lamang “kung ang dating dosis ay nagbunga ng kombulsiyon, pamamaga ng utak, focal neurologic na mga tanda, o pagkahimatay. Hindi rin dapat tumanggap ng karagdagang dosis ng bakuna ang mga sanggol na nakararanas ng ‘sobrang pagkaantok, sobrang pagtili (walang tigil na pag-iyak o pagtili sa loob ng 3 o higit pang oras ang tagal), o temperatura na mahigit 40.5°​C.’ ” b

Sa maraming bansa ang tunay na lunas sa problema ay ang acellular na bakuna (bakunang hindi naglalaman ng patay na buong mga selulang gaya niyaong sa karaniwang bakuna), gaya niyaong kasalukuyang isinasagawa sa Hapón taglay ang punô ng pag-asang hinaharap. Ang bago at maliwanag na mas ligtas na bakunang ito ay makukuha rin sa ibang bansa.

Ang iba pang rutinang iniksiyon ng mga sanggol ay muli’t muling napatunayang mabisa at ligtas.

Kumusta Naman ang Tungkol sa Pagbabakuna sa mga Adulto?

Minsang ang isang tao’y sumapit sa pagkaadulto, may ilan lamang aktibong pagbabakuna ang dapat niyang ingatan sa isipan. Karaniwan na, ang lahat ng mga adulto ay dapat na nabakunahan na para sa tigdas, beke, at rubella bunga ng pagkalantad o pagbabakuna noong bata pa. Kung bumangon ang problema tungkol sa pagiging ligtas sa sakit na iyon, maaaring irekomenda ng isang doktor ang isang iniksiyon ng MMR para sa isang adulto.

Ang isang turok ng tetanus toxoid tuwing sampung taon o higit pa ay itinuturing na isang mabuting idea bilang isang pananggalang laban sa paninigas ng panga. Ang mga may edad na at yaong mga may talamak na karamdaman ay baka gustong sumangguni sa kanilang doktor tungkol sa taunang bakuna laban sa trangkaso. Yaong mga maglalakbay sa ilang bahagi ng daigdig ay dapat na isaalang-alang ang pagbabakuna laban sa mga bagay na gaya ng yellow fever, kolera, anthrax, tipos, o salot kung ang mga sakit na iyon ay laganap sa lugar na kanilang patutunguhan.

Ang isa pang aktibong pagbabakuna na karapat-dapat pag-ukulan ng pansin sapagkat ito ang tanging aktibong pagbabakuna na gawa mula sa dugo. Ito ang bakuna para sa hepatitis-B na tinatawag na Heptavax-B. Ang pagbabakunang ito ay nilayon para sa ilang indibiduwal, gaya ng mga manggagawang may kaugnayan sa kalusugan, na maaaring di-sinasadyang malantad sa mga produkto ng dugo mula sa mga pasyenteng nahawaan ng hepatitis B. Bagaman tinawag na isang malaking pagsulong, ang bakuna ay naging dahilan ng pagkabahala sa marami dahil sa paraan ng paggawa nito.

Karaniwan na, ang dugo ng piniling tagapagdala ng virus ng hepatitis-B ay tinitipon at ginagamot upang patayin ang anumang virus, at isang tiyak na antigen ng hepatitis-B ay kinukuha. Itong nilinis, di-aktibong antigen ay maaaring iturok bilang isang bakuna. Gayunman, maraming tao ang tumatangging pabakuna sa takot na manganib sa pagkuha ng mga produkto ng dugo mula sa nahawaang mga tao, gaya niyaong mga handalapak sa sekso. Isa pa, tinanggihan ng ilang maingat na mga Kristiyano ang bakuna sa dahilang ito ay galing sa dugo ng ibang tao. c

Ang mga pagtutol na iyon sa bakuna para sa hepatitis ay mabisang naalis sa paglalabas ng isang naiiba ngunit gayundin kabisang bakuna para sa hepatitis-B. Ang isang ito ay ginawa sa pamamagitan ng henetikong teknolohiya kung saan ang bakuna ay ginawa mula sa mga selula ng pampaalsa (yeast), na hindi ginamitan ng dugo ng tao. Kung ikaw ay nagtatrabaho sa larangan ng pangangalaga-sa-kalusugan o sa ilang kadahilanan ay itinuturing na isang kandidato sa bakuna para sa hepatitis-B, baka nais mong ipakipag-usap ang bagay na ito sa iyong manggagamot.

Dugo sa Paggawa ng mga Bakuna

Ito’y nagbabangon ng isang mahalagang punto para sa mga Kristiyano, na nababahala sa pagbabawal ng Bibliya tungkol sa maling paggamit ng dugo. (Gawa 15:28, 29) May iba pa bang bakuna na gawa mula sa dugo?

Bilang isang panlahat na tuntunin, maliban sa Heptavax-B, ang aktibong pagbabakuna ay hindi gawa mula sa dugo. Halimbawa, kabilang dito ang lahat ng mga iniksiyong pambata.

Ang kabaligtaran ay totoo kung tungkol sa passive na pagbabakuna. Maipalalagay ng isa na kung ang isa ay pinayuhan na magpaturok pagkaraang malantad, gaya halimbawa pagkatapos makatapak ng isang makalawang na pako o pagkatapos makagat ng isang aso, ang mga iniksiyon (maliban na kung ang mga ito ay rutinang mga iniksiyon lamang) ay hyperimmune serum at ginawa mula sa dugo. Totoo rin ito kung tungkol sa Rh immune globulin (Rhogam), na madalas irekomenda sa Rh-negatibong mga ina na sa ilang kadahilanan ay nalantad sa Rh-positibong dugo, gaya sa pagsilang ng isang Rh-positibong sanggol.

Yamang ang passive na mga pagbabakunang ito ay nakababahala sa usapin tungkol sa dugo, anong paninindigan ang dapat kunin ng maingat na Kristiyano? Ang naunang mga artikulo sa babasahing ito at sa kasama nito, Ang Bantayan, ay nagharap ng walang pagbabagong katayuan: Nasa sinanay-Bibliyang budhi ng indibiduwal na Kristiyano kung baga tatanggapin niya ang paggamot na ito sa kaniyang sarili at sa kaniyang pamilya. d

Dapat bang Bakunahan ang Aking Pamilya?

Ang mga Kristiyano ay may malaking paggalang sa buhay at taimtim na nagnanais na gawin ang pinakamabuti para sa kalusugan ng kanilang pamilya. Ikaw man ay maingat na magpasiya na pabakunahan ang iyong pamilya ay personal na pasiyang gagawin mo.​—Galacia 6:5.

Mainam na binuod ng isang dalubhasa ang kalagayan: “Dapat na maipaalam sa mga magulang ang tungkol sa bawat medikal na pamamagitan sa kanilang anak. Sila ay higit pa sa basta legal na mga tagapag-alaga ng kanilang anak. Sila ang may pananagutan sa kapakanan at proteksiyon ng kanilang mga anak sa yugto ng buhay kung saan ang anak ay umaasa sa magulang.” Tungkol sa pagbabakuna, gayundin sa iba pang medikal na mga bagay, dinidibdib ng mga Saksi ni Jehova ang pananagutang iyan.​—Isinulat ng isang manggagamot.

[Mga talababa]

a Inirerekomenda ngayon ng World Health Organization ang rutinang pagbabakuna laban sa hepatitis B sa mga sanggol sa maraming bahagi ng daigdig.

b Waring walang mas maraming paglitaw ng reaksiyon sa gitna niyaong mga pamilya na may kasaysayan ng mga atake. At bagaman ang mga impeksiyon sa palahingahan ay waring hindi naglalantad sa reaksiyon, malamang na makabubuting huwag ibigay ang iniksiyon kung ang bata ay bahagyang may sakit.

c Tingnan ang “Mga Tanong mula sa mga Mambabasa” sa Ang Bantayan ng Hunyo 1, 1990.

d Tingnan Ang Bantayan, Disyembre 15, 1978, pahina 30-1.

[Kahon sa pahina 24]

Mga Pagbabakunang Hindi Galing sa Dugo

Mga iniksiyon ng bata (DPT, OPV, MMR)

Bakunang Hib

Pneumovax

Mga toxoid

Mga iniksiyon laban sa trangkaso

Recombivax-HB

Mga Pagbabakunang Galing sa Dugo

Heptavax-B

Rhogam

Antitoxins

Antivenins (para sa kamandag ng ahas at gagamba)

Immune globulins (para sa iba’t ibang sakit)

Gamma globulin

Hyperimmune serum na gamot (halimbawa, serum na panlaban sa rabis)