Mula sa Aming mga Mambabasa
Mula sa Aming mga Mambabasa
Bagyong Andrew Anong husay na artikulo! (“Mga Bagay na Hindi Kayang Sirain ng Bagyong Andrew,” Enero 8, 1993) Dahil sa ako’y nagkapribilehiyo na makatulong sa relief na gawain, lalo akong nasiyahan sa mga pagsipi mula sa lokal na mga naninirahan. Ang pitong araw na ginugol ko roon ay nagpalakas sa aking pagtitiwala kay Jehova at nagpasigla sa akin na mahalin ko nang higit pa ang aking Kristiyanong mga kapatid.
M. J., Estados Unidos
Pag-uusig ng Nazi Salamat sa artikulong “Pag-iingat ng Katapatan sa Alemanyang Nazi.” (Pebrero 8, 1993) Ang ating Kristiyanong mga kapatid na lalaki at babae ay nakaranas ng napakaraming pagsubok, ngunit sila’y nanatiling tapat! Kung sakaling ako’y makaranas ng matinding pagsubok, sana’y taglay ko ang lakas at pagtitiis ni Josef Rehwald at ng kaniyang pamilya.
D. J., Estados Unidos
Ngayong araw na ito’y nabasa ko ang talambuhay ni Josef Rehwald. Ako’y napaluha habang aking pinag-iisipan kung paano inaalalayan ni Jehova ang kaniyang mga lingkod sa panahon ng kagipitan. Hindi ko mapigilan na pasalamatan Siya!
V. M., Italya
Paglilibang Ang mga artikulong “Paano Apektado ng Libangan ang Iyong Buhay?” (Nobyembre 8, 1992) ay totoong napapanahon. Lalo kong pinahalagahan ang impormasyon tungkol sa mga pelikula. Ako’y nagtatrabaho sa tindahan na nagpapaupa ng mga video, at ang pelikulang Basic Instinct na inyong binanggit sa inyong artikulo ang pinakamalakas na inaarkila sa tindahan. Hindi ako makapaniwala kung paanong ang gayong napakabuktot na mga pelikula ay naging malaking negosyo!
D. M., Estados Unidos
Makabagong Sining Sa pagbabasa ng balita na “Bumagsak sa Isang Pagsubok ang Makabagong Sining” (“Pagmamasid sa Daigdig,” Nobyembre 8, 1992), magkakaroon ng impresyon ang isa na ang pinturang acrylic ay hindi kapaki-pakinabang. Hindi iyan totoo. Sa katunayan, ang mga ito’y maraming mahahalagang pakinabang kaysa ibang uri ng mga pintura. Halimbawa, ang mga ito’y hindi nagdiringas. Isa pa, ang mga kanbas na pangkomersiyal ay gumagamit ng acrylic primer. Ang panganib ng pagtutuklap ay nangyayari pagka hindi wasto ang pagpahid ng pinturang acrylic, marahil sa marumi o malangis na pang-ibabaw. Maaaring ito ang nangyari sa kaso ng mga pintor na nabanggit.
J. W., Switzerland
Pinahahalagahan namin ang ganitong paglilinaw.—ED.
Masuwaying mga Anak Salamat sa artikulong pinamagatang “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Ako Kaya’y Maging Gaya ng Kapatid Ko?” (Disyembre 22, 1992) Pinahahalagahan ko ito nang lubusan. Ang aking ate ay isang payunir [buong-panahong ebanghelisador], at kami’y totoong malapít. Tunguhin ko na magpayunir na kasama siya, subalit di-nagtagal ang aking tunguhin ay naglaho. Apat na buwan pagkatapos kong mabautismuhan bilang isa sa mga Saksi ni Jehova, siya’y natiwalag [inalis] mula sa kongregasyon. Naging napakasakit nito para sa akin, lalo na pagka ang mga kaibigan ay nagtatanong tungkol sa kaniya. Hindi ko na siya maipagmamalaki. Ipinabatid sa akin ng artikulo na magagawa (at maaari) kong maging iba!
L. S., Estados Unidos
Ako’y nahirapan nang husto nang ang aking kuya ay natiwalag. Gayunman, hindi ako naging gaya niya. Ngayon ako’y nakapagtapos na sa high school at nakapagpapayunir na. Ako’y nakatulong din sa pagtatayo ng mga Kingdom Hall ng mga Saksi ni Jehova. Nais kong magpagal nang husto at magsikap sa paggawa ng mabuti.
K. M., Hapón
Ako’y may dalawang kapatid na lalaki na tiwalag. Kung minsan ako ay nangangamba na pabautismo sapagkat naiisip ko na baka ako’y maging gaya nila. Sinagot ni Jehova ang aking mga panalangin sa pamamagitan ng artikulong ito. Noong Enero, ako’y nabautismuhan. Sa gayon hayagan kong naipahayag na naialay ko ang aking sarili kay Jehova, at ako’y mag-iingat na huwag gawin ang katulad na pagkakamali na gaya ng ginawa ng aking mga kapatid.
R. C., Italya