Pagmamasid sa Daigdig
Pagmamasid sa Daigdig
Nagbibigay ng Buhay ang Tubig
Sinasabi ng magasing Claudia sa Brazil na kung walang maiinom na tubig maaaring mamatay ang isang tao sa loob ng 48 oras lamang. Tinataya ng mga siyentipiko na 70 hanggang 80 porsiyento ng timbang ng katawan ng isang tao ay binubuo ng tubig. Ang tubig ay pangunahin nang nasa mga selula. Ang isang mas maliit na bahagi ay nasa interstitial fluid na pumupunô sa pagitan ng mga selula. Ang tubig ay nagtataglay ng mga protina, hormone, taba, asin, at mga asukal. Gayunman, kung walang tubig, hindi magaganap ang normal na mga reaksiyong biyokemikal. Higit pa, ang kakulangan sa tubig, ayon sa Claudia, ay maaaring makapinsala nang malubha sa mga sugpungan at maging sanhi ng paglapot ng dugo, na siyang labis na magpapahirap sa puso; ang mga bató ay nahahapo sa pagsisikap na ilabas ang likidong punô ng mga lason, na nagbubunga ng labis na pagkapagod at pagbigat ng katawan. Inirerekomenda ng mga doktor ang araw-araw na pag-inom ng dalawa hanggang tatlong litro ng tubig.
Mga Babaing Tiktik
“Ang susunod na Sherlock Holmes ay maaaring isang babae,” sabi ng Asahi Evening News sa Hapón. Sa isang bagong paaralan sa Tokyo, tatlong daang estudyante ang nagsasanay na maging mga tiktik (detective), at mahigit na sangkatlo sa kanila ay mga babae, karamihan ay nasa kanilang maagang edad ng 20 hanggang 40. Ang paniniktik ay kaakit-akit sa kanila sa iba’t ibang dahilan. Iniulat na isang 46-taóng-gulang na ginang ang nagpatala sa paaralan dahil sa “hindi siya nasiyahan sa karaniwang mga kurso na nagtuturo sa kababaihan kung paano mag-ayos ng mga bulaklak at kung paano wastong magsuot ng kimono.” Gayunman, para sa iba ang pag-aaral ay higit pa kaysa isang libangan. Mahigit sa kalahati ng mga maybahay na nasa paaralan ay hindi nagsabi sa kanilang mga asawa. Ang ilan sa kanila ay nagkakamit ng kasanayan upang subaybayan ang kanilang naglolokong mga asawa.
Sinasalakay ang mga Punungkahoy
Isinisiwalat ng isang pagsusuri sa mga punungkahoy sa 24 na mga bansa sa Europa ang isang lumalalang problema. Iniuulat ng The European na 1 puno sa 5 ang nakararanas ng di-normal na paglalagas ng mga dahon nito. Sa labas ng EC (European Community), karamihan ng pinsala ay naganap sa Bulgaria, Republika ng Czech, Slovakia, at Lithuania. Sa loob ng EC, ang Pransiya at Espanya ang lugar ng pinakamalalagong kagubatan, samantalang ang pinakanapinsala ay matatagpuan sa Britanya. Noong 1988 sangkapat ng mga punungkahoy sa bansang iyan ay nagpakita ng mga tanda ng pinsala. Pagsapit ng 1991 naiwala ng mahigit sa kalahati ng mga punungkahoy na iyon ang 25 porsiyento o higit pa ng mga dahon nito. Bagaman ang acid rain ang malawakang masisisi, ang sunud-sunod na tigang na tag-araw sa Britanya ay nakaragdag pa sa mga suliranin ng mga punungkahoy.
Dumarami ang Salmonella
“Sa Alemanya ay mayroong 60,000 hanggang 100,000 kaso ng pagkahawa ng salmonella bawat taon, anupat di-kukulangin sa 200 kaso ang humantong sa kamatayan,” ulat ng buwanang magasing Kosmos. Ang bilang na ito ay inihayag ni Professor Hans-Dieter Brede ng Georg-Speyer-Haus Chemotherapeutic Research Institute sa Frankfurt. Ang sakit ay dumami sa nakaraang mga taon, pangunahin nang dahil sa kakulangan sa kalinisan kung saan itinatago o pinoproseso ang mga hayop. Ang mga itlog na di-gaanong luto o poltri na nahawahan ng salmonella ang karaniwang dahilan. “Ang salmonella [baktirya] ay namamatay sa temperatura na hindi bababa sa 70 digris Celsius,” sabi ng magasin.
Pagkahapo ng Empleado
“Ang di-mabuting pangangasiwa ang pangunahing sanhi ng pagkahapo ng empleado at mahinang paggawa,” ulat ng The Toronto Star. Ang isang di-mabuting superbisor “ay maaaring makasira ng iyong araw, at makaligalig pa nga sa iyong personal na buhay. . . . Ang di-mabuting pangangasiwa ay lalong malamang na maging sanhi ng mahinang pagtatrabaho kaysa pansariling mga suliranin gaya ng kamatayan ng isang malapít na kamag-anak o mabuway na pag-aasawa,” sabi ng Star. Maaaring makalugi ito sa kompanya dahil sa “pagdami ng aksidente, pagliban at mga sakit na nauugnay sa kaigtingan.” Sa kabilang dako, ang isang mabuting superbisor ay mahusay makipag-usap at gumanyak at maaaring mapangyari ang “isang mapanlikha at mabungang pangkat ng manggagawa.” Iminumungkahi ng mga dalubhasa na ang mga superbisor ay magtatag ng malinaw na mga tunguhin at maglaan ng kinakailangang masasanggunian upang gawin ang trabaho. Sila’y dapat na madaling lapitan, mabubuting tagapakinig, walang itinatangi, at hindi nangangamba na matuto mula sa kanilang mga empleado.
Isang Kalakaran ng Pag-abuso
Halos kalahati ng lahat ng pisikal na pagsalakay sa matatandang babae sa Estados Unidos ay ginawa ng kanilang sariling mga asawa. Noong 1991 “mahigit na 700,000 babae na mahigit 50 anyos ay sinaktan ng kani-kanilang asawa,” ayon sa magasing New Choices for Retirement Living. Isang kapuna-punang bilang ng mga asawang lalaki sa kanilang edad na 50, 60, at 70 pa nga ay nananakit sa kani-kanilang asawang babae sa katamtamang tatlo o apat na ulit sa isang taon. “Ito’y naging karaniwang bahagi na ng pag-aasawa,” sabi ni Richard Gelles, patnugot ng Family Violence Research Program sa University of Rhode Island.
Ganito ang sabi ng isang babae tungkol sa kaniyang karanasan: “Sa palagay ko ang pinakanakasisira ng loob ay ang pag-abuso sa isip at sa salita. Hindi iyan nawawala.”Paghiram ng mga Hikaw—Isang Panganib sa Kalusugan
“Ang mga hikaw na nahawahan ng dugo ay maaaring pagmulan ng impeksiyon na taglay ang maraming organismo [kasali na] ang hepatitis B at immunodeficiency virus ng tao,” sabi ni Philip D. Walson at Michael T. Brady, mga doktor sa Ohio State University at Children’s Hospital. Sa isang pinagsamang liham na inilathala sa medikal na magasing Pediatrics sa Amerika, ipinahayag ang pagkabahala hinggil sa waring palasak na gawain ng paghiram ng mga hikaw na hindi isterilisado. Ang mga adolesent at kabataan na nanghihiram ng mga hikaw ay maaaring nakababatid tungkol sa panganib sa kalusugan may kaugnayan sa seksuwal na gawain at paghiram ng mga panturok ng droga—subalit hindi sa gawaing ito. Ito’y “maaaring magdala ng mga sakit na galing sa dugo,” sabi ng dalawang doktor. Iminungkahi nila na “pagpayuhan [ng mga manggagamot] ang kanilang mga pasyente hinggil sa gawaing ito.”
Nahihirapang Matulog ang mga Taga-Canada
Halos 1 sa bawat 4 na adultong mga taga-Canada ay may mga suliranin sa pagtulog noong 1991, ayon sa kamakailang pagsusuri sa kalakarang pansosyal ng Statistics Canada. Ang kaigtingan ang pangunahing sanhi. Sinabi ng The Globe and Mail ng Toronto na ang “makikirot na mga karamdaman” ang siyang dahilan ng mga suliranin sa pagtulog para sa 44 na porsiyento ng mga sinurbey. Sa mga babaing sinurbey, 28 porsiyento ang nagkaproblema sa pagtulog. May 19-porsiyento ng kaganapan sa kalalakihan na tumugon. Ang mga nagsosolong ina, mahihirap, matatanda, nagririlyebong mga manggagawa, at yaong naghahanap ng trabaho ay lalo nang may mataas na bilang ng di-pagkatulog. Si Dr. Jeffrey Lipsitz, ng Sleep Disorders Centre ng Metropolitan Toronto, na sumusuri sa mahigit na isang libong bagong mga pasyente sa isang taon, ay nagsabi na mientras nababahala ang mga tao sa pagkawala ng trabaho o salapi, sila’y nagsisimulang di-makatulog.
Kumakain ng mga Barya
Bawat taon sampu-sampung libong bata ang dinadala sa ospital sa mga emergency room para sa magastos na mga X ray pagkatapos na makalunok ng mga barya. Karamihan sa mga baryang ito ay ligtas na nakalalabas sa katawan, subalit manaka-naka ang barya ay bumabara sa mga lalamunan, na siyang dahilan ng pagdurugo sa loob, impeksiyon, at kung minsa’y kamatayan pagka nabutas nito ang lalamunan. Isang simple at ganap na ligtas na nahahawakang pantutop ng metal, tulad ng mga ginagamit kung minsan ng seguridad ng paliparan, ay nilayong gawin upang matagpuan ng mga pediatrician ang nalunok na barya. Si Dr. Simon Ros, patnugot ng dalubhasa sa dagliang panggagamot sa mga bata sa Illinois at isa sa mga nagpaunlad ng pamamaraan, ay nagsabi na ang kagamitan ay maaaring makabawas sa pagpunta sa emergency room, “kung saan ang pagtutop ay maaaring magkahalaga ng mahigit na $300.” Ang pamamaraang ito, ulat ng Journal of Pediatrics and Pediatric Emergency Care, di-magtatagal ay malamang na malawakang gamitin dahil sa pagiging mabisa at mura nito.
Maliligalig na Kabataan
Ang pagtaas ng bilang ng mga nagpapatiwakal sa Hong Kong ay “nakagimbal, nakalito at nakatakot” sa mga opisyal, ulat ng The Toronto Star. Ang mga bata sa pagitan ng mga edad na 8 at 15 ay tumatalon sa mga gusali tungo sa kanilang kamatayan. Ano ang problema ng mga kabataang ito? Sinisisi ng ilan ang sistema ng edukasyon. Si Thomas Mulvey, patnugot ng Hong Kong Family Welfare Society, ay nagsabi: “Sa Hong Kong, ang mga paaralan ay inilarawan bilang panganib sa kalusugang pangkaisipan ng mga bata, gumagawa ng di-kinakailangang mga kahilingan sa mga estudyante at hindi mapakundangan sa kanilang mga pangangailangan.” Ang mga magulang din ay “labis-labis na nagpapahalaga sa tagumpay ng edukasyon” at nagpapakita ng “bahagyang pagpapahalaga sa damdamin ng kanilang mga anak,” sabi ni Mulvey. Ang mga bata ay “nakadarama na nag-iisa sa emosyon, nalulumbay at napababayaan.” Iniuulat ng Star na ang mga opisyal ng gobyerno ay kumbinsido na “ang pinakaugat ng maraming suliranin ay nagmumula sa tahanan.”
Aborsiyon sa Colombia
Sa Colombia, halos isang milyon at kalahati ng kababaihan ay nagkaroon ng di-kukulanging isang aborsiyon. Ito’y halos 20 porsiyento ng lahat ng babae na nasa edad para manganak sa bansang iyan. Maraming babae ang namamatay bilang resulta ng mga komplikasyon na may kaugnayan sa aborsiyon. Nag-uulat ang magasing Semana sa Colombia na sa “Maternal-Infantile Institute ng Bogotá, ang mga aborsiyon ang lumilikha ng pinakamalaking bilang ng mga kamatayan ng ina.” Tinataya na mga 400,000 aborsiyon ang ginagawa bawat taon sa Colombia. Iyan ay nasa katamtamang mga 45 aborsiyon sa bawat oras.
Nakasasamang Libangan
“Dapat na mahiya ang Hollywood sa walang katapusang paghugos ng mga pelikula nito na tigib ng kalaswaan, paghuhubad, sekso, karahasan at pagpatay.” Ang pahayag na ito ay bahagi ng buong-pahinang anunsiyo na inilathala kamakailan sa pahayagang USA Today. Ayon sa anunsiyong iyan, isang pangunahing TV network ay nagpahintulot ng isang programa na “gustung-gusto ng mga kabataan na nagtatanghal ng maiikling dula tungkol sa masturbasyon, mga may-ari ng punerarya na nakikipagtalik sa mga patay,” at iba pang karima-rimarim na mga paksa. Sinabi pa ng anunsiyo na sa panonood ng mga programa sa TV, ang isang “karaniwang bata na edad 16 [ay] nakakita na ng mahigit na 200,000 gawang karahasan at 33,000 pagpatay.”