Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pagtanda Taglay ang Pagkaunawa

Pagtanda Taglay ang Pagkaunawa

Pagtanda Taglay ang Pagkaunawa

ISANG tunay sa buhay na kuwento ng isang matandang lalaki sa Gitnang Silangan na dumanas ng maraming kahirapan at sakuna ang nagtatapos sa katiyakan na siya ay namatay “na matanda at puspos ng mga kaarawan.” Siya’y nabuhay ng mahigit na 140 taóng gulang.​—Job 42:16, 17.

Isa pang lalaki, sa Gitnang Silangan din, ay nabuhay hanggang sa katandaang gulang na 175 taon. Sinasabi ng rekord na “nalagot ang hininga [niya] at namatay sa mabuting katandaan, matanda at puspos ng mga taon.” Oo, posible para sa mga taong mamuhay ng isang kasiya-siyang buhay kahit na hanggang sa kanilang katandaan.​—Genesis 25:7, 8.

Sa edad na maituturing natin ngayon na napakatanda, ang isa sa mga lalaki na nabanggit sa itaas ay nagboluntaryong iwan ang isang maginhawang tahanan sa lungsod at, kasama ng kaniyang buong sambahayan, ay lumipat sa ibang bansa. Ang unang yugto ng paglalakbay na iyon ay sumaklaw ng mahigit 970 kilometro, at iyan ay walang tulong ng modernong transportasyon. Ang isa namang lalaki ay dumanas ng matinding mga suliranin sa kalusugan. Ang dalawang lalaking ito ay nagpamilya sa kanilang katandaan.

Nakita ng isa sa mga lalaking ito ang bahagi ng lupain na tinitirhan niya na sinakop ng pinagsamang hukbo ng apat na sumasalakay na mga hari. Kinailangan niyang magtipon ng isang hukbo ng mga 300 lalaki upang habulin ang mga ito at sagipin ang isang pinakamamahal na kamag-anak. Nang maglaon, nakita niya ang dalawang maunlad na mga lungsod na niwasak ng isang gawa ng Diyos. Dalawang beses, ang magandang asawa ng lalaki ring ito ay pansamantalang kinuha sa kaniya ng makapangyarihang mga hari.

Napagtagumpayan ng dalawang may edad nang mga lalaking ito​—si Job at si Abraham—​ang maiigting na pangyayaring ito at gayunma’y nabuhay na “matanda at puspos ng mga araw.” Ano ang kanilang sekreto?

Makabagong mga Problema ng Katandaan

Ang mga problema bang nakakaharap ng mga may edad sa ngayon ay talagang ibang-iba sa mga problemang naranasan ng mga tao noong una? Hindi ba’t ang ilan sa mga taong may edad na ngayon ay dumaranas ng kawalan ng kayamanan o nawawalan pa nga ng ikinabubuhay?

Ang ilan ay nawawalan ng kanilang mga tahanan at kailangang lumipat sa hindi pamilyar na mga kapaligiran. Ang malapit na mga kamag-anak, kaibigan, at mga kabiyak ay namamatay. Ang mga problema sa kalusugan ay isang malaking bagay na dapat labanan. Nakalulungkot nga, pinababayaan ng ilang anak ang kanilang mga magulang, inaalis ang suporta at pinababayaan sila na siyang sumustento sa kanilang sarili.

Hindi na natin kailangang isa-isahin pa ang mga problemang iyon, sapagkat ang mga ito’y pawang napakapamilyar. Subalit may katalinuhan tayong makahahanap ng mga lunas.

Mga Saloobin sa Pagtanda

Ang saloobin ng isang tao ay baka kailangang baguhin; maaaring ito ang nasa ugat ng kaniyang kalungkutan. Halimbawa, iginigiit ng ilang may edad na mamuhay na mag-isa kahit hindi na nila kayang pangalagaan ang kanilang sarili. Isang babae na may kapansanan at namumuhay na mag-isa sa isang malaking piraso ng lupa ay naglagay ng isang karatula sa kaniyang pinto na nagsasabi: “Keep Out!” Inaakala niyang ang pera o ang ari-arian niya lamang ang gusto nila sa kaniya; wala siyang tiwala sa sinuman.

Ang gayong tao ay hindi tumatanda na taglay ang pagkaunawa. Anong pagkalungkut-lungkot na kalagayan! Totoo, hindi lahat ay mapagkakatiwalaan. Subalit gaano nga kabuti na tanggapin ang katotohanan na ang ilan ay mapagkakatiwalaan at tanggapin ang pakikipagkaibigan at tulong niyaong tunay na nagnanais makatulong!

Maaaring akalain ng ilang may edad na na sila ay kontento na sa kanilang buhay. Subalit sila ay nabubuhay pa, at masusumpungan nilang kapaki-pakinabang na panatilihing aktibo ang kanilang isip at gamitin ang kanilang kakayahang mag-isip nang lubusan. Ang pag-aaral ng bagong mga bagay ay hindi higit sa kanilang mga kakayahan at maaaring maging kapaki-pakinabang, bagaman ito ay maaaring mas matagal nilang matutuhan kaysa nang sila’y bata pa.

Ang Katandaan ay Isang Natatanging Daigdig

Ang mga tagubilin ng isang paaralang bokasyonal tungkol sa mga sakit at lunas ng katandaan ay nagsasabi na kailangang madama ng mga may edad na na sila ay may kalayaan ng isip at katawan. Dapat rin nilang madama na sila ay minamahal at kinakailangan, na sila ay kapaki-pakinabang at magagawa nila ang mga bagay para sa kanilang sarili. Higit pa riyan, sinasabi ng mga tagubiling iyon na kailangang madama ng mga may edad na ang diwa na sila’y kabilang sa isang grupo na maaaring matamo sa isang pamilya at sa mga kaibigan at na sila ay makikinabang sa mga samahang relihiyoso.

Ano, kung gayon, ang pinakamabuting saloobing dapat ipakita ng mga tumatanda? Ang isang optimistikong pangmalas ay maaaring maging malaking tulong. Ang isa na maliwanag na tumitingin sa katandaan bilang isang bagong kabanata sa buhay ay ang 90-anyos na ina ng isang dating pangulo ng E.U. Sa kaniyang mga talaarawan ay isinulat niya: “Ang katandaan ay hindi dapat katakutan . . . Ito ay maaaring maging sagana at kasiya-siya . . . Ang mga katangian sa ating katandaan ay titiyakin ng buhay na hinubog na natin.” Ang gayong saloobin ay nakadaragdag ng higit na kabuluhan sa mga dakong huli ng buhay.

Kaya, ang nabanggit kanina na mga tagubilin tungkol sa mga sakit at lunas ng katandaan ay nagsabi na ang maliligayang may edad ay yaong naturuan ang kanilang mga sarili sa pagsisimula ng bago at kasiya-siyang mga interes, pag-aaral at paglinang ng humahamon na mga libangan, pagtatamasa ng makabuluhang mga karanasan at mga pagkakaibigan, pag-aaral na magpahalaga sa buhay at mamuhay ayon sa kanilang pisikal na mga kakayahan.

Kumusta naman ang pagtitiis sa di-maiiwasang mga problema sa buhay? Ang aklat na On Growing Old ay nagsasabi: “Tiyak na masasabing kung maaaring marating ng isang tao ang mas mataas na mga pamantayan at lalo na ang kapangyarihan na likas sa pananampalataya ay mas magagawa niyang magtiis . . . Higit sa lahat ay dapat magsikap ang mga may edad na palakasin ang kanilang relihiyosong mga buklod.”

Inuuna ng ilang tao ang pananatiling abala sa bagong mga gawain. Isang maputing-buhok na 61-anyos ang nahumaling sa matutuling motorsiklo sa pagiging isang miyembro ng isang samahan ng motorsiklo na natatangi para sa mga taong mahigit na 40 anyos. Mangyari pa, hindi iminumungkahi ng Gumising! ang mga motorsiklo para sa mga may edad na!

Isang may edad nang mag-asawa ang may salawikain: “Huwag maging miserable tungkol sa inyong edad​—at huwag maging di-aktibo kapag kayo ay nagretiro.” Kasuwato ng salawikaing iyon, sila ay nagbisikleta mula Los Angeles hanggang New York noong 1980. Sa loob ng apat na taon kasunod ng kanilang pagretiro noong 1976, ang lalaki, edad 69, at ang kaniyang asawa, edad 64, ay nagbisikleta ng mahigit 25,000 kilometro sa Canada, Estados Unidos, Norway, Belgium, Holland, Alemanya, Pransiya, at Britaniya. Dito man ay hindi namin inirerekomenda na punuin ng isa ang kaniyang buhay ng gayong mga paghahangad, yamang iyan ay maaaring mag-iwan ng kaunti o wala nang panahon para matuto at makibahagi sa tunay na pagsamba sa Diyos. Subalit ipinakikita ng halimbawang ito na ang mga taong may edad ay may malaking kakayahan para sa aktibong buhay.

Ang mabungang gawain at paggawa ng mga bagay para sa iba ay maaaring tumulong sa isang tao na tumanda nang maganda. Isang grupo ng nagretirong mga artesano, ang ilan ay mahigit nang 70, ay napanatili ang kanilang kasanayan sa pagbibigay ng mababang-halagang mga pagkumpuni sa tahanan para sa mga pensyonado sa dako ng Greater Vancouver, Canada. Tungkol sa epekto ng gawaing ito sa mga artesano mismo, isang lalaki ang nagsabi: “Ito’y isang mabuting terapi. Ito’y nagpapanatili sa kanilang aktibo.” Ang ulat ng pahayagan ay nagsabi na sila ay “hindi pagod, nagretiro lamang.” Inaakala rin ng mga taong ito na ang panonood ng TV sa natitirang bahagi ng buhay ng isa ay para lamang sa pagod na pagod na.

Ang Bahagi ng Pagpapahalaga

Ang pagpapahalaga sa buhay ay pumapasok rin sa larawan. Isang alistong 87-anyos mula sa British Columbia, Canada, ay nagpakita ng labis na pagpapahalaga sa pagiging buháy lamang. Ang kaniyang salawikain sa pagtanda taglay ang pagkaunawa ay: “Panatilihin ang isang aktibong isipan, at manatiling bata ang pangmalas. Mamuhay sa araw-araw.” Hindi siya kailanman aktuwal na naghanda nang patiuna para sa katandaan kundi basta nanatili siyang abala sa pag-aalaga ng kaniyang mga bungangkahoy sa labas ng bahay. Upang makabagay sa kaniyang bagong mga kalagayan, pinanatili niya ang masiglang interes sa ibang tao at laging sinisikap niyang makaalinsabay sa balita.

Kahit na ang katayuan ng mga may edad sa pamilya at sa lipunan ay nagbabago, sila ay hindi kailangang mawalan ng lahat ng interes sa buhay o mahulog sa matinding mental na panlulumo. Kung ang mga kaibigan at mga kamag-anak ay umaalalay sa panahong ito, malaki ang magagawa nitong kabutihan, sapagkat sa ganitong paraan maibabahagi ng mga may edad na ang kanilang mga karanasan at mga kasiyahan. Isang may edad nang lalaki na nag-iisa sa kaniyang sariling tahanan sa British Columbia ay nagkomento: “Kung ang mga nakatatanda ay napababayaan ng kanilang mga pamilya, may hilig na laging isipin ang tungkol sa mga nakalipas na panahon, at hindi ito mabuti.” Pinahahalagahan niya ang kaniyang malawak na pamilya at sa kanilang palaging pakikipagtalastasan. “Ang telepono,” sabi niya, “ay isang kahanga-hangang instrumento para sa mga may edad.”

Isang lalaking napilitang magretiro nang maaga dahil sa isang matinding sakit sa puso ay nagkomento tungkol sa panganib ng pamumuhay sa nakaraan. Ang kaniyang buhay ay dating napakaaktibong buhay, pinangangasiwaan ang isang matagumpay na negosyo gayundin ay naglilingkod bilang isang hinirang na matanda sa isang kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova. Pinagsisisihan ba niya ang mga gawaing hindi na niya magagawa? “Hindi,” sabi niya, “hindi naman. Ako’y nasisiyahan na ginawa ko ang pinakamabuti. Inilagay ko ang saligan para pagtayuan ng iba.”

Ang kaugnayan ng lalaking ito sa kaniyang may-asawang mga anak na babae at sa kani-kanilang pamilya ay, sa kaniyang pananalita, naging “lalong malapit” habang lumilipas ang panahon. Siya at ang kaniyang asawa ay nagpapahalaga sa kanilang mga mahal sa buhay at natutuhan nilang iwan ang mga pasiya ng pamilya sa kanilang malalaki nang anak kung saan ito nararapat​—sa mga may sapat na gulang na iyon. Ang hindi paggawa niyaon ay maaari lamang maging sanhi ng alitan at kalungkutan, at ng kilalang-kilala na mga problema sa mga kamag-anak ng asawa.

Kaylaking kagalakan ang nawawala ng mga nuno kung ang kanilang papel ay hindi pinahahalagahan! Subalit anong kaligayahan ang natatamo kapag narinig ang isang apo na nagsasabi, gaya ng narinig ng lolong ito pagkatapos ng isang mahabang sesyon sa ospital: “Bompa! Saan kayo nagpunta? Matagal namin kayong hindi nakita!”

Sapagkat ang kasakiman at kawalan ng katutubong pagmamahal ay palasak sa daigdig ngayon, hindi lahat ng maysakit at tumatandang mga tao ay may moral at pisikal na alalay na kailangang-kailangan upang harapin ang mga problema nang may kahinahunan. Ganito tinaya ng isang superbisor ng isang acute-care center sa Canada ang kalagayan: “Marami sa mga may edad na ito ang nag-iiwan ng isang magandang tahanan upang magtungo rito, kung saan sila ay mayroon lang isang kama at paminggalan. Kapag umalis sila, pagkamatay nila, ang naiiwan ay pawang isang maliit na kahon na naglalaman ng lahat ng kanilang makasanlibutang mga pag-aari. Ito’y isang traumatikong karanasan.” Gayunman, sa ilang kaso ang mga pasilidad na ito ay maaaring maging ang tanging lunas sa mga pamilyang naghahangad ng pangangalaga para sa kanilang mga may edad nang mahal sa buhay.

Pagharap sa Kinabukasan Taglay ang Pagkaunawa

Sang-ayon sa ilang nanghuhula, darating ang panahon na lalabanan ng isang iniresetang gamot ang pagtanda, kung paanong ang ibang suliranin sa kalusugan ay nasusupil sa ngayon. Subalit ang gayon bang imposibleng mga hula ng di-sakdal na mga tao ay nagbibigay ng isang tunay, sumusustining pag-asa para sa isang tao na ang haba ng buhay ay malapit na sa “pitumpu” o “walumpu”?​—Awit 90:10, King James Version.

Nasumpungan ng libu-libong may edad ang sumusustini-buhay na pag-asa sa Salita ng Diyos, ang Bibliya. Sila ngayon ay nagtitiwala sa tiyak na mga pangako ng “Matanda sa mga Araw,” ang Diyos na Jehova. (Daniel 7:9, 13) Isa sa mga pangakong iyon ay na ang laman ng matanda ay “magiging sariwa kaysa laman ng isang bata,” at siya ay “babalik sa mga kaarawan ng kaniyang kabataan.” (Job 33:25) Kahit na yaong mga natutulog sa kamatayan ay gigisingin sa gayong uri ng buhay sa matuwid na bagong sanlibutan ng Diyos, na malapit nang humalili sa kasalukuyang hindi kasiya-siyang sistema ng mga bagay. (Gawa 24:15; 2 Pedro 3:13) Ito ang matibay na pag-asa na nagpangyari kay Abraham at kay Job na mabuhay nang “matanda at puspos ng mga araw.”

Tunay, ang pamumuhay ngayon ayon sa gayong mga pamantayan na nakasisiya-sa-puso ay tulad ng paghahanda para sa kinabukasan. At, sa pamamagitan ng pagkakaroon ng isang umaalalay na pamilya at mga kaibigan at angkop na mga gawain, ang isang may edad na ay maaaring magtagumpay. Higit sa lahat, ginagawang posible ng isang malapit na kaugnayan sa Isa na nangako ng ginhawa mula sa pagtanda at kamatayan ang pagtanda taglay ang pagkaunawa. Oo, yaong may pagsang-ayon ng Diyos “ay patuloy na magbubunga sa kanilang katandaan.”​—Awit 92:14.