Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

“Tayo’y Magpadala ng Isang Kard”

“Tayo’y Magpadala ng Isang Kard”

“Tayo’y Magpadala ng Isang Kard”

“ANONG kawili-wiling dulo ng sanlinggo iyon!” Pag-uwi ng bahay pagkatapos dumalaw kasama ng mga kaibigan, mayroon kang maliligayang alaala ng nakapagpapahingalay na panahong iyon. Anong pagkabukas-palad ng inyong mga maypabisita! Upang magpahayag ng iyong pagpapahalaga, sinasabi mo sa iyong pamilya: “Tayo’y magpadala ng isang kard.”

Nagtungo ka sa tindahan sa inyong lugar upang bumili ng isang kard. Nasumpungan mo ang napakarami ngunit nakalilitong displey ng mga kard. ‘Anong kard kaya ang dapat kong piliin?’ ‘Alin kaya ang may tamang mga salita?’ Hindi madaling pumili! Kaya bakit hindi gumawa ng sarili mong kard?

Paggawa ng Iyong Sariling mga Kard

Ito ay mas madali kaysa dating inaakala mo. Ang kailangan mo lamang ay isang pilyego ng papel o isang manipis na kard, isang panulat, at, mangyari pa, isang mensahe. Taglay ang isang disenyong napili mo, maidaragdag mo ang personal na istilo. Paano? Narito ang dalawang mungkahi.

(1) Pumili ng isang larawang gusto mo. Maaaring ito’y isang tanawin mula sa isang magasin na maaari mong gupitin at idikit sa iyong kard. Sinorpresa ng isang asawang babae ang kaniyang mister ng isang naiibang kard upang ipagdiwang ang kanilang ika-25 anibersaryo ng kasal. Siya’y gumupit ng dalawang maliliit na litrato nilang mag-asawa at idinikit ito sa isang simpleng kard upang ipahayag ang kaniyang kaligayahan sa kanilang pinagsamahang buhay.

(2) Gumamit ng mga bulaklak. Ang mga ito ay naidisenyo na. Pagkatapos ipitin at patuyuin ito, idikit ito sa iyong kard upang makaragdag ng kasiyahan at ganda.​—Tingnan ang kahon.

Anuman ang palamuti na piliin mo, tiyak na ang mensahe ang pinakamahalaga. Ang paggawa ng iyong sariling mga kard ay nagbibigay sa iyo ng pagkakataon na kumatha ng mga salita na talagang nagpapahayag ng iyong mga damdamin.

Isang Angkop na Mensahe

Si Haring Solomon noong una ay “humanap ng mga nakalulugod na salita at ang pagsulat ng matuwid na mga salita ng katotohanan.” (Eclesiastes 12:10) Ang gayong pagpili ng salita ay gagawa sa iyong nasusulat na mensahe na “gaya ng mga mansanas na ginto sa bilaong pilak” sa tumatanggap nito.​—Kawikaan 25:11.

Piliin ang mga salitang magkakaroon ng kalugud-lugod na epekto. Maaari mo ring ilakip ang ilang kinasihang salita ng Bibliya upang ipahayag ang iyong taimtim na mga damdamin. Ito’y maiibigan.

Kung paano mo isusulat ang mga salitang iyon sa kard ay naghahatid din ng isang mensahe. Ang paggawa ritong malinis at nababasa ay malaki ang sinasabi tungkol sa iyo, ang nagpadala.

Mga Okasyon Upang Magpadala ng mga Kard

Ang mga kasal ay maliligayang okasyon kung saan maaaring anyayahan ng mag-asawa ang kanilang mga kaibigan at mga kamag-anak. Kung magkakaroon sila ng sosyal na salu-salo pagkatapos ng seremonya sa kasal, maipahahayag nila ang pagmamalasakit sa kapakanan niyaong dadalo mula sa malayo sa paglalakip sa imbitasyon ng oras na ito ay magsisimula at matatapos.

Ang kapanganakan ng isang sanggol ay maaaring maging isa pang okasyon para magpadala ng isang kard. Ipinaaalam nito sa mga magulang ng bagong silang na ikaw ay nakikibahagi sa kanilang kagalakan.

Karagdagan pa sa mga okasyong iyon, anong laking pagpapakita ng pagkamaalalahanin na magpahayag ng pasasalamat sa mga kabaitan na ipinakita sa iyo ng mga tao. Maaari mo ring aliwin ang maysakit at yaong mga nasa ospital, tinitiyak sa kanila ang iyong pag-ibig at pagmamalasakit. Ang iyong masasayang pagbati at ang magandang larawan na dala ng iyong kard ay makatutulong upang bawasan ang panlulumo at pagkabalisa. Oo, gaya ng sabi ng isang sinaunang kawikaan, “ang salita sa tamang panahon ay Oh anong pagkabuti!”​—Kawikaan 15:23.

Kapag malayo o kahit na malapit, ipahayag ang iyong pakikiramay sa mga namatayan ng isang mahal sa buhay. Maaaring angkop ang isang paalaala tungkol sa kahanga-hangang pag-asa sa pagkabuhay-muli na iniaalok ng Bibliya.

Kaya nga, kailanma’t ikaw ay nauudyukang ipahayag ang iyong mga damdamin sa iba, bakit hindi magpadala ng isang kard? Mangyari pa, hindi nito hinahalinhan ang tuwirang pakikipag-usap sa tao kung maaari. Bagkus, ito ay isang karagdagang pagkakataon upang maging mabait.

[Kahon sa pahina 26, 27]

Isang Pansariling Dekorasyon

Maaaring pagandahin ng paglalagay ng inipit na mga bulaklak bilang dekorasyon ang iyong mga kard. Ito ay simple, hindi magastos na paraan ng pagbibigay sa iyong mga kard ng pansariling istilo. Kaunting-kaunting kagamitan lamang ang kailangan mo.

Pagtitipon ng mga Bulaklak

◻ Tiyakin na may pahintulot ka na pumitas ng mga bulaklak na ibig mo.

◻ Iwasan mamitas kapag umuulan.

◻ Huwag pitasin ang matandang mga bulaklak o dahon.

◻ Huwag aksayahin ang mga bulaklak.

Ang ilang bulaklak ay hindi gaanong naiipit kung ito ay malamán (bluebell, liryo, orkidyas) o kung ito ay may kakatwang hugis (daffodil, lilac, malalaking rosas, thistle).

Pag-ipit sa mga Bulaklak

◻ Ilagay ang mga bulaklak sa pagitan ng mga pilyego ng blotting paper na nakaipit sa pagitan ng dalawang piraso ng plywood. Ang pagdaragdag ng ilang sapin ng diyaryo ay tutulong upang sipsipin ang halumigmig. Higpitan ang mga gato araw-araw habang natutuyo ang mga bulaklak.

◻ Maghintay ng hindi kukulanging isang linggo bago buksan ang pang-ipit.

◻ Suriing sumandali upang tingnan na ang mga bulaklak ay wasto ang pagkakaipit, at kung kinakailangan, baguhin ang posisyon sa tuyong papel.

◻ Isarang muli nang mahigpit ang pang-ipit, at iwan ito sa isang mainit, tuyong dako sa loob ng dalawa o tatlong linggo bago alisin ang mga bulaklak.

Pagdikit ng mga Bulaklak

◻ Gumamit ng bahagyang pandikit.

◻ Hawakang maingat ang tuyong mga bulaklak, marahil gumagamit ng isang pares ng tiyani.