Bakit Gayon na Lamang ang Isyu Tungkol sa Lahi?
Bakit Gayon na Lamang ang Isyu Tungkol sa Lahi?
SAPOL sa pasimula ng naiulat na kasaysayan, ang idea na “sila” at “tayo” ay nangibabaw sa isipan ng tao. Kinumbinsi ng marami ang kanilang sarili na sila lamang ang normal na mga tao na may tamang paraan ng paggawa ng lahat ng bagay. Ito ang tinatawag ng mga siyentipiko na ethnocentrism, ang idea na ang sariling lahi at paraan ng isa ang tanging may halaga at mahalaga.
Ang sinaunang mga Griego, halimbawa, ay di-gaanong inintindi ang mga “barbaro,” isang terminong ikinapit nila sa sinumang hindi Griego. Ang salitang “barbaro” ay galing sa paraan ng pakinig ng mga Griego sa banyagang mga wika, parang hindi maintindihang “bar-bar.” Ang mga Ehipsiyo na nauna sa mga Griego at ang mga Romano na sumunod sa mga Griego ay nakadama rin na sila ay nakahihigit sa mga tao ng ibang lahi.
Sa loob ng mga dantaon tinawag ng mga Intsik ang kanilang bansa na Zhong Guo, o Gitnang Kaharian, sapagkat kumbinsido sila na ang Tsina ang sentro ng daigdig kung hindi man ng sansinukob. Nang maglaon, nang dumating sa Tsina ang Europeong mga misyonero na may mapulang buhok, berdeng mata, at magaspang na kutis, binansagan sila ng mga Intsik na “banyagang mga demonyo.” Sa katulad na paraan, nang unang dumating ang mga taga-Silangan sa Europa at Hilagang Amerika, ang kanilang singkit na mga mata at ang itinuturing nilang kakatwang mga kaugalian ay gumawa sa kanila na madaling tudlaan ng paglibak at paghihinala.
Gayunman, may mahalagang bagay na dapat isaalang-alang, gaya ng sabi ng aklat na The Kinds of Mankind: “Ang maniwala sa kahigitan [ng lahi] ng isa ay isang bagay; ang sikaping patunayan ito, sa pamamagitan ng paggamit ng mga tuklas ng siyensiya, ay ibang bagay naman.” Ang mga pagsisikap na patunayang ang isang lahi ay nakahihigit sa isa ay bago. Ang antropologong si Ashley Montagu ay sumulat na “ang idea na may likas o biyolohikal na mga lahi ng sangkatauhan na kakaiba sa isa’t isa sa mental gayundin sa pisikal na paraan ay isang idea na hindi lumitaw kundi noong huling bahagi ng ikalabingwalong siglo.”
Bakit naging napakaprominente ng isyu tungkol sa kahigitan ng lahi noong ika-18 at ika-19 na mga siglo?
Ang Kalakalan ng Alipin at ang Lahi
Ang pangunahing dahilan ay sapagkat ang pinakikinabangang kalakalan ng mga alipin noong panahong iyon ay umabot sa tugatog nito, at daan-daang libong Aprikano ay sapilitang kinukuha at ginigipit sa pagkaalipin sa Europa at Amerikas. Kadalasan ang mga pamilya ay nagkakahiwa-hiwalay, ang mga lalaki, babae, at mga bata ay ipinadadala sa iba’t ibang bahagi ng daigdig, hindi
na kailanman magkikita-kitang muli. Paano ipinagtatanggol ng mga mangangalakal ng alipin at mga nagmamay-ari ng mga alipin, na ang karamihan ay nag-aangking mga Kristiyano, ang gayong hindi makataong mga gawi?Sa pagpapalaganap ng palagay na ang mga Aprikanong itim ay likas na nakabababa. “May hinala akong ang lahat ng mga negro, at sa pangkalahatan ang lahat ng iba pang lahi ng tao ay likas na nakabababa sa mga puti,” sulat ng ika-18 siglong pilosopong taga-Scotland na si David Hume. Sa katunayan, sinabi ni Hume na ang isa ay walang masusumpungang “matalinong mga imbensiyon sa gitna ng mga [Negro], walang sining, walang siyensiya.”
Gayunman, ang gayong mga pag-aangkin ay mali. Ang The World Book Encyclopedia (1973) ay nagsasabi: “Ang lubhang maunlad na mga kaharian ng Negro ay umiral sa iba’t ibang bahagi ng Aprika daan-daang taon na ang nakalipas. . . . Sa pagitan ng 1200 at 1600, isang pamantasang Negro-Arabe ang umunlad sa Timbuktu sa Kanlurang Aprika at naging bantog sa buong Espanya, Hilagang Aprika, at sa Gitnang Silangan.” Gayunpaman, agad na sinunod ng mga kasangkot sa kalakalan ng mga alipin ang pangmalas ng mga pilosopong gaya ni Hume na ang lahi ng mga itim ay nakabababa sa mga puti, oo, mababa pa nga sa tao.
Relihiyon at Lahi
Ang mga mangangalakal ng alipin ay nakakuha ng malaking suporta sa kanilang mga pangmalas tungkol sa lahi mula sa mga lider ng relihiyon. Sing-aga ng dekada ng 1450, pinahintulutan ng mga utos ng mga papang Romano Katoliko ang paglupig at pag-alipin sa “mga pagano” at “mga taong hindi naniniwala sa relihiyon” upang ang kanilang “mga kaluluwa” ay mailigtas para sa “Kaharian ng Diyos.” Palibhasa’y tumanggap ng pagbasbas ng simbahan, hindi nabagabag ang budhi ng sinaunang mga manggagalugad na Europeo at mga mangangalakal ng alipin tungkol sa kanilang brutal na pakikitungo sa mga taong katutubo.
“Noong dekada ng 1760, gayundin sa maraming dekadang darating, ang pang-aalipin sa mga itim ay pinahintulutan ng mga tao ng simbahan at mga teologong Katoliko, Anglicano, Lutherano, Presbiteriano, at Reformed,” sabi ng aklat na Slavery and Human Progress. “Walang makabagong iglesya o sekta ang nagpahina sa loob ng mga miyembro nito sa pagmamay-ari o maging sa ilegal na pangangalakal ng mga aliping itim.”
Bagaman ang ilang iglesya ay nagsasalita tungkol sa pansansinukob na Kristiyanong kapatiran, itinataguyod din nila ang mga turo na nagpatindi sa alitan ng lahi. Halimbawa, ang Encyclopaedia Judaica ay nagsasabi na “pagkatapos lamang ng mahabang pagpupumilit at teolohikal na mga pagtalakay na kinilala ng mga Kastila ang katutubong mga lahi na nasumpungan nila sa Amerika bilang mga tao na pinagkalooban ng mga kaluluwa.”
Ang pahiwatig ay na habang ang “mga kaluluwa” ng mga tao ng katutubong lahing iyon ay “naligtas” sa pamamagitan ng pagiging kumberte sa Kristiyanismo, hindi mahalaga kung paano sila pinakikitunguhan sa pisikal. At pagdating sa katayuan ng mga itim, maraming lider ng relihiyon ang nangangatuwiran na sila ay isinumpa ng Diyos. Ang mga Kasulatan ay maling ikinapit upang sikaping patunayan ito. Iginiit ng mga klerigong sina Robert Jamieson, A. R. Fausset, at David Brown, sa kanilang komentaryo sa Bibliya: “Sumpain si Canaan [Genesis 9:25]—ang hatol na ito ay natupad sa pagkapuksa ng mga Canaanita—sa paghamak sa Ehipto, at sa pagkaalipin ng mga Aprikano, ang mga inapo ni Ham.”—Commentary, Critical and Explanatory, on the Whole Bible.
Ang turo na ang mga ninuno ng lahing itim ay isinumpa ay hindi itinuturo sa Bibliya. Ang totoo ay, ang lahing itim ay nagmula kay Cush, hindi kay Canaan. Noong ika-18 siglo, si John Woolman ay nangatuwiran na ang paggamit na ito sa sumpa sa Bibliya upang bigyang-matuwid ang pag-alipin sa mga itim, pinagkakaitan sila ng kanilang likas na mga karapatan, “ay isang napakasamang palagay upang tanggapin sa isipan ng sinumang tao na taimtim na nagnanais na pamahalaan ng matatag na mga simulain.”
Huwad na Siyensiya at Lahi
Idinagdag din ng huwad na siyensiya ang palagay nito sa isang pagsisikap na itaguyod ang teoriya na ang mga itim ay isang nakabababang lahi. Ang aklat na Essay on the Inequality of Races, ng
manunulat na Pranses noong ika-19 na siglo na si Joseph de Gobineau, ay naglatag ng pundasyon para sa maraming gayong akda sa hinaharap. Dito, hinati ni Gobineau ang sangkatauhan sa tatlong bukod na mga lahi na sunud-sunod ayon sa kagalingan: puti, dilaw, at itim. Sinabi niya na ang natatanging mga katangian ng bawat lahi ay nadadala sa dugo at sa gayon ang anumang paghahalo sa pamamagitan ng pag-aasawa ay magbubunga ng pagbaba at pagkawala ng nakatataas na mga katangian.Si Gobineau ay nangangatuwiran na noo’y umiral ang isang dalisay na puting lahi, mataas, blond ang buhok, asul ang mata na mga tao na siyang tinawag niyang mga Aryan. Katuwiran niya, ang mga Aryan ang nagpakilala ng sibilisasyon at Sanskrit sa India, at ang mga Aryan ang nagtatag ng sibilisasyon ng sinaunang Griego at Roma. Ngunit dahil sa pakikipag-asawa sa lokal na mga tao na nakabababang uri, ang dating-maluwalhating sibilisasyon ay nawala, pati na ang matalino at mahuhusay na mga katangian ng lahing Aryan. Ang pinakamalapit na bayan sa dalisay na Aryan ay nananatili pa, sabi ni Gobineau, na masusumpungan sa hilagang Europa, samakatuwid nga, sa gitna ng mga bayang Nordic at, kung ipagpapatuloy pa, sa mga Aleman.
Ang pangunahing mga ideya ni Gobineau—ang tatlong-lahing paghahati, ang dugo ng angkan, ang lahing Aryan—ay walang anumang siyentipikong saligan, at ito ay ganap na pinasisinungalingan ng mga siyentipiko sa ngayon. Gayunpaman, ito ay mabilis na tinanggap ng iba. Kabilang dito ang isang Ingles, si Houston Stewart Chamberlain, na lubhang nabighani sa mga idea ni Gobineau anupat siya’y nanirahan sa Alemanya at ipinagtanggol niya ang paniwalang ito na tanging sa pamamagitan lamang ng mga Aleman may pag-asang maingatan ang kadalisayan ng lahing Aryan. Maliwanag, ang mga sulat ni Chamberlain ay malawakang binasa sa Alemanya, at hindi maganda ang naging bunga.
Ang Hindi Magandang Bunga ng Pagtatangi ng Lahi
Sa kaniyang aklat na Mein Kampf (Ang Aking Pagpupunyagi), iginiit ni Adolf Hitler na ang lahing Aleman ang nakahihigit na lahing Aryan na nakatalagang magpuno sa daigdig. Inaakala ni Hitler na ang mga Judio, na sinabi niyang may pananagutan sa pagsabotahe sa kabuhayang Aleman, ay isang hadlang sa maluwalhating kapalarang ito. Sa gayon ito’y sinundan ng paglipol sa mga Judio at sa iba pang minoridad sa Europa, na hindi matututulang isa sa pinakamadilim na mga yugto sa kasaysayan ng tao. Ito ang mapaminsalang
bunga ng mga idea hinggil sa pagtatangi ng lahi, pati na yaong mga idea nila Gobineau at Chamberlain.Gayunman, ang gayong kapangitan ay hindi natatakdaan sa Europa. Sa ibayo ng karagatan sa tinatawag na bagong daigdig, gayunding walang-katotohanang mga idea ang nagdulot ng napakaraming paghihirap sa mga salinlahi ng walang-malay na mga tao. Bagaman ang mga aliping Aprikano ay pinalaya sa wakas sa Estados Unidos pagkatapos ng Gera Sibil, ang mga batas ay ipinasa sa maraming estado na nagbabawal sa mga itim sa pagkakaroon ng maraming pribilehiyo na tinatamasa ng ibang mamamayan. Bakit? Inaakala ng mga mamamayang puti na ang lahing itim ay walang intelektuwal na kakayahan na makibahagi sa mga tungkuling pambayan at sa pamahalaan.
Kung gaano nga kalalim ang pagkakaugat ng mga damdaming panlahing iyon ay inilalarawan ng isang kasong may kaugnayan sa isang batas na laban sa paghahalo ng mga lahi. Ipinagbabawal ng batas na ito ang mga pag-aasawa sa pagitan ng mga itim at mga puti. Sa paghatol sa lalaki’t babae na lumabag sa batas na ito, isang hukom ang nagsabi: “Nilalang ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat ang mga lahi na puti, itim, dilaw, Malay at pula, at inilagay Niya sila sa magkakahiwalay na mga kontinente, at kung walang makikialam sa Kaniyang kaayusan ay walang dahilan para sa gayong pag-aasawa.”
Sinabi ito ng hukom, hindi noong ika-19 na siglo at hindi sa isang liblib na dako, kundi noong 1958—at wala pang mahigit na 100 kilometro mula sa Kapitolyo ng E.U.! Oo, noon lamang 1967 na pinawalang-bisa ng Korte Suprema ng E.U. ang lahat ng batas laban sa pag-aasawa ng magkakaibang lahi.
Ang gayong mga batas na may pagtatangi—gayundin ang pagbubukod sa mga paaralan, simbahan, at sa iba pang mga institusyong publiko at pagtatangi sa trabaho at pabahay—ay humantong sa kaguluhan ng bayan, mga protesta, at karahasan na siyang naging mga katunayan ng buhay sa Estados Unidos at sa maraming ibang dako. Kahit na kung hindi isasaalang-alang ang pagkawasak ng buhay at ari-arian, ang pagkabalisa, pagkapoot, at personal na mga paghamak at paghihirap na bunga nito ay maaari lamang ituring na kahihiyan at kadustaan ng tinatawag na sibilisadong lipunan.
Sa gayon, ang pagtatangi ng lahi ay naging isa sa pinakabumabahaging puwersa na nagpapahirap sa lipunan ng tao. Tiyak, kinakailangang saliksikin nating lahat ang ating sariling puso, tinatanong ang ating mga sarili: Tinatanggihan ko ba ang anumang turo na nagpapahayag sa isang lahi na nakahihigit sa isa? Sinikap ko bang alisin sa aking sarili ang anumang posibleng natitirang damdamin ng kahigitang panlahi?
Angkop ding itanong natin: Anong pag-asa mayroon na ang pagkiling at tensiyong panlahi, na palasak sa ngayon, ay mawawala kailanman? Maaari kayang mamuhay nang sama-sama sa kapayapaan ang mga tao ng iba’t ibang nasyonalidad, wika, at mga kaugalian?
[Larawan sa pahina 7]
Ang mga itim ay itinuring ng maraming puti na mababa sa tao
[Credit Line]
Kinopya mula sa DESPOTISM—A Pictorial History of Tyranny
[Larawan sa pahina 8]
Ang mga kampong pamuksa ng Nazi ay isang kapaha-pahamak na bunga ng mga idea tungkol sa pagtatangi ng lahi
[Credit Line]
Larawan ng U.S. National Archives