Isa Pang Trahedya sa Ekolohiya
Isa Pang Trahedya sa Ekolohiya
SINASABING ang parehong aksidente ay hindi nangyayari nang makalawa, subalit hindi ito kapit sa mga tangker na nagdadala ng langis. Dalawang beses sa nakaraang 20 taon, ang daungan ng La Coruña sa hilagang-kanluran ng Espanya ay nadumhan ng maraming natapong langis.
Madaling-araw noon ng Disyembre 3, 1992, ang Griegong tangker na Aegean Sea ay tumama sa mga batong nakausli sa mataas na lupang kinatatayuan ng La Coruña. Sa loob ng ilang oras ang tangker ay nahati sa dalawa, at pito sa siyam na tangke ay nagliyab. Isang makapal na itim na usok ang nagtanda sa lugar na tinawag ng presidente ng Espanya na si Felipe González na “isang malaking sakuna sa ekolohiya.”
Ang Aegean Sea ay nagdadala ng halos 80,000 tonelada ng langis na krudo ng Hilagang Dagat, at isang araw pagkatapos ng aksidente, isang 50-kilometro-kudradong tagas na langis ay nagtungo sa apat na kalapit na wawà. Labing-anim na taon ang nakalipas ang tangker na Urquiola ay lumubog sa daungan ding iyon, dinudumhan ang baybayin ng mahigit na 100,000 tonelada ng langis na krudo.
Bukod pa sa malawak na pinsalang dulot sa buhay sa dagat, minsan pang pinagbantaan ng kanilang ikabubuhay ang libu-libong mangingisda, ang ilan ay katatanggap lamang ng bayad-pinsala mula sa naunang sakuna. Bakit napakaraming mga aksidenteng kinasasangkutan ng mga tangker? Bagaman maalon ang dagat noong gabi ng pinakahuling aksidenteng ito, inaakalang ang pagkakamali ng tao ang pangunahing sanhi ng malaking kapahamakan.
Balintuna nga, ang Aegean Sea ay sumadsad mga nubenta metro lamang mula sa isang parola—ang pinakamatandang umaandar na parola sa daigdig—ang sagisag ng La Coruña. Ito’y itinayo halos dalawang libong taon na ang nakalipas ng mga Romano, na nakababatid sa mga panganib ng mga tubig na ito sa dagat. Ang kasalukuyang parola, na pinananatili ang mga labí ng gawa ng mga Romano, ay nagpapakislap pa rin ng nagbababalang liwanag nito. Nakalulungkot sabihin, noong gabi ng Disyembre 3, 1992, ang babalang iyon ay hindi pinakinggan.
[Picture Credit Line sa pahina 31]
Foto Blanco