Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Bató sa Bató—Paggamot sa Isang Sinaunang Sakit

Mga Bató sa Bató—Paggamot sa Isang Sinaunang Sakit

Mga Bató sa Bató​—Paggamot sa Isang Sinaunang Sakit

MALAMANG na narinig mo na ang tungkol sa isa na pinahihirapan ng mga bató sa bató (kidney stones). Sa Estados Unidos, mga 300,000 pinahihirapan ng bató sa bató ang tinatanggap sa mga ospital taun-taon. Ang kirot ay maaaring napakasakit, maihahambing sa panganganak.

Inaakala ng ilan na ang mga bató sa bató ay isang bagong problema sa kalusugan, marahil may kinalaman sa makabagong pagkain o sa istilo-ng-buhay. Gayunman, sa katunayan ang mga bató sa daanan ng ihi ay sumalot sa sangkatauhan sa loob ng mga dantaon. Ang mga ito’y nasumpungan sa mga momiya ng Ehipto na libu-libong taóng gulang na.

Nagkakaroon ng mga bató kapag ang mga mineral sa ihi ay nagsama-sama at lumaki, sa halip na lumabnaw at lumabas sa katawan. Ito’y may iba’t ibang hugis at binubuo ng maraming bagay. Ang Clinical Symposia ay nagsasabi: “Sa Estados Unidos, humigit-kumulang 75% ng lahat ng bató [sa bató] ay pangunahin nang binubuo ng calcium oxalate, at isang karagdagang 5% ay binubuo ng purong calcium phosphate.”

Paglaganap at mga Sanhi

Sang-ayon sa isang report, halos 10 porsiyento ng mga lalaki at 5 porsiyento ng mga babae sa Hilagang Amerika ay magkakaroon ng bató sa bató sa kanilang buong buhay. At ang dami ng pag-ulit nito ay mataas. Isa sa 5 katao na may bató sa bató ay magkakaroon muli ng bató sa loob ng limang taon.

Kung bakit ang ilang tao ay nagkakaroon ng mga bató sa bató at ang iba ay hindi ay nakalito sa mga doktor sa loob ng maraming taon. Ang pagbuo ng mga bató ay maaaring mangyari sa maraming kadahilanan. Kabilang dito ang mga diperensiya sa metabolismo ng katawan, impeksiyon, namanang mga sakit, talamak na pagkatuyo ng katawan, at pagkain.

Halos 80 porsiyento ng mga bató sa bató ay nailalabas sa panahon ng pag-ihi. Upang matulungang ilabas ang mga ito, ang mga pasyente ay hinihimok na uminom ng maraming tubig. Bagaman ang mga bató ay maliit lamang, halos hindi makita, ang kirot ay napakatindi. Kung magkaroon ng bara sa daanan ng ihi o napakalaki ng isang bató upang makaraan (ang mga ito ay maaaring maging kasinlaki ng bola sa golf), kailangan ang medikal na paggamot upang mapanatili ang kalusugan ng pasyente.

Bagong mga Paggamot

Hanggang noong 1980, isang malaking operasyon ang kinakailangan upang alisin ang mga bató sa bató na hindi makalabas sa ganang sarili. Upang marating ang bató na nasa bató o nasa daanan ng ihi, isang masakit na hiwa, mga 30 centimetro ang haba, ang ginagawa sa tagiliran. Ang operasyon ay karaniwang sinusundan ng dalawang-linggong pagpapagaling sa ospital at humigit-kumulang dalawang buwan ng pagpapagaling sa bahay. Subalit “sa bagong mga pagsulong sa teknolohiya,” ang medikal na aklat-araling Conn’s Current Therapy (1989) ay bumabanggit, “ang pangangailangan para sa pag-aalis ng bató sa pagbubukas sa tagiliran sa pamamagitan ng operasyon ay bihira.”

Sa ngayon, ang mahihirap na bató ay maaaring alisin sa pamamagitan ng isang pamamaraan na gumagamit lamang ng kaunting operasyon. Ang isa pang pamamaraan na mas karaniwang ginagamit ngayon, tinatawag na extracorporeal shock wave lithotripsy (ESWL), ay hindi na kailangan ang operasyon. Binabanggit ang lahat ng bagong medikal na pagbabagong ito, ang Conn’s Current Therapy ay nagsasabi na ang malaking operasyon “ay malamang na 1 porsiyento lamang ng lahat ng pag-aalis ng [mga bató sa bató].”

Isang Pamamaraang May Kaunting Operasyon

Ang pamamaraang ito na gumagamit lamang ng kaunting operasyon ay tinatawag kung minsan na percutaneous ultrasonic lithotripsy. Ang “percutaneous” ay nangangahulugang “ipinararaan sa pamamagitan ng balat,” at ang “lithotripsy” ay literal na nangangahulugang “pagdurog.” Ang tanging operasyong kinakailangan ay isang-centimetrong hiwa sa tagiliran. Sa pamamagitan ng bukasang ito isang tulad-cystoscope na instrumento na tinatawag na nephroscope ay ipinapasok. Ang loob ng bató at ang nakabarang bató ay maaaring makita sa pamamagitan ng scope.

Kung ang bató ay napakalaki upang alisin sa pamamagitan ng nephroscope, isang ultrasonic na instrumentong pansubok ang ipinadaraan sa pamamagitan ng isang alulod sa loob ng scope at patungo sa bató. Pagkatapos, upang madurog ang bató o mga bató, ang hungkag na instrumentong pansubok ay ikinakabit sa isang ultrasound na genereytor na nagpapangyari sa instrumentong pansubok na yumanig ng humigit-kumulang 23,000 hanggang 25,000 ulit sa isang segundo. Ang ultrasonic na mga alon ay nagpapangyari sa instrumentong pansubok na kumilos na parang isang jackhammer, binabasag ang lahat ng matitigas na bató na makita nito.

Ang patuloy na pagsipsip sa pamamagitan ng instrumentong pansubok ay literal na sumisipsip sa loob ng bató, sa gayo’y inaalis ang maliliit na piraso ng bató. Ang proseso ng pagpiraso at pagsipsip ay nagpapatuloy hanggang sa isiwalat ng maingat na pagsusuri na ang lahat ng bató ay naalis sa pamamagitan ng instrumentong pansubok.

Gayunman, kung minsan may mga piraso pa rin ng bató na hindi makilos. Sa ganiyang kaso, maaaring ipasok ng doktor sa pamamagitan ng nephroscope ang isang manipis na tubo na may munting aparatong pansipit na nakakabit dito. Sa gayon ay maaaring buksan ng doktor ang pansipit, sunggaban ang bató, at hilahin ito palabas.

Habang umuunlad ang operasyong percutaneous, maraming paraan ang sinubok. Mga ilang taon lamang ang nakalipas, ang Urologic Clinics of North America ay nagsabi: “Ang percutaneous na bagong mga paraan ng pag-alis ng bató ay waring lumilitaw sa bawat bagong labas buwan-buwan ng mga babasahing pangmedisina.” Ang probabilidad ng tagumpay ng pamamaraan, sabi ng babasahin, “ay iba-iba ayon sa laki at posisyon ng bató.” Subalit ang pinakamahalagang salik, sabi ng babasahin, ay “ang kasanayan at ang karanasan ng tumitistis.”

Bagaman ang sapat na lakas ay nililikha upang durugin ang mga bató, ang pamamaraan ay lubhang ligtas. “Ang pagdurugo ay hindi naging malaking problema,” sabi ng Clinical Symposia. Gayunman, isang ulat ang nagsasabi na may malakas na pagdurugo sa halos 4 na porsiyento ng mga pasyente.

Kabilang sa mga bentaha ng pamamaraang ito ay ang kaunting hirap at mas maikling panahon ng pagpapagaling. Sa karamihan ng mga kaso tanging lima o anim na araw lamang ang ginugugol sa ospital, na ang ilang pasyente ay umuuwi pagkaraan lamang ng tatlong araw. Ang bentahang ito ay lalong mahalaga sa mga naghahanap-buhay, na maaari nang magbalik sa trabaho paglabas nila sa ospital.

Paggamot na Walang Operasyon

Isang kahanga-hangang bagong paggamot na ipinakilala sa Munich, Alemanya, noong 1980, ay tinatawag na extracorporeal shock wave lithotripsy. Ito’y gumagamit ng isang mataas-enerhiyang mga shock wave upang basagin ang mga bató nang walang anumang hiwa.

Ang pasyente ay ibinababa sa loob ng isang hindi kinakalawang na bakal na tangke na kalahati ang lamáng maligamgam na tubig. Siya ay maingat na ipinupuwesto upang ang bató na ginagamot ang pokus ng mga shock wave na gagawin ng isang spark discharge sa ilalim ng tubig. Ang mga alon ay agad na dumaraan sa malambot na himaymay ng tao at nakararating sa bató nang hindi nawawala ang anumang lakas nito. Patuloy na binobomba nito ang bató hanggang sa ito ay magkadurug-durog. Pagkatapos madaling inilalabas ng karamihan ng mga pasyente ang mga labí ng bató.

Noong 1990, ang ESWL ay ginagamit sa halos 80 porsiyento ng lahat ng pag-aalis ng bató. Ang Australian Family Physician ay nag-ulat noong nakaraang taon na sapol nang ipakilala ang bagong pamamaraang ito, “mahigit na 3 milyong pasyente sa buong daigdig ang ginamot sa mahigit na 1100 makina, na ginagamit ang iba’t ibang shock-wave na mga genereytor upang durugin ang mga bató sa bató.”

Bagaman ang ESWL ay lumilikha ng ilang trauma sa dako ng bató, ang Australian Family Physician ay nagpapaliwanag: “Bihira nitong pinsalain ang kalapit na mga sangkap gaya ng palî, atay, lapay at bituka. Ang epekto ng panandaliang trauma ay madaling napagtitiisan na may kaunting pinsala sa mga pasyente at karamihan ng mga pasyente ay nagrereklamo lamang ng bahagyang [kirot sa kalamnan at buto] sa tabiki ng sikmura at bahagyang [dugo sa ihi] sa loob ng 24 hanggang 48 oras pagkatapos ng terapi.” Kahit na ang mga bata ay matagumpay na nagamot. Ang babasahing ito sa Australia ay naghinuha: “Pagkaraan ng 10 taon ng pagtatasa ang ESWL ay waring lubhang ligtas na paggamot.”

Oo, ang paggamot ay napakabisa anupat ang Conn’s Current Therapy noong nakaraang taon ay nagsabi: “Pinahintulutan ng (ESWL) ang sintomatikong mga bató na maalis nang napakadali at kaunti lamang ang masamang epekto anupat ang mga pasyente at mga manggagamot ay hindi gaanong mahigpit sa panlaban na pangangalaga at paggamot sa sakit sa bató.”

Gayunman, ang mga bató sa bató ay isang makirot na sakit na tiyak na ayaw mo. Ano ang magagawa mo upang hadlangan ito?

Pag-iingat

Yamang ang mga bató sa bató ay kadalasang bumabalik, kung nagkaroon ka na nito, makabubuting sundin mo ang payong uminom ng maraming tubig. Ang pag-ihi ng mahigit na dalawang litro sa bawat araw ay iminumungkahi, at iyan ay nangangahulugan ng pag-inom ng maraming tubig!

Karagdagan pa, makabubuting baguhin ang iyong pagkain. Iminumungkahi ng mga doktor na takdaan ang pagkain mo ng pulang karne, asin, at mga pagkaing maasin, na pinaniniwalaang nakatutulong upang magkaroon ng mga bató. Kabilang sa mga pagkaing ito ang mga nuwes, tsokolate, paminta, at luntiang mga gulay, gaya ng espinaka. Dati’y iminungkahi ng mga doktor ang pagbawas ng pagkain ng kalsiyum, subalit sa halip ay ipinahihiwatig ng pananaliksik kamakailan na ang pagdagdag ng kalsiyum sa pagkain ay waring nakababawas sa pagkakaroon ng mga bató.

Gayunman, sa kabila ng lahat ng pag-iingat mo, kung ikaw ay magkaroon ng isa pang bató sa bató, maaaring nakaaaliw na malaman na may pinagbuting mga paraan upang gamutin ito.

[Larawan sa pahina 21]

Walang operasyong paggamot sa mga bató sa bató na ginagamit ang isang makinang tinatawag na lithotripter

[Credit Line]

S.I.U./Science Source/PR

[Picture Credit Line sa pahina 20]

Leonardo On The Human Body/Dover Publications, Inc.