Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mula sa Aming mga Mambabasa

Mula sa Aming mga Mambabasa

Mula sa Aming mga Mambabasa

Karalitaan sa Kanluran Sa inyong Disyembre 22, 1992 na labas, isang balita sa “Pagmamasid sa Daigdig” (“Mahihirap na Bata sa Amerika”) ay nagsabi: “Ang Estados Unidos, isa sa pinakamayamang bansa sa daigdig, ay tahanan din ng ilang pinakamahihirap na mga bata.” Ito’y nakapanlilinlang. Maraming mahihirap na bata sa maraming bansa na ituturing ang karamihan ng mahihirap na bata sa Amerika na mayayaman. Totoong kalunus-lunos na maraming bata sa Amerika ang nagdurusa. Subalit taglay man ang lahat ng yaman na makukuha, ito’y dahilan sa nakahihiyang kapabayaan ng kanilang mga magulang.

W. H., Estados Unidos

Bagaman maraming matitinding kalagayan ng karalitaan ang makikita sa Estados Unidos, hindi namin ipinahihiwatig na ang pamantayan ng pamumuhay sa gitna ng mga ipinapalagay na mahirap sa bansang iyan ay sa pangkalahatan katulad niyaong mga nagdarahop sa ibang mga lupain. Ang bagay na umiiral ang malaganap na karalitaan sa anumang anyo sa gayong masaganang bansa ay nakababahala. Totoo, ang ilang bata ay nagdurusa dahil sa kapabayaan ng mga magulang. Gayunman, maraming magulang ay walang taglay na kinakailangang mga kasanayan upang mapabuti ang kanilang kalagayan ni mayroon mang kabuhayan na tinatamasa ng iba.​—ED.

Karahasan sa Pamilya Nais ko kayong pasalamatan nang lubos sa seryeng “Magwawakas Pa Kaya ang Karahasan sa Pamilya?” (Pebrero 8, 1993) Sa nakalipas na 10 taon sa 22-taon ng aking pag-aasawa, tiniis ko ang karahasan sa pamilya. Ang sikolohikal na pag-abuso ang pinakamasama. Nakapanlilinlang, subalit sistematiko, ang iyong katauhan ay nasisira sa isang antas anupat hindi ka na makahihingi pa ng tulong. Humantong ako sa punto na naisip ko pa nga ang pagpapatiwakal. Sa dakong huli ay iniwan ko ang aking asawang lalaki, at ngayon ako’y namumuhay mag-isa. Subalit ako ay napalakas at naaliw ng mga artikulo ng inyong magasin.

B. S., Alemanya

Ang aking ina ay isang biktima ng pisikal na pag-abuso ng aking ama, at kaming tatlong anak ay labis na naliligalig tungkol dito. Sa tuwing binubugbog niya ang aking ina, para bang kami ang kaniyang binubugbog. Tunay na kakaunti lamang ang nakauunawa kung paano mabuhay sa isang pamilya na pinangingibabawan ng karahasan at pagkapoot, kung saan wala nang pag-uunawaan at pag-ibig. Kami ay napasigla sa pagkaalam na may isang nakauunawa sa amin.

T. G. D. A., Italya

Nakapagpapasigla na makitang ang artikulong ito ay hayagang tinalakay. Ako’y nagtiis ng 14 na taon kasama ng isang mapang-abusong asawa na nag-aangking isang Kristiyano. Malimit na ako’y sabihan niya na kailangang iwasan kong siya’y magalit. Napakaimposible niyan! Sa wakas, iniwan ko siya. Salamat sa inyong mga artikulo; ang mga ito’y nakapagpapasigla at maaaring makatulong sa iba na hindi pa kailanman nasuntok, nasipa, o naluraan upang maunawaan ang tinitiis naming emosyonal na mga sugat.

L. T., Estados Unidos

Ang mga artikulo ay tumagos sa puso ng maraming babae na nakadama na nag-iisa at napahiwalay; ang damdamin ng pagkatakot at pagkapahiya ang nagpakimi sa amin. Tinulungan ninyo kami na maunawaan na salungat sa sapilitang pinaniwalaan namin, hindi namin ginustong mangyari ito.

B. A., Estados Unidos

Mga ilang linggo na ang nakalipas mula nang dumating ang kopya ko ng Gumising! Maraming ulit akong nanalangin para lamang ilabas ko ang magasin mula sa balot nito at mga araw bago ko sa wakas napilit ang aking sarili na basahin ito. Maraming salamat sa pagtalakay sa labas na ito! Ako’y isang biktima ng karahasan sa pamilya. Minsan ako’y may kalupitang binugbog ng aking asawang lalaki habang ako’y tulog; nangailangan ito ng plastic surgery upang ayusin ang aking mga pisngi. Ako’y nakatakas mula sa kaniya sa tulong ng pulisya at ng mabait na pamilyang Kristiyano na nakatira sa malapit. Siya ay nasentensiyahang makulong sa loob ng ilang buwan. Ako ngayon ay napakasal na muli sa isang mahusay na Kristiyano.

P. H., Estados Unidos