Nyalaland—Isang Paraiso na Hindi Pa Napakikialaman ng Tao
Nyalaland—Isang Paraiso na Hindi Pa Napakikialaman ng Tao
Ng kabalitaan ng Gumising! sa Timog Aprika
ISANG naiibang katuwaan para sa aming walong tagasiyudad!
Kami’y nasa Nyalaland—isang lugar ng malawak na lakarín sa kahilagaan ng Kruger National Park sa Timog Aprika. Ang pangalan ay mula sa makisig na antelope na nakikita mo sa pahinang ito. Ito ang lalaking nyala.
Gabi noon, at kami’y nakaupo sa palibot ng isang sigâ habang kumakain ng nilagang buffalo. Sa palibot ng kasukalan ay may mga elepante, leon, leopardo, buffalo, at iba pang naglalakihang hayop. Subalit nadarama naming ligtas kami sa ilalim ng pangangasiwa ng dalawang tanod-gubat. Ang totoo, ipinagugunita namin sa aming mga sarili na mas ligtas dito kaysa mamuhay sa isang siyudad na punung-punô ng krimen o maglakbay sa isang matrapik na lansangan.
“Narinig ba ninyo ang huni ng kuwago?” tanong ni Kobus Wentzel, ang nangangasiwang tanod-gubat. Buong-kasanayáng inulit niya ang huni, prrrrup. “Iyan,” dugtong niya, “ang karaniwang huni na maririnig sa lugar na ito. Sa ating paglalakad bukas, ituturo ko ang ilang ibon, kaya dalhin ninyo ang aklat ng mga ibon.”
Ang Nyalaland ay isa ring paraiso para sa mga botaniko. Iilan lamang sa lupa ang may ganitong sari-saring halaman. Ang dahilan, ayon sa Reader’s Digest Illustrated Guide to the Game Parks and Nature Reserves of Southern Africa, ay na “siyam sa pangunahing mga ecosystem ng Aprika” ang natipon sa kahilagaan ng Kruger Park. “Dito,” sa pagpapatuloy ng aklat, “nagtatagpo ang mahalumigmig na lupa at ang tigang na kasukalan, ang kagubatan at ang lantad na kapatagan, ang bato at ang makapal na buhangin.” Mga 400 kilometro kudrado ng walang-katulad na lugar na ito ang ibinukod bilang lakaríng landas ng Nyalaland. Maliban sa ilang tauhan ng kampo, wala nang iba pang nakatira rito, at walang mga kalsada para sa mga turista.
Nagsisikap na makakain si Kobus ng hapunan habang sinasagot ang marami naming katanungan. Siya’y natapos ng Master of Science sa University of Pretoria, kung saan pinag-aralan niya ang pangangasiwa sa mga hayop-gubat, soolohiya, at botanika. Agad namin nalaman na ang kaniyang kaalaman ay hindi sa teoriya lamang.
“Nakasagupa ka na ba ng mababangis na hayop?”
“Ilang ulit na rin akong dinaluhong upang takutin,” sagot ni Kobus, “ngunit hindi kailanman ng isang hayop na talagang may intensiyong patayin ako.”
“Kapag dumaluhong ang isang leon, papaano mo malalaman na iyo’y pananakot lamang?”
“Kapag tumigil ito sa pagtakbo nang mga apat o limang metro [4 o 5 yarda] mula sa iyo,” sagot niya.
Ang mga tanod-gubat na katulad ni Kobus ay sinanay na huwag masindak kapag dumadaluhong ang isang hayop. Ipinaliwanag niya: “Hinahamon ka nila, at sinusubok mo ang hayop. Ang isang karaniwang situwasyon ay maaaring isang babaing leon na may mga anak o isang lalaking leon na nanliligaw. Sa pagdaluhong, waring sinasabi ng hayop na, ‘Bawal pumasok dito—pinakikialaman mo ako, at mabuti pang umalis ka na.’ Samantala, nakakasá na ang aking baril at nakahanda na ako. Lagi akong gumuguhit ng linya sa aking isip. Kapag lumampas siya sa guhit na iyon, kung gayon dapat na akong magpaputok. Pero sa aking karanasan lagi silang tumitigil doon, at hindi kailanman ako nangailangang kumitil ng alinmang hayop sa daan.”
Maliwanag, si Kobus ay hindi nangangaso upang ipagparangalan na parang tropeo. Naging interesado kami sa kaniyang paggalang sa mga hayop-gubat. Ngunit gumagabi na, at kinabukasan ay dapat na gumising kami nang maaga. Pagkatapos na magpáalamán, kami’y natulog sa apat na maliliit na korteng-A na bunggalo na may atip na kugon at nakapatong sa tiyakad.
Pagsapit ng 4:45 n.u., ginising na kami ni Wilson, ang kusinero ng kampo. Pagkatapos
ng masayang almusal kami’y nagbiyahe hanggang sa lugar na pasisimulan na namin ang paglalakad. Nagpasalamat kami nang makita ang makulimlim na langit. Sa maaliwalas na tag-araw, ang temperatura ay umaabot sa mahigit na 40 digris Celsius.Para sa ilan sa amin, ito’y isang ganap na naiibang karanasan. Sa simula ay medyo kinakabahan kami na baka makatapak ng ahas o daluhungin ng isang mailap na hayop. Subalit di-nagtagal ang pagkatakot na iyon ay napalitan ng pagkadama ng paghanga sa malawak na kapaligiran na nababalutan ng luntiang mga punungkahoy hanggang sa natatanaw ng mata. Ang kasukalan ay punung-punô ng pag-aawitan ng mga ibon at pagkakaingay ng mga kulisap. Ah, napakasarap langhapin ang sariwa, malinis na hangin!
Sa pana-panahon, si Kobus at ang kaniyang katulong, si Ellion Nkuna, ay humihinto upang ipakita sa amin ang ilang kawili-wiling bagay, gaya ng isang hanay ng mga sundalong langgam o ang mga bakas ng isang hayop. Nakarating kami sa isang punungkahoy na may punso ng anay sa palibot ng punò. “Ito,” paliwanag ni Kobus, “ay isang punò ng nyala berry. Karaniwang makikita ang mga ito na tumutubò sa mga bunton na ginawa ng mga anay. Ang paggagalawan ng mga anay ay nakapagpapatabâ ng lupa, at sa gayo’y nakikinabang ang punungkahoy.”
Pagkaraan ng isang oras na paglalakad, naraanan namin ang isang punungkahoy na itinumba ng elepante. “Bagaman ito’y isang matibay na punungkahoy,” paliwanag ni Kobus, “hindi ito hadlang sa elepante. Basta dinaraanan niya ito. Madalas nilang ginagawa ito. Maaaring ito’y magmukhang negatibo, ngunit may positibong mga bagay rin naman. Sa loob ng ilang buwan, tiyak na mamamatay ang punungkahoy na ito. Habang nabubulok, ito’y naglalaan ng pagkain para sa maliliit na organismo at naglalabas ng mga mineral para sa lupa.”
“Sa palagay ko,” dagdag ng isa sa aming kasamahan, “kung hindi mapipigil ang pagdami ng elepante, ang isang lugar na gaya nito ay magiging damuhan.”
“Tama iyan,” sagot ni Kobus. “Walang matitirang punungkahoy. Sa Kruger Park, sinisikap namin na panatilihing mga 7,500 ang populasyon ng mga elepante, na, ayon sa alam namin sa ngayon, ay siyang kayang suportahan ng Kruger.”
Pagkatapos ay may nakapansin sa isang maliwanag na bakas sa lupa. Bigla kong naibulalas: “Sa leopardo iyan!”
“Hindi,” ang sabi ni Kobus, “iyan ay sa hyena. Pansinin na iya’y di-proporsiyonal, o pahabang bakas ng paa. Gayundin, nakikita ninyo ang marka ng kuko dahil ang hyena ay parang aso. Hindi nila naiuurong ang kanilang mga kuko. Ngayon, kung itutulad ninyo ito sa bakas ng pusa, gaya ng leopardo o leon, madaling makita ang pagkakaiba. Ang bakas ng pusa ay proporsiyonal, alalaong baga’y, pabilog at walang marka ng kuko sapagkat napauurong ng pusa ang kanilang mga kuko. Gayundin, kung titingnan ninyo ang pinaka-almohadon ng paa, mayroong dalawang bahagi kung hyena, samantalang ang mga hayop na parang pusa ay may mas malalaking pinaka-almohadon na may tatlong bahagi.”
Ngayon ay nakararamdam na kami ng gutom. Kaya umupo kami sa malaking punso ng anay at nasiyahan sa kaunting meryenda na pasan naming mga kalalakihan. Pagkatapos, lumakad kami palapít sa isang burol na pinaakyat sa amin ni Kobus. Sa kalagitnaan ay nagpahinga kami sa ilang malalaking bato at nasiyahan sa marilag na tanawin ng mga halaman at mga punungkahoy na nakakalat sa malawak na kapatagan patungo sa hanay ng mga bundok sa malayong abot ng tanaw. Ipinaalaala
sa amin ni Kobus na ang aming natatanaw ay likha ng kalikasan, tunay na hindi pa napakikialaman ng mga tao ng ika-20 siglo. Ngunit sa tuktok ng burol, nagulat kami nang makakita ng isang landas na waring madalas-daanan ng tao.“Ito ay daanán ng elepante,” sabi ni Kobus.
Gayunman, nagtataka ako kung bakit tiyak na tiyak niyang mga hayop, at hindi mga tao ang may gawa niyaon. Habang iniisip ko ito, ang may matalas-na-matang si Ellion ay nakakita ng katibayan. Nakapulot siya ng isang lumang pangil ng elepante.
“Marahil ay deka-dekada na ang edad nito,” sabi ni Kobus.
“Buweno,” ang pag-amin ko, “iyan ay waring katibayan na napakatagal nang panahon ang nakalipas mula nang may taong nagdaan sa lugar na ito, dahil walang taong basta iiwanan ang ganitong kahalagang bagay.” Inilagay ni Ellion ang pangil sa kaniyang bag sa likod upang ibigay sa mga awtoridad ng Kruger Park.
Madaling lumipas ang oras, at halos katanghaliang tapat na nang makita namin ang sasakyang Land-Rover. Kami’y lumibot ng halos labing-isang kilometro. Nang makabalik kami sa kampo, nasumpungan namin na naghanda ng tanghalian si Wilson, na buong-pasasalamat na inubos namin. Pagkapahinga nang bandang hapon naglakad-lakad kami sa tabi ng Ilog Luvuvhu.
Dito ang tanawin ay kahanga-hanga, may makakapal na halaman at naglalakihang punungkahoy, gaya ng sycamore fig na may nakabibighaning pilipít na mga hugis. Pagkatapos na matutuhan ang mga pangalan at mga katangian ng sari-saring punungkahoy, nadaanan namin ang isang pangkat ng mga baboon na maingat na nakasilip sa amin sa likod ng mga halaman. Pagkatapos ay naupo kami sa isang malaking bato na mula roo’y matatanaw ang ilog.
Habang pinakikinggan namin ang lagaslas ng tubig, tinawag ni Ellion ang aming pansin sa apat na babaing nyala na patungo sa ilog sa likuran namin. Mabuti na lamang, ang hangin ay patungo sa aming kinaroroonan, kaya hindi nila kami naaamoy. Pinagmasdan namin ang magagandang antelope na ito habang sila’y humihinto paminsan-minsan upang manginain mula sa mga halaman. Pagkaraan ng mga sampung minuto, napansin kami ng isa sa mga ito at nananakot na kumahol. Karaka-kara, ang lahat ay kumaripas ng takbong papalayo.
Samantala, ang ilang usyoserong baboon ay medyo lumalapit, at narinig namin ang waring labis na pagpapalahaw ng isang bata. Maaaring pinalo ito ng ina dahil sa paglapit nito. Naguguniguni namin na sinasabi niya: ‘Huwag na huwag kang lalapit muli sa mga taong iyon!’
Dumidilim na, kaya dapat na kaming bumalik sa kampo. Nang kami’y makabalik, nagsimula nang umulan, kaya naghapunan kami sa isang magandang kubo na walang dingding. Pinakinggan namin ang banayad na tikatik ng ulan na nasalit-salitan ng ingay ng mga halaman. Nasa paligid lamang ang mababangis na hayop, at muling nauwi ang usapan hinggil sa mga leon. Tinanong namin si Kobus kung ilang beses na siyang nakasalubong ng leon sa daan.
“Mga 70 beses na,” sagot niya.
“Kapag ganoon, ano ang kadalasang reaksiyon?”
“Karaniwan na,” sagot ni Kobus, “pareho silang nagugulat. Maglakad-lakad kayo sa isang lugar, gaya nang ginawa natin kanina, na umaasang makakakita ng hayop, nang walang anu-ano, mga ilang metro sa harapan ninyo, ay may isang pangkat pala ng mga leon na nagpapahinga sa lilim.
Tumingin sila sa inyo, at nakita ninyong nanlalaki ang kanilang mga mata na para bang hindi sila makapaniwala sa kanilang nakikita. Ang aking mga mata,” pagtatawa ni Kobus, “ay marahil nanlalaki rin. Pagkatapos ay sinasabi ko sa mga naglalakad: ‘Halikayo dali! tingnan ninyo!’ Pagkatapos, makakarinig kayo ng dalawa o tatlong ungol, at saka sila lalayo. Mas takot sila sa atin kaysa tayo sa kanila.“Minsan naman, makakasagupa kayo ng mga babaing leon na may mga anak, at kung magkagayon ito’y ibang istorya naman. Sa halip na ungol, makaririnig kayo ng isang mahabang nananakot na pag-atungal, at makikita ninyo ang kaniyang buntot na pahampas-hampas sa magkabilang tabi. Ikinakasa ko ang aking baril at sinasabihan ang mga naglalakad na tumayong tahimik. Pagkatapos umaatras kami sa maayos na paraan, na hindi inaalis ang aming tingin sa hayop at hindi tumatalikod.”
Kinaumagahan, naglakad-lakad kami sa magandang Mashikiripoort—isang makitid na bangin na may matatarik na batong magkaharap sa magkabilang tabi. Sa wakas ay nakarating kami sa isang burol na may yungib. Bago umakyat, naghagis si Ellion ng isang bato, na kumalansing nang malakas. “Bumato ako,” paliwanag niya nang bandang huli, “baka sakaling may mga leon o ibang mapanganib na hayop. Magbibigay iyon ng pagkakataon na sila’y makatakas.”
“Kung hindi,” dagdag ni Kobus, “baka may masukol kayong mapanganib na hayop, at diyan kayo magkakaproblema.” Pagdating natin sa yungib, doon, sa isa sa mga pader na bato, ay may larawang iginuhit ng taong-gubat. Iyon ay isang giraffe na ayon kay Kobus ay iginuhit dalawang daang taon na ang nakararaan.
Habang naglalakad, nakakita rin kami ng mga kawan ng mga giraffe, wildebeest, at zebra. Kapag nasa sasakyan, makalalapit kayo sa mga nilalang na ito, ngunit kung naglalakad, kapag ang hangin ay patungo sa kanila, tiyak na maaamoy nila kayo at kakaripas ng takbo bago kayo makalapit. Pinakinggan namin ang mga yabag ng papalayong kawan ng mga zebra, at naalaala ko ang katotohanan ng mga salita sa Bibliya: “Ang takot sa inyo at sindak sa inyo ay magpapatuloy sa bawat nabubuhay na nilalang sa lupa.”—Genesis 9:2.
Sa ngayon ay natutuhan naming pahalagahan ang kakayahan ni Ellion na makatunton ng mga hayop at makilala ang kanilang bakas. Siya’y mula sa bansang Tsonga—mga taong kilala sa pagtunton sa mga hayop at sa mga bakas nito. Itinanong namin ang tungkol dito.
“Nagsimula akong matuto nang ako’y bata pa at nagpapastol ng mga baka,” ang paliwanag niya.
Nang bandang huli, sa aming huling paglalakad sa hapon, si Ellion ang siyang nagparinig sa amin ng ungol ng mga hippo. Di-nagtagal nakarating kami sa isang lugar na mula roo’y matatanaw ang ilog. Tulad ng inaasahan, naroon sa tubig ang pangkat ng mga hippo. Marami ang nagsasabing ang hippo ang pinakamapanganib na hayop sa Aprika. Ngunit natuto na kaming magtiwala sa aming maingat, sanáy na mga tanod-gubat. Tahimik na kami’y naupo sa tabing-ilog at nagmasid. Paminsan-minsan, inilulubog ng hippo ang kaniyang ulo sa tubig. Kapag inaakala naming nawala na ang isa, bigla itong aangat, sumisingasing at nagsasaboy ng tubig mula sa kaniyang malalaking butas ng ilong. Pagkatapos, sabay-sabay na maririnig ang kanilang di-malilimot na malakas na ungol at ibinubuka ang kanilang napakalalaking bibig.
Pagkatapos na mawili sa ganitong nakatutuwang kilos sa loob ng mga kalahating oras, halos hilahin kaming pauwi dahil maggagabi na. Nang gabing iyon, habang nakaupo kami sa palibot ng sigâ, inisa-isa namin ang mayayamang karanasan sa nagdaang dalawang araw. Nagagalak kaming malaman na mayroon pa rin sa lupa ng di-napakikialaman, magagandang lugar na gaya nito. Kung tungkol sa hinaharap, naaaliw tayo sa pangako ng Bibliya na, bago maging huli ang lahat, mamamagitan ang Diyos at ililigtas ang lupa mula sa pagkapahamak. Pagkatapos, hindi lamang ang Nyalaland kundi ang buong lupa ay makikinabang sa tiyak na pangako ng Diyos: “Narito! ginagawa kong bago ang lahat ng mga bagay.”—Apocalipsis 11:18; 21:3-5; Isaias 35:5-7.