Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pagmamasid sa Daigdig

Pagmamasid sa Daigdig

Pagmamasid sa Daigdig

Loterya sa Numero

Sa loob ng maraming taon, sinabi ng mga pangkat na nagtataguyod sa mga karapatang pansibil ng mga homosekso sa Estados Unidos na ang 10 porsiyento ng populasyon ay binubuo ng mga homosekso. Ang mataas na bahagdan ay naging malakas na impluwensiya upang gamitin sa pulitikal na panggigipit. Subalit ang 10-porsiyentong bilang, salig sa mga pagsusuri ni Alfred Kinsey sa seksuwalidad ng tao noong dekada ng 1940 at 1950, ay sumasailalim kamakailan sa matinding pagsisiyasat. Nag-uulat ang magasing Newsweek: “Ang pinakahuling mga pagsusuri ay naglalagay sa mga bakla at mga tomboy sa pagitan ng 1 at 6 na porsiyento ng populasyon.” Bakit napakataas ng bilang ni Kinsey? Waring ang kaniyang surbey ay pangunahin nang nakatuon sa mga institusyong gaya ng paaralan, bilangguan, at ospital, na hindi naman maaaring kumatawan sa populasyon sa kabuuan. Sinisipi ng Newsweek ang sosyologong si Pepper Schwartz ng University of Washington na nagsasabi tungkol sa 10-porsiyentong bilang, “Hindi ito totoong bilang.”

Nabubuhay na Higante

Ano ang pinakamalaking nabubuhay na bagay sa ating planeta? Noong 1992 inakala ng ilan na kanilang nasumpungan ang bagay na angkop para sa titulo: isang higanteng fungus (halamang-singaw) na sumasakop ng halos 12 ektarya sa pinakasahig ng kagubatan sa Michigan, E.U.A. Gayunman, nag-ulat kamakailan ang magasing Nature tungkol sa maaaring maging lalong mahigpit na kalaban nito: isang pangkat ng mga punong aspen sa Utah. Ang mga punong ito ay pawang artipisyal na pinarami, magkakatulad sa henetiko. Bawat isa sa 47,000 puno ay tumutubo sa isa lamang sistema ng ugat. Inilarawan ito ng siyentipikong si Dr. Jeffry Mitton ng University of Colorado bilang nag-iisang organismo “na literal na gumagapang sa kabundukan at parang.” Ito’y tinatayang sumasakop ng 43 ektarya at tumitimbang ng halos 6 na milyong kilo. Bagaman ang mga punong lumalaki sa malalawak na lugar ay nabubuhay sa katamtamang 65 taon, ang organismo sa kabuuan ay maaaring mabuhay ng libu-libong taóng gulang.

Hindi pa Napakatanda

‘Ikaw ay hindi pa napakatanda upang matuto.’ Upang bigyang halimbawa ang matandang kasabihang ito, si Bernabé Evangelista, isang masiglang 93-taóng-gulang, ay umaasam na makatapos sa kaniyang pag-aaral sa pamantasan sa loob ng dalawang taon. Siya’y nag-aaral ng sining sa University of Valencia, sa Espanya, at ang kaniyang kasikhayan sa kaniyang mga pag-aaral ang siyang ipinagtamo niya ng natatanging akademikong tagumpay. “Ang pag-aaral ang siyang pinakamagandang bagay,” sabi ni Bernabé, na dumarating sa pamantasan ng alas otso tuwing umaga at kalimitang natatapos sa kaniyang panggabing mga klase hanggang alas nuwebe ng gabi. Naniniwala si Bernabé na ang matatanda ay may mahusay na pagkakataon para mag-aral. “Ito ang panahon sa iyong buhay na mayroon kang oras na gawin iyon,” aniya. Sinabi pa ng kaniyang asawa na ang pagiging abala ay nagbibigay ng layunin sa kaniyang buhay.

Pagtutunaw sa Yelo at ang Polusyon

Ang pagtutunaw sa yelo sa mga eroplano at sa mga runway, na napakahalaga sa ligtas na mga paglipad, ay nagdudulot ng di-kanais-nais na epekto: polusyon. Iniuulat ng magasing New Scientist sa Britanya na mahigit sa 50 milyong litro ng mga likidong pantunaw ng yelo ang ginagamit sa mga paliparan sa daigdig sa bawat taon, at ang pag-agos ng likido ay kalimitang nagpaparumi sa tubig sa ilalim ng lupa at sa mga daanan ng tubig, na dahilan ng pagtubo ng makapal na nakalalasong lumot at pumapatay ng isda. Ang ilang paliparan sa Europa ay gumawa ng mahuhusay na paraan upang masugpo ang polusyon. Sa paliparan sa Stockholm, sinasaid ng mga sasakyang gumaganang tulad ng mga vacuum cleaner ang labis sa likidong pantunaw mula sa mga eroplano. Ang paliparan sa Munich ay naglalagay ng isang malaking makina na dumaraan sa palibot ng eroplano na gaya ng de makinang panghugas ng kotse, na nagbubuga ng likido at tinitipon ang labis, na siyang ginagamit muli. Ang mga runway sa Munich ay napupunô ng kemikal na agos, na tumatagas sa nakabaóng graba at sa mga buhanginan, kung saan ang mga ito ay nilalagyan ng baktirya na bumubulok dito at ginagawa itong di-nakapipinsala.

Salaming Pangkalawakan

Isang palagay na maaaring tila bungang-isip na siyensiya kaysa siyensiya ang naging makatotohanan noong nakaraang Pebrero nang ang Rusong mga cosmonaut ay naglagay at nagkadkad ng 20-metrong salamin mula sa umiinog na istasyong pangkalawakang Mir. Sinasabi ng ilang siyentipiko na ang mga salamin sa kalawakan ay maaaring magamit upang mapaaninag ang sinag ng araw patungo sa lupa kung gabi, sa gayo’y makatitipid sa mga bayarin sa kuryente at mapalalawig pa nga ang yugto ng pagtubo ng mga pananim. Pinaaninag ng salamin, na yari sa manipis na pohas ng Mylar, ang sinag ng araw patungo sa lupa, kung saan ang mga nagmamasid sa Russia, Pransiya, at Canada ay iniulat na nakakita nito. Namataan at nasubaybayan ng mga Rusong cosmonaut ang 4 na kilometrong lawak ng abot ng liwanag na isinasabog ng salamin sa madilim na planeta sa ibaba ng mga ito. Isang inhinyerong kasama sa proyekto ang nagpahayag na matagumpay ang eksperimento at nagmungkahi na ang susunod na hakbang ay isang 200-metrong salamin na may sariling sistema ng giya nito.

Pabor Na Pasiya ng Europeong Hukuman sa Griegong mga Saksi

Noong Mayo 25, 1993, natamo ng mga Saksi ni Jehova ang pinakamahalagang legal na pagwawagi sa isang pasiyang iginawad ng Europeong Hukuman ng Karapatang Pantao, na masusumpungan sa Strasbourg, Pransya. Nasangkot sa kaso ang isang 83-taóng-gulang na Saksi, si Minos Kokkinakis, na ipinagsakdal sa salang bawal na pangungumberte. Noong Marso 20, 1986, siya ay sinintensiyahan ng apat na buwang pagkabilanggo ng Lasithi na hukumang pangkriminal sa Crete. Gayunman, binaligtad ng Europeong Hukuman ang pasiya ng kaniyang hatol sa anim-hanggang-tatlong desisyon. Sa loob ng mahabang panahon ang pamahalaan ng Gresya, na matinding naimpluwensiyahan ng Greek Orthodox Church, ang siyang dahilan ng pagkaaresto ng libu-libong Saksi ni Jehova sa salang bawal na pangungumberte. Sa kalagayang ito nasumpungan ng Europeong Hukuman na nilabag ng pamahalaang Griego ang mga karapatan ni G. Kokkinakis sa ilalim ng Europeong Kombensiyon. Ang mahigit pang 26,000 Saksi sa Gresya ay umaasa na ang desisyong ito ang tatapos sa pag-uusig sa kanila at magpapahintulot ito na maipagpatuloy nila sa kapayapaan ang kanilang makatuwirang ministeryo.

Ketong sa Italya

Ang matagal nang salot na ketong, o Hansen’s disease, ay patuloy na sumasawi ng mga biktima sa modernong Europa. Ipinakikita ng bilang ng Italian Health Ministry na sa Italya lamang, may halos 410 na kilalang mga biktima ng sakit, na may apat o limang bagong mga kaso ang lumilitaw bawat taon. Sa isang komperensiya sa pangangalaga sa kalusugan na ginanap sa Lecco, Italya, isiniwalat na sa nakalipas na mga buwan 20 kaso ang itinala sa gitna ng mga dayuhan mula sa nagpapaunlad na mga bansa kung saan ang Hansen’s disease ay laganap. Ayon kay Antonio Sebastiani, patnugot ng Institute for Infectious and Tropical Diseases sa La Sapienza University, Roma, “mayroon pa ring ilang lugar sa Sardinia, Tuscany, at Liguria kung saan ang sakit ay umiiral.”

Misa Para sa mga Hayop

Waring ang mga hayop ay tumatanggap ng pantanging pansin kamakailan mula sa Italyanong klero. Ang relihiyosong orden ng mga Franciscano kamakailan ay nagparatang sa mga Jesuita ng pagiging mga “erehes” at “mga kaaway ng paglalang” dahil sa pagsasabi na ang mga hayop ay “walang kakayahang magmahal.” Ang Katolikong prelado na si Mario Canciani ay nagsabi ng ganito tungkol sa pangmalas ng iglesya: “Ang Iglesya [Katolika] ay bukás sa lahat ng nabubuhay na mga nilalang.” Kaya naman, ayon sa Italyanong pahayagan na La Repubblica, ang mga nagsisimba sa Roma ay matagal nang nagkakamit ng mga bendisyon para sa kanilang “mumunting alagang mga kaibigan.” Ipinatatalastas ang gayong okasyon, sinasabi ng pahayagan na “kasama niyaong lalong angkop na ilarawan bilang Kristiyano, ang mga pusa, aso, loro, kuneho, at lahat ng hayop na nagnanais ng bendisyon ay maaari ding dumalo sa misa.”

Kulang sa Tulog

“Ang mga taong kulang sa tulog ay nakalalakad, nakaririnig, at nakakikita na gaya ng iba. Gayunman, ipinakikita ng pananaliksik na ang kakayahang mangatuwiran, ang kakayahang magpasiya at manatiling alisto ay humihina,” sabi ng magasing Veja. Sinisipi ng artikulo ang mga dalubhasa na nagbababala sa mga panganib ng pagsala sa kinakailangang tulog. Ipinakikita ng isang surbey ni Dr. Denis Martinez, pangulo ng Brazilian Society for Sleep, na “2 sa bawat 10 aksidente sa trabaho ay dahil sa kakulangan ng tulog sa gabi.” Nagbabala si Dr. Martinez na ang mga may kakaunting tulog, “halimbawa, ang pagkakaroon ng tatlong trabaho, . . . ay nagsasakripisyo lamang ng kanilang kalusugan sa trabaho.”

Isinapanganib ng Pestisidyo ang Bansa ng Alak

Sa rehiyong Moselle ng gitnang Alemanya, na gumagawa ng kilala-sa-daigdig na mga alak, parami nang paraming mga nagtatrabaho sa ubasan ang nagdaranas ng mga sakit sa nerbiyo. Ang mga hardinero, magsasaka, at nangangalaga ng mga gubat ay nagpapakita ng magkakatulad na mga sintoma, ayon kay Peter Binz, isang neurologist mula sa Trier. May mataas na bilang din ng kanser sa bagà sa kahabaan ng Libis ng Moselle. Sa anong dahilan? “Sa palagay ni Binz, ang dahilan sa karamihan ng mga kaso ay ang paggamit ng mga pestisidyo sa halamanan,” ulat ng pahayagang Aleman na Süddeutsche Zeitung. Isiniwalat ng mga pagsisiyasat na “kasindami ng 90 porsiyento ng mga pestisidyong isinasabog ng pandilig o sa pamamagitan ng helikopter ay sumisingaw sa kapaligiran sa loob ng ilang oras at nalalanghap ng mga tao sa lugar na iyon.”

“Pamumuhay nang Mag-isa”

“Ang pamumuhay nang mag-isa ay nagiging labis na kanais-nais sa mga taga-Canada,” sabi ng The Toronto Star. “Para sa karamihan mayroon ngayong tiyak na pagkaakit sa pamumuhay nang mag-isa,” ipinakita ng isang ulat ng Statistics Canada noong 1992. Sa pagitan ng mga taóng 1981 at 1991, ang pagnanais na mamuhay nang mag-isa ay tumaas ng 43 porsiyento para sa mga taong walang asawa, 16 na porsiyento para sa mga diborsiyado, at 18 porsiyento para sa mga balo at sa mga biyudo. Sa yugto rin ng panahong ito, “ang pagsasama ng di-kasal ay . . . tumaas ng 111 porsiyento,” ayon sa Star. Ang 20 porsiyento ng mga pamilya ngayon sa Canada ay mga pamilya ng nagsosolong mga magulang. Sa kabila ng pagkaakit sa pamumuhay nang mag-isa, ang bilang ng ipinanganganak ay nasa pinakamataas na antas sa loob ng 14 na taon.